TAONG 2008. SA MABABANG PAARALAN NG Mapulang Lupa.
“Anak, puntahan mo na `yong mama mo,” sabi ni Mr. Almario. “Mauna na kayong umuwi’t may tatapusin pa `ko.”
Agad na tumakbo ang bata palabas ng silid-aralan at pumunta sa faculty room para hanapin ang ina. Mula sa pintuan ay natanaw niya agad ang magulang sa puwesto nito malapit sa bintana. “`Ma! `Ma!”
“Anak, `wag kang sumisigaw `pag nasa loob ng faculty,” pangaral ng kanyang mama. “`Di ba, ilang beses na kitang sinabihan na mag-behave `pag `andito ka?”
“Sorry po.”
“`Asa’n na `yong papa mo? `Di ba, sabi ko sunduin mo sa classroom?”
“Oo nga po. Sabi n’ya mauna ka na raw pong umuwi.”
“O, siya, sige. Mauna na `ko’t magluluto pa `ko ng hapunan. Balikan mo na `yong papa mo sa classroom. `Wag kang lalabas ng school nang `di mo s’ya kasama, ha? Behave ka lang.”
“Opo, `Ma.”
Tumakbo palabas ng faculty room ang bata at bumalik sa pinanggalingan kanina. Pagbalik niya sa classroom ng ama, wala na ito sa loob pero naroon ang bag, laptop at ilan pang mga gamit sa pagtuturo.
“`Pa!” sigaw niya. Umalingawngaw ang boses niya sa loob ng silid, bagay na nagpaalala ng pangaral sa kanya ng ina. Behave. “Sa’n nagpunta `yon?”
Lumabas siya ng silid-aralan at inisa-isa ang mga katabing classroom sa paghahanap sa kanyang ama. Wala siyang ibang nasisilip maliban sa mga bakanteng upuan, pisara at mga librong nakatabi sa lalagyanan nito sa likod ng silid. Lumipat siya sa ibang gusali at doon ipinagpatuloy ang paghahanap. Bigo pa rin siya.
Bumalik ang bata sa faculty room para doon naman hanapin ang magulang. Wala rin. Pati ang kanyang ina ay wala na rin sa puwesto nito. Nakauwi na. Gusto sana niyang ipagtanong sa ibang guro kung nakita nila ang kanyang papa, pero pinangunahan siya ng hiya. Sa halip na humingi ng tulong, lumabas na lang siya at naisip na bumalik sa classroom kung saan naroon ang mga gamit ng ama.
Papunta na siya roon nang maramdaman ang tawag ng kalikasan. Kumaliwa siya sa kanto saka kumanan sa likod ng gusali para pumunta sa banyo na lagi nilang ginagamit na mag-ama.
Nang malapit na siya roon, nakarinig siya ng mga hikbi galing sa loob. Sumilip siya. Wala namang tao. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa kamay at sa batok. May umiiyak na bata. Nilakasan niya ang loob at muling sumilip. Sisigaw na sana siya kung hindi lang nahagip ng kanyang mga mata ang anino sa isa sa mga cubicle.
May tao, sabi niya sa isip. Ba’t kaya siya umiiyak? Hindi siguro matae.
Pumasok siya sa loob at pumunta sa katabing cubicle kung saan naroon ang batang humihikbi. Habang umiihi ay iniisip niya kung kakausapin ba ang kasama sa banyo o hahayaan na lang ito. Sa huli ay nanaig ang kanyang kabaitan.
“Hello? Ayos ka lang?” tanong niya.
Hindi sumagot ang bata. Hindi na rin siya nagtanong uli. Baka nga nahihirapang tumae at nahihiyang ipaalam iyon sa iba. Nag-flush siya ng toilet, lumabas ng cubicle at naghugas ng kamay sa lababo. Tinanaw niya ang cubicle ng batang umiiyak bago tuluyang lumabas ng CR.