AYAW PA RING SUMUKO NI MAKHO. INABANGAN niya uli si Jhustin sa labas ng classroom nito noong uwian. Tulad ng inaasahan, binalewala siya nito at naglakad pababa ng gusali. Muli siyang bumuntot. Kating-kati na siyang magsalita para muling humingi ng tawad pero pinigilan niya ang sarili. Alam niyang hindi maririnig ng taong nagbibingi-bingihan ang kahit na anong salita.
Pagkalabas ng eskuwelahan, inunahan niya uli sa paglalakad si Jhustin. Humarang siya at huminto sa harap nito. Nagtitigan sila. Nagpakiramdaman. Walang nagsalita. Wala ring lumiko o umiwas.
Nilampasan sila ng ibang estudyanteng napapasulyap sa kanilang dalawa habang naglalakad. May mga bumubulong. Kumakapit sa tainga ang tunog ng letrang S tuwing may magbabanggit ng JhusKho sa mga nagdaraan. Hindi naman iyon pinansin nina Jhustin at Makho. Talagang nagpapatigasan sila, naghihintayan kung sino ang unang bibigay sa larong iyon.
Natalo si Makho. Hindi niya napigilan ang biglang pagkalam ng kanyang sikmura. Napatingin siya sa tiyan niya, gayundin si Jhustin. Saka niya sinabing, “`Di pa `ko kumakain.”
Umalis si Jhustin. Naglakad siya papunta sa bangketa kung saan nakahimpil ang mga nagtitinda ng fish ball, kikiam, kwek-kwek at ihaw-ihaw. Pero hindi siya huminto para bumili. Dumeretso pa siya lampas sa gate ng simbahan kung saan tumatambay ang nagtitinda ng iskrambol at nagpatuloy patungo sa paradahan ng mga tricycle.
Nagmukhang talunan si Makho. Habang tinatanaw ang kaibigang papalayo nang papalayo, kinausap niya ito sa kanyang isip: Bakit ba pinapahirapan mo `ko nang ganito? Hindi pa ba sapat ang hirap na dinanas ko noon? Ano ba’ng dapat kong gawin para kausapin mo `ko? Hanggang kailan mo ba `ko titiisin? Dahil lang ba sa cell phone, masisira na ang pinagsamahan natin?
Nagsimula siyang lumakad papunta sa bangketa kung saan nakapuwesto ang mga sidewalk vendor. Kahit nagugutom, nilampasan niya ang mga pagkaing tila tinatawag ng kanyang tiyan. Tiniis niya ang amoy ng bagong pritong squid balls na tinaktakan ng liquid seasoning, ng bagong hangong kwek-kwek na isinawsaw sa matamis at maasim na sawsawan, at ang usok mula sa mga iniihaw na betamax, adidas at barbecue.
Binilisan ni Makho ang lakad palayo sa nanunuksong mga pagkain. Tumuloy siya sa gate ng simbahan. Saktong kumalembang ang kampana—isa, dalawa, limang kalembang. Mula sa labas, sunod niyang narinig ang pagtugtog ng panimulang awit. Simula na ng huling misa. Dumeretso siya sa madilim na lagusan, hinintay makalabas ang kampanero saka palihim na pumasok sa pinto patungo sa tore ng kampana.
Malamig sa loob ng tore dahil sa hanging nagmumula sa hilaga. Nakadagdag iyon sa kalungkutang bumabalot sa kanya. Niyakap niya ang sarili habang umaakyat sa paikot na hagdanan. Pagdating sa tuktok, umupo siya sa dating puwesto at pinagmasdan ang abot-tanaw. Walang araw na bumati sa kanya pabalik, natakpan ng makapal na ulap. Lalo tuloy lumungkot ang pakiramdam niya.
Umihip ang simoy ng amihan na parang nananadya. Pinapalala pa nito ang lungkot na humuhukay sa kanyang dibdib. Habang nakaupo, inilapit ni Makho ang dalawang tuhod sa kanyang dibdib at niyakap ang mga binti. Nabawasan ang lamig na dulot ng amihan, pero hindi ang lamig ng kalungkutan.
“Balik sa dating gawi,” sabi niya sa sarili. “Mag-isa na naman ako dito.”
“Emo,” sabi ng pamilyar na boses. Si Jhustin. Yakap-yakap nito ang isang malaking paper bag. Kumapit sa hangin ang isang masarap na amoy. Pagkain. Pinirito. Langhap-sarap.
“Bro!” Biglang napatayo si Makho. Halos yakapin niya ang kaibigan kung hindi lang dahil sa bitbit nito. “`Di ka na galit sa `kin?”
“Dadalhan ba kita ng Chicken Joy na may extra rice kung galit pa din ako?”