noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 85

Ch. 84 / 85 Mar 03, 2022

TAONG 2012. ALAS-ONSE NG GABI. SA TAHANAN NG Pamilya Almario.

Papasok na si Jhustin sa kanyang kuwarto para matulog nang marinig niyang bumukas ang pinto sa kanilang sala sa ibaba ng bahay. Bumalik siya at sumilip sa hagdanan para tingnan kung sino ang dumating. Hindi niya maaninag mula sa kinatatayuan, pero nahulaan niya kung sino iyon nang marinig ang pag-uusap sa ibaba.

“Ba’t ngayon ka lang?” Malakas ang boses ng kanyang papa. “`Di ba, sabi ko sa `yo `wag kang aalis ng bahay?”

“May project nga po kami,” sagot ng kanyang kuya. Malakas din ang boses nito.

“Anong project? Ako ba’y pinaglololoko mo, ha? Tinawagan ko `yong kaklase mo kanina. Sabi, wala ka naman daw do’n sa kanila. Wala kayong project! Ako pa’ng lolokohin mong bata ka? `Yong totoo, sa’n ka nagpunta?”

“Ano ba’ng pake mo?”

Bumaba ng ilang baitang si Jhustin. Nakita na lang niyang hinablot ng ama ang braso ng kanyang kapatid at hinatak nang malakas. Napaupo ang kanyang kuya sa sofa. Nakita niya sa mukha ng kapatid na nasaktan ito dahil sa ginawa ng ama.

Agad na tumayo ang kuya niya, itinaas ang kamao at umakmang susuntukin ang magulang.

“Kuya, `wag!” sigaw ni Jhustin.

Tumigil ang kapatid niya at napatingin sa kanya. Napansin niya ang pamumula ng mga mata nito. Iyon ang huling nakita ni Jhustin bago sampalin ng ama ang kanyang kuya.

“`Pa!” bulalas niya.

Hindi siya narinig ng ama. Nagpatuloy ito sa paghampas ng kamay sa kahit saang bahagi ng katawan na maabot nito. Panay naman ang salag ng kapatid niya. Doon na siya napatakbo pababa ng hagdan para saklolohan ang kanyang kuya.

“`Pa! Tama na po!”

Sa galit ng ama ay hindi sinasadyang nabigwasan nito si Jhustin. Napaupo siya sa sahig at muntik nang tumama ang ulo sa pader kung hindi lang naagapan ng inang eksaktong-eksakto ang pagdating. Agad pala itong lumabas ng kuwarto at bumaba sa sala nang marinig ang sigaw ng anak.

“Valentin! Tumigil ka na!” sigaw ng mama niya. “Maawa ka sa anak mo!”

Hindi rin pinansin ng kanyang papa ang pagsusumamo ng asawa nito. “Sa susunod...” Hampas. “Kapag sinabi kong dito ka lang...” Palo. “Dito ka lang...” Sapak. “Lumalaki kang sutil...” Hambalos. “`Di mo na `ko iginalang...” Sampal. “Matuto kang gumalang sa `kin dahil akong—”

Natigilan ang ama niya sa pananakit sa kanyang kuya. Humihingal ito. Taas-baba ang balikat. Mayamaya pa, napatukod ang kanang kamay nito sa sofa at ang kaliwa naman ay napasapo sa dibdib. Bigla itong bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.

“Valentin!” sigaw ng kanyang ina.

Patay na ang kanilang ama nang dalhin nila ito sa ospital.