noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 51

Ch. 51 / 85 Mar 03, 2022

Hindi sana makikipagkita si Jhustin kay Makho sa eskuwelahan. Naunahan niya itong bumaba noong lunch break kaya hindi sila nagkasabay lumabas ng school. Balak din sana niyang unahan itong lumabas mamayang uwian. Pero nang mag-CR siya bago matapos ang huling klase, nagkataong pumasok din sa loob ang kanyang kaibigan.

“Uy, bro, `kala ko `di ka pumasok,” sabi ni Makho. “Nag-lunch ka ba kanina?”

“Oo,” sagot niya. Hindi pa rin siya makatingin nang matagal sa kaibigan. Sa salamin ng CR lang siya nakikipag-usap. “Maaga kasi kaming pinalabas kaya `di na kita nahintay.”

“Okay lang. Ano, tambay mamaya? Kay Rapunzel?”

“A...” Tatanggi sana si Jhustin, magdadahilan na marami pa siyang gagawin o may inuutos ang magulang, pero hindi niya nagawa. Parang hindi niya kayang magsinungaling kay Makho. Pero mas hindi niya kayang tumanggi dahil gusto niya talagang makita ito at makasama. “Sige, `takits sa dating tagpuan.”

“`Kala ko tatanggi ka.”

Pumunta sa urinal si Makho para umihi. Maging ang ginawang iyon ng kaibigan ay minarkahan niya sa isip. Hindi kasi siya gumagamit ng urinal. Hindi naman sa maselan siya o neat freak. Naiilang lang siya kapag may nakakakita sa kanyang umiihi. Mas gusto niyang pumasok sa cubicle at magparaos sa inodoro.

Bago pa matapos sa ginagawa ang kaibigan, lumabas na si Jhustin ng CR. Umakyat siya ng hagdanan at naglakad pabalik sa kanilang classroom. Nagulat na lang siya nang biglang may pumatong sa balikat niya. Umakbay si Makho.

“`Kadiri, basa pa `yang kamay mo,” sabi niya.

“`Buti nga naghugas ako, e,” sagot ng kanyang kaibigan. “`Eto, amuyin mo pa.” Itinapat ni Makho ang basang kamay sa ilong ni Jhustin.

“Bastos!”

Napaatras siya habang hinahawi palayo ang kamay ng kaibigan. Lalo naman iyong inilapit ni Makho sa kanyang mukha. Atras. Hawi. Lapit. Tulak. Iwas. Paulit-ulit sila sa kanilang paghaharutan sa kahabaan ng corridor. Nang magsawa sa pangungulit ay muli siyang inakbayan nito.

Nasa kasarapan sila ng pag-uusap habang naglalakad pabalik sa kanilang silid nang makasalubong nila si Russel, ang tutang nangumpiska ng cell phone ni Jhustin. Bago sila lampasan, nagkunwa-kunwarian itong naubo, sabay sabing, “JhusKho po!”

Nagpanting ang mga tainga ni Jhustin. Umakyat ang dugo sa kanyang ulo. Nagdilim ang kanyang paningin, at ang natitirang liwanag ay napatutok sa estudyanteng naglalakad palayo sa kanila. Hindi na niya napigilan ang sarili. Sinundan niya si Russel at binatukan ito. Sisipain pa sana niya ang tuta kung hindi lang yumakap sa kanya si Makho para pigilan siya.

Humarap sa kanila si Russel. Akmang gaganti ito nang biglang tumigil ang kanyang kamay sa ere. Ibinaba niya ang kamay at itinago sa likuran. “Good afternoon po, Ma’am.”

Si Mrs. Balaton, ang guro nila sa Home Economics at siyang prefect of discipline sa kanilang paaralan. “Boys, I saw what just happened. Mr. Almario, Mr. Dionisio, go to my office now.” Tumingin siya kay Makho. “Mr. Salvador, please return to your classroom immediately.”

Sa halip na sumunod sa utos sa kanya, lumapit si Makho kay Russel at binatukan ito sa ulo.

“Makho!” sabay na sigaw nina Jhustin at Mrs. Balaton.