noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 56

Ch. 56 / 85 Mar 03, 2022

TAONG 2008. SA MABABANG PAARALAN NG MAPULANG Lupa. Foundation Day.

Nakapila ang Grade 3 pupils sa damuhan para sa pagsisimula ng kanilang dance presentation. Lahat ng babae ay nakasuot ng dilaw na T-shirt, habang ang mga lalaki naman ay pula. Pare-pareho ang suot nilang puting shorts. Iba-iba naman ang kulay ng suot nilang tsinelas.

Dahil sa liit niya, nasa pinakaunahan ng pila si Makho. Doon siya sa pinakagitna nakapuwesto, sa tapat mismo ng entablado kung saan nakaupo ang principal at ang iba pang guro. Iniiwasan niyang tumingin nang deretso dahil nahihiya siya sa mga nanonood sa kanya.

Tumugtog ang “Giling-Giling” ni Willie Revillame sa nag-iisang speaker sa gilid ng stage. Sabay-sabay na nagsipaggiling ang mga mag-aaral ng ikatlong baitang. Si Makho naman ay panay rin ang pagkembot at paghataw habang nakatingin sa lupa. Kinabisa niya talaga ang sayaw para hindi na niya kailanganing tumingin sa teacher nilang sumasayaw rin sa harap para tularan ng ibang mag-aaral.

Nasa ikalawang chorus na ang sikat na novelty song nang mapansin ni Makho ang aninong tumabing sa lupang tinitingnan niya. Itinaas niya ang mukha para tingnan kung sino ang pumunta sa harap niya.

Si Mr. Almario.

Abot-tainga ang ngiti ng guro habang pinapanood siyang gumiling. Pumapalakpak pa ito kasabay ng bagsak ng musika. Pagdating sa pangatlong chorus, inilabas ng guro ang cell phone mula sa bulsa at sinimulang kunan ng video ang batang nagsasayaw sa tapat nito.

Biglang tumigil sa pagsasayaw si Makho. Yumuko siya at hinayaang bumagsak ang mga braso sa magkabilang gilid ng katawan.

“Makho,” sigaw ng gurong nagtuturo ng sayaw, “ba’t `di ka sumasayaw? Igiling-giling mo na.”

Wala siyang narinig. Wala na rin siyang makita. Unti-unting nagdilim ang kanyang paningin. Hindi na niya narinig o nakita ang mga guro at mag-aaral na pumalibot sa kanya nang mawalan siya ng malay at bumagsak sa damuhan.