NAALIMPUNGATAN SI JHUSTIN ILANG MINUTO makalipas ang alas-singko ng umaga. Hindi pa sumisikat ang araw pero bahagya nang kulay-bughaw ang labas ng bintana. Bumaling siya sa pagkakahiga para tingnan ang kaibigan sa kabilang kama. Nawala ang antok niya nang ang tumambad sa kanya ay ang natutulog na kapatid.
“Kuya?” sabi niya nang nakakunot ang noo. Hindi siya umasang maririnig ng kapatid, pero nagulat siya nang dumilat ito at tumingin sa kanya.
“Problema mo?” sagot ng kuya niya.
“`Kala ko ba `di ka uuwi?”
“Postponed `yong exam ko.”
“`Asa’n si Makho?”
“Ba’t sa `kin mo hinahanap?”
Napabangon bigla si Jhustin. Tumayo siya at dumeretso sa pintuan para hanapin sa sala ang kaibigan. Palabas na siya ng pinto nang pigilan siya ng kanyang kapatid.
“Umalis na kanina pa. Nakasalubong ko sa may gate, bitbit `yong bag.”
Lalong nalukot ang mukha ni Jhustin. Umalis? Nakasalubong? Bitbit ang bag? Binitawan niya ang doorknob at hinarap ang kanyang kuya. “Anong oras umalis? Pa’no mo nakasalubong? Hindi mo s’ya pinaalis sa kama mo?”
“OA mo.”
Natigilan si Jhustin, napaisip. Kung para sa kanyang kuya ay OA ang naging reaksiyon niya, para sa kanya ay sakto lang. Wala na si Makho. Ni hindi nito nakuhang magpaalam bago umalis. Malamang na ikagugulat niya iyon at ikasasama ng loob.
“Sigurado kang `di mo pinaalis kagabi?” tanong uli niya sa kapatid.
“Ba’t ko naman s’ya papaalisin? Kailan ko ba kinausap `yang kaibigan mo?”
“`Yon na nga ang problema, `di mo kinakausap si Makho. May galit ka ba sa kanya?”
“`Sus!” Umayos ng higa ang kuya niya. “Matutulog na `ko. Humanap ka ng kausap mo.”
Saka naalala ni Jhustin ang isa pang mahalagang bagay. “`Yong laptop ni Papa, iniwan ba ni Makho?”
“Malay ko sa `yo.”
“Wala kang kuwenta.”
Pumunta si Jhustin sa gilid ng kama ng kanyang kapatid. Tumalungko siya at sinilip sa ilalim ang computer ng magulang. Iginala niya ang tingin mula kaliwa pakanan at pabalik sa kaliwa. Wala roon. Tiningnan niya ang study table, wala rin doon. Kinuha niya ang kanyang bag sa gilid ng kama, binuksan iyon at nagbaka-sakaling doon inilagay ng kaibigan ang laptop. Wala.
Binalingan niya uli ang kapatid. “Nakita mo bang dala ni Makho `yong laptop?”
“Ewan ko,” sagot ng kuya niya. “Baka dala. Nasa bag siguro. Malay ko bang `pinahiram mo sa kanya `yong laptop. Lagot ka kay Mama `pag nakitang wala `yon sa drawer n’ya.”
“Buwisit. `Wag kang maingay kay Mama, kung hindi susumbong din kita. Sasabihin kong bagsak ka na naman sa course mo.”
Hindi sumagot ang kuya niya. Humarap ito sa dingding at natulog. Bumalik naman si Jhustin sa kanyang kama at kinuha ang cell phone sa ilalim ng unan. Walang text galing kay Makho. Tinawagan niya ang kaibigan.
Muli na naman niyang narinig ang ringback tone nitong “Babae Po Ako.” Hindi siya natuwa sa pagkakataong iyon. Nainis na siya. Hindi niya akalaing magagawa iyon ni Makho sa kanya. Aalis nang hindi nagpapaalam at kukunin pati ang laptop ng papa niya. Ano’ng problema ng taong `yon? Bakit bigla-bigla na lang umalis? Buwisit.
Hindi sinagot ni Makho ang cell phone nito. Tinawagan uli ni Jhustin. Ganoon din ang nangyari. Nag-ring lang nang nag-ring ang phone ng kanyang kaibigan pero hindi sinasagot. Nagpadala na lang siya ng isang text message.
San k? Bat k umalis? Dala m b ung lptp ni papa?
Sent.
Lumabas siya ng kuwarto at pumunta sa banyo para umihi at maghilamos. Pagkalabas, dumeretso siya sa pinto ng kuwarto ng kanyang mama. Dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob. Hindi ito natinag. Nakakandado sa loob.
`Asa’n na `yong laptop? bulong niya sa sarili.
Bumalik siya sa sariling kuwarto at kinuha ang cell phone para tingnan kung sumagot na ang kaibigan. Walang text. Pumunta siya sa aparador at kumuha ng damit. Hinubad niya ang suot na pang-itaas at pinalitan ng pulang T-shirt. Pinalitan din niya ang suot na basketball shorts ng itim na salawal na de-butones. Kinuha niya ang wallet sa kanyang bag at ibinulsa iyon. Isinuksok naman niya ang cell phone sa kabilang bulsa ng shorts.
“Pupunta ako sa bahay nina Makho,” sabi niya sa kanyang kuya, iniisip na gising pa rin ito at naririnig siya. “`Wag kang maingay kay Mama.”
Umalis si Jhustin nang hindi nasisiguro ang kooperasyon ng kanyang kapatid.