NANIGAS SI JHUSTIN SA KINAUUPUAN. HINDI NIYA agad nakilala ang bata sa video, pero kilalang-kilala niya ang boses ng nagbibidyo. Ang kanyang papa. Natandaan din niya ang CR kung saan kinunan ang napanood. Ginagamit niya iyon kapag pumupunta sa Mababang Paaralan ng Mapulang Lupa kung saan dating nagtatrabaho ang kanyang mga magulang.
Hindi siya makatingin kay Makho. Hindi rin naman nagsasalita ang kanyang kaibigan. Tila huminto ang oras nang mga sandaling iyon sa tore ng kampana. At ayaw niyang magpatuloy iyon. Ayaw niyang gumulong ang buhay at harapin ang katotohanang pilit na ipinakita sa kanya ni Makho.
Si Papa... Paano? Hindi `to totoo. Bakit? Ano ba `tong pinanood ko?
“Ayos ka lang?” tanong ng kaibigan niya.
Umiling si Jhustin. Pumikit. Ayaw pa rin niyang tingnan si Makho. Parang isang malaking kasalanan kapag tiningnan niya ito at hinusgahan. Dumilat siya at itinutok ang mga mata sa kulay-itim na screen ng laptop.
Kusang gumalaw ang kanyang kamay. Isinara niya ang media player at tumambad naman sa kanya ang window na naglalaman ng New Folder. Nakita niya ang iba pang files sa loob nito. Parang may humukay nang malalim sa kanyang puso at may bumara sa kanyang lalamunan. Nanlamig ang mga kamay niya dahil sa nakita.
May iba pa?
Dahil malakas ang hatak ng pang-uusisa, binuksan ni Jhustin ang isa pang file. Muling gumana ang media player. Isa, dalawa, tatlong segundo. Lumitaw na naman ang batang si Makho. Nasa banyo uli ang kanyang kaibigan. Narinig din niya ang boses ng ama. Ang sumunod niyang nakita ay nagbigay sa kanya ng matinding kilabot sa katawan.
May isa pang batang pumasok sa loob ng cubicle. Nakilala niya ang musmos pa niyang kapatid. Tumabi ito kay Makho sa utos ng kanyang ama. Maghuhubad na ito ng salawal nang marahas na tiniklop ni Jhustin ang laptop ng kanyang papa.
Pati si Kuya?
Pati si Kuya!
Naiintidihan ko na. Ang hindi niya pagpansin kay Makho. Ang paninigas niya tuwing tinatapatan ng camera. Alam ko na kung bakit gano’n ang naging reaksiyon ni Makho nang kunan ko siya ng video. Malinaw na ang lahat. Malinaw na malinaw.
Dahan-dahang inangat ni Jhustin ang kanyang mukha at pinagmasdan ang kaibigan. Sa mga sandaling iyon, alam niyang may nagbago. Iba na si Makho. Hindi na ito ang lalaking nakilala niya sa Fineski. Ang kaibigang nagdala sa kanya sa tore ng kampana. Ang taong nagbigay sa kanya ng bagong pananaw sa buhay. Ibang-iba na ito ngayon sa kanyang paningin.
“Kaya ba...” Piniling mabuti ni Jhustin ang mga salitang sasabihin sa kaibigan pagkatapos ng kanyang nasaksihan. “Kaya ba na-depress ka at huminto sa pag-aaral? Kaya ba nagtangka kang—”
Matipid ang pagtango ni Makho, pero sapat na iyon para makuha ni Jhustin ang hinahanap na sagot.
Wala sa sariling tumayo si Jhustin. Dumulas ang laptop sa kanyang hita at bumagsak sa sahig, pero hindi niya iyon pinansin. Hindi rin niya napansin ang kanyang kaibigan nang tumayo ito at nagtangkang alalayan siya.
Lumipad ang kanyang isip. Nasa nakaraan. Nasa panahong buhay pa ang ama at ipinapasyal silang magkapatid sa Sinagtala. Ang pagdalaw nila sa paaralang pinagtatrabahuhan nito. Ang pagpunta nila sa beach tuwing tag-init. Naalala niya ang mga panakaw na kuha ng litrato ng kanyang ama kapag magkakasama sila sa bahay. Ang mga biruan at tawanan nila kapag nasa mesa silang lahat.
Ang papa niyang mahilig tumawa, mapagmahal sa mga anak at asawa, mabait sa mga taong nakakasalamuha nito, madasalin, mapagbiro, malambing, malakas kumain kapag may sinangag, bihirang uminom at hindi naninigarilyo, mahusay magkumpuni ng mga sira sa bahay, matulungin sa mga nagigipit, hindi naniningil ng utang. Ang papa niyang napakahilig sa bata. Sa bata...
Sa isang iglap ay nagunaw ang magagandang alaala niya sa kanyang ama.
Hindi ko na alam. Hindi na kita kilala. Ano ang nangyayari? Bakit kailangang malaman ko pa ito? Bakit?
Wala sa loob na tinalikuran ni Jhustin si Makho at naglakad papunta sa arkong nakaharap sa kanluran. Bumungad ang ginintuang bukid sa malayo at ang matatabang ulap sa bughaw na kalangitan, pero hindi niya iyon nakita. Wala siyang nakikita. Wala. Nagpatuloy ang mababagal niyang hakbang. Deretso. Patungo sa kawalan.
Isa, dalawa, tatlong hakbang. Apat, lima, anim...
Sa pampitong hakbang ay naubos ang sementong tinatapakan ni Jhustin. Narating niya ang hangganan. Ang simula ng kawalan.