HINDI UMUWI NG BAHAY SI MAKHO. PAGKAGALING sa bahay ng kaibigan ay dumeretso siya sa plaza at nagpaikot-ikot sa liwasan. Pinanood niya ang mga nagtitinda ng balut, penoy at chicharon, gayundin ang mga tambay na patpatin ang pangangatawan, kulay-ginto ang buhok pero itim sa bandang anit, at nagpapasa-pasahan ng sigarilyo. May mangilan-ngilan ding galing sa inuman at nagpapahangin bago umuwi.
Hindi niya inakalang may buhay pala ang bayan ng Sinagtala kapag ganitong oras. Ang alam niya, tulog ang lahat ng tao at gumigising lang kapag malapit nang sumikat ang araw. Aalis sila ng bahay para magpunta sa palengke, sa simbahan o sa eskuwelahan. Ngayon lang niya nakita ang bahaging ito ng bayang kinalakhan.
Nang mangawit sa kakaikot sa parke ay nagtungo siya sa isang bangkong yari sa bakal. Nakalagay iyon malapit sa isang poste ng ilaw at nasisilungan ng isang mayabong na punong narra. Umupo siya at ipinatong ang backpack sa hita. Binuksan niya iyon at tiningnan ang laptop na nasa loob.
Ano na’ng gagawin ko? Siguradong magagalit si Jhustin kapag nalaman niyang umalis ako at dinala ang laptop. Pa’no ko ipaliliwanag sa kanya ang lahat? Ipapakita ko ba ang video o buburahin na lang? Burahin ko na lang siguro, saka ko isasauli `tong computer. Mag-iimbento na lang ako ng paliwanag. Dumating kasi `yong kuya mo. May emergency kasi sa bahay. `Yong nanay ko kasi, biglang tumawag.
Bahala na.
Inilabas niya ang laptop at pinagana iyon. Hindi siya makatingin nang deretso sa wallpaper nang lumitaw ito. Hindi niya makuhang makipagtitigan sa kaibigan kahit sa larawan lang.
Kinapa niya ang sensor at dinala ang cursor sa folder na nasa Desktop. Double tap. Scroll down. Binuksan niya ang New Folder at tinitigan ang laman nito. Tatlong video files. Lahat ay kinunan noong taong 2008. Isa noong Setyembre, isa noong Oktubre at ang panghuli ay noong Disyembre. Kahit halos isang dekada na ang lumipas, nakikita pa rin ni Makho sa isip ang laman ng video na parang kahapon lang iyon nangyari.
Binuksan niya ang pinakaunang file sa folder. Nagdilim ang screen nang gumana ang VLC media player. Nagsimula ang palabas. Isang segundo, dalawa, tatlo. Nagsimulang mangatog ang mga kalamnan niya, hindi dahil sa malamig na hangin kundi dahil sa nasa harapan niya. Tiniklop niya ang laptop at ipinatong ang dalawang nanginginig na kamay sa ibabaw nito. Hindi niya kayang panoorin. Hindi pa.
“Jhustin,” bulong niya. “Tulungan mo `ko.”
Nagulat si Makho nang biglang tumulo ang kanyang luha sa ibabaw ng kaliwang kamay. Agad niyang ipinahid iyon sa damit. Pinunasan din niya ang mga mata at huminga nang malalim para humugot ng lakas ng loob.
“Jhustin... sorry.”
Tumingala siya sa mga sanga at dahon ng punong narra. Bumuntonghininga. Nakatulong iyon para mapigilan ang pagbuhos ng kanyang luha, pero hindi para mapagaan ang kanyang damdamin.
Ibinaba niya ang ulo at tumingin nang deretso sa malayo. Naroon pa rin ang mga tambay na natanaw niya kanina habang naglilibot sa parke. Apat silang lahat. Nakatingin na ang mga ito sa kanya. Itinuro siya ng isa sa grupo. May ibinulong naman ang isa sa mga kasama nito, saka sila sabay-sabay na nagtawanan.
Napalitan ng pagkabahala ang lungkot na nadarama ni Makho. Itinago niya ang laptop sa bag nang hindi inaalis ang paningin sa mga tambay na nakatingin pa rin sa kanya. Niyakap niya ang backpack saka tumayo. Iginala niya ang tingin at naghanap ng ibang mapupuntahan. Kahit saan, basta makalayo lang sa puwestong iyon.
Naglakad siya palayo sa upuan. Naglakad din ang mga tambay papunta sa kanya. Binilisan at nilakihan niya ang mga hakbang. Bumilis din ang lakad ng mga tambay. Pumunta siya sa direksiyon ng mamang nagtitinda ng balut. Nakisilong siya sa malaki nitong payong na may iba’t ibang kulay. Nilingon niya ang mga sumusunod sa kanya at nakitang tumigil ang mga ito sa upuang pinanggalingan niya. Nakatingin pa rin ang apat sa kanya.
“Ilan, boy?” tanong ng tindero.
“Ah, `di po ako bibili,” sagot niya. “Patambay lang po saglit. May sumusunod po sa `kin, eh.”
“Naku, e, bawal tumambay sa puwesto ko. Malulugi ako niyan.”
“Saglit lang po, sir. `Yong mga tambay po kasi, nakatingin sa `kin.”
“`Wag dito, boy. Baka madamay pa `ko sa rambulan n’yo. Hala, sige, alis na. Mamalasin `tong paninda ko sa `yo.”
Binugaw ng tindero si Makho na parang langaw. Nang hindi siya umalis ay kinumpas-kumpas ng mama ang bimpo nito sa mukha niya. Napilitan siyang maglakad palayo sa tindahan ng balut. Nagsimula na namang bumuntot sa kanya ang mga tambay.
Lumakad siya papunta sa magkakatabing bangko. Umaasa siyang may mga guwardiya roong mahihingan ng tulong. Sumunod din ang mga tambay. Nang makarating sa tapat ng isang bangko, nakita niyang natutulog ang guwardiya nito. Lumipat siya sa katabing establisimyento. Tulog din ang guwardiya.
“`T***na,” sabi ni Makho sa sarili.
Binilisan niya ang lakad. Tumawid siya sa kabilang bahagi ng kalsada papunta sa rebulto ng pambansang bayani. Pagkalingon, nakita niyang tumatawid na rin ang mga tambay. Nilakihan niya ang mga hakbang. Iniwasan niyang tumakbo. Baka kapag ginawa niya iyon ay habulin siya ng mga lalaking nakabuntot sa kanya. Hindi siya mananalo sa takbuhan dahil sa bigat ng kanyang dala.
Nilampasan niya si Jose Rizal. Kumanan siya sa kanto papunta sa paradahan ng tricycle. May mangilan-ngilan nang nakapila roon, pero gaya ng mga guwardiya sa bangko, natutulog din ang mga driver nito.
Nilingon niya ang mga sumusunod sa kanya. Humigit-kumulang pitong metro na lang ang layo sa kanya. Pinuntahan niya ang isang tsuper ng tricycle. Sinubukan niyang gisingin ito.
“Kuya, biyahe na kayo?” tanong ni Makho habang binabantayan sa gilid ng mga mata ang mga tambay. “Kuya...”
Hindi natinag sa pagkakahiga ang driver sa loob ng sasakyan nito.
“Kuya?”
Tatapikin na sana ni Makho ang tsuper nang mapansin niyang tumakbo ang mga tambay papunta sa kanya. Napatakbo na rin siya habang yakap-yakap ang backpack na nakasabit sa kanyang harapan.
Tumakbo siya nang tumakbo nang hindi nililingon ang mga humahabol sa kanya. Naririnig niya ang mga yapak sa kanyang likuran, at gamit iyon ay tinatantiya niya kung gaano na kalapit ang mga ito sa kanya. Kaunti na lang at maabutan na siya ng mga tambay.
Tiniis niya ang hingal. Tiniis niya ang unti-unting paninikip ng kanyang dibdib. Habang tumatakbo ay naiisip niya si Jhustin. Naisip niya ang mukha nito, ang ngiti, ang halakhak. Hindi niya alam kung bakit ito ang tumatakbo sa kanyang isip sa oras ng panganib. Ang kaibigang tinakasan at ninakawan niya ng gamit. Ang kaibigang walang kaalam-alam sa pinagdaanan niya noon at sa pinagdaraanan niya ngayon.
“Jhustin...”
Biglang kumalembang ang kampana. Napatingin si Makho sa pinanggalingan ng pamilyar na tunog, sa simbahan, sa tambayan nila ng kanyang kaibigan. Nabuhayan siya ng dugo. Bahagyang lumuwag ang kanyang dibdib at nagkaroon siya ng dagdag na lakas dahil sa narinig.
Binilisan pa niya ang takbo gamit ang natitirang lakas. Sinalubong niya ang malamig na hanging humahampas sa kanyang mukha. Hindi niya inalis ang tingin sa tore ng kampana. Ang kanyang payapang batisan. Ang lugar kung saan niya binalak noon na magpakamatay.