noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 60

Ch. 60 / 85 Mar 03, 2022

GUSTONG-GUSTO NI JHUSTIN NA YAKAPIN ANG kaibigan, pero hindi niya ginawa. Nakontento na lamang siya sa pagsagot sa ngiti nito ng isa ring ngiti. Umasa siyang naipadala na niyon ang kanyang pakikiramay, pagpapatawad at maging ang paghanga dahil sa tindi ng pinagdaanan nito noon.

Isang tanong lang ang tumatakbo sa isip ni Jhustin habang nakikinig sa kuwento ng kaibigan: Ano ba talaga ang nangyari sa iyo noong bata ka pa at nagtangka kang tumalon mula sa tore?

Hindi naman niya magawang tanungin si Makho. Iginagalang niya ang personal nitong buhay. Wala siyang karapatang manghimasok dito kahit pa sabihing siya ang pinakamalapit nitong kaibigan. Malaking bagay na ang ginawang paglalahad nito sa kanya. Pinapasok na siya ni Makho sa buhay nito, at sapat na iyon sa ngayon.

Papasukin ko na rin kaya siya sa buhay ko?

“Tara na?” sabi ni Makho. “Baka mapagsarhan tayo ng pinto sa `baba. Ayokong makulong dito kasama ang mga paniki.”

Kasama mo naman ako, sabi ni Jhustin sa isip. “Tara.”

Mabuti na lang at nagyaya nang umuwi ang kaibigan niya. Natutukso na rin kasi siyang magsabi ng lihim dito. Ang lihim niyang pagtingin. Nakontento na lang si Jhustin sa pagsasabi nito sa kanyang isip habang bumababa sa tore ng kampana.

Magagalit ka ba sa `kin kapag sinabi ko sa `yong gusto kita? Iiwasan mo ba ako? Pandidirihan? Pagtatawanan? Natatakot akong masira ang pagkakaibigan natin. Mahalaga sa `kin ang pagkakaibigan na `to. Ayokong masayang. Ayokong mawala. Ikaw ang una kong kaibigan... matalik na kaibigan.

Noong una pa lang kitang makita sa Fineski, alam kong iba ka. Iba ka sa lahat ng taong nakilala ko. Kaya tuwang-tuwa ako nang ma-late sa school at makita kita uli. Masaya ako dahil madali tayong nagkapalagayan ng loob. Hindi ka naman kasi mahirap kausapin. Hindi ka mahirap pakisamahan. Ang gaan-gaan ng loob ko sa `yo.

Hindi ko pa maipaliwanag noon kung bakit hindi ka maalis sa isip ko. Oo, inaamin ko, lagi kitang iniisip. Kahit ngayon. Hanggang ngayon. Hindi ko kayang magalit sa `yo nang matagal. Hirap na hirap akong hindi ka pansinin. Parang may nanununtok sa dibdib ko. Hindi pala kita kayang tiisin. Kaya natutuwa ako dahil sa ginawa mo kanina.

Sobra.

Kaya kahit papaano, masaya na in ako dahil nasira mo ang phone ko. Kung hindi mo ginawa ang ginawa mo, hindi masusubok ang pagkakaibigan natin. Hindi ko malalamang tunay ka. Na mabait ka, mapagpakumbaba at, higit sa lahat, sanay tumanggap ng pagkakamali. Gagawin mo talaga ang lahat para lang mapatawad kita at para makabawi sa akin. Lalo tuloy kitang nagustuhan.

Dahil din sa nasira kong phone, nandito tayo ngayon, magkasama uli. Magkasama pa rin. `Buti na lang at nagmatigas ako nang kaunti kanina. Napakuwento ka tuloy ng buhay mo. Salamat. Na-appreciate ko ang pag-open up mo sa akin. Malaking bagay iyon. Sana sa mga susunod na araw, maikuwento mo na sa akin kung ano man ang dinadala mo. Kung ano man ang sanhi ng depression mo. Alam mo namang `andito lang ako.

Dadamayan kita. Tutulungan kitang malampasan ang pinagdaraanan mo. Pero naiintindihan ko naman kung hindi ka pa handa. Ako din naman, hindi pa handa. Hindi ko pa kayang sabihin ang lahat ng ito sa `yo. Masaya naman ako sa ganito. Mahirap, oo, pero masaya. At natatakot akong mawala ang sayang nararamdaman ko ngayon kapag sinabi ko sa `yo ang katotohanan...

Gusto kita, Makho. Sana gusto mo rin ako.