noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 78

Ch. 78 / 85 Mar 03, 2022

UMUPO ANG MAGKAIBIGAN SA ILALIM NG KAMPANA. Nasa likod ni Makho ang arkong nakaharap sa silangan at sinasangga ang mga silahis ng araw. Nasa likod naman ni Jhustin ang arkong nakaharap sa kanluran.

“Akala ko kasi magpapakamatay ka,” sabi ni Jhustin habang hinihimas ang batok.

Napangiti si Makho. “Ba’t naman ako magpapakamatay?”

“Muntik-muntikanan ka na kasi dati, `di ba? Akala ko may nag-trigger sa `yo na gawin uli `yon.”

Ngiti lang ang isinagot ng kaibigan niya. Lalo namang nakaramdam ng hiya para sa sarili si Jhustin.

“Bro.” Sumeryoso ang mukha ni Makho. “Totoo ba `yong sinabi mo?”

Napayuko si Jhustin. “Ha?”

Inilapit ni Makho ang kanyang mukha sa mukha ng kasama. “Bro...”

“Oo na!” Sinigawan ni Jhustin ang sahig. “`Wag mo nang ipaulit sa `kin!”

“Ba’t ka nagagalit?”

Muling itinaas ni Jhustin ang mukha at hinarap ang kaibigan. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. “Basta-basta ka na lang kasing nawawala! Akala ko kung ano na’ng nangyari sa `yo. Hindi ka man lang nagpaalam. Ano ba’ng problema mo?”

Si Makho naman ang napayuko, hindi alam kung paano sasagutin ang kaibigan. Sa halip na tumugon ay tumayo siya at kinuha ang kanyang bag na nakasandal sa pader. Bumalik siya sa puwesto at muling umupo sa harap ni Jhustin.

“Sinadya ko ang lahat,” sabi ni Makho.

Kumunot ang noo ni Jhustin. “Ano?”

“Sinadya ko lahat. `Yong pagkikita natin sa Fineski, `yong pag-iwan ko ng Facebook na nakabukas, `yong pakikipagkaibigan ko sa `yo, sinadya kong lahat `yon. Ginawa ko `yon para makuha lang `to.” Nanginginig ang mga kamay ni Makho nang kunin at ilabas niya ang laptop sa kanyang bag.

Pinigilan ni Jhustin ang magtanong o magsalita. Hinayaan niya ang kaibigan.

“Ang tagal kong hinanap ito. Tuwing pumupunta ako sa inyo, ito talaga ang puntirya ko. Kagabi, nakita ko na sa wakas `yong hinahanap ko.” Napapikit siya nang matagal bago muling nagsalita. “Bro, sorry, pero hindi mo magugustuhan `tong ipapakita ko sa `yo. `Di ko rin sure kung handa na `kong makita `to uli. Gusto ko na talaga `tong burahin. Sirain. Kalimutan na lang. Pero ayokong ipagkait sa `yo ang katotohanan.”

Napalunok ng laway si Jhustin. Pinipigilan pa rin niyang magtanong sa kaibigan.

“Bro, hindi ko alam kung masasabi mo pa rin sa `kin `yong sinabi mo kanina kapag napanood mo `to. Pero kahit ano pa’ng maging reaksiyon mo, gusto ko lang malaman mong—”

“Ipakita mo na!” sigaw ni Jhustin. Kahit siya ay nagulat sa paglakas ng boses.

Pinanood niya si Makho habang binubuksan nito ang laptop. Natatakpan ang monitor ng mga kamay nito, pero alam niyang inihahanda ng kaibigan kung ano man ang gusto nitong ipakita sa kanya.

Double tap.

Hinarap sa kanya ni Makho ang computer. Nakita ni Jhustin ang nakabukas na VLC media player. Gumulong ang orasan nito—isa, dalawa, tatlong segundo. Nagsimula ang palabas.