NANG MAKAPASOK SA SIMBAHAN AY BIGLANG tumigil sa pagsunod kay Makho ang mga tambay. Parang mga demonyong lumayo ito sa pook-dalanginan.
Kahit nakaligtas sa kapahamakan, hindi pa rin siya nagpakakampante. Naghanap siya ng pansamantalang mapagtataguan habang hinihintay na sumikat ang araw at dumami ang tao sa labas. Unang pumasok sa kanyang isip ang tore ng kampana.
Pumunta si Makho sa madilim na lagusan at eksaktong nakita niya ang paglabas ng kampanero. Kasabay nito, narinig niya ang pagsisimula ng unang misa sa araw na iyon. Palihim siyang pumasok sa pintong nilabasan ng mama. Tumawid siya sa balkonahe at sinadya ang isa pang pinto sa kabilang dulo. Pagkapasok, tumalungko siya at kinapa roon ang mga nakaukit na pangalan.
J
M A K H O
U
S
T
I
N
Nanumbalik ang kirot sa kanyang dibdib.
Tumayo siya at nagmadaling umakyat sa paikot na hagdanan. Mamasa-masa ang paligid dahil sa hamog, at lalo nitong pinatindi ang amoy ng mga dumi ng paniki. Binilisan niya ang pag-akyat habang pinipigilang huminga.
Pagdating sa tuktok, sumambulat sa kanya ang isang nakakasilaw na tanawin. Yakap-yakap pa rin ang backpack, lumakad siya palapit sa arkong nakaharap sa silangan. Tuluyan na siyang nabighani sa ganda ng sumisikat na araw mula sa likod ng bulubundukin ng Sierra Madre.
“Ang ganda,” sabi ni Makho sa sarili. Ibinaba niya ang bag na nakasukbit sa kanyang harapan at isinandal iyon sa pader sa pagitan ng mga arko. Saka siya muling humarap sa araw, pumikit at itinaas ang mga kamay. I’m the king of the world!
Nanatili siya sa ganoong posisyon at dinama ang init ng araw. Ninamnam niya nang husto ang pagsapit ng bagong umaga. Sa mga sandaling iyon, nabuo ang kanyang pasya. Sasabihin na niya ang totoo kay Jhustin. Ang lahat-lahat. Ang masakit na katotohanan tungkol sa kanyang nakaraan.
Nasa rurok si Makho ng bagong kamalayan nang biglang may yumakap sa kanya mula sa likuran at hinatak siya palayo sa arkong nakaharap sa silangan. Bumagsak siya kasama ng taong nakakapit sa kanya.
Hindi na niya kinailangang lingunin kung sino iyo. Nakilala niya ang humihingal na boses ng kaibigan.
“Mahal na mahal kita. Mahal na mahal kita.”