TINULUNGAN NI JHUSTIN ANG KANYANG INA NA magluto ng ulam nila: sinigang na bangus sa santol at pritong pork chop. Nang matapos magsaing ay agad din silang naghain. Magkatapat silang umupo sa bilog na mesa.
Habang kumukuha ng kanin, iniisip ni Jhustin kung paano muling makukuha ang laptop sa kuwarto ng mga magulang sa darating na Sabado. Noong una ay madali niyang naisauli sa drawer ang computer ng kanyang papa dahil iniwan ng ina ang susi sa purse nito. Pinag-iisipan niyang hingan uli ng tulong ang kanyang kuya para palihim na makuha ang susi at ang laptop.
“`Di nga pala uuwi `yong kuya mo sa Biyernes,” sabi ng mama niya. “May exam daw sila sa Sabado. Baka Linggo na ng umaga umuwi `yon.”
Patay, sabi ni Jhustin sa isip. “A, okay. Walang mambubuwisit sa `kin.”
Natawa ang mama niya.
Habang kumakain ay nagtatalo ang isip ni Jhustin kung siya na lang ba ang susubok na kumuha ng susi o kung tatapatin na lang niya ang ina at hihiramin dito ang computer. Iba na lang ang idadahilan niya. Hindi niya babanggitin si Makho. Sasabihin niyang kakailanganin ang laptop dahil maraming pinapagawang final papers sa school.
Patapos na siyang kumain nang maisip ang isang paraang mas pabor sa kanya. Sa tuwa niya, siya na ang nagprisintang mag-urong ng kanilang pinagkainan. Ikinatuwa naman iyon ng kanyang mama. Ang hindi nito alam, kasama iyon sa plano ni Jhustin.
Nang matapos siya sa paghuhugas ng mga pinggan, baso at kubyertos, agad siyang pumunta sa kuwarto ng ina. Nakabukas ang pinto nito at nakita niyang nagbabasa ng mga report galing sa trabaho ang kanyang magulang.
“`Ma, busy ka?” tanong ni Jhustin pagkatapos kumatok sa pinto.
Tumingin sa kanya ang ina bago nagsalita. “`Di naman. Tsine-check ko lang kung kumpleto `yong report ko. Ano `yon?”
“Puwede bang mag-overnight dito si Makho sa Friday? `Ala naman si Kuya. Lalamayin lang namin `yong mga requirement para sa clearance.”
“Sige lang. Basta ba walang mawawalang gamit `yong kuya mo. Alam mo naman `yon, OC sa mga gamit n’ya.”
“`Di naman magnanakaw si Makho.” Napataas ang boses ni Jhustin. Kahit siya ay nagulat sa sarili.
“`Di ko naman sinabing nanakawin ni Makho,” paliwanag ng kanyang mama. Kalmado pa rin ang pananalita nito. “Baka lang may ma-misplace o may gamitin kayo’t `di agad maisauli sa lagayan. Mapapansin agad ng kuya mo `yon. Baka mag-away na naman kayo.”
Napahiya si Jhustin. Halos pabulong siyang sumagot. “A, okay. Thanks, `Ma.”