noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 68

Ch. 68 / 85 Mar 03, 2022

SHORTENED PERIOD ULI. MAAGANG PINALABAS ang mga estudyante ng Holy Spirit dahil sa deliberation ng mga guro para sa nalalapit na pagtatapos ng klase. Pumabor naman iyon lalo sa tambalang JhusKho.

“Sa `min ka na kumain, ha?” sabi ni Jhustin bago humiwalay kay Makho.

“Sige, bro,” sagot nito. “Kuha lang ako ng mga gamit sa bahay.”

Pagkauwi sa bahay ay agad na tumungo sa kusina si Jhustin. Inilabas niya sa ref ang mga lulutuing pagkain para sa kanilang hapunan. Habang pinapatunaw ang nagyeyelong karne ng baboy, kinuha niya ang rice cooker, hinugasan ang bigas at saka nagsaing. Umakyat lang siya saglit para magpalit ng pambahay.

Pasado alas-singko dumating ang kanyang mama. Patapos na siya sa pagluluto ng sinigang na baboy, ilalagay na lang ang kangkong at sili. Pinirito na rin niya ang galunggong na ipampapareha sa sinigang.

“Anak, `and’yan na ba si Makho?” tanong ng kanyang ina.

“Papunta na, `Ma,” sagot ni Jhustin. “`Ma, ikaw na lang ang mag-urong mamaya, ha? Marami kasi kaming tatapusin ni Makho.”

“Sige, anak. Asikasuhin mo na `yang niluluto mo. Sarapan mo, ha?”

Alas-sais kinse lumitaw sa gate nina Jhustin si Makho. May dala itong Jansport bag na iba sa ginagamit na pamasok sa school. Pinagbuksan niya ang kaibigan at doon na sa kusina pinatuloy.

“Sa’n outing mo?” tanong ni Jhustin.

“D’yan lang sa Pansol.”

Natawa sila pareho. Ang dami kasing laman ng bag ni Makho. Bukod sa mga papel, kuwaderno at aklat, may dala rin itong sando, T-shirt, salawal, briefs, tuwalya at purse na naglalaman ng toiletries.

Nasa kasarapan sila ng tawanan nang bumaba ang mama ni Jhustin. “Sabi ko na nga ba’t boses mo `yong narinig ko,” nakangiting sabi nito.

“Mano po,” sabi ni Makho.

“`Sakto ang dating mo. Kumain na tayo’t baka lumamig `yong ulam.”

Inihanda ni Jhustin ang mesa at sinaway ang kaibigan nang magtangka itong tulungan siya. Hindi naman ito tumigil sa pagtulong kahit pa pinagbawalan. Nangingiti ang kanyang mama habang pinapanood silang magtalo.

Sinunod ni Makho ang mungkahi ni Jhustin sa text kanina. Habang kumakain, magsasalita lang ito kapag kinausap. Matitipid lang din ang sagot, walang masyadong palabok. Si Jhustin ang bumabangka at nagkukuwento ng kung ano-ano, madalas ay tungkol sa mga ginagawa nila sa eskuwelahan.

Naunang natapos sa pagkain si Makho. Tumayo ito at dinala ang pinagkainan sa lababo. Tulad ng pinlano nilang magkaibigan, binuksan nito ang gripo at nagkunwaring huhugasan ang hawak na plato.

“`Oy, Makho, ako na d’yan,” sabi ng mama ni Jhustin. “Pumasok ka na sa loob at gawin n’yo na kung ano man `yong gagawin n’yo.”

“A, sige po, salamat po. Ang sarap nga po pala ng luto n’yo.”

“Anak ko’ng nagluto n’yan. Puwede nang mag-asawa, `no?”

Palihim na napangiti si Jhustin. Wala kasi sa plano ang pagpuri ni Makho sa kanilang hapunan. Dinedma na lang niya ang puna ng magulang. Tumayo na rin siya at dinala ang pinagkainan sa lababo. Pagkatapos ay sabay silang umakyat ng kaibigan sa itaas ng bahay.

Bago pa makatapos sa pagkain ang ina, sinenyasan na niya si Makho na gawin ang kanilang napag-usapan. Dumeretso si Jhustin sa kuwarto ng kanyang mama habang nakabantay naman sa hagdanan ang kaibigan niya. Hinanap niya ang purse ng magulang at nakita iyon sa ibabaw ng tokador. Pagkabukas, walang susi sa loob. Hinalungkat pa rin niya iyon kahit nakita na ngang wala.

“Bro!” sigaw ni Makho. “Pahiram ng notebook!”

Red alert. Dali-daling ibinalik ni Jhustin ang purse sa tokador at mabilis na lumabas ng kuwarto. “Kunin mo na lang d’yan sa bag ko.”

Nagkaintindihan na sila. Magkasunod silang pumasok sa kanilang kuwarto at iniwang nakabukas ang pinto. Tiningnan ni Jhustin sa gilid ng mga mata ang kanyang ina. Pumasok ito sa sariling kuwarto. Ilang saglit lang ay lumabas din ito. Hindi na nalaman ni Jhustin kung ano ang ginawa ng ina sa silid nito.

Nang marinig niyang bumaba ang kanyang mama, agad siyang lumabas ng kuwarto. Sumunod si Makho at bumalik sa itaas ng hagdanan para magbantay. Siya naman ay bumalik din sa silid ng magulang at ipinagpatuloy ang paghahanap sa susi.

Inisa-isa niya ang mga drawer na hindi nakakandado. Wala. Kinapa niya ang ilalim ng mga unan. Wala rin. Maingat niyang iniangat ang mga papel sa ibabaw ng study table ng magulang. Wala pa rin. Kinuha niya ang isa pang bag na pamasok ng mama niya at doon hinanap ang susi. Binuksan niya at hinalungkat sa loob, wala talaga.

“Bro! Anong oras tayo matutulog?” sabi ni Makho, na ang tinatanong talaga ay kung gaano pa katagal bago niya makuha ang laptop.

“Mamaya pa,” sagot ni Jhustin, na ang ibig ipahiwatig ay matagal-tagal pa bago niya mahanap ang susi.

Nakailang ikot na si Jhustin sa loob ng kuwarto ng ina, ingat na ingat na may gamit na mabago ang puwesto o may mahulog at lumikha ng ingay. Nang maubusan ng ideya kung saan itinago ng ina ang susi, saka niya naisipan na balikan ang purse na nakalagay sa tokador.

Dahan-dahan niyang binuksan ang zipper. Sa isip ay bumubulong siya ng dasal na sana ay magkamilagro at makita roon ang hinahanap. Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata nang tuluyang mabuksan ang purse. Milagro nga. Naroon na bigla ang susi.

Dali-dali niyang kinuha iyon at isinuksok sa nakakandadong drawer sa gilid ng kama. Pagkapihit, hinatak niya ang lalagyanan at muling nakita ang laptop ng ama. Inilabas niya ang computer, ipinatong sa kama saka muling ikinandado ang drawer. Isinauli niya ang susi sa purse ng ina bago binalikan ang computer.

Pagkalabas ng kuwarto, sinutsutan niya si Makho. Pumasok siya sa sariling silid at hinintay na makapasok ang kaibigan bago isara at ikandado ang pinto.

“Mission accomplished,” sabi ni Jhustin.

Hindi pa, bulong ni Makho sa isip. Nagsisimula pa lang ang kanyang misyon sa gabing iyon.