“Oh, himala. Ang aga mo, kanina ka pa?” tanong ni Jin nang makita si Mel sa may tindahan na pagmamay-ari ng tita nito. Usapan kasi nilang magkikita-kita silang tatlo nina Adolph para sabay-sabay na magpapasukat ng damit na susuutin sa kasal ng huli. Sa mga ganitong kaaga na usapan, madalas ay siya ang pinakamaagang dumarating at pinakahuli naman si Mel. Kaya hindi siya sanay na makitang mas maaga sa kanyang dumarating ang kaibigan. Medyo late na nga siya nakaalis sa bahay dahil may inutos pa sa kanya ang Lola Cita niya.
“Yep, bad trip sa bahay eh. Ang aga-aga, may gyera na naman sina ermat at erpat kaya umalis na lang ako kaysa mag-almusal ako ng mga bunganga nilang dalawa,” sagot ni Mel habang ang tingin ay nasa hawak na komiks.
Nabakasan ni Jin sa boses ni Mel ang lungkot. Sa kanilang apat na magkakaibigan nina Mel, Harris at Adolp… Si Mel ang panagalawa sa may pinakamaganda at magaan na pamumuhay. Parehas kasing may trabaho ang mga magulang nito. Kaya lang hindi ito kagaya ng pamilya ni Harris na tahimik at masaya, magulo ang kay Mel. Lulong sa bisyo at sugal ang mga magulang nito lalo na ang Daddy nito na ilang beses nang nahulihan ng ipinagbabawal na gamot. Nakakalaya lang ito sa bilangguan dahil sa perang isinusuhol sa mga pulis. “Nasaan na si Adolph?” kunwa’y pagbabago na lang niya sa usapan.
Nagkibit-balikat naman si Mel bago inilipat ang pahina ng binabasa na komiks. Isa sa mga libangan niya ang pagbabasa ng komiks na linggo-linggong dumarating sa tindahan ng Tita niya. “Tanong ko nga rin ‘yan. Sabi niya maaga raw ang kitaan para maaga matapos, siya naman itong wala.”
“Ang aga na nga nating naghiwa-hiwalay kagabi pagkatapos kumain sa may ihawan ni Aling Irma dahil akala ko maaga siya matutulog,” nagtataka pa ring sabi ni Jin. Kilala niya si Adolph, inis ito sa mga late kaya bibihira itong ma-late sa mga lakad nila.
“Ah alam ko na! Dumaan pa ‘yon kayna Grace kaya sigurado ako na napagod ‘yon ng malupet!” bulalas ni Mel sa biglang naalala na paalam ni Adolph kagabi.
“Minanyak na naman no’n si Grace, si Adolph talaga… Malapit naman na silang ikasal, hindi pa siya maghintay na lang saglit,” natatawang sabi na lang ni Jin na umupo na sa may bangkong katapat ni Mel. Alam niya ang totoong dahilan ng panliligaw at pagpapakasal ni Adolph kay Grace. Kilala niya si ang kaibigan kaya alam niyang hindi ang tipo ni Grace ang sineseryoso nito.
“Si Rose ‘yon ‘di ba?”
Napalingon na rin si Jin sa inginunguso ni Mel sa may likuran niya. At muling naningkit lalo ang singkitin niyang mga mata nang makita ang paparating na si Rose na tila kumkislap sa liwanag ng sikat ng araw ang maputi nitong balat. Nakasuot kasi ito ng maiksing palda, tsinelas at maluwag na tshirt na kung hindi siya nagkakamali ay cropped top ang tawag. Lumalabas tuloy ang pusod nitong paminsa-minsan ay natatakpan ng kamerang nakasabit ang strap sa may leeg nito.
“Good morning guys. Bakit parang kulang kayo?” tanong ni Rose nang makalapit sa dalawa. Dumiretso na ito ng upo sa may bangko sa tabi ni Mel.
Isinarado na ni Mel ang hawak na komiks kasunod ang pagguhit ng malaking ngiti sa mga labi. “Oo, wala pa si Adolph eh. Late na nga siya sa usapan namin kasi pupunta kami sa patahian dapat ngayon para sa mga damit na gagamitin namin sa kasal niya. Mukhang napagod kagabi kasi dumaan pa siya kayna Grace pagkatapos nating magdinner sa ihawan.”
“I see. Oo nga pala guys, paano pumunta sa may ilog mabato? Sabi kasi nina Tatay Poncio, maganda raw kumuha ng mga litrato do’n.” Bago umalis ng bahay sina Tatay Poncio ay nagtanong na si Rose sa mga ito ng pwedeng puntahan para makuhanan ng magagandang litrato. At ang ilog mabato ang kauna-unahang sinuhestyon sa kanya.
“Ah, malapit lang ‘yon. Gusto mo samahan kita?” alok ni Mel.
“Uhmm, pwede ba? Hindi ba ako makakaabala sa inyo? Saka ‘di ba may lakad kayo nina Adolph?” muling tanong ni Rose.
“Mukha namang hindi na darating ‘yon si Adolph, baka nga naglalaway pa ‘yon sa higaan niya hanggang ngayon,” muling
“Well, sounds great! So, masasamahan ninyo ako?” muling tanong ni Rose.
“Ako masasamahan kita, pero si Jin… Ang alam ko may lakad pa siya. ‘Di ba Jin?” baling ni Mel kay Jin habang pasimpleng pinanlalakihan ng mga mata ang kaibigan.
Kaagad namang nakuha ni Jin ang nais iparating ni Mel. “Actually yes, may pupuntahan pa talaga ako. Kaya kayo na lang ang pumunta sa ilog mabato.”
“Sayang naman. Pero sige, okay lang,” sabi ni Rose.
“Don’t worry Rose, safe na safe ka sa akin at mabubusog ka sa kakatawa. Tara, na para hindi tayo masyado abutan ng tanghaling tapat sa pagbaba sa ilog,” sabi ni Mel. “Una na muna kami Jin, kapag dumating si Adolph. Pakisabi na lang na sinamahan ko si Rose.” Idiniin pa niya ang huling apat na salitang sinabi. Gusto niya kasing asarin si Adolph.
“Okay.” Kibit balikat na sagot ni Jin bago inihatid ng tanaw ang dalawa. Pero bago makalampas sa kinauupuan niya si Rose ay napansin niya ang kakaibang ngiti sa mga labi nito. Ngiti na parang may kung anong pinaplano. Ngiti nga ba iyon o parang nakangisi ito habang may kakaibang tingin sa kaibigan niya?
****
“Ang ganda talaga dito!” manghang sabi ni Rose nang matapos kuhanan ng mga litrato ang paligid ng ilog mabato. Malinis ang tubig ng ilog kaya kita niya ang mga naglalangoy na maliliit na isda doon, malakas din ang alon at malamig ang simoy ng hangin. Napakaaliwalas sa pakiramdam ng paligid.
“Sinabi mo pa. Sobrang ganda talaga,” sagot ni Mel na nakaupo sa batuhan bago bumaling ang tingin kay Rose na nakasilip ang isang mata sa viewfinder ng kamerang hawak. “Parang ikaw.”
Ibinaba naman ni Rose ang kamera bago nakangiting tumingin kay Mel. Naglakad na siya palapit dito at umupo sa tabi nito. “Alam mo, pare-pareho talaga kayong mga bolero dito.”
“Uy, hindi lahat bolero ah. ‘Yung iba sa amin, honest lang talaga. Parang ako,” sagot naman kaagad ni Mel. “Oh bakit pati ako kinukuhanan mo ng picture, baka masira pa ‘yang kamera mo sa mukha ko. Hahaha!”
Mabilis na kinuhanan ng litrato ni Rose ang katabi bago may napansin sa mga ngiti ng binata. “May problema ka ba?”
Kumunot ang noo ni Mel bago ibinaling ang tingin sa ilog na malakas ang agos ng tubig. “Wala ‘no,” anito bago kumuha ng maliit na bato at pinatalon-talon sa may tubigan.
“Mel…”
Tumingin si Mel sa kamay ni Rose na humawak sa maskulado niyang braso bago itinaas sa maganda nitong mukha ang kanyang tingin.
“Alam ko hindi pa tayo close talaga. Pero pwede mo akong kwentuhan. Promise, hindi ko itsi-tsismis sa mga taga-rito.”
“Paano mo nalamang tsimosa ang mga tao dito?” Si Mel naman ang napangiti ngayon. Totoo naman na hindi pa sila ganoong magkakilala ni Rose pero magaan ang pakiramdam niya dito. Hindi dahil sa ito ang tipo niya ng babae pero iba ang pakiramdam niya kapag nakikita, nakakasama o nakakatabi niya ang dalaga. Para bang ang tagal na nilang magkakilala. Muli siyang nagpatalon ng bato sa ibabaw ng tubig ng ilog. “Ang aga kasi mag-away ng erpat at ermat ko kanina. Alam mo ‘yong feeling na magigising ka na lang sa mga sigawan nilang dalawa. Magagalit si ermat dahil sa pagda-drugs ni erpat, sasagot si erpat na h’wag makialam dahil buhay niya ‘yon tapos bubugbugin niya na si ermat. Kapag sumabat naman ako, mbubulyawan lang din ako. Masasapak. Matatadyakan. Minsan nga parang hindi ako parte ng pamilya. Para lang akong inihabilin sa kanila na bawal makialam sa away nilang dalawa. Alam mo kung hindi lang ako concerned sa kanilang dalawa, matagal ko nang iniwan itong isla eh. Si mommy kasi, na-heat stroke na ‘yan dati. Si daddy naman, may sakit sa baga dahil sa paninigarilyo niya. Eh kung wala ako sa bahay at may mangyari alin man sa kanila, sino pang tutulong sa kanila ‘di ba? Kaya lang parang hindi naman nila nakikita ‘yon. Parang wala silang pakialam kung makita man nila ‘yon. Minsan nga naiisip ko, mas okay yata na mamatay na lang ako. Baka sakaling matauhan sila at maisip nilang may anak nga pala sila. Kaya lang naalala ko, wala nga pala silang pakialam sa akin. Kaya baka hindi rin nila mapansin kung mamatay man ako o mawala bigla sa bahay at buhay nila.”
“Nasubukan mo na bang gumanti sa kanila?”
Kumunot ang noo at nagtatakang bumaling ang tingin ni Mel kay Rose na sa isang iglap lang ay kaagad na naglaho ang kakaibang emosyon sa mukha. Mukha ba ni Rose ‘yong o namamalikmata lang siya kanina?
“I mean, na-try mo na ba na maglayas minsan sa bahay ninyo para hanapin ka naman nila?” muling tanong ni Rose. Sa pagkakataong iyon, nakangiti na ulit ang dalaga. Wala ng kahit na anong kakaiba sa mukha nito.
Natawa si Mel. “Akala ko kung anong ganti. Alam mo mabait naman dati ang erpat ko eh. Bigla na lang siya nagbago simula nang…”
Napalunok si Rose nang huminto sa pagsasalita si Mel. “Simula nang ano?”
Saglit na tumahimik si Mel habang tila nag-iisip kung itutuloy ang nais sabaihin. Ilang saglit pa bago ito bumuntong hininga. “May hindi kasi magandang nangyari dito sa isla noon. Pero hindi ko na rin masyadong maalala, dahil halos lahat yata kami na magkaka-batch noon sa school ay nag-undergo ng therapy.”
“Therapy para saan?” muling tanong ni Rose. Pinipilit niyang hindi magbago ang tono ng pagsasalita niya.
“Alam mo masyado ng seryoso itong usapan natin,” kunwa’y natatawang sabi ni Mel. Ayaw na kasi sana niyang balikan ang nakaraang pilit na binura sa isipan nila. Nila ng mga barkada niya. Tumayo siya at bahagyang pinagpagan ang puwitan ng short niya na nadikitan ng maliliit na bato mula sa inupuan. “Tara balik na tayo? Lunch na oh, libre kita… May alam ako na masarap na kainan.”
“Mel.”
Muntik nang mapaatras si Mel nang malingunan si Rose na hindi niya namalayang tumayo na rin pala at halos isang dangkal na lamang ang layo mula ng mukha mula sa mukha niya. Inaalala niya tuloy kung nag-toothbrush ba siya kaninang umaga bago umalis ng bahay.
“Masaya ka ba?”
“Ngayon? Oo, kasama kita eh,” natatawa man ay hindi biro o bola ang sinagot niyang iyon. Hindi naman kasi siya ka-gwapuhan, sabi nga ng iba ay medyo may hitsura lang pero maganda ang katawan. Minsan pa ang tawag sa kanya ay hipon lalo na kapag kasama niya ang mga kaibigan niya. Na-swertehan lang siya na magkaroon ng mga girlfriend dahil sa pagiging bolero niya. At kung mas swe-swertehin na maging totoong girlfriend niya an si Rose, ito na siguro ang magiging pinaka-maganda niyang girlfriend sa lahat.
“Ako rin masaya ako, kasi nakikita na kitang totoong ngumingiti ngayon,” ani Rose. Palaging may malaking ngiti sa mga labi Mel sa tuwing nakikita niya ito. Batid niyang ngiti iyon na may halong lungkot. Pero sa pagkakataong ito ay sigurado na siyang totoo na ang ngiting nakaguhit sa mga labi ng binata.
Pakiramdam ni Mel ay biglang naging semento na ang mga binti niya kasunod ang pagkabog ng dibdib niya nang bahagya pang ilapit ni Rose ang mukha nito sa kanya. Pilit niyang iniiwas ang mga tingin sa cleavage nitong bahagya niya nang nasisilip. May kaliitan lang si Rose at medyo matangkad naman siya kaya halos nakatingala na ang dalaga sa kanya. Napalunok na siya ng laway nang halos kalahating dangkal na lamang ang layo ng mukha nila sa isa’t-isa.
Ramdam niya na parang may kakaiba sa ikinikilos ni Rose ngayon, pero nang muling ngumiti ang mapula nitong mga labi, nang hawakan nito ang kanyang mga kamay at nang maramdaman niya ang init ng mga palad nito, kaagad na nawala ang mga agam-agam niya.
“Nandito lang ako lagi para sa iyo, Mel.”