Huminto sa paglalakad si Rose sa may tabi ng dagat na hindi masyadong matao nang makita ang isang lalaki walang suot na pang-itaas, kulot ang buhok at may hinihilang lubid na nakatali sa dulo ng bangka palapit sa pampang. Sa kulay ng balat nito na hindi gaanong kaitiman ay mukhang hindi ito isang mangingisda. Pero batak ang katawan ng lalaki na halatang mahilig maglangoy.
Inayos niya ang suot na sandong dilaw na naka-tuck in sa short niyang kulay puti. Bahagyang ibinaba ang harapan ng sando at mas itinaas pa ang short.
"Hi." Nakangiting bati ni Rose. Kasabay nang paglingon ng lalaki ay ang pag-click niya sa hawak na camera.
Kaagad namang gumuhit ang malaking ngiti sa mga labi ni Adolph nang ibinaba ni Rose ang kamera at tumambad sa paningin ang magandang mukha ng dalaga. Ang turistang pinag-uusapan ng mga mangingisda kahapon. Totoo ngang napakaganda ng babae sa malapitan. "Hello. Ikaw 'yong turista na dumating kahapon?" anitong bahagya pang inayos-ayos ang kulot na buhok.
"Uhm-uhm," ani Rose na tumango bago iniabot ang kamay sa kausap. "I'm Rose, ikaw?"
Binitawan ni Adolph ang lambat na hawak at nagpunas pa ng basang kamay sa suot na short. "Adolph. Adolph nga pala. Alam mo totoo nga 'yong sabi nila."
"Sinong sila? Saka anong sabi nila?"
"'Yong mga mangingisda na kasama nina Tatay pumalaot kahapon. Nakita ka raw nila. Tapos ang sabi nila nila, mukha ka raw artista."
"Lahat ba kayong tagarito ay mga bolero?" natatawang tanong ni Rose.
"Hindi naman. Pero karamihan sa amin, bukod sa masipag na... Ay gwapo pa."
"At presko," dugtong ni Rose.
"Uhmm, medyo... Pero sa hitsura kong ito siguro may karapatan naman akong maging presko."
"Pwede, but you know what? Bago pa lumakas ang hangin dito sa atin. Baka naman pwedeng bitawan mo muna ang kamay ko?" ani Rose na ang tingin ay nasa kamay nilang dalawa na magkahawak pa rin.
"Hala, sorry. Hindi ko napansin, hawak ko pa pala ang kamay mo. Akala ko kasi bulak sa sobrang lambot."
Napapailing na lang siyang natatawa sa mga sinabi pa ni Adolph. Gwapo naman talaga ang lalaki, kung tutuusin ay pwede itong maging artista o commercial model. Maganda rin kasi ang rehistro ng mukha nito sa kamera niya lalo na kapag nakangiti. Para itong nasa isang toothpaste commercial.
"Saan ka pala nag-i-stay ngayon?" tanong ni Adolph habang muling inaayos ang lambat.
"Sa bahay nina Tatay Poncio at Nanay Harwina."
"Ah 'yong mag-asawang walang anak. Sayang, 'yong kabarkada ko may pinauupahan din na bahay na malapit lang sa amin. Kung do'n ka nag-stay, araw-araw kitang madadalhan ng mga sariwang isda. Pero magtatagal ka naman dito 'd iba?" muling tanong ni Adolph. Inilalagay na nito sa loob ng bayong ang ilang gamit na kinuha mula sa bangka.
"Depende."
"Depende saan?"muling tanong ng binate.
"Depende kung makikita ko kaagad ang inspirasyon ko dito para muling makakuha ng mga good shot. Kapag dito ko 'yon sa Isla Azul nakita, baka mas magtagal pa ako," sagot ni Rose.
Dahan-dahang bumaba ang tingin ni Adolph sa maputing at makinis na leeg ni Rose, pababa pa sa bahagyang nakalabas na cleavage nito dahil sa V-neck na sandong suot hanggang sa kamera na ang strap ay nakasakbit sa leeg ng dalaga. Napalunok siya ng laway. "Photographer ka?"
"Yep, photographer ako sa isang literary magazine sa Maynila."
"Astig 'yon! Ngayon lang ako nakakilala ng isang photographer. Lahat ba ng photographer sa Maynila, kasing ganda at sexy mo?"
"Nambola na naman siya."
"Real talk 'yon. Pero sana makita mo na 'yong magiging inspirasyon mo dito. Alam mo kasi ako, mukhang ngayon ko pa lang nakita ang inspirasyon ko," ani Adolph na ngayon ay titig na titig sa mga mata ni Rose.
Ngumiti si Rose. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago si Adolph.
"Mahal!"
Sabay silang napalingon sa pinaggalingan ng boses ng isang babae. Maiksi ang buhok nito, may kaliitan ang ilong pero maganda ang mata at makinis ang kutis. Naksuot ito ng palda na hanggang tuhod ang haba at fitted na t-shirt kaya bakat ang magandang hubog ng katawan.
"M-mahal..." tugon naman ni Adolph.
Kaagad na lumapit si Grace kay Adolph at pumulupot ang mga kamay nito sa bisig ng binata. "Nandito ka pa pala. Kanina pa kita hinihintay sa bahay," anang nito bago tumingin kay Rose. "May kasama ka pala?"
"Ah mahal, si Rose. Bakasyonista dito sa isla. Rose, si Grace –"
"Fiancee ni Adolph," putol ni Grace sa sinasabi ni Adolph habang may sarkastikong ngiti sa mga labi.
"Nice meeting you, Grace," iniabot ni Rose ang kamay sa kausap.
"Likewise," sagot ni Grace pero hindi inabot ang kamay ni Rose bago bumaling ng tingin kay Adolph. "Halika na mahal, nagluto ako ng paborito mong paksiw na pata kaya sa bahay ka na magtanghalian."
Napangiti na lamang si Rose na ibinaba ang kamay at itinakip sa labi. Wala pa man siyang ginagawa ay mukang nagse-selos na kaagad si Grace.
"Pero –"
"Halika na mahal, sinabi ko na rin kay Papa na sasabay ka sa amin sa tanghalian," pagpupumilit ni Grace.
Bumuntong hininga naman si Adolph bago nagpaalam kay Rose. "Rose, mauna na muna kami."
"Sure, go ahead."
"Bye," sabi ni Grace na mas mapait ang ngiti ngayon sa mga labi.
Tumango na lang si Rose sa paalam at ngiti na iyon ni Grace na halos hilahin na si Adolph. Kumilos naman ang nga kamay niya, hinawakan ang kamera at kinuhanan ng litrato ang dalawang naglalakad palayo sa kanya. Kasunod ang pagbaba niya sa kamera na hawak ay ang pagguhit ng kakaibang ngiti sa mga labi niya. "See you around, guys."
****
"Paps, nakita mo na 'yong bagong turista?" tanong ni Mel.
"'Yong dumating daw kahapon?" tanong din ni Jin. Maliit lang ang isla nila at halos lahat yata ng matatanda ay magkakakilala. Kaya hindi nakapagtatakang ang tsismis na alam ng isa ay kalat na kinabukasan sa buong isla.
"Oo paps, nakita ko na kaninang umaga. Putsa, ang ganda at ang sexy!" sagot ni Adolph.
Papalubog na ang araw at naisipan nilang magbabarkada na maglakad-lakad sa pampang. Ideya talaga ni Adolph iyon sa pagbabakasakali na makita ulit si Rose. "Taena, dyahe lang. Biglang dumating si Grace habang magkausap kami."
"Putsa, dyahe nga 'yan! Pero anong hitsura paps? Artistahin talaga?" muling tanong Mel. Usap-usapan sa may tindahan ng tiyahin niya na baka artista raw talaga na hindi lang nagpapakilala ang turistang dumating. Hindi naman kasi uso ang T.V. sa isla kaya hindi rin sila updated sa totoong hitsura ng mga artista.
"Oo paps! 'Yong mukha na hinding-hindi mo pagsasawaang makita pagkagising mo sa umaga. Sobrang tisay pa paps!" naalala pa rin ni Adolph ang pagkikita nila ng babaeng pinag-uusapan ng barkada ngayon. "At ang kamay, ang lambot! Iniisip ko tuloy kung malambot din ba ang..."
"Taena, ang libog mo talaga Adolph!" sabi ni Mel bago binatukan si Adolph. Sa kanilang magbabarkada, si Adolph talaga ang pinakamanyak.
"Siya yata 'yong pinag-uusapan ninyo," turo ni Jin sa isang babaeng nakaupo hindi kalayuan sa kanila at nakatingin sa papalubog na araw. Nakasuot ng sando ang babae, naka-short, nakapuyod ng mataas ang buhok at may camera sa tabi nito na kung hindi siya nagkakamali ay mirrorless camera ang tawag. Mukhang totoo nga ang tsismis sa isla, sa puti at kinis ng kutis ng babae, sa tangos ng ilong nitong kitang-kita kahit naka-side view at sa nipis ng braso at mga binti... Totoong artistahin ang bagong turista sa Isla Azul.
"Putsa paps, siya nga!" kaagad na sagot ni Adolph.
"Taena, ang ganda nga!" namilog na rin ang mga mata ni Mel. May magaganda rin naman sa isla nila pero hindi kasing ganda ng babaeng nakaupo ngayon hindi kalayuan sa kanila. "Adolph, saan ka pupunta?"
"Gago, saan pa?! Eh 'di lalapitan siya," sagot Adolph.
"Tang-ina naman paps, may syota ka na. Baka naman pwedeng ibalato mo na lang sa akin 'yan," habol ni Mel kay Adolph.
"Mel, si Grace... Syota ko lang kapag nand'yan siya, pero kapag wala siya... Single ako, kaya pwede ba... Bitawan mo na ako," natatawang sabi ni Adolph.
"Adolph naman, alam naman natin na sa ating apat nina Jin at Harris, ako ang pang-apat sa ka-gwapuhan kaya please... Ibalato mo na sa akin ito."
"Mel ganoon talaga, first come first serve. Ako ang unang nakakita sa kanya, kaya sa akin siya."
"Para kayong mga gago." Hindi alam ni Jin kung maiinis ba siya o matatawa sa ikinikilos ng dalawa na parang mga bata. Hindi kasi siya sang-ayon sa sinabi ni Mel na ito ang pinakahuli sa kanila pagdating sa pagiging magandang lalaki. Sa kanila kasing apat na magbabarkada ay siya ang pinakamaliit na pangangatawan. Pare-parehas lang sila na 29 years old at siya ang pinakamatanda sa buwan ng kapanganakan pero parang siya ang pinakabata dahil sa height niya. “Tigilan ninyo na ‘yan.” Napailing na lang siya nang bahagya pang magbatukan ang dalawa. Ngayon niya lang ulit nakita na ganito ang mga kaibigan. Lalo na si Adolph. Bakas na bakas ang saya at kamanyakan sa mukha nito. Isang beses niya lang nakitang ganoon ang kaibigan pero napakatagal na panahon na ang nakalilipas.
"Alam mo Jin, hindi mo talaga kami mage-gets kasi kahit kami hindi namin ma-gets ang taste mo sa babae. Isa pa baka mamaya, makilala pa ito ni Harris at maunahan ako, alam ko namang lamang ng kalahating paligo sa akin 'yon. Kaya bago pa ako maunahan ng iba, i-iskor na ako sa magandang turista na 'yan," sagot ni Adolph. Kahit alam niya na isa siya sa mga lalaking pinagpa-pantasyahan sa kanilang isla, ay nai-itsapwera naman siya kapag dumarating na si Harris na isa ring artistahin ang mukha at pangangatawan. Palibhasa ay anak ng isang abogada at kapitan si Harris at siya naman ay anak ng isang mangingisda lamang, kaya mas lamang sa kanya ng makinis na kutis at magandang buhay ang kaibigan niyang doktor. Nagkabaon-baon kasi sila sa utang nang magkasakit sa baga ang nanay niya na at halos isang taon na na-ospital bago binawian ng buhay. At kung hindi pa magsasangla ng lupa at bangka ang tatay niya kayna Grace ay hindi siya makakapag-kolehiyo at makakakuha ng dalawang taon na kurso. Kinailangan niya tuloy itong ligawan nang tuluyan nang maubos ng Tatay niya ang pera sa pagsasabong at iba pang sugal para hindi kaagad sila singilin ng Tatay ni Grace. Unica hija kasi si Grace at lahat ng gusto nito ay ibinibigay ng Papa nito, at ang pagiging nobyo ni Grace ang nakikita niyang paraan upang matakasan nilang mag-ama ang utang nila.
"Adolph, ipaubaya mo na ito sa akin. Ngayon lang ako hihingi ng pabor," muling sabi ni Mel.
"Mel ikaw na ang nagsabi na mas gwapo ako sa iyo. Kaya kahit ibigay ko pa 'yan sa iyo, malamang sa akin din ang bagsak niya. Kaya bitawan mo na ang braso ko nang makalapit na ako kay Rose,” naiinis nang sagot ni Adolph. Nasira na ang diskarte niya kaninang umaga at hindi niya hahayaan na masira pa ulit iyon sa pangalawang pagkakataon.
"Mukhang hindi na kailangan dahil papalapit na siya sa atin," sabi ni Jin nang makitang naglalakad na palapit sa kanila ang babaeng pinag-aagawan na ng dalawa niyang kaibigan.
Halos mag-unahan naman sina Mel at Adolph sa pagsalubong kay Rose.
"Hi Adolph," nakangiting bati ni Rose.
"Hi Rose, kumusta?" sagot kaagad ni Adolph.
"I'm good. So far, nae-enjoy ko naman itong isla. Mga friends mo?" si Rose naman ang nagtanong. Naagaw ng medyo malakas na pag-uusap nina Adolph at Mel ang atensyon niya at ramdam niyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito kaya nagdesisyon na siyang lumapit.
"Hello, I'm Mel," kaagad na inilahad ni Mel ang kamay bago pa man siya mapigilan ni Adolph. Kung sa bolahan at pagpapatawa lang din naman ay alam niyang lamang na lamang siya.
"I'm Rose," nakangitng inabot ni Rose ang kamay ni Mel.
"Totoo nga Rose, ang ganda-ganda mo. Para kang rosas na namumukadkad," sabi ni Mel. Mula nang marinig niya ang kwento ng mga tsismosa sa may tindahan kanina tungkol sa turistang si Rose ay hindi na siya napakali. Tahimik, maliit at liblib kasi ang kanilang isla kaya bibihira ang mga turistang kasing ganda ni Rose ang magawi at magbakasyon dito.
"Ang korni mo Mel! Bitawan mo na nga 'yang kamay ni Rose," si Adolph na ang kaagad na nagtanggal ng kamay ng dalawa.
"Panira ka talaga ng moment, Adolph. Oo ng pala Rose, may boyfriend ka na ba?" tanong ni Mel.
"At talagang inunahan mo pa ako na magtanong." Mahina pero naiinis na binatukan ni Adolph si Mel bago nakangiting humarap kay Rose. "Pero same question Rose, may boyfriend ka na?"
Natatawang umiling Rose bago sumagot. "Wala... Wala akong boyfriend."
"Ayos! Sakto! Kasi alam mo itong si Adolph, my girlfriend na ito eh. Pero ako, single ako," kaagad na sabi ni Mel bago pa man makapagsalita si Adolph.
"Single ka nga, hindi ka naman naliligo!" singhal ni Adolph.
"Hoy naligo naman ako kagabi 'no! Saka tuwing gabi talaga ako naliligo!" pagtatanggol ni Mel sa sarili.
"Maligo at mag-tooth brush ka muna bago ka pumorma!" sabi pa ni Adolph.
"Nag-toothbrush na rin ako kagabi. Saka sabi nila 'di ba mas okay ang marunong magtipid sa mga lalaki. Kaya nagiging matipid lang ako sa tubig at toothpaste," muling sagot ni Mel.
Pinigilan naman ni Rose ang sarili na matawa. Para kasing mga bata na nagtatalo sina Mel at Adolph. "Kasama ninyo siya?" tanong niya nang mapansin ang isa pang lalaki na mukhang hindi nalalayo sa edad nilang tatlo. Nakatayo ito sa likuran nina Mel at Adolph. Hindi ito katangkaran, moreno ang kulay ng balat at maliit ang singkitin nitong mga mata.
Napalingon naman sina Mel at Adolph kay Jin.
"Ay oo, si Jin nga pala," pakilala ni Mel.
"Hi Jin," nakangiting bati ni Rose.
"Hello," tipid na sagot ni Jin. Pamilyar ang mukha ni Rose sa kanya pero hindi niya matandaan kung saan niya ito nakita. Sa magazine ba, sa T.V. ng kapitbahay o sa cellphone na paminsan-minsan ay nagagamitan niya ng internet.
"Nice meeting you Jin, mukhang tahimik ka pa rin hanggang ngayon," nakangiting sabi ni Rose.
"Alam mo tahimik talaga 'yan si Jin lalo na kapag nakakakilala ng maganda," sabi ni Adolph.
"Nag-dinner ka na ba, Rose?" tanong ni Mel.
"Hindi pa nga eh." Sa ilang oras na paglalakad-lakad ni Rose sa isla ay ngayon lang siya nagsisimulang makaramdam ng gutom.
"Gusto mo samahan kitang mag-dinner?" tanong naman ni Adolph.
"Ako rin sasamahan kita, tamang-tama kasi may alam ako na masarap na ihawan malapit lang dito," kaagad namang singit ni Mel. Hindi siya makakapayag na masolo ni Adolph ang magandang turista. Kung may ide-date man ang magandang turista na ito sa kanila, dapat ay siya na iyon.
"Well I think, mas masaya kung marami tayo. Samahan ninyo na lang ako?" suhestyon naman ni Rose.
"Sige!" halos sabay na sagot nina Mel at Adolph.
"So, let's go?"
Kaagad na sumunod ang dalawa sa naglakad nang si Rose.
Samantalang naiwan sa kinatatayuan si Jin na ang mga tingin ay nakasunod kay Rose. Hanggang ngayon kasi ay nagtataka siya sa sinabi nito kanina o parang nagkamali lang siya ng rinig?
Napalunok siya ng laway bago lalong naningkit ang singkitin niyang mga mata habang nag-iisip. Bakit pakiramdam niya parang kilalang-kilala na siya ng bagong dating na turista sa kanilang isla?