“Salamat miss ganda, sana sa bangka ka ulit namin makasakay pabalik sa kabilang isla.”
Ngumiti si Rose sa sinabing iyon ng bangkero na umalalay sa kanya na makababa ng bangka at makarating sa pampang na hindi nababasa ang suot niyang rubber shoes. “Salamat din po manong.”
Nang makarating sa parteng hindi na nadidilaan ng tubig dagat ay ibinaba ni Rose ang dalang malaking backpack at inayos ang cap na suot bago inilibot sa paligid ang mga tingin. Nagkalat sa paligid ang mga taong abala sa kanya-kanyang ginagawa na paghila ng bangka, pag-aayos ng mga lambat at paglilipat ng mga nahuling isda mula sa palanggana patungo sa mga timba.
Napasinghap siya dahil sa maaliwalas na simoy ng hangin. Halos wala pa ring ipinagbago ang lugar na ito. Puti ang kulay ng mga buhanging pinung-pino at matingkad na asul naman ang kulay ng tubig sa dagat, kaya hindi nakapagtatakang Isla Azul ang ipinangalan sa lugar na ito.
Napakaliit lamang nitong isla na halos sampung oras ang byahe mula sa Maynila kasama na ang pagsakay niya ng eroplano, jeep, bus at bangka. Maliit lamang din ang populasyon dito na ang alam niya ay wala pang isang libo ang mga naninirahan. Hindi rin ito masyadong commercialize, walang kuryente sa gabi at may ilang parte lang sa isla ang may signal.
“Dead spot,” napapailing na bulong niya nang makitang wala ngang signal ang hawak niyang cellphone.
“Aleng maganda, bili na po kayo nito. Bagay po sa inyo ito, ang ganda-ganda ninyo po.”
Bumaling ang tingin ni Rose sa batang lalaki na may hawak na mga kwintas na gawa sa pinagdugtung-dugtong na malilit na kabibe.
Hinawakan niya ang kamera na nakasakbit sa may leeg niya at kinuhanan ng litrato ang bata. Bago bahagya siyang yumuko upang magpantay ang mga tingin nila ng bata na sa tingin niya ay nasa siyam na taon ang edad. “Magkano ‘yan bata?” nakangiting tanong niya.
“Isang daaan po ate pero dahil maganda po kayo, singkwenta na lang po para sa inyo,” sagot ng bata na lumabas ang bungal na ngipin dahil sa malaking ngiting gianwa na tila nagpapa-cute.
“Ang bata-bata mo pa, ang galing mo nang mambola.”
“Totoo po ang sinasabi ko, ang ganda-ganda ninyo po ale. Para po kayong artista sa T.V. Ay wala nga po pala kaming T.V.” napakamot ito sa ulo ang bata habang tila nag-iisip. “Basta, para po kayong manika.”
Lalong napangiti si Rose. May naalala kasi siya sa batang kausap. “Sige na, bigyan mo ako ng isa.” Dumukot na siya ng singkwenta mula sa sling bag at iniabot sa bata.
Isinuot naman ng bata ang kwintas kay Rose nang maibulsa ang bayad. “Salamat po ate, sandali lang po akin na po ang kamay ninyo.”
Napakunot noo siya na tila nagtataka pero iniabot din ang kamay sa bata.
“Dahil maganda po kayo, may bonus po kayo na ganito,” anang bata na isang bracelet naman ang isinuot sa may pulsuhan ni Rose.
“Hala. Salamat dito,” sobrang natutuwa na sabi niya. Alam kasi ni Rose na pangbeta rin iyon ng bata pero ibinibigay nito sa kanya ng libre.
“Sige po aleng maganda, salamat po ulit sa pagbili. Ba-bye po!”
Kumaway siya sa papalayong bata at nang mawala na ito sa paningin niya ay inayos niya ang suot na cap. Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad kung saan nadaanan niya ang ilang mga kabahayan na may tindahan, may mga nakatambay doon na mga lalaking batid niyang karamihan ay mga mangingisda. Nagsisikuhan ang mga ito at nagngungusuan sa pagdaan niya na bahagya na lamang niyang nginitian. Sa ganitong lugar ay batid niyang normal lamang iyon. Hindi naman kasi palaging may turista sa liblib na islang ito.
Medyo nakalayo na siya mula sa munting palengke ng Isla Azul ngunit wala pa rin siyang nakikitang mga kabahayan na mukhang apartment. Dahil maliit lamang ang populasyon sa isla ay medyo layo-layo ang mga bahay dito at ang alam pa niya ay may tatlo hanggang apat na kilometre mula sa pampang ang kinatatayuan ng mga bahay na pwedeng rentahan. Wala pang dumadaan na tricycle o jeep kaya nagsisimula na siyang makaramdam ng pagod dahil sa paglalakad at sa bigat ng mga dala niya.
Biglaan ang bakasyon na ito para kay Rose kaya lahat ay naka-Do It Yourself siya o D.I.Y. Napansin kasi ng editor ng magazine kung saan siya nagta-trabaho bilang photographer na parang wala siya sa sarili nitong mga nakaraang buwan, wala sa tamang anggulo ang mga shot niya. Sabi nga nito, parang walang buhay ang mga huling litrato na ipinasa niya. Kaya binigyan siya nito ng isang buwan na bakasyon.
Magsisimula na ulit sana siyang maglakad nang mapansin ang isang matandang lalaking paika-ika kung maglakad habang nahihirapan sa bitbit nitong bayong.
“Manong,” hindi na siya nag-atubili pang lapitan ang matandang nasa sixty years old na rin siguro. “Tulungan ko na po kayo.” Nang makalapit siya ay inayos niya muna ang backpack sa may llikuran at sling bag na dala bago tinulungan ang matanda sa pagbitbit ng bayong na may mga lamang supot ng isda.
Tumingin ang matanda kay Rose at saglit itong tinitigan bago napangiti. “Kaya ko ito, anak.”
“Hindi po, manong. Tulungan ko na po kayo kasi parang masakit po ang paa ninyo. Pauwi na po ba kayo?” pagpupumilit ni Rose.
Muling ngumiti ang matanda bago hinayaan si Rose na tumulong sa pagbitbit ng bayong. “Oo, pauwi na ako. Sige, tulungan mo na ako at pakiramdam ko ay malapit ko na ngang mabitawan itong bayong dahil sa bigat.”
Nagpatuloy sila sa paglalakad at nalaman ni Rose na natapilok pala ang matanda na nagpakilalang si Tatay Poncio sa may batuhan kaya paika-ika kung maglakad. Nang ipakilala niya ang sarili ay ikinwento na rin niya na naghahanap siya ng matutuluyan para sa maikling bakasyon.
“Tamang-tama, may bakanteng kwarto sa bahay namin ng asawa ko. Maaari mo iyong upahan habang nandito ka sa isla,” sabi ni Tatay Poncio. “At bilang kauna-unahang panauhin ng bahay namin ay bibigyan ka namin ng mababang presyo ng upa, libre na rin ang tubig at pagkain habang nasa amin ka nakatira.”
“Talaga po, thank you po Tatay Poncio!”
“Oo, anak. Alam mo tamang-tama ang bahay namin para sa bakasyon mo dahil sa likod noon ay may malapit na ilog na maaari mong kunan ng mga litrato. O narito na pala tayo. Harwina! Harwina! Pakitulungan mo nga ako rito.”
Maliit lamang ang bahay nina Tatay Poncio pero mukhang maaliwalas sa loob, ang bubong nito ay gawa sa mga pinagtagpi-tagping dahon ng anahaw samantalang ang dingding at binatana ay mula naman sa dahon ng niyog. Mga kawayan naman ang kinakabitan ng mga ito pati na ang sahig ng bahay na halos may isang talampakan ang taas mula sa lupa.
“Oh Poncio, bakit pipilay-pilay ka?” nag-aalalang tanong ng isang matandang babaeng lumabas ng munting bahay na kaagad na lumapit kayna Rose. “Sino itong magandang bata na kasama mo?”
“Natapilok kasi ako sa may batuhan, mabuti nga at nilapitan ako nitong si Rose at tinulungan ako na magbuhat ng bayong ko na puro isda,” kwento ni Tatay Poncio.
“Magandang tanghali po, ma’am.” Nakangiting bati ni Rose sa matandang babae mukhang hindi nalalayo ang edad kay Tatay Poncio.
“Nanay Harwina na lang ang itawag mo sa akin dahil hindi naman ako teacher,” may ngiti rin sa mga labing sagot ng matandang babae. “Halika at pasok ka muna. Pagpasensyahan mo na lang ang munting bahay namin.”
Nakangiti siyang tumalima kay Nanay Harwina at sumunod sa mga itong pumasok sa loob ng bahay.
“Oh, Tatay Poncio ano pong nangyari sa paa ninyo?”
Hindi inaasahan ni Rose ang lalaking makikita niya sa loob ng bahay. Ang sabi kasi ni Tatay Poncio ay wala itong anak.
Matangkad ang lalaki at maayos ang pananamit. Singkitin ang mga mata nito, matangos ang ilong, matipuno ang pangangatawan at maputi ang kulay ng balat kumpara sa mga lalaking nadaanan niya kanina. Saglit ding nagtama ang mga mata nilang dalawa bago muling ibinaling nito ang tingin sa paika-ika pa ring si Tatay Poncio.
“Naandito ka pala doc, natapilok lamang ako kanina pero hindi na ito masyadong masakit ngayon,” sagot ni Tatay Poncio.
“Sige po, maupo muna kayo at nang matingnan ko kung may naipit bang ugat sa paa ninyo,” anang lalaki.
Habang tsine-check up ng lalaking tinawag ng matanda na ‘doc’ ay naupo naman si Rose sa may bangko na nasa may tabi lang ng pinto. Ibinaba na rin niya sa kawayan na sahig ang malaking backpack na dala bago iniinat ang nangalay niyang mga balikat.
“Mabuti naman po at walang naipit na ugat pero baka mamaga pa rin po ito, ‘Tay. Kaya lagyan ninyo po ng yelo na ibinalot sa tuwalya mamaya pagkatapos ninyong magpahinga ng kaunti,” sabi ng lalaki habang inaayos na ang mga gamit sa maliit na bag.
“Salamat doc, mabuti na lang at naabutan pa kita dito. Oo nga pala, si Rose. Ang magiging kauna-unahang bakasyonista nitong bagong pagawa naming bahay. Rose, si Doc Harris. Anak ng kapitan dito sa Isla Azul.”
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Harris bago lumapit sa ipinakilalang babae. “Hi Rose, nice meeting you.”
Tumayo din naman si Rose at inabot ang kamay ng doktor. Napalunok siya nang magdaop ang mga palad nilang dalawa kaya kaagad niyang binawi ang kamay mula sa kaharap. “Nice meeting you too, doc.”
“Taga-Manila ka right? I’m sure na mae-enjoy mo bakasyon mo dito sa isla. Malayo sa pollution, toxic at sa stress sa social media kasi walang internet dito,” sabi ni Harris.
Natawa naman siya sa huling sinabi ni Harris. “Oo nga raw sabi ni Tatay Poncio kanina, pagbaba ko pa nga lang ng bangka ay wala ng signal ang cellphone ko. Hindi ko tuloy na-My Day ang white sand. Hahaha.”
“Sayang, ipunin mo na lang an gang pang-My Day mo na pang-isang buwan. Tapos mag-post ka na lang ng My Month sa social medial. Just kidding! Hahaha! Pero promise, mas mae-enjoy mo ang lugar na ito dahil walang social media na kaagaw ang isla sa oras mo.”
“I guess so.”
“Oh, kumain muna kayo rito,” agaw-pansin ni Nanay Harwina na naghahain na ng pananghalian. “Doc, dito ka na rin mananghalian.”
“Naku ‘nay, dadaanan ko pa po sina Mel. Alam ninyo naman, kailangan bumawi sa mga tropa,” nakangiting sagot ni Harris.
“Oh sige, salamat ulit sa pagbisita dito sa amin,” sabi ni Tatay Poncio.
“Walang anuman po, ‘Tay. Basta dampian ninyo po ng yelo ang paa ninyo mamaya para hindi masyadong mamaga. Mauna na po muna ako,” sabi ni Harris na bumaling ang tingin kay Rose. “It was nice meeting you again, Rose. And I hope na ma-enjoy mo ang bakasyon mo dito. I’m looking forward to see you soon again.”
“Likewise, doc,” nakangiting sagot niya.
Naglakad na palabas ng bahay ang binatang doktor.
“Rose, anak, halika na at saluhan mo kami dito ni Harwina. Nang matikamn mo kung gaano kasarap magluto itong asawa ko.”
“Sige po, ‘tay.” Lumapit na siya sa lamesa kung saan may nakahain na ginataang tambakol, adobong talaba, bagoong at mainit na kanin.
“Pagpasensyahan mo na muna ang tanghalian natin. Hindi ko kasi inaasahan na magkakaroon kami ng magandang bisita ngayon,” sabi ni Nanay Harwina.
“Naku ‘nay, ang sarap nga po ng mga inihain ninyo. Ngayon lang ulit ako makakain ng ganitong mga pagkain.”
“Mabuti at mukhang hindi ka pihikan sa pagkain.”
“Hindi po talaga Nanay Harwina, kaya nga po marami ang nagtataka kung paanong hindi ako tumataba eh halos lahat daw ng klase ng pagkain, kinakain ko.”
“Pareho kayo ni Doc Harris, hindi rin pihikan sa pagkain ang batang iyon,” ani Tatay Poncio.
“Madalas po ba dito si Doc?” tanong ni Rose. Ngayon pa lang ay nararamdaman na niya ang pagkakaroon ng interest sa gwapong doktor.
“Hindi naman gaanong madalas, siguro ay mga tatlo hanggang limang beses sa isang buwan. Pero kapag umaalis ‘yan dito sa isla at nawawala ng ilang linggo, dito ‘yan kaagad dumidiretso sa bahay namin pagkabalik niya. Alam mo kasi, nagtrabaho ako bilang katulong sa bahay nila at ako ang nag-alaga d’yan sa batang ‘yan mula nang ipanganak siya hanggang sa maging teenager. Nang makaipon kami ng kaunti ay umalis na ako sa pagiging katulong sa kanila at nagtayo na lang ng tindahan ng mga gulay sa palengke,” kwento ni Nanay Harwina habang nilalagyan ng mainit na kanin ang plato ni Rose. “Napakabait na bata niyan si Harris, kita mo nga’t hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimot sa amin. Kaya nga takang-taka kami kung bakit hindi pa rin siya nag-aasawa.”
“Ikaw anak, may asawa o nobyo ka bang naiwan sa Maynila?” tanong ni Tatay Poncio.
Ibinaling ni Rose ang tingin sa may kawayan na bintana ng bahay kung saan tanaw niya pa ang binatang naglalakad palayo ng bahay. Tumigil ito saglit sa paglalakad at lumingon sa kanya sa may bintana na tila inaasahan nang makikitang nakatingin siya dahil sa pagkaway nito. At sa muling pagtatama ng mga tingin nila ay ang muli rin pagguhit ng matamis na ngiti sa mga labi niya. “Wala rin po, ‘Tay.”
****
Nagising si Rose na mataas na ang sikat ng araw mula sa bukas na bintana. Kahapon siya nakarating dito sa Isla Azul. At nang makapag-ayos ng mga gamit pagkatapos maghapunan ay sa tinutuluyang bahay nina Tatay Poncio at Nanay Harwina ay kaagad siyang nakatulog. Gabi na kasi nang maramdaman niya ang pagod sa byahe.
Bumangon na siya at ipinuyod ng mataas ang hanggang balikat niyang buhok bago lumabas ng kwarto. “Good morning po.”
“Good morning din, Rose,” bati ni Nanay Harwina. “Nagising ka ba namin? Pasensya na kung maaga kaming nag-iingay dito, sabi ko naman kasi kay Poncio ay magdahan-dahan sa pag-aayos ng gamit niya sa pangingisda.”
“Naku hindi po, ‘Nay. Maaga lang po talaga akong nagigising sa umaga.”
“Gano’n ba? Heto at magkape ka muna. May mainit ng tubig dyan sa thermos. May kuryente na rin kaya makakapag-charge ka na ng mga gamit mo,” sabi pa ni Nanay Harwina habang nag-aayos ng mga gulay na ititinda sa palengke. Sa likod ng bahay nito ay may munting hardin ng gulay kung saan nanggagaling ang mga itinitinda nito sa palengke. “Hindi ako nakapagtinda kahapon kaya baka hapon na ako makabalik dito sa bahay pati na rin si Poncio.”
“Harwina, matagal ka pa ba d’yan? Oh Rose, gising ka na pala. Maiiwan ka muna naming mag-isa dito sa bahay at baka hapunin na kami sa pagbalik. Kung gusto mong mamasyal, isarado mo lang itong pinto,” bilin ni Tatay Poncio na isinasabit sa tagailiran ang itak.
“Hindi ko na po ila-lock?” takang tanong ni Rose habang naglalagay ng kapeng barako sa tasa.
Ngumiti si Nanay Harwina at umiling. “Hindi na kailangan, Rose. Basta isarado mo na lamang itong pinto. Walang sinoman ang mangangahas na umakyat at magnakaw dito sa loob ng bahay.”
“I see. Sige po, iyon na lamang po ang gaagawin ko mamaya.”
“Oh siya, lalakad na kami ni Poncio. Ikaw na muna ang bahala sa sarili mo at ituring mong bahay mo na rin itong bahay namin,” bilin muli ni Nanay Harwina habang papalabas ng bahay.
“Rose, kapag nainip ka ay maaari kang mamasyal sa may dagat. Malapit lamang iyon kung dito ka sa likod ng bahay manggagaling. Saka h’wag kang mag-alala, mababait ang mga tao dito sa Isla Azul.”
Napalunok ng laway si Rose dahil sa huling walong salita na binitawan ni Tatay Poncio. Pinilit niyang ngumiti bago tumingin sa mga ito. “Sige po, mag-iingat po kayo.”