Malandi #17
Dear Diary,
After ng trabaho ko, Diary, inihatid din ako ni Mong sa tapat ng bahay namin. No’ng una, tumanggi ako sa offer niya pero sadyang makulit siya at hindi niya ako tinigilan. Sinabi ko nga sa kanya na kaya ko namang umuwi mag-isa and besides, sanay naman ako maghintay ng masasakyang jeep pauwi. Pero sadyang makulit pala talaga ang lahi ng mga Hapones.
“I insist, Pipay. Ihahatid kita. Masyado nang gabi, o,” naiinis pang sabi ni Mong. “Bakit kasi pumayag ka pang sumali sa pagge-general cleaning, eh, puwede namang hindi na.”
Nang naubos na kasi ang mga customer sa restaurant ay nagkaroon ng general cleaning. Ayoko na sana sumali dahil hindi naman required pero sayang din ang kikitain ko. May bayad din kasi ang pagsali sa paglilinis. Oo na, mukha na akong pera. Saka hindi lang naman `yong pera ang iniisip ko. Gusto ko rin kahit papaano na ma-divert ang attention ko sa ibang bagay. Dahil paniguradong kapag wala akong ginawa, maiisip ko na naman si Josh. Baka humagulhol na naman ako `pag nagkataon.
“Ayos lang. Sayang may bayad din `yon, eh.” Tumawa ako pagkatapos.
“Kung `yong bayad lang pala ang iniisip mo, eh, di bibigyan na lang kita ng pera,” iritadong sagot ni Mong. “Para hindi ka ginagabi sa trabaho mo. Masyado kang napapagod, eh.” Nakakunot-noo pa siya habang nakatingin sa madilim na kalsadang dinaraanan namin.
Napatingin ako sa kanya saka napangiti. “`Eto namang best friend kong mongoloid, masyadong concerned sa kagandahan ko. Hindi na mauulit. Pero magkano ang ibibigay mong pera sa akin? Hihi,” pagbibiro ko.
Tumingin saglit si Mong sa akin saka nag-make face na parang bata. Tumawa na lang ako saka pinalo ang matigas niyang braso. Ang sakit, ah. Ang tigas ng mga muscle ni Mong sa katawan. Ano pa kaya ang tigas ng abs niya? Eh, ng patola niya? Gaano kaya katigas? Hihi.
Ibinaling ko na lang ang paningin ko sa kalsada at pinagmasdan ang mga dinaraanan namin. Naramdaman kong hinawakan ni Mong ang kamay kong nakapatong sa binti ko kaya napatingin ako sa kanya. Tipid ko lang siyang nginitian nang mapansin ko ang naaawang tingin niya sa akin. Pagkatapos ay agad akong umiwas dahil hindi ko matagalan ang pagtitig niya sa akin nang gano’n. Pakiramdam ko kasi ay masyado akong kawawa sa mga nangyari.
Habang nagtatrabaho ako kanina ay lagi lang nakatitig si Mong sa akin. Kahit saan ako pumunta ay nakasunod lang siya at hindi inaalis ang mga mata sa akin. Kapag mapapatingin naman ako sa kanya ay bigla siyang iiwas ng tingin at magpapanggap na busy.
Napapailing na lang ako sa mga reaction ni Mong, eh.
Masaya ako na kahit nawala si Josh sa akin kanina ay hindi naman ako pinabayaan ni Mong. Pinaramdam niya sa akin kanina na ayos lang umiyak at ilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Nahihirapan ako kapag iniisip kong tuluyan nang nawala si Josh sa akin at hanggang dito na lang ang aming relasyon at kuwento. Pero naisip ko rin na dapat akong magpasalamat sa kanya dahil minahal niya ako.
Hindi naman ang breakup ang masakit sa isang relasyon, eh. Kundi ang masasayang alaala n’yo na maiisip mo. Wala ka kasing magagawa para ibalik `to at pulos panghihinayang lang ang mararamdaman mo.
Sabi nila, love is sweeter the second time around. Pero bakit hindi nila sinabing breakup hurts like hell the second time around?
“`Andito na tayo, Pipay,” rinig kong sabi ni Mong kaya bumalik ang wisyo ko.
Napatingin ako sa paligid at nakita kong nakahinto na ang sasakyan niya sa tapat ng bahay namin.
“Ay! Hindi ko napansin,” sabi ko saka kinuha ang bag kong nasa likuran.
“Ang lalim kasi ng iniisip mo,” seryosong sabi ni Mong. “`Wag mo na nga iisipin `yong kupal na `yon. Hindi mo dapat iyakan ang ex mo. Hindi pa siya patay kaya `wag kang excited.”
“Hindi naman ako umiiyak,” sagot ko.
Bigla akong iniharap ni Mong sa kanya kaya nagulat ako. “O, talaga? Hindi ka umiiyak?” Pagkatapos ay bigla niyang pinunasan ang pisngi ko. “Eh, ano `to? Hindi ba luha `to?”
“Gaga. Laway `yan. Amuyin mo. Ang baho.”
Ginawa nga ni Mong ang sinabi ko. Nakita kong nandiri ang mukha niya pagkatapos niyang amuyin `yon. “Oo nga, ang baho,” sabi niya saka pinunas sa balikat ko ang thumb na pinampunas niya sa laway ko.
“`Kulit mo, eh.” Tumawa ako. “Sige na, bababa na ako. Mag-ingat ka sa pagmamaneho.”
Pababa na ako nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya. “Bakit?”
“Ah, ano... gusto ko lang malaman kung...” Parang nahihiya siyang magsalita. Hindi rin siya makatingin sa akin nang deresto.
“Na?”
“Na kung... ano...” Huminga siya nang malalim bago magpatuloy. “Na kung naka-move on ka na? Nakalimutan mo na ba siya?”
“Ay bobo lang, Monjie?” mabilis kong sagot. “Kanina lang nangyari `yong breakup scene namin. `Tingin mo, makakalimot ako agad? It takes time to forget the pain. Alam mo `yan.”
“Nakabobo naman `to agad.” Ngumuso siya saka umirap. “Nagtatanong lang naman, eh. Buwisit kasi `yang Josh na `yan. Dapat talaga binugbog ko pa `yon nang sobra-sobra, eh. `Yong tipong hindi na siya makikilala ng pamilya niya?” bulong niya habang nakatingin sa bintana.
Dahil sa narinig ko ay bigla akong nataranta. Hindi ko napansing naapakan ko pala ang tali ng bag ko kaya natumba ako kay Mong. Gulat siyang napatingin sa akin dahil sa nangyari.
Nakahawak ang isang kamay ko sa matigas niyang dibdib habang ang isang kamay ko ay nakahawak sa gitna ng pantalon niya. May naramdaman akong nakabukol.
Bakit may bukol si Mong?
Nagkatitigan lang kaming dalawa habang nasa loob ng sasakyan. Masyadong magkadikit ang mga katawan namin at tanging katahimikan ang bumabalot sa amin. Masyadong nang malalim ang gabi. Perfect timing para sa isang bagay na masarap gawing pampatulog. Echos!
“Mong...” tawag ko sa kanya habang deretsong nakatingin sa kanyang mga mata.
“Pipay...”
Bakit, gano’n? Bakit parang naging bedroom voice ang boses ng mongoloid na `to?
“Ano `tong matigas?” Pinisil ko pa ang hawak-hawak kong bukol sa pantalon niya. “May matigas, o.”
Bigla niya akong itinulak palayo. “Grabe ka!” `Tapos bigla siyang tumawa nang tumawa sa hindi ko alam na dahilan.
Naisip ko uli ang sinabi ni Mong na binugbog niya si Josh kaya inihampas ko sa kanya ang bag ko. “Bakit mo binugbog si Josh? Ano’ng karapatan mong saktan ang mahal ko? Ha?!” sigaw ko. “Ikaw pala ang may dahilan kung bakit ang dami niyang pasa sa mukha. Sinira mo ang guwapong mukha ni Josh Ko!”
Hinuli ni Mong ang dalawang kamay ko. “Stop calling him ‘Josh ko.’ He’s not yours anymore.”
Ang mga huli niyang sinabi ang naging dahilan para mapatigil ako sa paghampas kay Mong at mapatitig na lang sa kanya. Parang kutsilyo ang mga salitang `yon na tumusok sa puso ko.
“Pipay, kailangan mong tanggapin na tapos na ang relasyon n’yo. Na wala na kayo. Na hindi ka na niya mahal kaya mas pinili niya si Monica.” Seryoso na ang tono ni Mong. “Binububog ko siya para matauhan siya at magising sa kahibangan niya. Para malaman niyang ikaw ang mahal niya at nalilibugan lang siya kay Monica. Pero hindi, eh. Hindi mo siya deserve, Pipay. Malay mo, may taong mas deserving sa `yo. `Yong best pa.”
“Lahat na lang kayo, sinasabi sa isang taong brokenhearted na may deserving o mas best pa sa taong minamahal nila. Pero naisip n’yo bang hindi namin kailangan ng best dahil para sa amin, `yong taong mahal na namin ang pinakamagandang bagay na nakuha namin?” seryosong sabi ko rin kay Mong. “Sige. Kung merong mas deserving sa akin o mas best tulad ng sabi mo, `asa’n siya? Bakit hindi ko makita?”
“Kasi nakapikit ka, Pipay. Kasi busy ka sa pagpikit at pag-iyak. Paano mo siya makikita kung busy ka sa pag-alala sa walang kuwentang tao na `yon?” singhal ni Mong. “Meron, Pipay. May taong best para sa `yo. `Yong taong takot na paluhain ka. `Yong taong masyadong matapang para ipaglaban ka. Malay mo, `yong tinutukoy ko nandito pala sa kotse at kaharap mo lang. Malay mo, sarili ko pala ang tinutukoy ko at wala nang iba?”
Napanganga ako dahil sa sinabi ni Mong. “A... ano?”
Mukhang nagulat din siya sa sinabi niya kaya bigla niya akong tinadyakan palabas ng kotse. Napaupo tuloy ako sa kalsada dahil sa sobrang lakas ng pagsipa niya sa akin. “ Pakshet ka, Mong! Ang sakit!’ sabi ko habang hinihimas ang puwitan ko.
Letse `tong Mong na `to.
“Sorry!” nahihiya niyang sabi. “Basta totoo `yong sinabi ko. Stop crying for that jerk. Wipe your tears, open up your heart again and look at me. Ipapa-realize natin sa kanya kung ano’ng sinayang niya.”
Iyon ang huling sinabi ni Mong bago niya tuluyang pinaharurot ang kotse niya palayo sa akin. Nasinghot ko pa nga ang usok ng tambutso kaya inubo ako nang inubo habang nakaupo sa kalsada.
Tumayo na ako at muling pinagpagan ang sarili ko dahil sa sobrang daming alikabok na nasa katawan ko. `Kainis na Mong `to. Ano kaya ang ibig sabihin ng mga pinagsasabi niya? `Wag niya sabihing crush niya na ako?
`Sabagay, hindi na `yon nakakapagtaka dahil sino nga ba ang makakatanggi sa beauty ko?
Si Josh .
Biglang sumagot ang kosiyensiya ko. Hindi ko na lang siya pinansin dahil baka mag-away pa kami sa gitna ng madilim naming bakuran.
Pumasok na ako sa loob. Habang isinasara ko ang gate ay bigla akong nakarinig ng kaluskos. Nanggaling ang ingay mula sa taas ng puno. Napatingala ako para tingnan kung ano `yon. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaluskos na patuloy kong naririnig. Hindi ko makita masyado kung ano ang nasa puno dahil masyado nang madilim. Hanggang sa may pusang parang hinagis at bumagsak sa harap ko.
“Meoowww,” sabi ng pusa.
Pusa lang pala ang dahilan kung bakit bumilis ang tibok ng puso ko? Shet. Isa ba `tong sign na pusa na lang ang mamahalin ko para hindi na ako masaktan? Ay, `wag na lang.
“Peste ka.” Saka ko sinipa nang malakas ang pusa kaya napunta siya sa kabilang bakod.
Ayokong magmahal ng pusa. Ang pangit ng cat style. Kung magmamahal ako ng hayop, dapat aso na lang. Para dog style.
Nakahiga na ako sa kama ko. Kahit anong oras na, Diary, hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Kinuha ko ang cell phone ko na nasa gilid para tingnan kung anong oras na. One forty-three na ng madaling-araw.
“I love you” ang meaning `tapos ang wallpaper ng cell phone ko ay ang picture pa naming dalawa ni Josh habang nakapikit siya at naka-kiss sa pisngi ko.
“Ito `yong mga panahong mahal na mahal pa niya ako,” bulong ko sa sarili ko habang hinihimas ang screen ng cell phone ko. “Pero ngayon, ibang-iba na. Ako na lang ang nagmamahal sa kanya habang siya, nagpapakasaya sa bisig ng ibang babae.”
Hindi ko na namalayan na tumulo na naman ang mga luha ko. Ayoko na sanang tingnan ang mga picture na nagsisilbing alaala namin ni Josh pero wala akong magawa. Agad akong pumunta sa gallery ko at binuksan ang file name na, “To The Pempem & Back” na naglalaman ng mga samu’t saring pictures namin ni Josh.
May nakangiti. Wacky. Malungkot kunwari. Kumakain. Magka-holding hands. Parehas ng suot na damit. Nakaupo sa swing. Naka-piggy-back ride ako sa kanya. Tapak-tapak niya ang mukha ko. Sinasakal niya ako. Meron pa ngang video na nagtatawanan kaming dalawa ni Josh habang binabato niya sa mukha ko ang bola. Masakit ang pagtama ng bola sa mukha ko pero tiis-ganda lang para sa kasiyahan ni Josh.
Ganito naman ang babae, `di ba? Kahit nasasaktan na, gagawin pa rin ang lahat para lang makitang masaya ang pinakamamahal nila.
“Bakit kailangang maging ganito ang relasyon natin, Josh?” sabi ko habang tumutulo ang mga luha ko.
Umiiyak na naman ako. Bakit ba parang hindi ako napapagod? Kasi masakit. Kasi ito lang ang tanging dahilan para mailabas ng isang tao ang nararamdaman niya.
Dahil sa pictures namin ni Josh, nagkaroon ako ng urge na makita siya ngayon mismo. Nararamdaman kong gising pa siya sa mga oras na ito kaya pupuntahan ko siya sa bahay nila.
Eh, paano kung tulog na?
Eh, di tulog na siya. Alangan namang gisingin ko pa? Remember, wala na akong karapatan sa kanya. Hiwalay na kami, eh. Pero pangako, sisilipin ko lang siya. Kung kailangang akyatin ang bakod nila, gagawin ko para lang makita siyang natutulog sa kama niya.
Dahan-dahan akong lumabas ng bahay namin. Nadaanan ko pa si Inay na nakangangang natutulog sa sala. Nagsasalita pa nga siya ng tungkol sa boxing, eh.
Ito talagang si Inay, hanggang pagtulog boxing ang iniisip. Pasukan ko ng boxing gloves ang bibig mo diyan, eh.
Kinuha ko sa bodega namin ang bike ni Popoy. Kailangan ko `to since medyo malayo rin ang bahay nina Josh mula sa amin. At wala na rin akong masasakyang jeep kung magko-commute ako.
Maingat ako sa paglabas sa gate namin dahil magigising ang dragona kong nanay. Sumakay na ako at nagsimulang ipadyak ang bike. Nakakailang padyak na ako pero hindi naman ako umaalis mula sa kinatatayuan ko.
Letse, wala palang gulong ang bike. Bakit hindi ko napansin?
Iniwan ko na lang ang bike sa gilid saka tumakbo papunta sa bahay nina Josh. Kahit pagod na pagod ako at hinihingal na, hindi ako huminto sa pagtakbo para lang makita si Josh.Walang makakapigil sa akin ngayon para puntahan siya.
Para saan pa, Pipay. Para saan ang pagpunta mo sa kanya? Hindi naman siya makikipagbalikan sa `yo kahit makita ka niya, eh.
Muli na naman akong pinagalitan ng konsiyensiya ko. Dinedma ko na lang uli siya.
Pagkatapos nang mahigit isang oras na pagtakbo ay nakarating na rin ako sa bahay nina Josh. Napahawak ako sa punong nasa tabi habang saglit na nagpapahinga. Nakapatay na ang mga ilaw sa loob ng bahay pero bukas pa ang ilaw sa kuwarto niya. Bukas din ang pinto sa balcony niya kaya alam kong gising pa rin siya.
Nakatitig lang ako sa balcony at nagbabaka-sakaling lumabas si Josh. Hanggang sa may mapansin akong tao na palabas. Isang babae na tanging T-shirt na malaki lang—na halatang pag-aari ni Josh—ang suot. Agad akong napatakip ng bibig nang malaman kong si Monica ang babaeng iyon.
Nakatingin lang ako sa kanya habang nakatayo siya at mukhang may kausap. Sunod namang lumabas si Josh na tanging boxers lang ang suot.
Agad kumirot ang puso ko dahil sa nakita ko. Si Josh naka-topless kahit nasa harap niya si Monica? Samantalang ni minsan, hindi siya nag-topless sa harap ko. Kung mag-topless man siya, agad din siyang nagsusuot ng damit.
Natawa na lang ako nang mapakla dahil sa mga naisip ko.
Really, Josh? Ganyan mo ba talaga kagusto `yang si Monica? `Sabagay, sobrang ganda niya nga talaga. Kahit hindi siya nakaayos at tanging T-shirt lang ang suot, lumalabas pa rin ang kagandahan niya. Kaya pala nagawa mo akong iwan, eh. Ngayon alam ko na.
Hindi ko na natiis kaya nagpakita na ako sa kanila. Habang nakatingala ako at nakatingin sa kanila, bigla kong tinawag si Monica. “Monica!” sigaw ko. “Monica!”
Mukhang nagulat siya nang makita ako. Gulat ding napatingin sa akin si Josh.
“Ano’ng ginagawa mo dito, Pipay?” sigaw ni Josh sa akin.
“Gusto ko lang makausap si Monica!” sagot ko saka ngumiti. Kahit sa totoo lang, gusto ko nang maglupasay sa kalsada at umiyak lang nang umiyak.
“Umuwi ka na! Madaling-araw na, o!” pagtataboy sa akin ni Josh. “Delikado para sa isang babae na nasa kalsada pa rin kahit dis-oras na ng gabi.”
Napangiti ako sa loob ko. Concerned pa rin si Josh sa akin.
“Eh, bakit si Monica nasa inyo pa rin kahit madaling-araw na?” tanong ko.
“Isn’t it obvious? Dito ako matutulog. Stupid!” Nag-roll eyes pa si Monica sa akin.
Dito siya kina Josh matutulog? Eh, di hindi maiiwasang may mangyari na naman sa kanilang dalawa?
Malamang. Saka, Pipay. Hindi ka nga sure kung ilang beses na may nangyari sa kanila, eh. Baka nga bago ka dumating, eh, may nangyari na sa kanila. At masusundan na naman `yon ngayong malamig na.
“Pangako! Uuwi na rin ako pagkatapos kong kausapin si Monica!” Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ko habang nakatingin kina Josh at Monica.
“Sandali lang!” sabi ni Josh `tapos bigla siyang nawala. Nakita ko na lang na binubuksan niya ang gate habang nakatingin nang seryoso sa akin. Nakasuot na rin siya ng shorts at T-shirt ngayon.
Ayaw niya talagang magpakita nang naka-boxers lang sa akin, `no? Tanging kay Monica lang talaga.
“Ano bang kailangan mo?” inis na sabi ni Josh nang nasa harap ko na siya. Galit talaga ang boses niya pero nangungusap ang mga mata niya. Parang may ibang gustong sabihin.
Napatitig lang ako sa kanya.
God, gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Nami-miss ko na agad si Josh ko kahit kakausap lang namin kanina. God, puwede ko ba siyang yakapin? Please, kahit ngayon lang.
Napalunok ako bago magsalita. Pinipigilan ko na naman ang muling pag-agos ng mga luha ko.
“Gusto ko lang makausap si Monica,” matipid kong sagot saka ngumiti.
Sige lang, Pipay. Ngumiti ka lang. Ipamukha mo kay Josh na hindi ka nasasaktan.
“Anong gusto mong pag-usapan?” biglang sabi ni Monica. Sumulpot siya sa gilid saka ipinulupot ang mga kamay sa baywang ni Josh.
Nag-iwas na lang ako ng tingin. Tumingin muna ako kay Josh bago uli magsalita.
Kaya mo `yan, Pipay. Para kay Josh `tong gagawin mo.
Bigla akong lumuhod sa harap nina Josh at Monica saka muling nagsalita.
“Please take care of him. `Wag mong iiwan si Josh ah? Mahalin mo siya tulad ng pagmamahal ko sa kanya. Nakakainis lang na naghiwalay na kami pero pipilitin kong maging masaya. Ibibigay ko kay Josh ang gusto niyang kalayaan dahil ito ang gusto niya. Di ba, `eto naman ang pagmamahal? Kahit mahirap para sa `yong ibigay ang gusto ng taong mahal mo, ibibigay mo pa rin.”
Nahihirapan na akong magsalita dahil tulo nang tulo ang mga luha ko habang nakaluhod sa harap ni Monica at nakikiusap.
“Pipay, ano ba?! Tumayo ka nga d’yan!” sigaw sa akin ni Josh pero hindi ko siya pinansin.
Tumingala ako para tingnan si Monica saka ngumiti. “Marahil mahal na mahal ka ni Josh kaya hinayaan niya ang sarili niyang nakawin mo ang puso niya. Nakakainggit ka, Monica. Si Josh lang ang lalaking gusto kong makasama habang-buhay pero ngayon, ikaw na ang gusto niyang makasama. Nakakainggit ka dahil nasa `yo na ang mundo ko. Nasa `yo na ang lalaking pinakamamahal ko kaya, please lang, ingatan mo siya at `wag mo siyang sasaktan.
“Mahalin mo ang lahat ng katangian ni Josh. Samahan mo siya sa lahat ng laban niya sa basketball kasi mas lumalakas ang loob niyang ipanalo ang laban kapag may sumusuporta sa kanya. Alam ko `yon dahil lagi ko siyang sinusuportahan.”
Pinunasan ko ang mga luha ko saka nagpatuloy uli. “Kapag malungkot si Josh, patawanin mo siya. Magsabi ka ng pempem jokes na laging nakakapagpatawa sa kanya. Kung wala kang alam, puwede mo akong i-text at sasabihin ko sa `yo `yong joke. Saka pala, kapag may sakit si Josh, `wag mo siyang pupunasan ng malamig na tubig. Mamumula lang ang balat niya. Alcohol lang puwede na.”
Napatingin ako kay Josh na kasalukuyang umiiyak na rin dahil sa mga sinasabi ko. Hinawakan bigla ni Monica ang kamay niya kaya napaiwas siya ng tingin.
“Wala kang ideya kung gaano ko minamahal si Josh. I love every thing about him. He brought me equal pain and happiness in my life at ngayon, ikaw na ang minamahal niya. Ikaw na ang mundo niya kaya `wag mo siyang papabayaan.”
Muli akong nagpunas ng mga luha. “Every thing has its own limit and alam kong ito na ang limitasyon ng aming kuwento. Mahirap talagang kalimutan si Josh lalo na’t siya ang nagpatunay na kahit hindi ako kagandahan o kalinisan sa katawan, deserving akong makaranas ng tunay na pagmamahal.”
Tumingin ako kay Josh. “And, Josh, thank you for that. Thank you talaga.” Muli akong yumuko. “This time, masasabi ko nang kaya ko na siyang i-let go dahil napunta siya sa babaeng mahal niya at mukhang mahal din siya. Gusto ko na rin palayain ang sarili ko at mahanap ang taong magmamahal sa akin nang buong-buo. `Yong taong hindi magsasawa sa akin at hindi ako ipagpapalit sa iba.
“Nagpapasalamat ako na dahil kay Josh, nalaman ko ang meaning at value ng love. Sana maging masaya kayo. Hindi `to madaling kalimutan at tanggapin pero para sa inyo, lalong-lalo na kay Josh at sa pangarap niya...” Tumayo ako at muling ngumiti sa huling pagkakataon. “Kakayanin ko...”
After kong sabihin ang mga salitang `yon ay tumakbo na ako palayo sa kanila. Narinig ko pa ngang isinigaw ni Josh ang pangalan ko pero hindi na ako lumingon. Baka magpasalamat lang siya kaya `wag na lang.
Diary, finally, kaya ko nang lumimot. Magbabago na ako for good.
Namamaalam,
Pipay