Malandi #34
MONG’S POV
KANINA pa ako sa kuwarto ni Josh pero hindi siya nagsasalita kahit alam niyang nandito kaming dalawa ni Monica. Nakatulala lang siya sa kawalan habang hawak-hawak ang litrato ni Pipay. Mukhang may malalim siyang iniisip at alam ko kung sino ang laman ng isip niya nang mga oras na iyon. Si Pipay lang siyempre.
Hindi ko maalis sa sarili ko na hindi maawa kay Josh pero damn lang talaga. Ang payat-payat na niya ngayon. Parang isang pitik ko lang sa katawan niya ay mababali na iyon. Masyado nang dikit sa kanyang buto ang balat niya.
“Josh, kumain ka muna. Hindi ka pa raw kumakain sabi ni Tita,” sabi ni Monica pero umiling lang si Josh.
“Ayoko. Wala akong gana,” mahina niyang sagot saka tumingin sa labas ng bintana. “Puwede bang iwan mo muna kaming dalawa ni Mong, Monica? May pag-uusapan lang kaming dalawa.”
“Ha? Puwede naman kayong mag-usap habang nandito ako, ah. Hindi ako makikinig, promise.”
“Sige na. May pag-uusapan lang kaming dalawa,” pakikiusap uli ni Josh. “May mga bagong nurse sa nurse station sa ibaba. Mga guwapings daw, eh. Dali, puntahan mo.”
“Really?” masiglang sagot ni Monica. “OMG! I need to see them.” Pagkatapos ay tumingin siya sa akin. “Ayos lang ba ang hitsura ko, Mong? Kailangan ko pa bang mag-make up? O mag-lipstick na lang kaya ako?”
Natawa ako. “Ayos na `yan. Sige, lumabas ka na. Dali, baka maubusan ka ng lalaki sa ibaba,” pagtutulak ko sa kanya para lumabas na siya.
Dali-dali nang lumabas si Monica habang may malaking ngisi sa mga labi niya. Sa sobrang pagmamadali ay naapakan pa niya ang basahan na nasa tapat ng pinto kaya bigla siyang natisod at humampas ang ulo niya rito. Dumugo ang ulo ni Monica dahil sa lakas ng impact pero dedma lang siya. Todo-ngiti pa rin siya at hindi na pinansin ang pagdudugo ng ulo niya.
Gutom ba talaga `tong si Monica sa mga lalaki? Maganda naman siya.
Nakalabas na si Monica at kaming dalawa na lang ni Josh ang naiwan. Walang nagsasalita sa aming dalawa at tanging tunog lang ng wall clock ang naririnig ko. Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon pero mas nag-uumapaw ang awa ko para sa kanya. May ganito na pala siyang sakit na inililihim niya sa lahat ng taong nasa paligid niya.
“So, kumusta?”
Tumingin sa akin si Josh saka ngumiti. Tatayo sana siya mula sa pagkakahiga pero hindi niya kaya. Hinang-hina na ang katawan niya. Mabilis akong tumayo para alalayan siya at tulungang makaupo sa gilid ng kama.
“Salamat,” mahina niyang sabi saka napayuko. “Nakakaawa ako, `no? Pati pagtayo ay hindi ko na kaya.” Tumawa pa siya pagkatapos. Pero halatang peke lang ang tawang iyon para takpan ang kahihiyang nararamdaman.
Muli akong bumalik sa pagkakaupo ko. Ngayon ay magkatapat na kaming dalawa. “Ayos lang, p’re. Wala naman `yon. Saka, ako ba talaga ang kinukumusta mo o siya ?”
Saglit na napatingin sa akin si Josh saka umiwas. “Kumusta siya?” mahina na naman niyang tanong.
“Sa totoo lang, p’re. Hindi ko alam kung kumusta si Pipay. Mula nang nalaman namin kahapon ang tinatago n’yong lihim ni Monica, mula nang malaman naming may sakit ka ay nagkulong lang siya sa kuwarto niya. Hindi na rin siya pumasok.”
“Ah, gano’n ba? Sana lang hindi na niya isipin `tong nangyayari sa akin. Ayokong maging apektado na naman si Pipay dahil sa kalagayan ko. Pinilit kong itago ang lahat sa kanya. Mas gugustuhin kong paluhain siya ng panandalian kaysa masaktan siya sa pagkawala ko habang-buhay.” Ibinaling uli ni Josh ang tingin niya sa akin. “Sigurado ako sa sarili ko na hindi na ako magtatagal. Ramdam ko na, p’re, eh. Para akong nauupos na kandila. Umaasa ang mga magulang ko na magkakaroon ng himala kapag nag-chemotheraphy ako, pero doktor ko na rin ang nagsabi na wala na talagang solusyon dahil nasa terminal stage na ako.”
“`Wag ka ngang magsalita ng ganyan! Kung makapagsalita ka ay parang sigurado ka nang mamamatay ka, ah?! Maging positive ka, p’re. Gawin mong inspirasyon ang mga taong nagmamahal sa `yo na nasa paligid mo. `Di ba, gusto mong maglaro ng basketball sa SOGO Team? `Di ba, gusto mo pang grumaduate. `Di ba... `di ba, gusto mong makitang masaya si Pipay? Magpagaling ka.” Sumisikip ang dibdib ko habang sinasabi ko ang mga iyon. Hindi talaga ako sanay sa mga ganitong usapan.
Matamlay na ngumiti si Josh. “Gusto ko naman, p’re, eh. Marami akong plano sa buhay ko. Sobrang dami. Gusto ko ring tuparin ang lahat ng pangako ko kay Pipay pero hinahadlangan ako ng sakit ko.” Tumingala si Josh para pigilan ang kanyang mga luha. “Kaya nga pinagkatiwala ko sa `yo ang pinakamamahal kong babae, p’re. Kahit sobrang sakit na makitang hinahawakan ang kamay niya ng ibang lalaki, tinitiis ko lang ang lahat dahil ayokong maging selfish. Ayokong bigyan siya ng panandaliang kaligayahan na mawawala rin kapag hindi ako nagtagal. Pipay deserves to be happy at hindi ko `yon maibibigay dahil may taning na ang buhay ko.”
Napahilamos ako ng mukha dahil sa sinabi niya. “Pero kinuha mo ang chance na magkasama kayo habang nabubuhay ka pa. P’re, alam mo ang bading mo, eh. Wala kang paninindigan para sabihin ang lahat kay Pipay. Wala ka bang tiwala sa kanya? Sure, masasaktan siya dahil nawala ka. Pero, at least nakasama ka niya sa huling pagkakataon. Nagbago si Pipay, p’re. Pero alam kong kahit sabihin niya na hindi ka na niya mahal, sigurado akong nagsisinungaling lang siya.” Napangiti ako nang mapakla. “Kahit binigyan ako ni Pipay ng chance, ramdam kong ikaw pa rin, p’re. Ang lakas ng kapit mo sa puso niya. Kahit anong tibag ko ay hindi ako makapasok.”
Napatitig si Josh sa akin saka umiling. “Wala na rin namang saysay `yan, eh. Ayoko na ring makita si Pipay. Ayokong makita niya ako sa ganitong kalagayan. Ayokong kaawaan niya ako.”
Napansin kong tumulo na ang mga luha ni Josh.
“Gusto kong lumigaya si Pipay, p’re. Ayaw kong masaktan siya kaya pakiusap, pasayahin mo siya. `Wag mong papatuluin ang mga luha niya. `Yan na lang ang huling hiling ko sa `yo bago ako mawala. Sana pagbigyan mo ako.”
Napayuko ako dahil sa nakikita kong kalagayan ni Josh. Sinasabi niyang ayaw na niyang makita si Pipay pero ramdam ko namang kabaliktaran niyon ang gusto niyang mangyari.
Sigurado akong gusto niyang makita si Pipay kahit na ganito ang kalagayan niya. Alam kong nagdadasal pa rin si Josh na sana makasama niya si Pipay sa mga natitira niyang oras sa mundo.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko kaya nasuntok ko na si Josh. Napahiga siya sa kama at napatulala dahil sa biglaang paglapat ng kamao ko sa pisngi niya.
“Ang duwag mo, p’re! Ang duwag-duwag mong gago ka! Bakit hindi mo aminin sa sarili mo na kailangan mo si Pipay? Na gusto mo siyang makita at gusto mo siyang makasama? P’re, `wag mong tanggalan ng kaligayahan ang sarili mo. Magpakatotoo ka. Sabihin mo ang nararamdaman mo at `wag mong itago. `Wag mong kaawaan at limitahan ang sarili mo sa mga bagay na gusto mong mangyari habang nabubuhay ka pa!”
Nakatulala lang si Josh habang sinisigawan ko siya. Tumulo na naman ang mga luha niya.
“Gusto kong makita si Pipay. Gusto ko siyang makasama.” Nanginig ang boses niya habang nakatingin sa kawalan. “Gusto kong makasama si Pipay kahit sandaling panahon na lang ang natitira sa akin. Gusto kong ipaliwanag sa kanya ang lahat ng nangyari para maisip niya na hindi ko naman siya gustong saktan. Wala akong ibang hangad kundi ang kaligayahan niya lang. Gusto ko siyang makita... Pipay, mahal kita. Mahal na mahal...”
Naramdaman ko na lang na tumulo na ang mga luha ko dahil sa mga sinabi ni Josh. Naaawa ako sa kanilang dalawa ni Pipay. Mahal ko si Pipay pero kahit kailan talaga ay hindi ko matatapatan ang pagmamahal na naibigay ni Josh sa kanya. Halata namang silang dalawa lang ang itinadhana para sa isa’t isa, kahit na ako ang unang nakilala ni Pipay sa aming dalawa ni Josh. At kahit na bata pa lang kami ay mahal ko na siya, wala iyong sinabi sa pagmamahal ni Josh sa kanya. Masyado iyong malakas at makapangyarihan. Pero wala silang magawa dahil sadyang mapaglaro ang tadhana.
“`Yan, ganyan dapat. Maging totoo ka sa sarili mo,” sabi ko habang nakatingin kay Josh. “Hindi ko maipapangako na makukumbinsi kong pumunta si Pipay dito. Pero `wag kang mag-aalala, gagawin ko ang lahat.” At pagkatapos ay lumabas na ako ng kuwartong iyon.
Napahinga ako nang malalim matapos ang pag-uusap namin ni Josh. Bakit kailangan pang maging ganito kakomplikado ang lahat? Bakit kailangan pang dumating sa point na may mawawalan ng buhay? Masyado pang bata si Josh para maranasan ang mga ganitong bagay. Dapat ang mga katulad namin ay ine-enjoy ang buhay-teenager pero heto siya at lumalaban sa sakit niyang wala na raw lunas.
“Sino ka?”
Bigla akong napalingon dahil sa lalaking nagsalita. Mukhang kasing-edad ko lang siya at may dalawang box ng cake.
“O, bakit ka ganyan makatingin sa strawberry cake ko? Akin `to. Bumili ka ng iyo, `uy,” sabi niya saka niyakap ang box ng cake. Akala naman niya ay nanakawin ko iyon sa kanya.
“Baliw,” sabi ko saka nilampasan siya. Pero napahinto ako sa paglalakad nang bigla na naman siyang magsalita.
“Sinong baliw? Ako ba’ng tinutukoy mong baliw?” maangas na tanong niya kaya napangisi na lang ako.
Mukhang kakasa ang isang `to, ah?
“Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko. Sino ka? Bakit galing ka sa kuwarto ng kaibigan ko? Baka magnanakaw ka, ah.”
Nagpanting ang mga tainga ko dahil sa sinabi niya. “Baka tanga ka. Sa guwapo kong `to, magnanakaw ako? Ako na may abs na ganito, magnanakaw? Asa,” sabi ko saka itinaas ang suot kong polo para makita niya ang six-pack abs ko.
Napanganga siya habang nakatitig sa abs ko. “Wow,” sabi niya at napalunok pa.
Bading `ata `to, eh. Bakit ganito ang tingin niya sa abs ko? Parang gusto niya nang dilaan, ah.
Agad kong ibinaba ang polo ko para matakpan na ang abs ko saka tumalikod at naglakad uli palayo sa kanya. Kailangan ko nang makaalis sa harap niya at baka magahasa ako ng lalaking iyon nang wala sa oras. Mahirap na.
“Hoy! Mr. Abs!” sigaw niya pero hindi ko na siya nilingon pa.
Lalo kong binilisan ang paglalakad palabas ng hospital at papunta sa kotse ko.
Pag-uwi ko sa bahay ay nagkulong lang ako sa kuwarto ko at inisip ang lahat ng nangyari. Pinag-iisipan kong mabuti ang gagawin ko dahil alam kong mahirap ito. Pero ayoko namang maging hadlang sa pag-iibigan nina Josh at Pipay. Alam ko namang sila lang talaga ang nararapat sa isa’t isa. Kahit mahirap. Kahit sa tingin ko ay hindi ko kaya ay kailangan ko pa ring kayanin.
Siguro, iba lang talaga ang takbo ng mundo. Kahit na ipinangako namin ni Pipay sa isa’t isa na kami ang nararapat paglaki namin ay hindi pa rin puwedeng ipilit. Lalo na kung para sa ibang tao sila inilaan ng Diyos. Marahil, hindi ito mahirap tanggapin pero wala akong ibang magagawa. Hindi ko kayang tanggalan ng kaligayahan ang isang taong malapit nang bawian ng buhay.
Kinabukasan, maaga akong umalis ng bahay. Mga alas-dos ng madaling-araw. De, joke lang. Mga alas-siyete naman ng umaga. Hindi na naman ako nag-almusal at mukhang bubungangaan na naman ako ni Mama pag-uwi ko. Pero hayaan na dahil may kailangan akong gawin ngayon.
Pagdating ko sa bahay nina Pipay ay agad akong huminto sa tapat. Lumabas ako ng kotse at nagulat ako nang makita ko siyang nasa harap ko at naka-uniform na. Todo-ngiti pa siya sa akin. Halatang wala pa rin siyang matinong tulog pero natakpan na ng light makeup ang mukha niya kaya ang ganda niya ngayong umaga.
“O, bakit ganyan ka makatitig? Ang ganda ko ba o na-miss mo lang ako o both? Hihihi.” Humagikhik pa si Pipay—isang tawa na paniguradong mami-miss ko sa kanya.
“Yeah. Ang ganda mo,” sabi ko saka nilapitan siya at niyakap nang mahigpit. “Na-miss kita. Mabuti at naisipan mo nang lumabas ng kulungan mo?”
“Siyempre naman. Ayoko nang magmukmok,” sabi niya saka niyakap na rin ako nang mahigpit. “Ang bango mo, Mong. Mabango rin ba ang bakal na krus mo?”
Agad ko siyang binatukan dahil sa sinabi niya. “Pulos ka bakal na krus. Isaksak ko sa `yo `tong bakal na krus ko, eh.”
“Sige nga!” Ngumisi si Pipay kaya napailing na lang ako.
“Next time.” Tumawa ako. “Pero mukhang wala nang next time, eh,” bulong ko.
“Ha?”
Umiling ako. “Wala. Wala...”
“Tara na nga. Male-late na tayo. Baka na-miss na ng mga classmate ko ang kagandahan ko.” Tumalikod na si Pipay at naglakad pero mabilisan kong hinawakan ang kamay niya. “Bakit?” tanong niya matapos akong lingunin.
“Puwede bang `wag na tayong pumasok ngayon? Hihiramin ko lang ang buong isang araw mo. Gusto kitang makasama nang buong araw, eh.” Hindi ako makatingin nang deresto sa mga mata niya dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay baka magbago na ang isip ko na ibalik siya sa lalaking nararapat at nagmamahal sa kanya nang wagas.
Ramdam kong nakatitig lang si Pipay sa akin bago siya sumagot. “Saan tayo pupunta?”
“Kahit saan. Basta ikaw ang kasama ko.” Ngumiti ako nang tipid sa kanya.
Dahan-dahan siyang tumango.
Nauna nang pumasok si Pipay sa kotse ko habang ako ay humugot muna ng malalim na hininga bago sumunod.
This is it, Monjie. Make the best out of it. Gawin mong memorable ito.
Pagpasok ko sa loob ng kotse ay walang nag-iimikan sa aming dalawa ni Pipay. Hindi rin niya ako tinitingnan. Gusto kong itanong sa kanya kung napag-isipan na ba niya ang nangyari kay Josh. Pero ayoko namang sirain ang mood niya dahil baka masira lang ang araw niya at hindi ko maituloy ang plano ko para sa huli naming pagsasama.
Habang nagda-drive ay naisip ko bigla na bakit kaya tayo binibigyan ng chance na mahalin ang taong hindi naman pala para sa atin? Hindi ba ang unfair lang dahil we are just wasting everything para sa taong hindi pala para sa atin?
Pero naisip ko rin na it’s not wasting at all dahil kapag nasiyahan ka sa kaunting panahon na pagsasama n’yo at naging maligaya ka nang lubusan, it’s worth it. Marahil, kailangan lang nating dumaan sa ibang tao bago natin mahanap at matagpuan ang taong inilaan sa atin. Para alam na natin ang kahulugan ng equal pain and happiness at hindi na gagawa ng isang bagay na ikakawala ng taong para sa atin.
Boom! Hindi lang ako guwapo, ang talino ko pa. Pero wala pa sa akin ang lahat. Dahil mamaya... papalayain ko na ang babaeng minamahal ko mula pa pagkabata ko. Isasauli ko na siya sa lalaking nagmamay-ari talaga sa kanya.
Hays! Stop it, Mong. Kayo muna ni Pipay ang isipin mo ngayong buong araw. Last na `to, tandaan mo. Kaya dapat i-enjoy mo.
“May problema ka ba, Mong?” biglang tanong ni Pipay.
Hindi ko alam kung saan na kami nakarating dahil patuloy lang ako sa pagmamaneho.
Tumingin ako kay Pipay saka binigyan siya ng tipid na ngiti. “Wala naman. Bakit?”
“Urur! Wala mo mukha mo. Mongoloid ka kaya alam kong may problema ka,” sabi niya saka hinawakan ang kamay ko. “Sabihin mo kung ano’ng problema mo.”
“Wala nga sabi.” Napaiwas ako ng tingin.
“Ihinto mo ang sasakyan,” matigas niyang sabi kaya bigla akong napatingin sa kanya.
“Ha, bakit?” gulat na tanong ko.
“Basta, ihinto mo! Bababa ako,” sabi niya saka ako inirapan.
“Sigurado ka?”
“Mukha ba akong nagjo-joke?” iritado niyang tanong. “Ano ba, ihinto mo sabi ang sasakyan, eh.”
Wala na akong nagawa kundi ang sundin si Pipay. Kahit nasa kalagitnaan kami ng highway at ang daming mabibilis na sasakyan ay inihinto ko pa rin.
Paghinto ko ay saka niya binuksan ang pinto.
“Pipay naman...”
Hindi ako pinansin ni Pipay at bumaba na siya ng kotse. Pero hindi niya tinanggal ang pagkakahawak niya sa pinto. Napatingin siya sa magkabilang side kung saan may mabibilis na sasakyan ang dumadaan at kapag tumawid siya ay paniguradong katapusan na ng kanyang kuwento.
Tumingin siya sa akin saka ngumiti. “Hehe. Joke lang. Sige, sakay na uli ako at paandarin mo na,” sabi niya pagkatapos ay pumasok na uli sa loob ng kotse.
Napailing na lang ako sa ginawa ni Pipay. Kahit kailan talaga ay pulos kalokohan lang ang babaeng ito.
Nang mapagod na ako sa pagmamaneho ay inihinto ko na ang sasakyan sa nadaanan naming park.
“Tara, labas tayo,” pag-aaya ko sa kanya. Nauna akong lumabas ng sasakyan at sumunod din agad si Pipay. Naglakad kami papasok ng park at umupo sa unang upuang nakita namin.
Kakaunti lang ang tao sa paligid at mostly, mga bata pa na naglalaro sa swing na hindi kalayuan sa inuupuan namin. Ang saya-saya nilang panoorin at parang walang problemang iniisip. Nami-miss ko tuloy ang mga araw na mga bata pa kami ni Pipay kung saan tanging ako at siya lang ang laging magkasama at nagkakaintindihan sa buhay.
“Mong, may problema ka ba?”
Naramdaman kong hinawakan ni Pipay ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya at bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
Ngumiti ako. “Hindi ba, dapat ako ang nagtatanong niyan?” sabi ko. “Ano na ang plano mo ngayong alam na natin ang totoo? Na alam mo nang hindi ka talaga niloko ni Josh at lahat ng ginawa niya ay para lang sa kapakanan mo?”
Biglang binawi ni Pipay ang pagkakahawak niya sa kamay ko saka napaiwas ng tingin. Nawala rin bigla ang ngiti niya. “Puwede bang `wag natin siyang pag-usapan, Mong? Ayokong masira ang araw ko, eh,” malamig na sabi ni Pipay.
“Pero bakit naman? Hindi ka ba dadalaw sa kanya sa ospital ngayon na may malala siyang sakit?”
“Para saan pa? Bakit, kapag dumalaw ba ako ay mawawala ba ang sakit niya? Hindi naman, `di ba? Pinili ni Josh na itago ang sakit niya. Akala ko... akala ko niloko niya ako pero mas masakit pa pala do’n ang ginawa niya. Nilihim niya sa akin ang totoong nangyayari sa kanya. Wala ba siyang tiwala sa akin? Ayaw niya ba akong makasama? Ayaw niya bang alagaan ko siya sa mga panahong kagaya nito?”
Napalitan ng kalungkutan ang boses ni Pipay. “Wala na naman kaming relasyon, eh. Wala na akong responsibilidad para bisitahin pa siya. Ikaw na ang boyfriend ko kaya dapat sa `yo ko ituon ang pansin ko.”
“Ako nga ang boyfriend mo pero siya pa rin naman ang mahal mo.”
Napatingin si Pipay sa akin pero napaiwas lang ako ng tingin.
“Akala mo naman ay hindi ko nararamdaman, Pipay? Hindi ako manhid. Marahil ipinapakita mo sa akin na ako na ang mahal mo, pero never mong maloloko ang puso mo. Higit sa lahat ng organ na nasa loob ng katawan mo, `yang puso mo lang ang hindi magsisinungaling sa `yo. Alam nating pareho na hanggang ngayon ay si Josh pa rin at si Josh lang talaga.”
Tinitigan ako ni Pipay, isang matalas na tingin. Ginantihan ko lang siya ng tipid na ngiti. “Don’t be so unfair, Pipay. Maawa ka naman sa akin. `Wag mo akong bigyan ng false hope na mahal mo rin ako kahit wala naman talaga. Kung si Josh pa rin hanggang ngayon, hindi naman kita pipigilan na bumalik sa kanya. Magiging masaya pa ako kung gagawin mo `yon dahil kailangan ka niya ngayon. Josh needs you the most. Hindi ko tatanggalin ang pagkakataon na magkasama kayong dalawa sa mga nalalabi niyang oras.
“Mahirap para sa akin ang gawin ang bagay na `to—ang palayain ang babaeng matagal ko nang minamahal. Pero wala akong ibang magawa, eh. Kayo ang loveteam sa kuwentong `to. Sampid lang ako. Kaya... kaya ibabalik na kita sa kanya.”
“Pero—”
“Okay lang ako, Pipay,” sabi ko habang pinipigilan ang mga luha ko. “Don’t you think it’s better to be extremely happy for a short while, even if you might lose it, than to be just okay for your whole life?” Napahinga ako nang malalim. “Kaunting oras na lang ang nalalabi kay Josh sa mundong `to, Pipay. Kailangan ka niya. Gusto ka niyang makasama para maipaliwanag sa `yo ang lahat ng nangyari. At kung babalik ka sa akin kapag nawala na si Josh... `Wag kang mag-aalala, tatanggapin kita.” Ngumiti ako at dinukot mula sa bulsa ko ang picture niya at ni Josh na nakita ko sa bakuran ng bahay nila. “Titigan mo `tong picture na `to. Tingnan mo kung paano ngumiti si Josh no’ng mga panahon na kasama mo siya. Hindi ka ba nanghihinayang na baka isang araw... hindi mo na `yan makita pa?”
Nanginginig si Pipay nang kuhanin niya sa akin ang litrato nilang dalawa ni Josh. Pinagdikit niya iyon at napansin ko kaagad na nangilid ang mga luha niya. Tumingin ako sa malayo saka muling nagsalita.
“Kung makikita mo lang si Josh ngayon, sobrang payat na niya. Tinatago niya lang ang tunay niyang katawan sa sobrang kapal ng mga damit na isinusuot niya. Walang araw na hindi ka niya iniisip. Hindi nga siya kumakain dahil umaasa siyang isang araw ay magpapakita ka sa kanya.”
Napansin kong umiiyak na si Pipay.
“Puntahan mo siya... Ayusin mo habang maaga pa dahil kapag gabi na...”
“Tulog na siya?”
Tumango ako. “Oo. Malamang kapag gabi na, tulog na siya.” Tumayo ako at tumalikod sa kanya. “Kailangan mo nang bumalik sa lalaking higit na nagmamahal sa `yo. Alam kong siya lang ang makakapagbigay sa `yo ng tunay na kaligayahan. Samahan mo siya sa mga oras na nalalabi niya sa mundong `to.”
Naramdaman ko ang biglang pagyakap ni Pipay sa akin.
“Thank you, Mong. Salamat.”
“Wala `yon... Ganyan kita kamahal,” sabi ko habang nakatalikod sa kanya. Tumulo na rin ang mga luha ko.
“Mahal din naman kita, eh,” mahinang sabi ni Pipay.
“Pero mas mahal mo siya. Puntahan mo na siya. Kanina ka pa niya hinihintay.”
Humarap ako kay Pipay saka ngumiti. Ngumiti rin siya kahit umiiyak na siya.
“`Wag kang umiyak.” Pinunasan ko ang mga luha niya. “Ang pangit mo kapag umiiyak, eh.”
“Gago ka talaga.” Natawa siya saka inayos ang sarili. “Saang ospital ba naka-confine si Josh?”
“Sa Sic’s Hospital. Room sixty-nine.”
Tumango si Pipay saka naglakad palayo sa akin.
Pinagmamasdan ko lang siya nang bigla siyang lumingon sa akin at muling nagsalita.
“Mong! May barya ka ba? Wala akong pamasahe. Hehe.”
Napailing na lang ako saka dumukot ng pera at ibinigay sa kanya.
“Thank you!” Mabilisan niya akong hinalikan sa mga labi. “Thank you for everything.”
Tumango na lang ako at tanging ngiti ang isinukli sa kanya.
Nagpatuloy na uli si Pipay sa paglalakad hanggang sa makalabas na siya ng park.
“Thank you rin, Pipay,” bulong ko. “Thank you for being mine even for a short period of time.”
If you love someone, set her free. If she comes back, she’s yours forever.
This is the art of letting go.