noveltoon logo noveltoon
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 2

Chapter 35

Ch. 36 / 43 Apr 09, 2022

Malandi #35

JOSH’S POV

BAKIT kailangan maging ganito kakomplikado ang lahat ng bagay?

While lying here in my hospital bed, I’m thinking about my life. My life that wil end soon.

Paano ba napunta ang lahat sa ganito kamiserableng pangyayari?

Ipinikit ko ang mga mata ko at una kong nakita si Pipay na nakangiti sa akin. Iyong ngiti niya na una kong nakita noong high school pa lang kami. Iyong klase ng ngiti na palagi niyang ipinapakita sa mga tao sa paligid kapag masaya siya o kahit nasasaktan na.

Naramdaman ko agad na nangilid ang mga luha ko.

“I love you, Josh ko. Hihi. IcK4w Lh4Rn Zh4P4t Nh4. To the pempem and back and forth.”

Pipay, hindi mo alam kung gaano kita kamahal. In my eighteen years of existence, no’ng nakilala lang kita saka nagsimula ang totoong buhay ko. You showed me everything that I wanted. Ipinaramdam mo sa akin ang isang lubos na pagmamahal na kinakailangan ng isang tao. Ang dami na nating pinagdaanan at ang dami nating pangako sa isa’t isa. Pero hindi ko lahat matutupad ang mga iyon. I’m so sorry if I pushed you away. Sorry kung akala mo ay hindi na kita mahal.

Kung alam mo lang na mas masakit sa part ko ang pagtulak ko sa `yo palayo sa akin. God knows kung gaano ko tiniis ang sarili ko para lang yakapin at patahanin ka sa pag-iyak mo. Your tears were like a big punch to my face. Ilang gabi akong umiyak dahil doon. Gusto kitang puntahan no’ng araw na nakipaghiwalay ako sa `yo.

Pero pinigilan ko lang ang sarili ko. Alam ko kasing mas masasaktan ka lang kapag mas minahal mo pa ako dahil isang araw ay mawawala rin ako sa tabi mo at sa mundong ito. Hindi ko kayang makita kang umiiyak habang-buhay. Mas okay na ang masaktan ka nang panandalian kaysa umiyak ka ng buong-buhay mo dahil sa pagkawala ko.

May narinig akong pumasok kaya napadilat ako. Hindi ko na namalayan na kanina pa pala tumutulo ang mga luha ko. Basang-basa na naman ang unan ko dahil sa mga iyon. Pinunasan ko muna ang mga luha ko bago balingan ang taong pumasok sa kuwarto ko.

My heart skipped a beat when I saw the person who’s now in front of me. Totoo ba `tong nakikita ko? Hindi. Hindi siya `to. Imposible na makapunta siya rito. Siguro, produkto lang `to ng imahinasyon ko. Sa sobrang pagka-miss ko sa kanya kaya nakikita ko siya ngayon sa harap ko.

Ngumiti ako sa kanya nang tipid saka muling pumikit, nagbabaka-sakaling mawala na ang imahe ni Pipay na nakikita ko ngayon.

Pero lalong lumaki ang mga mata ko dahil hindi nawala ang imahe ni Pipay na nakatingin sa akin. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin at umupo sa upuang nasa harap ng kama ko.

“Kumusta ka?” Malumanay ang boses ni Pipay. Hindi niya inaalis ang pagkakatitig sa akin.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Pakiramdam ko ay matutunaw ako dahil sa tingin na iyon.

Umiwas ako ng tingin kay Pipay. Nandito nga talaga siya! Ang galing ni Mong. Napapunta niya rito si Pipay.

Palihim akong napangiti dahil nasa harap ko ngayon ang pinakamamahal kong babae. Gusto kong tumayo para halikan at yakapin siya nang mahigpit pero hindi puwede. Baka malunod na naman siya sa pagmamahal dahil sa akin. At masasaktan ko lang si Pipay kapag nawala na ako.

“Bakit ka nandito?” malamig na tanong ko. “Ano’ng ginagawa mo rito?” Binigyan ko siya ng emotionless na tingin.

Nagtagis ang mga bagang ni Pipay at napakunot-noo. Lumaki rin ang butas ng ilong ni Pipay habang tinitingnan ako nang masamang.

Oops, hindi maganda `to! Mukhang nagagalit na si Pipay. Ang cute niya talagang mainis. Napangiti na naman ako nang palihim.

“Balian kaya kita ng buto?! Sa payat mo ngayon, paniguradong madali kitang mababalian ng buto, pisti ka,” galit na sabi ni Pipay at napansin kong naluluha na siya. “May... May sakit ka pala `tapos hindi mo man lang sinabi sa akin. Mas ginawa mo pang komplikado ang lahat. Akala mo ba, magiging masaya ako sa nangyayari ngayon sa `yo? Hindi, Josh. Hindi ako nasisiyahan dahil sa ginawa mong pagpapalayo sa akin dahil lang sa shutang inerns na sakit mo na `yan.” Tumulo na ang mga luha ni Pipay.

Oh, God. Napaiyak ko na naman si Pipay.

“Mas gugustuhin ko pang... magmahal ka ng iba at least buhay ka at nakikita pa rin kita, kaysa mawala ka nang tuluyan sa akin.” Parang waterfalls ang mga luha ni Pipay.

Iniiwas ko ang tingin ko sa kanya. Parang nawawasak na naman ang puso ko nang paulit-ulit tuwing nakikita ko siyang umiiyak dahil sa akin. Shit. Gusto kong tumayo at yakapin siya.

Sinubukan kong igalaw ang mga paa’t binti ko pero hindi ko kaya. Nanghihina ang katawan ko. God, please, kahit ngayon lang. Kahit ngayon lang ay ibalik N’yo ang lakas ko.

“Ano, wala ka bang sasabihin?!” sigaw ni Pipay. “Magsalita ka. Gusto kong malaman ang lahat, Josh. Paano nangyari na may sakit ka at hindi ko man lang nalaman? Kailan pa `to?”

Muli kong tiningnan si Pipay saka ngumiti nang tipid. “Bago pa lang kita makilala ay may bone cancer na ako. Nagsimula `to no’ng third year high school pa lang tayo. Namana ko ang sakit ko sa lola ko. Saktong bakasyon nang nalaman namin na may ganito akong sakit. Mabuti na lang dahil bakasyon kaya napagamot agad ako. Akala namin tuluyan nang nawala ang sakit ko dahil mabilis akong naka-recover. Naging okay na ako no’ng fourth year high school na tayo. Sumali pa nga ako sa basketball team ng school, `di ba?”

Nakikinig lang si Pipay habang nagkukuwento ako pero hindi tumitigil ang pagtulo ng mga luha niya.

“No’ng nakilala kita, my life became more colorful than before. Lagi akong nakatawa at masaya dahil sa `yo, Pipay. Dahil sa `yo, nawala na sa isip ko na nagkasakit ako. Para lang akong normal na tao. Pero bago tayo mag-college, unti-unti ko na naman nararamdaman na sumasakit ang mga buto ko, especially sa mga binti ko. Hindi ko `to inisip masyado dahil akala ko ay wala lang `to at epekto lang ng dati kong sakit. Ayoko rin kasing malaman ang totoo dahil baka kapag nalaman kong bumalik ang sakit ko ay lalong hindi ko kayanin.”

Huminga ako nang malalim dahil naiiyak na naman ako. “No’ng pumasok tayo ng college, nakilala ko si Monica. Siya lang ang makakapagpapasok sa akin sa basketball team na pinapangarap ko. When I met her, I also made the biggest mistake of my life. Naging komplikado ang buhay nating dalawa. Hindi ko sinabi sa `yo na naghalikan kami no’ng tinanong mo kung ano ba ang meron sa amin ni Monica.”

“Naghalikan kayo?” gulat na tanong ni Pipay.

Tumango ako. “Oo. Pero sandali lang `yon. Sa maniwala ka at sa hindi, habang hinahalikan ko siya ay ikaw lang ang iniisip ko. Iniisip kong ikaw ang humahalik sa akin. Kumagat ako sa patalim dahil gusto kong makita mo akong mag-basketball uli. Alam kong masaya ka kapag nakikita mo akong naglalaro, Pipay. Higit sa lahat, kaligayahan mo lang ang lagi kong iniisip. Pero dahil do’n, nasaktan naman kita. Ang tanga ko lang.”

Napangiti ako nang mapakla. “Sinubukan kong putulin ang ugnayan naming dalawa ni Monica. Mas pipiliin kong mawala ang pangarap ko kaysa ikaw, Pipay. Ikaw lang naman kasi ang pangarap ko talaga, eh. Pero hindi naging madali ang lahat. May video pala ang halikan naming dalawa. Tinakot niya ako na ipapakita `yon sa `yo kapag umalis ako ng basketball team at pinutol ko ang ugnayan naming dalawa.

“Alam kong masasaktan ka kapag nakita mo ang video na `yon and worse, makikipaghiwalay ka sa akin. Selfish na kung selfish pero mas pinili kong ituloy ang namamagitan sa amin ni Monica kaysa ikaw ang mawala sa akin.”

Tumulo na naman ang mga luha ko. “Naging sunod-sunuran ako dahil sa hawak na alas ni Monica laban sa akin. Lagi niya akong tinatakot na ipapakita niya sa `yo ang video kapag hindi ko sinunod ang gusto niya. Isang gabi, sabi niya ay magkita kaming dalawa at mag-sex. Ayoko talaga, Pipay. Ayoko dahil ikaw lang ang babaeng mahal ko. Inaalay ko sa `yo lahat ng first ko. Kaso sadyang natatakot ako sa kanya kaya wala akong nagawa.”

Tumingin ako kay Pipay habang umiiyak. “Masyadong gago ang tadhana dahil gumawa siya ng paraan kaya nakita mo kaming dalawa ni Monica sa gano’ng posisyon. `Tangina, Pipay. After mong tumakbo palabas sa kuwarto ng motel na iyon, tumatak sa isip ko ang mukha mong nandidiri sa akin.”

Tumawa ako nang mapakla. “Hindi na kita hinabol dahil alam kong hindi ka rin makikinig sa explanation ko. Sinabi ko sa sarili ko na kakausapin kita kinabukasan, kapag malamig na ang ulo mo.

“Pero hindi mo naman ipinaliwanag sa akin ang lahat,” sabi ni Pipay habang nakayuko. “Alam mo, Josh, tinanggap ko naman `yong nakita ko, eh. Tatanggapin ko lahat ng paliwanag mo no’n basta hindi ka mawawala sa akin. Gano’n kita kamahal.”

“After mo ngang umalis no’n, umiyak ako nang umiyak sa harap ni Monica. Nagmakaawa ako sa kanya na itigil na namin ang nangyayari. Sinabi ko sa kanya na hindi ko makakaya kapag nawala ka sa akin. Magpapakamatay ako kapag nawala ka. Mukhang natakot si Monica kaya pinayagan niya ako.

“Pero no’ng nag-uusap kaming dalawa na sasamahan niya pa akong kausapin ka ay bigla akong nahimatay. Nagising na lang ako na nasa ospital na ako at kasama sina Mama at Papa. Doon na namin nalaman na bumalik na pala ang bone cancer ko at mas malala pa kaysa sa nauna.

“Mas naging mahirap sa akin ang lahat, Pipay. Hindi ko alam ang gagawin ko. Para akong mamamatay dahil sa nangyari sa atin at nalaman kong may sakit na naman ako. Nabuo ang desisyon ko na mas okay na pala ang nangyari na nahuli mo kami ni Monica para isipin mo na niloko kita para magalit ka sa akin at layuan na ako. Kinausap ko rin si Monica no’n na magpanggap kaming dalawa na kami na para magalit ka at kasuklaman mo ako. Ang hirap, putang ina. Hirap na hirap ako habang naiisip ko ang mga posibilidad na mangyayari pero kakayanin ko. Para sa `yo at sa kapakanan mo ay gagawin ko lahat, Pipay.”

Nahihirapan na akong huminga dahil sa masasakit na alaala na iyon. “No’ng nakipag-usap ka sa akin sa kanto n’yo ay talagang isinama ko si Monica no’n para lang magalit ka. Sinabi kong mas pipiliin ko ang pangarap ko kaysa sa `yo pero kabaliktaran talaga lahat ng mga sinabi ko ang nararamdaman ko.

“Ang daming nangyari, Pipay. Alam kong umiyak ka nang umiyak dahil sa nangyari sa atin. Pero akala mo ikaw lang ang nasasaktan? Mas dobleng sakit ang nararamdaman ko dahil sa pananakit ko sa `yo at dahil sa sakit ko. Kahit saan ka magpunta ay lagi kitang sinusundan, Pipay. Pinipigilan ko lang ang sarili kong lapitan ka. No’ng pumunta ka sa bahay namin at nakita mo si Monica, sinamahan niya lang ako noon dahil wala sina Mama. Baka kung ano raw ang mangyari sa akin kapag walang nagbabantay sa akin. Alam kasi nila na naghiwalay na tayo. Baka raw magpakamatay na lang ako para matapos na ang lahat ng sakit na nararamdaman ko.”

Natawa ako. “Pumunta ka do’n at nagmakaawa na mahalin ako ni Monica nang lubusan at `wag niya akong sasaktan. Tinawag pa kita no’n pero hindi ka na lumingon pa. Umiyak na naman ako no’n dahil sa ginawa mo. Kakaiba talaga ang pagmamahal mo sa akin. Ibang-iba, Pipay.

“Binugbog ni Mimay si Monica at alam ko naman na umawat ka lang. Sigurado naman akong hindi mo kayang manakit ng ibang tao, eh. Mas pipiliin mong ikaw ang masaktan kaysa iba ang mahirapan. Pero sinumbong nina Anne at Coleen na kasama ka raw kaya dapat ipapatanggal kayo ni Mimay sa school. Nakiusap lang ako kay Sir Gordon na `wag na. Hindi ko kayang mawala ka sa school dahil hindi na kita makikita pa. Hindi ko kakayaning mawala ka nang tuluyan sa paningin ko.”

“Kaya pala biglang nagbago ang desisyon ng tatay ni Monica dahil do’n. Kinausap mo pala siya.”

Tumango ako. “Yeah. Alam mo naman na lahat ay gagawin ko para sa `yo. Kahit saan ka pumunta lagi akong nakasunod sa `yo. Nagmumukha na nga akong stalker pero wala akong pakialam. Gusto kong masiguro ang kaligtasan mo. Sumali ka sa isang show para magpaganda. Sasabihin ko sana na `wag na dahil maganda ka naman, eh. Kung hindi para sa iba, at least sa mga mata ko. Pero naisip ko na hindi ka rin makikinig sa akin kaya hindi ko na itinuloy. Hinintay ko na dumating ka sa bahay n’yo no’n.

“No’ng dumating ka ay dapat pupurihin kita, pero iba ang lumabas sa bibig ko. Kailangan pala kitang saktan. Kailangang magalit ka sa akin. Hindi ko alam kung kaninong santo ako humiram ng tapang no’n para ipagtabuyan ka at iparamdam sa `yo na hindi kita mahal. Ang galing ko ba? Akala mo kasi, totoo ang mga sinabi kong masasakit na bagay sa `yo at ang mga ipinakita ko.”

“Nagalit naman ako sa `yo no’n, eh.” Nakatingin si Pipay sa akin—isang tingin na punong-puno ng kalungkutan. “Galit ako sa `yo dahil sa ginawa mo. Akala ko ay kinalimutan mo na ang lahat ng tungkol sa akin. `Yong sumpaan natin sa isa’t isa ay bigla mo na lang kinalimutan.”

Umiling ako, hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya. Dahil baka kapag napakurap ako ay bigla na namang mawala sa paningin ko si Pipay.

“Hinding-hindi ko kakalimutan ang lahat ng bagay na tungkol sa `yo, Pipay. Kung magkaka-amnesia ako, mas pipiliin ko pang matira ang mga alaala natin. Ikaw lang ang gusto kong maalala sa lahat.

“Nagbago ka, Pipay, dahil sa akin. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin ang pagbabago mo. Gumanda ka nga pero nawala naman ang magandang ugali na minahal ko sa `yo. Gusto kitang kausapin no’n pero alam kong hindi mo naman ako papakinggan. Ako rin naman ang may kasalanan ng pagbabago mo, hindi ba? Kaya sinisi ko lalo ang sarili ko. Pain changes people. Nasaktan kasi kita.

“Araw-araw ang lumipas at naramdaman kong palala na nang palala ang sakit ko. Sinabi na rin ng doktor ko na may taning na ang buhay ko. Pero hindi ako napigilan ang pagsunod sa `yo kahit saan ka magpunta. Hindi ko kasi nararamdaman ang sakit ko kapag nakikita kita kahit sa malayo. Ayos na sa akin na palihim kitang binabantayan at minamahal.

“No’ng seventh monthsary natin na dapat sa seaside tayo magse-celebrate...”

“`Yong monthsary natin na hindi ka sumipot.” Ngumiti si Pipay nang tipid.

“Sumipot ako. Bago ka pa dumating ay nando’n na ako at umiiyak dahil sa mga alaala natin. Mga alaalang hindi na siguro mauulit pa. Nakita pa nga ako ni Prince, eh. Habang nag-uusap kami ay bigla kang dumating kaya napatago kami agad.” Napapikit ako. “Kahit nakapikit ako ay nakatatak pa rin sa alaala ko ang mga sinabi mo no’ng araw na `yon. Hindi ko `yon makakalimutan. Mahal na mahal mo talaga ako at nasasaktan ako dahil hindi ko `yon mapantayan.

“Dala mo pa nga `yong bolang pangarap ko, `di ba? Hindi mo na napansin pero kinuha ko `yon at lagi kong itinatabi sa pagtulog ko. Pakiramdam ko kasi ay katabi na rin kita dahil do’n.

“May iniregalo ako sa `yo no’n. Isang kuwintas na may pendant na kalangitan na may buwan at bituin.”

“Ikaw... ikaw ang nagbigay nito?” Ipinakita ni Pipay ang suot niyang kuwintas.

Napangiti ako dahil suot niya pala iyon.

Tumango ako. “Oo. `Yang pendant na `yan ang sumisimbolo kung ano ka para sa akin. Ikaw ang buong kalangitan ko. `Wag ka nga magulo. Nagkukuwento pa ako. Panira ka ng point of view.”

“Sorry naman,” sabi niya. “Go. Continue…”

“Isinama mo si Prince sa isang bar no’n at nagpakalasing ka. Para sa isang babae ay ang lakas mong tumungga ng alak. Dalawang case ng Red Horse ang naubos mo. Halos mawalan ka na ng malay dahil do’n kaya kinuha na kita. Hindi ka puwedeng umuwi na lasing dahil magagalit ang mama mo. Dinala kita sa isang motel.” Natawa ako bigla. “Nagising ka nga no’n at akala mo ako si Prince, eh. Lasing na lasing ka kaya nag-hallucinate ka. Ako talaga ang kasama mo, Pipay, at hindi si Prince.”

“Ikaw `yon?” Nanlaki ang mga mata ni Pipay. “Akala ko ay guniguni ko lang na ikaw `yon. Eh, di... eh, di dapat no’ng may mangyayari ay ikaw pala... ikaw pala `yon?”

Natawa na naman ako. “Oo. Pinabili mo pa nga ako ng condom no’n, eh.”

“ Shutang inerns ka! Hindi ka bumalik no’n. Pabitin, bh3 . Sakit kaya ng puson ko no’n.”

“Paglabas ko kasi ay bigla kong naisip na ang unfair ko sa `yo kapag itinuloy ko `yon kaya mas pinili kong `wag na lang. Dahil gusto kong ibigay mo ang first time mo sa lalaking karapat-dapat sa `yo at hindi ako `yon.” Nalungkot ako sa sinabi ko. “Kaya sorry. Sorry kung nabitin ka...

“Lahat ng ginagawa ko ay para sa `yo, Pipay. Kinausap ko na si Mong na ipapaubaya na kita sa kanya. Kahit masakit. Kahit sobrang sakit na makitang may ibang lalaki na nagmamahal sa `yo at hinahawakan ang kamay mo, tiniis ko lahat. Ayos na ako ang masaktan kaysa ikaw ang magdusa. Kailangan kong masigurong may lalaking magmamahal sa `yo bago ako mawala. Nagtagumpay ako sa plano ko. Naging kayo ni Mong. Kahit na unti-unti akong pinapatay kapag nakikita ko kayong magkasama. Ilang ulit kong pinipigilan ang sarili ko na `wag bugbugin si Mong tuwing napapasaya ka niya. Ako dapat `yon, eh. Ako dapat ang nagpapasaya sa `yo.

“Lumilipas ang mga araw at lalong lumalala ang sakit ko. Ramdam ko na ang katapusan ko, Pipay. Para akong nauupos na kandila. Dahan-dahang natutunaw at nawawalan ng liwanag. Pero hindi naman ako natatakot mamatay. Kapag naiisip ko kasing masaya ka kahit mawawala na ako—dahil may lalaki ka nang ibang mahal—kampante na ako.”

“Should I hate you because you hurt me? Or should I love you because you made me feel special?”

Napatingin ako kay Pipay. “Quotes ba `yan?”

Tumango siya saka ngumiti. “Yes. Paki-tweet.”

Saglit kaming natahimik ni Pipay. Hindi ako nakatingin sa kanya pero ramdam ko ang pagtitig niya sa akin. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Si Pipay lang ang tanging nakakagawa nito. Ganito kalakas ang epekto niya sa akin.

“So... alam mo na ang lahat. Puwede ka nang umalis,” sabi ko. “Puntahan mo na si Mong. Malamang, hinihintay ka na niya.”

Laking gulat ko nang bigla akong yakapin ni Pipay nang mahigpit.

“Hindi na. Hindi na ako aalis sa tabi mo, Josh. Ipapakita ko sa `yong ikaw lang ang lalaking mahal na mahal ko. Kahit na may sakit ka. Kahit na ang payat mo na, hindi na kita iiwan pa. Aalagaan kita. Ang dami nating pinagdaanang dalawa. Ang dami mong isinakripisyo para sa akin. Dapat magalit ako sa kaduwagan mo, eh. Pero hindi na kailangan pairalin ang galit ngayon. Mas kailangan kong isipin ang kalagayan mo. Ipaparamdam ko sa `yo na mahal na mahal talaga kita to the pempem and back. Lalaban tayong dalawa. Hindi kita hahayaang lumaban sa cancer na `yan nang mag-isa. BhOsxz Pipay `ata `to. Ipapamukha natin sa kanila na wala nang titibag sa atin.”

Nagulat ako sa mga sinabi ni Pipay. Bigla na namang tumulo ang mga luha ko. Hinawakan ko si Pipay nang mahigpit dahil sa mga sinabi niya.

“Ang daming nasayang na panahon dahil sa `yo, Josh. Ang daming nasayang na oras na dapat magkasama lang tayong dalawa. Magmula ngayon, bukas at sa mga susunod na araw, hindi na kita iiwan pa. Aalagaan kita. Mas hindi ko kakayanin kapag nawala ka pa sa akin, Josh.”

Naramdaman kong tumulo na naman ang mga luha ni Pipay.

“Pipay, magiging tapat ako sa `yo. Ramdam kong hindi na ako aabutin nang matagal. Bukas magsisimula na naman ako ng chemotheraphy ko. Umaasa silang magagamot ako pero ako, sigurado ako sa sarili ko na hindi na. Wala na akong pag-asa.”

“`Wag kang magsalita nang ganyan!” sigaw niya. Tinitigan ako nang seryoso ni Pipay. “Lalaban ka, okay? Papalakasin ko ang loob mo. Marami ka pang pangako sa akin na hindi mo natutupad. Magde-debut pa ako. Ikaw ang escort ko, `di ba? Ikakasal pa tayo. Pupunta pa tayo sa Boracay. Ang dami pa nating hindi nagagawa. Kaya, please... Lumaban ka. `Wag mo akong iiwan, Josh.”

Huminga ako nang malalim. “Lalaban ako. Lalaban ako dahil sinabi mo. Lalaban ako para sa ating dalawa.”

“Pangako?” paniniguro niya.

“Hindi na ako mangangako dahil lahat ng pangako ay napapako. Gagawin ko na lang.”

Dahan-dahang lumalapit ang mukha ni Pipay sa akin hanggang sa magdikit na ang mga labi naming dalawa. Damn, akala ko ay hindi ko na mahahalikan ang mga labi ni Pipay. Pero ngayong nangyayari na naman. Lord, thank you. Salamat dahil ibinalik Mo si Pipay sa akin.

“Bakit ka umiiyak? Ang pangit mong umiyak, Josh,” natatawang sabi ni Pipay.

“Masaya lang ako,” sabi ko at patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha ko. “Akala ko ay hindi na kita muling mahahalikan nang ganito. Akala ko ay hindi na kita mayayakap. Salamat dahil bumalik ka sa akin, Pipay. Akala ko ay mas magiging okay ako kapag nakahanap ka na ng ibang lalaki at masisiguro ko ang kaligayahan mo. Pero mas masaya pala kapag ako pa rin ang mamahalin mo.”

“Forever JoPay, `di ba? Walang titibag sa JoPay. May mga pagsubok lang na dumating sa atin pero nakaya natin. Tingnan mo ngayon at magkasama na naman tayo.” Ngumiti si Pipay kaya tumango ako.

“Thank you, Lord. Thank you, Mong,” sabi ko. “Higa ka dito sa tabi ko,” sabi ko kay Pipay saka umusog sa kamang hinihigaan ko para makahiga rin siya.

Hindi na nag-inarte si Pipay at humiga nga siya sa tabi ko. Ginawa niya pang unan ang braso ko.

“Baka mabali ang braso mo. Kapag nabigatan ka sabihin mo lang, ha?”

“Matigas `yan. Hindi `yan mababali.”

“Eh? Ang payat mo na, Josh. Payat na rin ba ang patola mo? Patingin.”

“Pipay naman!”

Tumingin siya sa akin saka ngumiti. “Joke only. Hihihi.” Niyakap ako ni Pipay nang mahigpit.

“I love you, Pipay,” sabi ko habang hinahaplos ang buhok niya. Ang lambot na ng buhok ni Pipay, ah.

“I love you, too, Josh ko,” sagot niya saka tumingin sa mga mata ko. “To the pempem and back and forth?”

Tumango ako. “To the pempem and back and forth. PiP4y Lh4Rn Zh4P4t Nh4.”

Nagtawanan kaming dalawa ni Pipay habang magkatabi sa kama.

Ang dami naming pinagdaanan pero nandito kami ngayon at magkasama pa rin. Naramdaman kong biglang sumakit ang katawan ko. Pakiramdam ko ay pinipilipit na ang lahat ng organs ko pero hindi ko ipinahalata kay Pipay. Ayokong mag-alala siya.

Sana ay may himala. Sana humaba pa ang buhay ko. Lord, pagbigyan N’yo na po ako. `Wag N’yong hayaang masaktan si Pipay sa pagkawala ko.

Pagtingin ko kay Pipay ay nakapikit na siya at mukhang nakatulog na. Hinaplos ko uli ang buhok niya. “I’m still hoping it’s you and me till the end,” bulong ko.

Nakita kong may tumulong luha sa gilid ng mga mata niya. Mahal na mahal ko talaga ang babaeng ito.