Malandi #40
Dear Diary,
Hindi ko ma-explain ang nararamdaman ko sa gabing `to, Diary. Halo-halong emosyon ang nag-uumapaw sa puso ko sa mga sandaling `to. Galak na galak ako habang magkasama kami ni Josh at mahigpit niyang hawak ang kamay ko. Isang hawak na ipinaparamdam niya sa akin na ayaw na niyang matapos ang gabing `to. Pero kasabay ng tuwa na nararamdaman ko ay ang pagkabasag ng puso ko. Bakit kakaiba ang pakiramdam ko ngayong gabi? Bakit parang may nagpapahiwatig na may hindi magandang mangyayari pagkatapos nito?
Biglang napatigil si Josh sa paglalakad saka napatingin sa akin.
“Pipay ko,” tawag niya sa akin.
Agad akong napatingala para tiningnan siya.
“Bakit ganyan ang mukha mo? Hindi maipinta,” tanong niya.
“Wala naman. Para kasing may mangyayaring hindi maganda, eh.”
Biglang nawala ang malapad na ngiti ni Josh. Pinisil niya ang kamay ko `tapos tinitigan ako sa aking mga mata. “`Wag mong isipin na may mangyayaring hindi maganda. Tayong dalawa na lang ang isipin mo ngayon. Itong date natin,” sabi niya. “Dapat magsaya tayo. `Wag kang magpapaapekto sa mga nararamdaman mo.” Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. “So, just smile. It looks good on you.” Saka niya ako niyakap nang mahigpit.
Kakaibang yakap na naman ang ipinaramdam sa akin ni Josh ngayon. Niyakap niya ako sa kalsadang tanging sinag ng buwan at mga poste lang ang nagbibigay-ilaw. Biglang humangin nang malakas kaya lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin. Ang init ng katawan ni Josh kaya hindi ko masyadong naramdaman ang lamig na dala ng hangin.
“Everything will be all right, okay? Trust me,” malumanay na sabi niya.
“Sige,” masiglang sagot ko.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad ni Josh papunta sa bayan para humanap ng twenty-four hours pizza at ice cream parlor na bukas. Gabing-gabi na at wala nang masyadong tao sa daan pero hindi ako natatakot. Kasama ko naman si Josh kaya alam kong walang mangyayari sa akin.
Magkahawak-kamay pa rin kaming dalawa. Medyo namamawis na nga ang kamay ko pero ayaw niya pa ring bitawan. Gusto niya raw na magkahawak-kamay lang kami buong gabi. So, pinagbigyan ko na lang siya sa nais niya.
Medyo nakakalayo na kami ng paglalakad nang biglang napahinto si Josh. Napabitaw rin siya ng hawak sa akin at napahawak siya sa dibdib niya. Parang nahihirapan siyang huminga.
“Bakit? Ano’ng nararamdaman mo? Nahihirapan ka bang huminga?” nag-aalang tanong ko. “Sandali. Hahanap ako ng tulong. Ikaw naman kasi, eh. Sinabing `wag na at magpahinga na lang.” Nagpalinga-linga ako sa daan, nagbabaka-sakaling makakahanap ng tutulong sa amin pero agad niya akong pinigilan.
“`Wag na,” sabi ni Josh saka umayos ng tayo. “Ayos na ako. Medyo hindi lang ako nakahinga pero ayos na ako ngayon.”
Napansin ko ang pawis sa noo niya kaya agad akong nagtaka. Ang lamig naman ng simoy ng hangin ngayon pero pinagpapawisan siya.
Magsasalita pa sana ako pero bigla niya uling hinawakan ang kamay ko saka naglakad uli.
“Tara na. Nagugutom na talaga ako,” sabi niya. Muli na namang sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi ni Josh. Mga ngiting hindi ko mai-imagine ang buhay ko kapag hindi ko na muling nakita pa, Diary.
Habang naglalakad si Josh ay siya lang ang nagsasalita. Nakikinig lang ako sa mga sinasabi niya at sumasagot kapag may itinatanong siya.
“Ilan ang gusto mong anak, Pipay?” hindi nakatinging tanong niya sa akin. “Ako kasi gusto ko ng dalawa lang. Lalaki at babae sana agad. Joshua Renz Manalo Jr. at Pilita Payoson Manalo naman ang mga pangalan nila.”
“Naks! Nakaplano na talaga, ah?” natatawang sabi ko. “Bakit dalawa lang? Gusto ko nga sampu, eh. O, kaya naman mga dose para isang dosena.”
Natawa si Josh. “Paanakang baboy lang? Kaya mo bang manganak nang gano’n?”
“Aba, oo naman,” pagmamalaki ko. “Kahit mas marami pa do’n, ayos lang. Basta ikaw ang ama ng mga magiging anak ko. Hinding-hindi ko pagsasawaan ang patola mo.” Tumaas-baba pa ang mga kilay ko.
“Mas maganda nga kung mas marami para mabigyan din natin sina Prince at Monjie. Ibibigay natin kay Prince ang kulay- puti `tapos kay Monjie naman ang kulay-batik-batik.”
“Ha? Aso naman `yang sinasabi mo, eh.”
Nagulat si Josh. “Ay bakit, hindi ka ba aso?” Saka siya tumawa.
Hinampas ko siya sa balikat. “Hindi kaya! Monkey ako! Monkey! Char!” Saka kami nagtawanan.
Biglang huminto sa pagtawa si Josh saka muling nagsalita. “Pero, Pipay, if ever na hindi tayo ang magkatuluyan, ayos lang sa akin na sa iba mo tuparin ang mga pangako mo.” Ngumiti siya, isang ngiting malungkot. “Ayokong ikulong mo ang sarili mo if ever na mawala ako. Mas malulungkot ako kapag nangyari iyon at baka hindi ako matahimik. Gusto kong ngumiti ka pa rin at tumawa kahit hindi mo na ako kasama. Mas maganda ka kapag masaya ka. Tuparin mo ang mga pangako natin sa isa’t isa, ha? Humanap ka ng lalaking hindi ka iiwan kapag kailangan mo siya.” Tumingin siya sa malayo at naging garalgal na ang boses niya. “Kahit ayokong may ibang lalaki na lumalapit sa `yo... o may yumayakap o humahalik sa `yong iba... kakayanin ko kahit mas masakit. Your happiness is what matters the most. Kapag masaya ka ay mas masaya na ako.”
Tumingin siya sa akin saka muling ngumiti—isang ngiting hindi naman umabot sa mga mata niya ang saya.
Sumikip bigla ang dibdib ko dahil sa sinabi niya. Napalunok ako at nahirapang magsalita. “T-teka, Josh. Kung magsalita ka ay parang namamaalam ka na, ah. Wala namang ganyanan. Sabi mo, walang iwanan, eh.”
“Hindi naman sa gano’n,” sagot niya. “Gusto ko lang masiguro ang kaligayahan mo. Siyempre, lalaban ako sa sakit ko.” Ngumiti siya. “Pero wala kasing makakapagsabi ng buhay ng isang tao. Kaya mas maganda na sabihin mo na ang gusto mong sabihin habang maaga pa.”
“Kasi `pag gabi na?”
“Tulog na siya. Eh, di bukas mo na masasabi ang gusto mong sabihin sa kanya?”
Napahawak ako sa baba ko. “Hmm... Tama ka. Ang galing mo, Josh ko. Hindi lang malaki ang patola mo, matalino ka rin. Hihi. Very bright talaga ang Josh ko. Alaska ba ang gatas mo no’ng bata ka?”
“Yata?”
“Ah! Kaya naman pala matalino ka, eh. Kasi ako sabi ni Inay, am lang ang niluluto niyang sinaing, `yon daw ang ipinapadede niya sa akin. Kaya siguro lumaki lang akong pretty.”
“Lumaki ka lang, okay?” natatawa niyang sabi.
Nagpatuloy na uli kami ni Josh sa paglalakad, Diary. Pakaunti na nang pakaunti ang mga nakikita at nakakasalubong naming tao sa daan. Siguro kasi dahil magmamadaling-araw na. Pero ang mga puta, nagkalat pa rin. Nagbabaka-sakali sigurong may customer sila ngayong gabi.
May nadaanan kaming isang parlor ni Josh na may pangalan na Ruby Parlor kaya napahinto ako at itinuro `yon sa kanya.
“Ay! Sarado na `tong parlor. Saan kaya tayo makakakain ng ice cream?” nanghihinayang na sabi ko.
“Pffft.” Biglang nagpigil ng tawa si Josh. “Pffft. Hahahaha.”
“Ano’ng nakakatawa?”
“Hahaha! Hindi naman kasi ice cream parlor `yan. Parlor `yan para sa buhok,” natatawa pa ring sabi niya. “Ito talagang si Pipay ko, book two na ng kuwento niya pero bobo pa rin. Bobo forever lang ang peg mo, Pipay ko?”
Napasimangot ako agad. “Amp! Meanie!”
“Hays! Hindi ko talaga alam ang gagawin ko sa `yo, Pipay. Mami-miss ko talaga `yang kabobohan mo. Hindi ikaw ang babaeng minamahal ko kung hindi ka bobo.”
Teka, compliment ba `yon o insulto? Pero whatever na, Diary. Sweet naman ang pagkakasabi ni Josh kaya dedma na lang. Tigas pempem naman, eh. Charot! Teka, tumitigas ba ang pempem? Hmm. Mai-Google nga next time.
Nang makarating na kami sa bayan ay agad kaming may nakita na 24-hours na pizza house. May karatula rin na nagsasabing available rin sa kanila ang ice cream. Agad kaming pumasok ni Josh at umupo sa bakanteng mesa. Medyo wala nang customer dahil nga madaling-araw na. One forty-three na ng madaling-araw ayon sa orasan ng pizza house.
“Ano’ng gusto mo?” tanong ni Josh. Tumayo siya para um-order.
“Ikaw, puwede ba?” sagot ko. “One Joshua Renz Manalo, please. `Yong walang suot na damit. Hihi.”
Binatukan niya ako. “Magseryoso ka nga.” Natatawa na naman siya. “Pagkain ang order-in mo at bawal ako. Nasa pizza house tayo.”
“May banyo do’n. Puwedeng doon na lang kita kainin.” Tumaas-baba pa ang mga kilay ko.
“Pipay naman, eh. Dali na. Nagugutom na ako.”
“Amp! KJ! Pizza na lang din sa akin,” sabi ko.
“Sige, hintayin mo lang ako diyan, ah.”
Ngumiti si Josh tapos tumalikod na sa akin at pumunta sa counter para um-order. Nakatitig lang ako sa kanya habang pinagmamasdan ang likod niya. Inayos niya muna ang suot niyang bonnet bago nakipag-usap sa babaeng nasa counter. Kitang-kita ko kung paano ngumiti si Ateng nasa cashier habang kausap si Josh ko. Amp! Iba talaga ang appeal ng boyfriend ko na `to. Ang payat na at wala nang buhok pero matinik pa rin sa mga babae.
Siguruhin lang ng babaeng `yan na hindi niya haharutin ang Josh ko dahil kapag ginawa niya, ipapasok ko `tong upuan at buong mesa sa pempem niya nang ma-trauma siyang lumandi. Bigla tuloy akong nagka-idea. Dapat pala gano’n ang ginawa ko kay Monicalandi. Dapat ipinasok ko sa pempem niya ang buong school, eh. Sayang.
Speaking of Monicalandinapakarat, `asa’n na kaya ang gaga na `yon? Wala kasi sa mga nakalipas na chapter, eh. Mukhang nagpapahinga dahil sa suntok ko sa huling friendly match namin sa boxing. Akala ko ba nag-training pa siya under sa mga magagaling na coach? Pulos boka lang talaga ang babae na `yon.
Shet! Ilang araw na lang pala at boxing tournament na ng school. Makakapunta kaya si Josh? Hay, sana makapunta siya. After talaga nitong date namin ay kukulitin ko siyang magpahinga na para naman malakas na siya sa boxing na lalabanan ko.
Nakita kong pabalik na si Josh dala-dala ang isang malaking pizza at dalawang ice cream na nasa mangkok. Inilapag niya `yon sa harap ko.
“Yay! Ice cream!” sabi ko saka akma nang kukunin ang ice cream. Pero bigla niyang tinapik ang kamay ko. “Aray!”
“Akin `yang dalawang ice cream. Sabi mo pizza lang sa `yo?”
“Ano ba `yan?! Ang daya!” Napasimangot ako kaya bigla naman niyang kinurot ang ilong ko.
“Joke lang! Gusto ko, ako ang magsusubo sa `yo,” sabi niya saka umupo sa tabi ko saka hinawakan ang kamay ko.
“Paano tayo makakakain kung magkahawak ang mga kamay natin?”
“Basta! Hayaan mo na.”
Magsasalita pa sana ako kaso sinubuan na niya ako ng ice cream.
“Aagsjdkdkdaaldjhsa.” Na lang ang nasabi ko na alam kong hindi niya naintindihan dahil maski ako ay hindi ko na-gets.
Pinagmasdan ko lang si Josh na kumain, Diary. Naubos niya agad ang ice cream ng ilang subo lang. Binitiwan na rin niya ang kamay ko para lantakan naman ang pizza. Nakatitig lang ako sa kanya habang pinapanood siyang kumain. Sarap na sarap siya. Para siyang hindi pinakain ng ilang buwan sa hitsura niya ngayon. Kaya siguro namayat si Josh dahil gutom na gutom na siya.
“Bakit ganyan ka makatingin?” nahihiya niyang tanong habang nasa bibig pa niya ang pizza. “Gutom na gutom talaga ako. Hindi ko trip ang mga pagkain sa ospital.”
“Wala naman. Sige, kain ka lang,” sabi ko saka inilagay pa sa harap niya ang ice cream ko. “Sa `yo na rin `to, o.”
“Talaga?” parang batang tanong ni Josh.
Tumango ako.
Napangiwi ako dahil biglang isinawsaw ni Josh ang pizza na hawak niya sa ice cream at kinagat nang malaki. Panoorin ko lang si Josh na kumakain, parang busog na rin ako, eh.
Dear Lord, sana po. Sana `wag N’yo nang kunin `tong lalaki na `to sa akin. Hindi ko pa po kasi siya natitikman. Charot. Papayag po ba Kayong forever virgin ako? Charot lang uli, Lord. Seryoso na. Hindi ko po kasi alam ang mangyayari sa buhay ko kapag nawala `to, e. Sige na. Pakikisama lang, o. `Wag, ah?
“Sandali,” sabi ko kay Josh.
“Bakit?” tanong niya.
Hindi ako nagsalita. Inayos ko na lang ang bonnet niya. Hindi na kasi maayos ang pagkakasuot dahil sobrang likot niyang kumain.
“Salamat, Pipay ko,” sabi ni Josh saka ako biglang hinalikan. “Haha! May ice cream ka sa gilid ng labi mo.” `Tapos inilapit niya uli ang mukha niya sa akin at dinilaan ang gilid ng mga labi ko. “Hayan, wala na.”
Shutang inerns, shotay tomi si Josh, Diary. Patay-gutom lang? Charot!
Mag-aalas-dos na ng madaling-araw nang matapos kami—este, si Josh sa pagkain. Sabi niya, aalis na raw kami at may pupuntahan pa kami. Nagpaalam muna ako para magbanyo dahil sumakit ang tiyan ko sa sobrang dami ng kinain ko. Sarcastic `yan. Baka walang maka-gets. May mga slow pa namang nagbabasa sa diary ko. Nakikibasa na nga lang hindi pa maka-gets. Hindi ginagamit ang utak? Ibenta na `yan.
Pagbalik ko sa table kung saan nakaupo si Josh ay nakita ko na naman siyang nakahawak sa dibdib niya at mukhang nahihirapang huminga. Pero nang mapansin niya ako ay bigla siyang umayos ng pagkakaupo saka ngumiti sa akin.
“Tara na?”
Tumango ako at nagkunwaring hindi nakita ang nangyari sa kanya.
Ayoko kasing isipin niya na naaawa ako sa kalagayan niya, eh.
“Saan tayo pupunta?” tanong ko nang nasa labas na kami at muling naglalakad.
“Sa simbahan,” sagot niya saka muling hinawakan ang kamay ko.
“Ano ba’ng gagawin natin do’n?”
“Magpapakasal,” seryosong sagot niya. “Gusto kong iharap kay Lord ang kaisa-isang babaeng gusto kong makasama habang-buhay,” sabi niya saka hinalikan ang kamay ko. “Gusto kitang ipagmalaki sa Kanya. Kaya tara na at nauubos na ang oras. ”
Natahimik na lang ako, Diary, habang naglalakad kami ni Josh papunta sa simbahan. Bigla kasi akong nalungkot dahil sinabi na naman niya na nauubos na ang oras. Iba talaga ang pakiramdam ko sa mga salitang `yon, eh.
Ilang metro na lang ang layo namin sa simbahan nang mapahinto na naman kami sa paglalakad dahil bigla siyang napaluhod sa kalsada at napahawak sa dibdib niya.
“Teka! Hindi ka na naman makahinga nang maayos?” kinakabahang tanong ko.
Hindi siya sumagot at parang naninigas si Josh. Sobra na ang pagkabog ng dibdib ko at hindi ko alam ang gagawin ko habang nakatingin lang kay Josh. Parang mas nahihirapan ako sa nakikita kong kalagayan niya. Dobleng sakit ang nararamdaman ko. Kung kaya ko lang siyang hatian sa nararamdaman niya ngayon ay gagawin ko na.
“Lord, sandali na lang, please. `Wag kayong atat,” bigla niyang sabi.
Makalipas ang ilang minuto ay tumayo na si Josh saka humugot ng malalim na paghinga. Pawis na pawis ang noo niya dahil sa nangyari.
Bigla niyang hinawakan ang kamay ko. “Tara na. Bilisan na natin. Atat na Siya, eh.”
“Atat saan?”
“Atat na ipakilala kita sa Kanya,” nakangiti niyang sabi. “Hindi ka yata nagsisimba kaya hindi ka Niya kilala.”
“Nagsisimba kaya ako! Last simba ko noong seven years old ako at birthday ko pa. Tanda ko pa, `di ba?”
“Ilang taon ka na ngayon?”
“Seventeen years old. Fresh yet may boyfriend. Hihi.”
Binatukan na naman ako ni Josh dahil sa sinabi ko saka siya tumawa. Dinalian na namin ang pagpunta sa simbahan hanggang sa naabutan namin `tong sarado na. Siyempre madaling-araw na, eh. Tulog na si Father at mukhang humihilik na.
“Paano tayo n’yan? Sarado na, o. Sabi ko sa `yo, eh,” sabi ko .
“Eh, di dito sa labas,” sagot niya. “Walang makakahadlang sa pagpapakasal natin ngayon at pagpapakilala ko sa `yo sa Kanya.” Tumuro si Josh. “Punta ka do’n habang pinapatugtog ko ang ‘Marry Your Daughter’. `Tapos lalakad ka nang dahan-dahan papunta sa akin, ah?”
“Ang daming arte,” sabi ko. “Pero sige. Hihihi.”
Agad akong pumunta sa itinuro niya at naghintay na sabihan niya akong lumapit na. Nag-play rin si Josh ng “Marry Your Daughter.” Nang magsimula nang tumugtog ang kanta, sumenyas na si Josh na lumapit na ako.
Hinubad ko ang suot kong jacket ni Josh saka inipit sa pajama kong suot. Para kunwari naka-long gown ako na pangkasal. Kumuha rin ako ng mga santan na bulaklak na nasa gilid ko para sa hawak kong bulaklak. Nagsimula na akong maglakad papunta kay Josh.
Nakatitig lang si Josh sa akin at nakangiti. Pansin kong nangingilid na ang mga luha niya. Bigla rin tuloy nangilid ang mga luha ko dahil gaya-gaya sila. Gusto na rin nilang umiyak.
Hindi ganito ang dream wedding ko, Diary. Alam kong biro lang `to at trip lang ni Josh pero kakaibang pakiramdam pa rin ang naidudulot ng ginagawa naming dalawa ngayon. Heto kaming dalawa at nasa labas ng simbahan habang nagkakasal-kasalan. Ang saya lang sa pakiramdam.
Mamaya kaya may honey-honeymoon din kaming gagawin? Hihi. Em so excited.
Napansin kong nagpunas ng mga luha si Josh, Diary, nang nasa tapat na niya ako. Hininaan din niya ang tugtog saka hinawakan ang kamay ko.
“Lord, nandito kami ngayon sa tapat N’yo para humingi ng basbas sa pag-iisang dibdib naming dalawa ng babaeng pinakamamahal ko sa tanang-buhay ko,” pagsisimula ni Josh habang nakatingala at pinagmamasdan ang imahe ni Papa Jesus sa itaas ng simbahan. “Alam kong bata pa kaming dalawa para mag-isip nang ganito. May magsasabing maghihiwalay rin kami pagdating ng panahon pero maniniwala Ka ba kapag sinabi kong siya lang ang babaeng gusto kong makasama habang nabubuhay pa ako?” Ngumiti si Josh saka saglit na tumingin sa akin bago tumingala uli.
“Pilar Pipay Payoson po ang pangalan niya, Lord. Gusto kong magpasalamat dahil ibinigay N’yo siya sa akin. Sabi nila ay nagsisimula raw ang buhay ng isang tao kapag ipinanganak sila pero iba kasi ako. My life started when I met this girl. Pakiramdam ko muli akong ipinanganak no’ng nakilala ko si Pipay.” Ngumiti si Josh pero this time ay hindi siya tumingin sa akin. “Naaalala ko pa kung paano kami nagkakilala. Ang daming nangyari sa relasyon namin. Dumating pa sa point na nagkahiwalay kami na tipong hindi ko na gustong mabuhay pa.” Tumulo na ang mga luha ni Josh.
“Sabi nila, hindi naman daw natatapos ang buhay ng isang tao kapag nawala ang taong mahal niya. Tama sila. Mas masaya pa rin kapag kasama mo ang taong mahal mo. Kaya ipinaglaban ko siya.”
Tumitig na sa akin si Josh. “Siya lang ang babaeng ihaharap ko sa Inyo, Lord. Siya ang babaeng gusto kong mapangasawa at maging ina ng mga magiging anak ko. Siya lang ang babaeng gusto kong makita sa paggising ko tuwing umaga at pag-uwi ko sa bahay galing sa trabaho.” Patuloy pa rin sa pagtulo ang mga luha niya. “Siya lang ang babaeng mamahalin ko sa tanang-buhay ko. Mawala man ako pero hindi mawawala ang pagmamahal ko sa kanya.”
Sumisikip ang dibdib ko sa mga sinabi ni Josh, napalunok at inihahanda ang sarili ko sa sasabihin.
“Lord, itong lalaking nasa harap ko ang gusto kong mapangasawa,” paninimula ko. “Joshua Renz Manalo aka bHosxz JoShu4 mHou Lh4Rn Zh4p4T, ang lalaking nagpatunay sa akin na `wag hahabulin ang taong walang interes sa `yo. Hindi ko na-imagine na ganito ko siya mamahalin. Akala ko si Prince Leroy na ngayon ay mukhang Prinsesa Leray na ang lalaking mamahalin ko sa buong buhay ko pero hindi pala. When Josh came into my life, my life became more colorful. Ipinaramdam sa akin ni Josh ang equal meaning ng pain and happiness. Ang dami niya ring nasabing quotes na na-tweet ng mga pemsters using the hashtag of #DNHMSL2. ”
Pinunasan ko ang mga luha ko. “Siya lang ang lalaking mamahalin ko habang-buhay at ang lalaking gusto kong maging ama ng mga magiging anak ko. Kaya, please, Lord. Pa-extend naman, o.”
“Wala pala tayong singsing. Tsk,” sabi ni Josh saka nagpalinga-linga sa paligid. May nakita kaming mga santan kaya nagkatinginan kaming dalawa.
Kumuha siya ng ilang santan `tapos pinagdugtong-dugtong niya hanggang sa makabuo siya ng dalawang pabilog na singsing.
“Ito na lang. Hehe,” nahihiyang sabi ni Josh. “Bakit kasi nakalimutan ko.”
“Ayos lang `yan. Basta ikaw ang nagbigay at nagsuot sa akin.” Ngumiti ako. “Basta sa susunod, totoong wedding ring na ang isusuot mo, ah?”
Napatitig siya sa akin saka napailing-iling. “Akin na ang kamay mo. Isusuot ko na `to,” sabi niya kaya iniabot ko na ang kamay ko sa kanya.
Nang maisuot niya na ang singsing na gawa sa santan sa kamay ko ay gano’n din ang ginawa ko sa kanya.
“And now you may kiss the bride,” pag-anunsiyo ni Josh.
Napatitig muna siya sa akin na parang kinakabisado ang bawat parte ng mukha ko. Hanggang sa dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa mukha ko at idinampi ang mga labi niya sa akin. Medyo tumagal nang ilang sandali ang halik ni Josh, Diary. Halik na para bang ito na ang huling kiss na matatangap ko mula sa kanya.
Nakapikit ang mga mata ko nang maramdaman kong parang nabasa ang pisngi ko. Akala ko galing `yon sa mga mata ko pero luha pala `yon ni Josh. Pagdilat ko ay nakita ko siyang umiiyak.
Naghiwalay ang mga labi naming dalawa at agad niyang pinunasan ang mga mata niya.
“I pronounce us as husband and wife,” sabi ni Josh. “Yuhooo! Congrats, Mr. and Mrs. Manalo.” Sinubukan ni Josh maging masigla pero hindi niya kaya. Napatigil siya sa pagsasaya niya saka tumalikod at muli na namang umiyak.
Hinayaan ko lang siyang umiyak, Diary. Naiyak na rin ako dahil sa nakikita kong pag-iyak niya. Nasasaktan ako.
“Tara na!” sabi ni Josh nang matapos na siyang lumuha. Namamaga na ang mga mata niya.
“Tara na at kailangan mo nang bumalik sa ospital.”
Tumango siya.
Tahimik lang kaming dalawa habang naglalakad papunta sa sakayan ng jeep, Diary. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Hindi na katulad kanina na ang daldal ni Josh. Ngayon ay para siyang napipi sa mga sandaling `to.
“I love you, Pipay,” sabi niya nang makasakay na kami sa jeep patungo sa ospital. “Sana nasayahan ka sa kasal natin. Kahit hindi totoo, at least, pinakasalan kita.”
“Oo naman. Masayang-masaya ako, Josh. Kaya dapat magpagaling ka. Para hindi kunwaring kasal lang ang magagawa natin. Para someday, magpapakasal talaga tayong dalawa sa simbahan na `yon na gising na si Father.” Ngumiti ako. “I love you, too. I love you to the pempem and back.”
Ngumiti si Josh. “To the pempem and back. Always remember that, Pipay.”
Tumango ako. “Yeap. To the pempem and back and forth. iCk4W Lh4Rn Zh4P4t Nh4. Don’T m3Sxz wiTh Th3 bHosxz.”
Isinandal ni Josh ang ulo niya sa balikat ko saka niya muling hinawakan ang kamay ko. “Pipay, pipikit lang ako, ah? Five minutes lang. `Tapos gisingin mo na lang ako kapag nasa ospital na tayo,” mahina niyang sabi.
Kakaiba ang boses ni Josh, Diary. Bigla akong nanigas dahil sa sinabi niya.
Tumulo ang mga luha ko. “S-sige. M-magpahinga ka lang...” nauutal kong sagot. “Gigisingin na lang kita.”
Tumango siya nang marahan saka pinisil ang kamay ko.
Tulo lang nang tulo ang mga luha ko habang nasa biyahe kami papunta sa ospital. Shutang inerns, bakit parang ang tagal ng biyahe?!
Nanlalambot ang mga tuhod ko kahit nakaupo kami. Bigla kong naramdaman na parang babagsak ang ulo ni Josh kaya hinawakan ko ito para alalayan. Lumuwang din ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Napatitig ako sa kanya.
“Josh... matutulog ka lang, ah? Sabi mo, five minutes lang... `Ayan na `yong ospital.” `Tapos sumigaw ako ng “para.” “Josh, gising na. `Andito na tayo sa ospital.” Tinapik ko si Josh pero hindi siya gumalaw. “Josh naman, eh. Wala namang ganyanan. Gumising ka na. `Andito na tayo, o.”
Muli kong tinapik ang balikat ni Josh. This time ay mas malakas na pero hindi pa rin siya gumigising.
“Miss, pakibilisan ang pagbaba,” biglang sabi ng driver.
“ SHUTANG INERNS ! `WAG KANG SASABAT KUNG HINDI KA KINAKAUSAP!” sigaw ko. “Josh, ano ba? Hoy!” Inalis ko ang pagkakasandal ng ulo ni Josh sa akin. Babagsak sana siya pero `buti na lang, nahawakan ko siya sa mga balikat niya.
Tinitigan ko ang mukha ni Josh at napansin kong kakaiba na ang kulay ng mukha niya. Parang wala nang buhay pero nakangiti pa rin siya.
Nanginig na ang buong katawan ko sa nakikita kong hitsura ni Josh. Hinawakan ko siya sa dibdib niya pero wala nang tibok ang puso niya. Sunod kong kinapa ang pulso niya at wala na rin `yong pintig.
Tumulo na nang tumulo ang mga luha ko.
“Ang daya mo naman, Josh, eh. Sabi mo, matutulog ka lang,” sabi ko saka matipid na ngumiti. “Mukhang pagod na pagod ka na. Sige, kahit hindi ko kaya, magpahinga ka na.”
“Time of death, five thirty AM,” anunsiyo ng doktor.
Narinig kong nag-iyakan ang mama at papa ni Josh habang ako ay nakatitig lang sa kawalan dahil parang nasira ang buong mundo ko dahil tuluyan nang nawala ni Josh sa akin.
Rest in peace, Joshua Renz Manalo.
Hindi pa rin makapaniwala,
Pipay