Malandi #39
Dear Diary,
Lahat kami ay nandito sa tapat ng emergency room kung saan ipinasok si Josh, Diary. Ilang oras na ang lumipas pero wala pa ring lumalabas na doktor na magsasalba sa buhay ni Josh. Wala pa rin kaming balita kung ano’ng nangyari. Kung na-recover ba nila ang buhay ni Josh o hindi na.
Nanginginig ang buong katawan ko kahit nakaupo lang ako. Si Monjie naman ay nakatayo sa gilid ko at nakatingin lang sa kawalan habang si Prince ay nakaupo sa tabi ko at malalim din ang iniisip.
Tanging ang ama lang ni Josh na walang pangalan ang umiiyak. Galing na rito kanina ang papa ni Josh pero umuwi lang saglit para kumuha ng gamit nila. Dito na raw sila matutulog parehas mag-asawa para mabantayan ang anak nila buong magdamag.
Hindi mawala sa isip ko kung paano kung ngayon na kukunin si Josh sa amin? Parang pinupunit ang puso ko at lahat ng organs ko sa loob ng katawan ko dahil sa sobrang sakit. Tinatagan ko ang loob ko para hindi umiyak. Hindi dapat ako magpakita ng panghihina sa mga oras na `to dahil walang mangyayari. Sa ngayon, kailangang tibayan ko ang loob ko para sa mga posibleng mangyari.
“Ayos ka lang?” rinig kong tanong ni Prince sa akin. Kitang-kita ko ang pangamba na nakaukit sa mukha niya.
Tumango ako. “Ako pa? Alam kong kaya ni Josh `yan. Nangako siya sa akin na hindi muna ngayon.”
Ngumiti si Prince. “Tama. Malakas si Josh. Alam niyang kailangan mo siya kaya hindi ka niya iiwan.”
“`Wag mo rin akong iiwan. Kailangan din kita, eh,” biglang sabi ni Monjie. Parehas kaming napatingin sa kanya ni Prince. “What?”
“Puwede ba, p’re, umayos ka? Hindi nakakatuwa `yang mga banat mo, eh,” iritadong sabi ni Prince.
Napangisi si Monjie. “Bakit? Ikaw ba ang sinasabihan ko? Asa ka naman.”
Nagtagis na lang ang mga bagang ni Prince at wala nang nasabi.
“Boom,” sabi ko.
Tinitigan naman ako nang masama ni Prince kaya bigla akong napayuko.
“Boom pahiya,” bulong ko dahil alam kong napahiya si Prince sa sarili niya. Nyahaha.
Narinig naming bumukas ang pinto ng emergency room after three hours. Pawis na pawis na lumabas ang doktor ni Josh na parang galing sa matinding giyera. Mukhang nahirapan siya sa sitwasyon ni Josh ko ngayon, ah?
Tumayo ako at lumapit kami ng mama ni Josh sa doktor.
“Ano po’ng balita, Doc? Kumusta ang anak ko?” tanong ng mama ni Josh. Patuloy lang siya sa pagluha. Luha ng isang ina para sa anak niyang may malubhang karamdaman.
Tinanggal muna ni Doc ang mask niya bago nagsalita. “He’s fine for now. Nahirapan kaming i-recover ang buhay niya but still, ngayon ay okay na siya at natutulog na lang.”
“Thank you, Doc. Thank you, Lord,” masayang sabi ng mama ni Josh.
Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Mukhang totoo nga ang sinabi ni Josh. Mukhang this time ay tutupad na siya sa pangako niyang hindi niya muna ako iiwan at magsasama pa kami nang matagal.
“However...”
Napatigil kaming lahat sa pagsasaya nang magsalita uli si Doc, Diary.
“May I remind you all na masyado nang mahina ang katawan ng pasyente. Hindi biro ang bone cancer. Kalat na sa buong katawan niya ang sakit niya kaya pahina na nang pahina ang katawan niya. It gets weaker every hour. Madali na siyang mapagod kaya may I suggest na `wag na siyang masyadong gumalaw. Sana as much as possible sa kuwarto niya na lang dito siya mag-stay para ma-monitor namin siya araw-araw.
“Ang hirap na ng kalagayan niya. Based from other patients that has the same kind of cancer like Josh’s, lahat sila ay bumigay na agad ang katawan. It’s considered as a miracle na until now ay nakakayanan pa rin ni Josh ang katawan niya.”
“Dahil sa `yo `yan, Pipay.” Hinawakan ako ng mama ni Josh sa balikat. Ngumiti siya pero patuloy pa rin sa pagtulo ang kanyang mga luha. “Lumalaban si Josh sa sakit niya dahil sa `yo. Your love gave his body the fuel to survive. Kaya sana… habang nandito pa si Josh. `Wag mo siyang iiwan.”
Ngumiti ako saka umiling. “Hindi ko na po siya iiwan, Tita. Pangako.”
“Narinig ko na `yan, `sus,” biglang sabi ng prinsesa ng karagatan.
Napatingin ako sa kanya. Nakahiga siya sa isang upuan at nakataas pa ang mga paa. Kita ko tuloy ang panty ni Mirasol na kinakain na ng bilat niya. Yaks.
“Ano po’ng kailangan naming gawin?” tanong ko kay Doc.
“`Wag nang papagurin ang katawan ng pasyente. Baka kapag umatake na naman ang sakit niya ay hindi na namin siya maisalba.” Nalungkot ang mukha niya. “I’m so sorry to say this, but... baka sa susunod ay bumigay na nang tuluyan ang katawan niya.”
After namin makipag-usap sa doktor ni Josh ay pinayagan na niya kaming puntahan si Josh sa kuwarto nito. Nadatnan namin siyang natutulog at punong-puno ng machine ang paligid ng kama niya. May oxygen pang nakalagay sa ilong niya para tulungan siyang huminga.
Nilapitan ko siya. Ramdam na ramdam ko ang bigat ng paghinga ni Josh. Parang any moment na atakihin siya uli ay tuluyan na nga siyang magpaalam sa aming lahat.
Umupo ako sa gilid ng kama niya `tapos ay hinawakan ko ang kamay niya. “Josh... `wag muna. Nangako ka, `di ba? Sabi mo hindi mo ako iiwan. Marami kang ipinangako sa akin. Magagalit ako kapag iniwan mo ako. Iiyak ako habang-buhay.” Napatigil ako sa pagsasalita dahil naramdaman kong tumulo na ang mga luha ko. May kung ano ring humaharang sa lalamunan ko kaya nahihirapan akong magsalita. “Sabi mo... sabi mo, `di ba, magpapakasal pa tayo? Nangako ka sa akin na magiging pamilya tayo pagdating ng panahon, eh. Pupunta pa tayo ng Batangas para magbakasyon.”
Narinig kong umiiyak na naman ang mama ni Josh dahil sa mga sinabi ko. Nakaupo lang siya sa gilid habang hinahaplos ni Mimay ang likod niya. Si Prince naman ay nasa pintuan lang at nakatingin sa kawalan. Pansin ko rin ang pagpunas niya ng luha. Tumabi naman sa akin si Monjie at inakbayan ako.
“Josh... gusto mo ba akong umiyak nang umiyak? Alam kong ayaw mo kaya bumangon ka diyan. Alam kong malakas ka. Gagaling ka, `di ba? Ipangako mo sa akin kundi, hay, naku, hihiwalayan na kita, sige ka.” Tumawa ako nang peke. “Biro lang. Hindi ko na kayang iwan ka. Sasamahan kita kahit kailan. Kapag ikaw ang nakipaghiwalay sa akin ay hindi ako papayag. Guguluhin ko kayo ng babaeng ipapalit mo sa akin. Hindi na ako papayag na maghiwalay tayo. Naiintindihan mo ba `yon? Kaya dapat gumising ka na diyan, ah. Hindi pa tapos ang debut ko, eh.” Tulo lang nang tulo ang mga luha ko.
Napatitig ako sa mga mata ni Josh. Kahit nakapikit siya ay may tumulo pa ring luha sa gilid ng mga mata niya.
“Sabihin mo lang kung ano ang gusto mong sabihin. Naririnig ka ni Josh,” sabi ni Mong sa akin. “Hoy, pareng Josh. Kapag hindi ka gumising, sige ka, nanakawin ko si Pipay sa `yo at hindi na muling ibabalik pa. Bahala ka. Ayokong pinapaiyak mo si Pipay, `di ba? Tingnan mo, umiiyak na naman siya ngayon dahil sa `yo. Ano pa’ng hinihintay mo diyan? Gumising ka na! Me o samasu! Me o samasu! ” Tinapik-tapik pa ni Mong ang braso ni Josh. “Me o samasu! Me o samasu! Me o samasu!!”
“Lahat kami dito naghihintay sa paggising mo, Josh ko. Gumising ka na, ah. Alam kong hindi ka magpapatalo sa bone cancer na `yan. Letse `yang cancer na `yan dapat diyan magka-cancer din, eh,” sabi ko kay Josh. “`Buti pa ako, Sagittarius ako at hindi Cancer. Nakakainis `yan, ah.”
Muli na namang may tumulo na luha sa mga mata ni Josh kaya pinunasan ko `yon. Inilapit ko ang mukha ko sa mukha niya. “Ang guwapo mo, Josh, kahit kalbo ka na. Mahal na mahal kita kahit payat ka na. Please, `wag mo `kong iiwan, ah? Hindi ko kasi kaya, promise.” Hinalikan ko siya nang marahan sa mga labi.
Nauna nang umuwi si Mimay dahil tinawagan na siya ng nanay niya. Maghahatid pa raw `to ng mga isda sa palengke bukas ng umaga. Sumunod naman na nagpaalam si Prince sa amin. Bandang alas-dose naman ng gabi nang magpaalam akong uuwi na sa mama ni Josh. Sinabi kong babalik na lang ako bukas at tawagan ako kung ano ang nangyari kay Josh. Number ni Inay ang ibinigay ko dahil nabasag nga ang cell phone ko kaninang umaga.
Mabuti na lang at dala ni Mong ang sasakyan niya kaya inihatid niya ako pauwi sa bahay. Habang tinatahak namin ang tahimik na kalsada ay tahimik lang kaming dalawa at walang nagsasalita. Marahil ay hindi rin alam ni Mong ang sasabihin niya sa akin. Ayos lang `yon. Hindi ko rin naman alam ang sasabihin sa kanya. Sa ngayon ay gusto ko lang manahimik dahil alam kong kahit kagagaling ko lang sa pag-iyak, kapag nabanggit ko ang pangalan ni Josh ay iiyak na naman ako.
Huminto ang sasakyan ni Mong sa tapat ng bahay namin. Inayos ko ang sarili ko at binuksan ang pinto ng sasakyan. “Salamat sa paghatid, Mong.” Binigyan ko siya ng tipid na ngiti.
Ngumiti rin siya. “No worries,” sabi niya. “`Wag kang masyadong mag-isip ng kung ano-ano, ha? Hindi `yon makakatulong sa sitwasyon ni Josh ngayon. Just remember, everything will be all right.”
“Hindi naman mawawala ang mga pag-iisip ko ng kung ano-ano, eh. Lalo na at narinig at nalaman ko ang kalagayan ni Josh. Mahirap para sa akin na tanggapin ang nangyayari sa kanya at sa aming dalawa. Gusto kong sumbatan ang nasa Itaas para sa pagbibigay ng ganitong problema pero hindi ko gagawin. Alam kong pagsubok Niya lang `to sa aming dalawa ni Josh. Alam kong hindi Niya pababayaan si Josh.”
“Sige na. Papasok na ako. Ingat sa pagda-drive, ah? Goodnight!”
Paglabas ko ng sasakyan ni Mong ay umalis agad siya. Pagpasok ko sa bahay ay naabutan kong nagkakape si Inay sa kusina. Lumapit ako sa kanya at umupo sa harap niya.
“O, bakit ganyan ang mukha mo? Para kang namatayan?” tanong niya.
Pagbanggit niya pa lang ng salitang “namatayan” ay agad na naman akong naiyak.
“Hala, hala, anak. Bakit? Ano’ng masakit sa `yo? Bakit ka umiiyak?” nag-aalala niyang tanong.
In all fairness, ha? Hindi basag-trip si Inay ngayon. Siguro napagsabihan siya ni Author na maging ina naman sa akin sa chapter na `to. Good job, Author.
“Kasi... si Josh, eh...” Ikinuwento ko kay Inay ang nangyari kay Josh. Lahat-lahat. Walang labis at walang kulang. Tahimik lang siyang nakikinig sa akin at pansin ko rin ang lungkot sa mukha niya. Siyempre, kahit papaano ay napamahal din siya kay Josh. Si Josh ang unang lalaking ipinakilala ko sa kanya as my boyfriend, eh.
“Kawawa naman ang batang `yon. Masyado siyang mabait para maranasan ang lahat ng `to...” malungkot na sabi ni Inay. “Bukas samahan mo ako, ha? Dadalawin ko si Josh.”
“Sige, Inay. After school na lang. May pasok pa, eh.”
Nagulat siya. “Ay! Pumapasok ka pa pala? Akala ko pulos paglalandi na lang ang ginagawa mo sa buhay mo. Hehe.”
Napatingin ako sa kapeng iniinom ni Inay na nasa harap ko at mukhang mainit-init pa. Napaisip tuloy akong bigla na kung ibuhos ko kaya `yon sa mukha ni Inay nang mahimasmasan siya sa mga sinasabi niya sa akin? Siyempre, joke lang `yon. Hindi ko `yon gagawin. Love na love ko `yang si Inay, `no. Kahit minsan hater `yan ng buhay ko.
Madaling-araw na pero hindi pa rin ako makatulog. Hawak ko lang ang cell phone ko at ayokong bitawan. Baka kasi biglang mag-text o tumawag ang mama ni Josh na walang pangalan `tapos hindi ko hawak, eh, di nayari na.
Nakatulog akong hawak ko ang cell phone ko.
Kinabukasan pagpasok ko sa school, halos lahat sila ay tinatanong kung ayos lang ako. Especially, ang mga kaklase ko. Kitang-kita ko ang awa sa kanilang mukha. `Yong ChaKa twins niyakap pa ako at nag-sorry sa lahat ng mga ginawa nila sa akin. Nagtaka naman tuloy ako kung ano ba’ng ginawa nila sa akin? Halos wala naman silang exposure sa kuwento ko, eh. Kung magka-exposure nga sila bugbog-sarado lang ang abot nila kay Mimay, eh.
Tinanong din nila ang kalagayan ni Josh. Sinabi kong ayos lang at nagpapalakas sa ospital. Sabi ko rin na one of these days ay lalabas na siya kahit hindi naman ako sigurado. Isasama raw nila sa pagdadasal ang mabilis na paggaling ni Josh ko. Natawa pa nga ako, eh. Mga mukhang `yon, marunong palang magdasal?
No’ng uwian na, Diary, hinintay ako ni Inay sa labas ng school dahil nga pupuntahan namin si Josh sa ospital. Pumunta muna kami ng Sic’s flower shop para bumili ng bulaklak. `Taray ni Author, mayaman talaga. May sarili ding flower shop. Dumeresto agad kami sa ospital nang makabili kami ng isang dosena ng sampaguita.
Pagdating namin sa kuwarto ni Josh ay sinalubong kami ng mama at papa niya, Diary. Hindi pa rin gumigising si Josh. Bagong bihis siya at ang linis-linis. Mukhang inayusan siya ng mama niya dahil nga dadalaw si Inay ngayon. Nagkuwentuhan lang si Inay at ang mga magulang ni Josh habang ako ay nakaupo na naman sa gilid ng kama niya at kinakausap siya.
“Hindi ka ba nangangalay, Josh ko? Gusto mong ayusin natin ang unan mo?” tanong ko na as if sasagot siya. Inayos ko ang mga unan na nasa ulo niya. Hindi kasi pantay ang unan niya at tiyak sasakit ang leeg niya kapag gumising siya.
“`Ayan, maayos na ang unan mo. Ang sarap ng tulog ng Josh ko, ah. Wala ka bang planong gumising? Dapat sa paggising mo ay malakas ka na, ah,” sabi ko saka ko hinawakan at pinisil-pisil ang kamay niya.
Napatingin ako sa mga apparatus na nasa gilid ng kama ni Josh. Ang dami-daming nakakabit sa katawan niya. Dapat akong magpasalamat sa mga nag-imbento nito dahil sila ang nagbibigay ng dahilan para humaba pa ang buhay ni Josh ko.
Lumipas ang ilang araw na hindi pa rin gumigising si Josh, Diary. Sinabi ng doktor na gano’n daw talaga dahil nga mahina na ang katawan ni Josh. Hindi na kaya ng katawan niya na mag-function katulad ng normal na katawan ng tao. Pero umaasa pa rin akong gigising si Josh ko isang araw.
Gabi na nang magpaalam kami ni Inay sa parents ni Josh para umuwi. Sinabi ko uli sa kanila na i-text ako at tawagan kapag nagising si Josh at kung may mangyaring hindi maganda.
Nasa kuwarto na ako at naghahanda nang matulog nang may marinig akong may bumabato sa bintana ng kuwarto ko, Diary.
Shutang inerns na `yan. Sino kaya `tong buwisit na `to? Pagod na pagod na ang buong katawang-lupa ko dahil sa maghapon `tapos may istorbo pa sa pagtulog ko.
Lumapit ako sa bintana ko saka dumungaw para tingnan kung sino ang punyetang istorbo sa pagbu-beauty sleep ko sana.
“Hi, Pipay ko!”
Nagulat ako sa nakikita ko, Diary. Shutang inerns nga talaga. Totoo ba `tong nakikita ko? Si Josh ba talaga `tong nakangiti sa akin at kumakaway pa sa ganitong oras?
“Josh ko?” gulat kong sabi. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko dahil baka nga produkto lang ng antok ang nakikita ko ngayon.
Totoo ba talaga `to, Diary? Gising na si Josh ko? Pero bakit wala man lang akong natatanggap na text o tawag galing sa mga magulang niya para ipaalam na gising na siya?
“Baba ka dito!” sabi niya.
“Sandali lang!” sabi ko at nagmamadaling lumabas ng bahay.
Paglabas ko ay agad akong nilamig dahil nakasuot lang ako ng sando at pajamas. Mag-aala-una na rin kasi ng madaling-araw, eh. Pero paano nakalabas ng ospital si Josh nang dis-oras nang gabi?
Napansin ko ang suot ni Josh, Diary. May suot siyang jacket at balot na balot siya. May bonnet pa siya sa ulo niya. Kung iisipin kong walang sakit si Josh ay parang ang sigla-sigla niya nang mga oras na `to. Nakangiti pa siya nang malapad sa akin.
“Bakit ka ganyan makatingin sa akin, Pipay? Naguguwapuhan ka ba sa akin? Tsk,” natatawa niyang sabi.
“Tse! Paano ka nakalabas ng ospital nang ganitong oras? Saka alam ba nina Mama at Papa mo na lumabas ka? Kumusta ang pakiramdam mo? Naku! Kailangan mong bumalik sa ospital. Ite-text ko si Mama mo.” Ilalabas ko na sana ang cell phone ko pero pinigilan niya ako.
“`Wag mong i-text. Tumakas lang ako para puntahan ka,” sabi niya saka kinuha ang cell phone ko. “Kagigising ko lang kanina. Tulog na sina Mama at Papa nang magising ako `tapos bigla kong naisip na puntahan ka dahil nami-miss na kita. Ilang araw ba akong tulog?”
“Magtatatlo na.”
“Wow! Magtatatlong araw na pala ang lumipas mula no’ng debut mo sa ospital?” gulat na tanong niya.
Tumango ako.
“Hehe. Ang tagal ko palang natulog. Kaya pala pakiramdam ko ay ang lakas-lakas ko ngayon.” Ipinakita pa ni Josh ang muscle niya sa braso.
“Bakit ka pa ba nagpunta dito sa bahay? Sana itinext mo na lang ako para ako na lang ang pumunta do’n sa ospital. Makakasama sa kalusugan mo kapag napagod ka!”
Biglang nawala ang ngiti ni Josh `tapos ay napasimangot siya. “Bakit? Ayaw mo ba akong makita? Hindi mo ba ako na-miss?” malungkot na tanong niya. Napayuko pa siya.
“Hindi naman sa gano’n. Kasi nga... kasi nga mahina na ang katawan mo. Ayoko lang mapagod ka,” naiiyak kong sabi. Alam ko kasing once na mapagod siya, tuluyan nang bibigay ang katawan niya.
Tumingala si Josh hanggang sa napalitan ng pag-aalala ang mukha niyang nakasimangot kanina. “Malakas ako ngayon, Pipay. Promise. Makita lang kita lumalakas na ako. Kaya nga pinuntahan kita dito para lalo akong lumakas, eh.” Hinaplos niya ang mukha ko. “`Wag ka nang magalit. Na-miss lang naman kita, eh.”
Napatitig ako sa mukha niya para malaman kung nagsasabi siya ng totoo. Pero ang loko, nginitian lang ako.
“Nakakainis ka kasi, eh,” sabi ko.
“Ssshh. `Wag ka nang magalit diyan.” Niyakap niya ako nang mahigpit na parang ito na ang huling yakap na mangyayari sa aming dalawa. “Gusto lang talaga kita makita ngayong gabi.”
“Pagkatapos nito ay babalik ka na sa ospital, ha? Ipangako mo!”
Naramdaman kong tumango siya. “Sige! Babalik ako sa ospital sa isang kondisyon.” Lumuwang ang pagkakayakap niya sa akin `tapos tiningnan niya ako.
“Ano namang kondisyon `yan, aber?”
“Mag-date tayo?” nakangiting sabi ni Josh.
“Ano? Naririnig mo ba `yang sinasabi mo?” hindi ko napigilang isigaw. “Gabing-gabi, date? Talaga, Josh?”
Natawa si Josh. “Oo. Ano’ng mali sa sinabi ko? Ayos nga `yon, eh. Para wala masyadong tao. Solo natin ang kalye.”
“`Tingin mo, meron tayong puwedeng puntahan ngayon?”
“Siyempre!” Tumaas-baba pa ang mga kilay niya. “May twenty-four hours na pizza house and ice cream parlor. Gusto kong kumain ng pizza at ice cream, eh. Pulos gulay kasi ang pinapakain sa akin sa ospital. `Tapos punta tayong simbahan.”
“Simbahan?” kunot-noong tanong ko. “Ano’ng gagawin natin sa simbahan?”
“Gusto ko lang magpasalamat sa Kanya dahil hinayaan Niya pa rin akong gumising ngayon,” nakangiti niyang sabi. “At dahil ibinigay ka Niya sa akin.”
“Sarado ang simbahan sa plaza. Anong oras na, eh. Tulog na si Father.”
“Hindi naman tayo papasok. Kahit sa labas lang. Ano, date na tayo? Nagugutom na ako, eh.”
“Sige, pero ipapangako mo pagkatapos nito ay babalik ka na sa ospital, ha? Ihahatid kita!” paniniguro ko.
“Yes, Ma’am!” Parang batang nag-salute pa si Josh sa akin.
“Hintayin mo ko d’yan. Magbibihis lang ako.” Tatalikod na sana ako pero pinigilan niya ako at hinawakan ako sa kamay.
“`Wag na. Mauubos na ang oras , eh . Okay na `yan, Pipay ko,” sabi niya. “Isuot mo na lang `tong jacket ko.” Hinubad niya ang jacket niya saka ipinasuot sa akin.
“Paano ka?” tanong ko. Naramdaman ko kaagad na uminit ang pakiramdam ko dahil sa jacket ni Josh.
“Malakas ako, remember?” natatawa niyang sabi. “Ano, let’s go na?” Hinawakan niya ako sa kamay.
“Tara!” sabi ko saka naglakad na. Pero napansin kong nakahinto pa rin si Josh kaya napalingon ako sa kanya. “Bakit?”
“Wala. Wala. Masaya lang ako ngayon. Sana hindi na `to matapos,” seryosong sabi niya.
Pero sa tingin ko ay hindi `yon ang totoong dahilan kaya siya nahinto sa paglalakad. Bigla ba siyang nahilo?
“Let’s go na sa date! Yes! Date with my Pipay!” masiglang sabi ni Josh.
Napangiti na lang ako sa nakikita kong kasiyahan ni Josh.
Sana, Diary, magtuloy-tuloy na `to
May date kay Josh kahit gabi na,
Pipay