Malandi #24
MONG’S POV
“ What the fuck are you doing?” tanong ko sa putang inang Josh na ito nang kaming dalawa na lang ang naiwan sa locker room. Katatapos lang ng basketball practice at mabuti nagsialisan agad ang teammates namin kaya nagkaroon ako ng chance para i-confront ang walanghiya na ito. Ilang araw na akong nagtitiis sa mga ginagawa niya pero ngayon, hindi ko na kayang pigilan ang sarili ko. Pakiramdam ko, sasabog na ako kapag hinayaan ko pa rin ang kagaguhan niya.
Tumingin nang masama sa akin si Josh at ako naman ang itinulak niya. “No, dude. What the fuck are you doing? Kanina ko pa napapansin na pinag-iinitan mo ako habang nasa practice, eh. May galit ka ba sa akin?”
Natawa ako. Isang tawa na ngayon ko lang nagawa sa tanang buhay ko dahil sa bobong tanong ni Josh. “Seriously, dude? Wala kang ideya sa ginagawa ko sa `yo?” Nagseryoso ang mukha ko. “Josh, putang ina lang. Hindi mo alam kung gaano ako kagalit sa `yo. Gusto kitang bugbugin ngayon dito mismo sa kinatatayuan mo.”
“Bakit hindi mo gawin?” maangas niyang tanong.
“Dahil alam kong kapag ginawa ko `yon, magagalit si Pipay sa `kin. Alam kong once na bangasan ko `yang mukha mo, magagalit siya.”
Lumambot ang mukha ni Josh saka napaiwas ng tingin. “Hindi siya magagalit. Wala na siyang pakialam sa akin. Hindi mo ba nakikita kung ano na siya ngayon? Gumanda si Pipay ko pero nag-iba ang ugali niya. Nagbago siya dahil sa galit niya sa akin kaya mas matutuwa pa siya kapag binugbog mo ako.” Lumapit pa si Josh sa akin pagkatapos ay itinaas niya ang dalawang braso. “Bugbugin mo na ako. Hindi ako lalaban pabalik, pangako.”
Lalo akong nainis sa inasta ni Josh kaya sinuntok ko na ang mukha niya. Napaupo siya sa sahig at napatingin sa akin saka ngumisi. “Ang hina ng sapak mo. `Yan lang ba ang kaya mong gawin? Sapakin mo pa ako. Sipain o kaya wasakin mo ang buong pagkatao ko, `cause to be honest, wala nang mas sasakit sa nararamdaman ko ngayon.” Saka siya humawak sa dibdib niya at napayuko.
“Ano ba kasi’ng nangyayari sa `yong hayup ka? Can’t you see it? Mahal na mahal ka pa rin ni Pipay. Mahal na mahal to the point na willing siyang baguhin ang sarili niya para mapansin mo siya. Nagbago siya. As in ang laking pagbabago ang nangyari sa kanya. Gumanda nga siya pero nawala ang dating Pipay na kahit hindi kagandahan, hindi naman marunong manlait ng kapwa. `Yong Pipay na laging nilalait pero ngingiti lang na parang walang narinig. At `yong Pipay na sobrang bait at mapagmahal. Honestly, gumanda nga si Pipay ngayon pero hindi ko gusto ang ugali niya. She’s now a bitch.”
Napatitig sa akin si Josh saka malungkot na ngumiti. “Kung kaya ko lang i-explain ang nangyayari sa akin, tingin mo masasaktan si Pipay? `Tangina. Kung alam mo lang kung gaano ko kamahal si Pipay. Mas pipiliin kong mamatay kaysa mawala siya sa akin at makitang masaya sa piling ng iba.”
Napansin ko ang luhang nagbabadyang tumulo sa gilid ng mga mata ni Josh.
“Pero wala akong lakas ng loob, eh. Wala akong lakas na sabihin sa kanya ngayon pa na nagbago na siya dahil sa akin. I hurt her a lot. Kakaibang sakit ang naibigay ko sa kanya na pati ang puso niya ay nalulunod na sa sobrang sakit. Maybe this is for the better. Mas maganda na tuluyan nang magalit si Pipay sa akin para agad niya akong makalimutan.
“There’s no chance for us to get back together. Masakit isipin pero lintik, kailangan kong tanggapin, eh. She’s the one I really want. Since high school, p’re, mahal na mahal ko siya pero wala na talagang pag-asa. May humahadlang na, eh. She gave me happiness while I gave her heartbreaks in return.”
Hindi ko na napigilang mapasigaw. “Dude, may pag-asa! Laging may pag-asa. Mahal mo siya, `di ba? `Wag mong itanggi dahil alam ko at ramdam ko. `Yong mga mata n’yo ni Pipay, parehas ang sinasabi. May sparks pa rin kapag napapatingin kayo sa isa’t isa. There’s still a chance but you chose to take it for granted.
“Pipay is now building a wall around herself. Isang wall na kahit sino, and even her, hindi kayang tibagin. She’s building it `cause she’s afraid of everyone. Ayaw na niyang may taong mapapalapit sa kanya dahil pakiramdam niya, iiwan siya uli. She was too hurt to the point she wished that she was never born, that she never existed in this cruel world.”
“I’m doing this not for my own sake, Mong. Ginagawa ko rin `to para mismo kay Pipay. I’m secretly protecting her from everyone. Mas okay na isipin niyang pinapabayaan ko siya. Ayos lang na kahit palihim at patago, napoprotektahan ko pa rin siya.”
“Putang ina. Ano ba kasi’ng nangyayari? Bakit kasi hindi ka magsalita?!”
Tumayo si Josh saka muling tumingin sa akin. “Bakit ka ba ganyan mag-react, Mong? Do you like Pipay?”
His question caught me off guard. Napaiwas ako ng tingin saka sumagot. “No...” sabi ko. “Dahil mahal ko si Pipay.”
“Since?”
“Since we were young.”
Natahimik kaming dalawa ni Josh bago uli siya nagsalita. “Good. Mabuti naman at may lalaki pa ring nagmamahal kay Pipay.” Lumapit siya sa akin saka ako tinapik sa balikat. “Promise me one thing, p’re. `Wag na `wag mong sasaktan si Pipay tulad ng ginawa ko. Her tears are so precious to me. It’s irony na ayokong nakikitang umiiyak si Pipay pero ako naman ang gumagawa para paiyakin siya.”
Napansin kong tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Josh pero pilit pa rin siyang ngumiti. “Ipangako mo sa akin na you’ll love Pipay. Lampasan at higitan mo ang pagmamahal na ibinigay ko sa kanya. I promised her a fairy-tale love story but I’ve caused her too much pain. She doesn’t deserve me anymore kaya sa `yo ko na siya ihahabilin. I hate to see Pipay happy with somebody else. That’s the least thing I wanted to see in this world pero wala akong magagawa. Masyadong masama ang tadhana dahil ayaw niya kaming maging masaya.” Tumingin siya sa akin nang seryoso. “`Wag na `wag mo lang siyang sasaktan tulad ng ginawa ko.”
Nablangko ako dahil sa sinabi ni Josh. Pinunasan niya ang mga luha niya bago ako lampasan. Akala ko lalabas na siya pero nagsalita uli siya.
“Anyway, bukas ang seventh monthsary namin ni Pipay. Ang dami kong ipinangako sa kanya. Ang dami naming planong gawin para bukas pero putang ina lang, eh. Hindi na kami inabot. Hindi ko alam kung makakapunta ako sa seaside na malapit sa plaza para panoorin ang paglubog ng araw, pero I’m very sure na pupunta si Pipay do’n para tuparin ang mga pangako namin sa isa’t isa. Puntahan mo siya at patahanin mo sa pag-iyak. `Wag mo siyang hayaang umiyak, p’re.”
“I’m gonna save Pipay from this pain, Josh. Pero promise me another thing.”
“Ano `yon?”
“Sa oras na mahalin niya ako pabalik, `wag ka sanang umepal para bawiin siya sa akin.”
Humugot ng malalim na hininga si Josh. “I will. Mark my words. She finally let me go so I have to do my part. I’m letting her go, too, because at some point, we all have to let go.” Saka siya tuluyang lumabas ng locker room.
Saglit akong natahimik at napatitig lang sa kawalan, trying to digest what Josh have said. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa sinabi niya. A part of me was happy dahil ipinagkatiwala na ni Josh sa akin si Pipay habang ang kalahati naman ay nanghihinayang sa kanilang dalawa. I know na mahal na mahal nila ang isa’t isa pero dahil merong kung anong humahadlang, hindi na sila maaaring magsamang dalawa.
Mahirap ipaglaban ang taong mahal mo because it takes time and courage to do it. Pero mas mahirap mag-let go. Ramdam na ramdam kong nahihirapan si Josh sa ginawa niya pero he really needed to do it. Siguro ang pag-let go na lang talaga kay Pipay ang choice niya.
Mabilis akong naligo at nagpalit ng damit. Sa sobrang pagmamadali ko nga, naiwan ko pa ang brief ko at tanging pantalon lang ang naisuot ko. Tss, minsan talaga ang tanga ko, eh.
Paglabas ko ng locker room, naabutan ko si Pipay na nagre-retouch ng makeup. Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang nagbago siya in just a span of almost one week. Para siyang nagkaroon ng isang fairy godmother dahil sa bilis ng pagbabago niya. Pero sana hindi isinali ang ugali niya sa pagbabago. Mas gusto ko pa rin ang dating ugali ni Pipay na kahit malibog at maloko, masayahin naman at mabait.
“Ang tagal mo. Anong ginawa mo sa banyo? Siguro nag-ano ka pa...” sabi ni Pipay habang inilalagay sa bag niya ang makeup. Hindi pa pala naaalis ang pagkamanyak kay Pipay. May natira pa rin kahit papaano.
“Adik,” sabi ko saka inayos ang sintas ng sapatos ko.
“Alis na kami, Mong. Bye,” paalam ni Monica.
Tumingin si Josh sa akin saka pasimpleng tumango
Napansin kong napatingin si Pipay sa magkahawak-kamay nina Monica at Josh saka bumulong. “Ingat kayo. Malapit pa naman sa disgrasya ang manloloko at malalandi.”
“Hindi ko gusto ang ginawa mo kanina,” sabi ko kay Pipay habang naglalakad kami palabas ng school gym.
“Ikaw ang nag-suggest n’on, Mong. Sinunod lang kita,” malamig niyang sagot habang nakayuko. “Pero masakit pa rin pala.”
“Masakit ang alin?” Napahinto ako sa paglalakad at ganoon din si Pipay.
“Masakit na parang wala pa ring pakialam si Josh,” sagot niya at pilit pa ring ngumiti sa kabila ng lungkot na nakaguhit sa kanyang mukha. “Masakit makitang gumagawa ako ng paraan para masaktan siya pero parang wala siyang pakialam. Bakit gano’n? Bakit isang tao lang ang nasasaktan? Shutang inerns na `yan. Wala talagang fair sa mundo. Laging may sobra at kulang.” Tumalikod siya at nauna na sa paglalakad.
Gets ko na talaga ang ipinapakita ni Pipay ngayon. Isa lang balat-kayo ang pagiging matapang at bitch niya pero deep in her heart, siya pa rin ang Pipay na kilala ko. Iyong Pipay na mabait, na kahit nasasaktan na, ngumingiti pa rin.
Gusto niyang kumbinsihin ang sarili niya na okay na siya pero hindi niya kayang lokohin ang mga mata niya. Naitatago nga ng mga labi niya ang lungkot pero ang mga mata niya, hindi. Punong-puno pa rin ng kalungkutan si Pipay.
Kailangan ni Pipay ng lalaking sasalba sa kanya sa kalungkutan. Iyong magsisilbing salbabida para hindi siya tuluyang malunod sa sakit na kanyang nararamdaman. She deserves a guy who can make her forget that her heart was ever broken. And I, Monjie Tiramoko-Tirakita, will prove to her that not all guys are the same.
Tahimik lang kaming dalawa ni Pipay nang ihatid ko siya sa kanila. Hapon na rin iyon at halatang pagod na siya physically, mentally and emotionally. Kinuha niya lang ang mga bag na nasa compartment ng kotse ko.
Palabas na sana siya nang bigla kong hinawakan ang kamay niya.
“Bakit?” tanong niya.
“Ako ang Batman ng buhay mo, remember? Kaya kung pakiramdam mo na wala kang kakampi, insulto sa akin `yon. Kakampi mo ako through thick and thin. From the old Pipay to new Pipay kakampi mo ako.” Ngumiti ako pagkatapos.
Ngumiti rin si Pipay saka tumango. “Narinig ko na rin dati `yan. Pero iniwan niya rin ako. Pero salamat, Mong.” At tuluyan na siyang lumabas ng kotse ko at hindi na ako nilingon pa.
Masyadong malaki ang damage na naibigay ni Josh kay Pipay. Tsk.
Dear Diary,
Nagising ako na parang hindi ko feel mag-exist muna sa mundo. Gusto ko lang matulog nang matulog nang matulog ngayong araw dahil isa ang araw na `to na isinusumpa ko na kung bakit ginawa pa at isinama sa kalendaryo. Shutang inerns lang, Diary. Kahit anong pilit kong lokohin ang sarili ko na ayos na ako, na wala na talaga akong nararamdaman kay Josh, wala pa rin talaga, eh. Mas nag-uumapaw pa rin ang pagmamahal ko sa kanya dito sa puso ko.
And I hate this kind of feeling dahil isa `to sa nagiging dahilan kung bakit ako nagiging mahina uli pero pakingshit lang. Wala akong ibang magawa kundi magmukmok lang ngayon at hayaan ang mga luha ko na tumulo sa mga mata ko.
Nakatitig lang ako sa salamin at pinagmasdan ang sarili kong reflection. Ibang-iba na ako mula sa dating Pipay na palaging nakangiti kahit nasasaktan na. Ibang-iba na ang hitsura ko mula sa mga taong pinagtatawanan ako dahil sa hitsura kong pang-unggoy raw. Pero kahit iba na ako ngayon at tuluyan nang gumanda, hindi pa rin talaga ako tuluyan naging masaya. Hindi ko kasi siya kayang saktan nang lubusan. Sa totoo lang, kaya ko naman talaga, eh. Ayaw lang ako payagan ng dating Pipay na nasa loob ko na saktan si Josh nang sobra-sobra.
“Ayaw mo ba talagang saktan ko si Josh? Ayaw mo bang maghiganti ako sa kanya? Sa ginawa niya sa ating dalawa?” tanong ko sa sarili habang nakatitig pa rin sa salamin.
Nakikita ko ang old Pipay na nakatingin sa akin.
Umiling siya saka ngumiti. “Hindi na.” Patuloy lang siya sa pag-iling. “Hayaan na lang natin siya.”
“Pero bakit?!” sigaw ko. “Sinaktan niya tayo. Kailangan niya ring maranasan ang sakit na naramdaman natin. Pipay, ayaw mo ba n’on? Sobra-sobrang luha ang naubos natin sa kanya. `Wag namang ganito. Kailangan nating lumaban at gumanti.”
“Hindi sa gano’n, Pipay,” sagot naman niya sa akin. “Gusto kong makitang lumuluha rin si Josh gaya natin. Pero alam mo `yong pakiramdam na maiisip ko pa lang na iiyak siya, mas nasasaktan ako. I guess this is the true meaning of love. Mas pipiliin natin maging miserable kaysa sila ang maging miserable.” Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya.
“Pero papayag na lang ba tayo na laging aapihin? Laging lolokohin?”
“Siyempre, hindi,” sagot niya. “Pero hindi `yon sapat na rason para manakit ng kapwa. Pipay, tao lang din tayo na nasasaktan. Yes, puwede tayong gumanti pero pulos pagganti na lang ba? Hindi na `yon matatapos, eh. Matatapos lang ang isang gulo kapag may taong sumuko. Tayo na ang sumuko, after all, hindi por que sumuko ka, ibig sabihin ay talunan ka. Minsan, ang ibig sabihin nito ay tinanggap mo lang sa sarili mo na wala na talaga.”
“Tweet ko na ba?”
Tumango siya. “Yes. Salamat!”
Nag-ayos na ako ng sarili. This time, kailangan ang old Pipay muna ang nasa sarili ko. Kaya muli kong shinampoo ng pH Care ang buhok ko at kinausap si Pempem habang naliligo.
Isinuot ko rin ang damit ko na itinago ko. Akala ko hindi ko na `to magagamit pero gagamitin ko pa rin pala talaga. Couple shirt namin `to ni Josh, eh. Kulay-pink na may nakalagay na kalahating puso. Mabubuo lang ang puso kapag parehas naming suot ni Josh ang damit at `pag magkasama kaming dalawa.
Natawa ako nang mapakla. Naisip ko kasi na forever nang wasak ang puso ko dahil hindi na naman kami magkakasama pa, eh.
Paglabas ko ng kuwarto, nakita ko si Inay na nasa tapat ng pinto. Sinundan niya lang ako ng tingin at narinig ko pa siyang bumulong.
“Gumanda nga ang anak ko pero mukhang nag-aadik naman. Sino kaya kausap ng gagang `to?”
Nilingon ko si Inay kaya bigla siyang nagpatay-malisya. Kunwari nagpatuloy siya sa pagwawalis pero wala namang hawak na walis tambo.
“Hay, `kakapod. Ang daming alikabok ng bahay,” sabi niya habang hawak ang invisible walis tambo.
Pumunta muna ako sa mall na pagbibilhan ko ng regalo para kay Josh. Ang tagal kong pinag-ipunan ang mamahaling bola ng basketball na `to dahil sobrang mahal. Ito sana ang ireregalo ko sa kanya ngayong monthsary namin at naipangako ko na `to sa kanya. Kaya kahit wala na kami, tutuparin ko pa rin. Hindi ako gagaya sa kanya na hindi tumutupad sa pangako.
Dumeretso na ako sa seaside para panoorin ang paglubog ng araw. Shutang inerns . Gusto ko talagang mamatay sa sakit, `no? Pero this pain makes us human. Kung hindi mo nararanasan ang kakaibang sakit na `to, ibig sabihin hindi ka tao.
Hawak ko ang regalo ko para kay Josh habang nakatingin sa malayo at pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Naramdaman kong nangilid na ang mga luha ko kaya pilit ko `tong pinigilan.
“Josh, sobrang sakit na talaga,” paninimula ko. “Bakit kasi ganito, Josh? Tinuruan mo akong mahalin ka nang sobra-sobra pero hindi mo naman ako tinuruan na tumigil na kung kinakailangan. Ang suwerte mo dahil may natirang taong nagmamahal sa `yo habang ako, heto’t umiiyak pa rin dahil sa `yo. Ang unfair mo, Josh, eh. Alam mo `yon? Sabi mo, walang iwanan, `di ba? Sabi mo to the pempem and back? Sabi mo AcKO Lh4Rn Zh4P4t nH4 pero anong nangyari ngayon? Wala kang tinupad. Wala talaga, Josh,” sabi ko sa hangin, pilit pa rin pinipigilan ang mga luha ko.
“Naaalala mo kaya na monthsary natin ngayon? Malamang, hindi na rin. Kinalimutan mo na `ata lahat ng tungkol sa akin, eh. Sana kaya ko ring gawin `yan. Sana kaya ko ring kalimutan ang lahat ng tungkol sa `yo para hindi ako nahihirapan nang ganito. Gusto na kitang kalimutan pero ayaw akong hayaan ng puso ko. Pakshet naman kasi. Masyado kang minahal ng puso ko, eh. Sana kasi binalaan mo ako na `wag kitang masyadong mahalin nang ganito.
“Sinabi mo sa akin dati na hanggang pagtanda tayong dalawa ang magkasama. Mas nanaiisin mong mamatay nang maaga kung hindi ako ang kasama mo sa pagtanda. Ang dami mong ipinangako sa akin, Josh. Sobrang dami pero bakit kinalimutan mo agad? Masyadong masakit lang na kahit gumanda ako... kahit na nagbago ako... siya pa rin ang pinili mo.
“Ang hirap lang tanggapin na hindi na talaga tayo ang para sa isa’t isa sa kuwentong `to. Ang dami nating pinagdaanan pero sa gano’ng pangyayari lang matatapos ang lahat. Hindi ko kayang isipin na ang lahat ng pangako mo ay tutuparin mo nang kasama siya. Ang hirap tanggapin pero kailangan. Josh, miss na miss na kita. Ako na lang ang tumupad sa pangako natin ngayong monthsary natin. Ako na lang ang mag-isang nanonood ng paglubog ng araw. Sana masaya ka talaga sa kanya. Happy seventh monthsary...”
Nakatitig lang ako sa araw habang unti-unti iyong lumulubog at pilit pa ring pinipigilan ang aking mga luha nang may taong yumakap sa akin mula sa aking likuran. Alam na alam ko kung kanino galing ang amoy na `yon. Alam talaga ng buong katawan ko kung kanino ang amoy na naaamoy ko ngayon.
“It’s okay to cry, Pipay. Even the clouds are crying when they can’t hold the weight anymore,” sabi niya habang mahigpit pa ring nakayakap sa akin.
Nalaglag sa buhanginan ang bolang dala-dala ko at tumalbog ito nang ilang beses. Sana katulad ng puso ko ang bolang `to. Ilang ulit mang malaglag, tatalbog lang. `Yong puso ko kasi, ilang ulit nang nalaglag pero patuloy pa ring nababasag.
“Ngayon lang uli ako magiging mahina. Ngayon lang uli ako iiyak nang ganito. Kaya sana... sana hayaan mo lang akong umiyak,” sabi ko saka tuluyan nang kumawala ang mga luha ko.
Promise, Diary. Hayaan mo lang akong maging mahina ngayon. Ang bigat-bigat na talaga, as in. At parang sasabog na ang puso ko sa bigat ng nararamdaman ko.
Umiiyak habang kasama siya,
Pipay