Malandi #36
Dear Diary,
Gabi na, Diary, nang umalis ako sa ospital. Hindi na nga rin ako nakapagpaalam kay Josh dahil nakatulog na siya. Ayoko naman siyang gisingin dahil halatang pagod na pagod at hinang-hina na ang katawan niya.
Ang layo na ng hitsura ni Josh mula sa Josh na una kong nakilala. Para siyang malnourished dahil halos dumikit na sa balat ang buto niya. Ayoko ipakitang naaawa ako sa kanya kaya habang magkasama kaming dalawa ay nagkukuwento lang ako at pinapatawa siya. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng mga ginawa ko no’ng mga panahong nagkahiwalay kami. Kung paano ako umiyak kaya todo-sorry naman siya. Hindi talaga nahihiya si Josh na makita ko siyang umiiyak, Diary. Ayokong ipakitang nanghihina ako sa nakikita kong kalagayan niya kaya bigla kong ida-divert sa iba ang topic namin.
Ang daming nangyari sa aming dalawa. Ang dami kong nailuha dahil akala ko ay tuluyan na akong kinalimutan ni Josh at pinagpalit sa Monicanamalandiatpakaratnamalakinaataangbutasngpempem na iyon. Oops, mali. Mabait naman pala si Monica kaya dapat bigyan ko siya ng panibagong pangalan. B hOszx_qUeEn_mOniC4_mHou_Lh4n na lang kaya, Diary? Or Monicanamabaitperomaykalandiandin. So, anyway, ang dami naming pinagdaanan ni Josh. Nagbago ako at sinubukang magmahal ng ibang lalaki. Pero masyadong malakas ang hatak ni Josh sa pempem at puso ko kaya kahit magmahal ako ng iba, ay hindi ako hinayaan ng puso ko.
Sa aming dalawa ni Josh ay siya pala ang may pinakamaraming sacrifices. Who would have thought na ganito pala ang mga pinagdadaanan ng Josh ko? Hindi ko alam, eh. Sana sinabi niya mula una pa lang para nasamahan ko siyang lumaban sa sakit niya. Sana no’ng mga panahong nanghihina ang katawan niya ay nasa tabi niya ako at pinapatigas ang bakal na krus—este, pinapalakas ang loob niya. Ayoko nang sisihin si Josh dahil hindi `yon healthy sa katawan niya. Ngayon, ang kailangan niya ay isang taong pretty na hindi aalis sa tabi niya kahit anong mangyari.
Pero naba-bother talaga ako, Diary, eh. Naguguluhan talaga ako sa tanong na naiwan sa isip ko. `Di ba, pumayat na si Josh ngayon dahil sa sakit niya? `Yong bakal na krus kaya niya ay pumayat din at dumikit kaya lalo ang balat sa katawan nito? Hmm… `kainis naman kasi si Josh. Ayaw niya ipakita, eh. Mukhang nahihiya. Hihihi.
Palabas na ako ng kuwarto ni Josh nang makasalubong ko ang mama niya, Diary. Ang plano ko sana ay yumuko na lang at lagpasan siya dahil, `di ba, mula book one ay hindi naman pabor sa loveteam namin ang mama niya? Number one hater ko iyan. Galit yata sa magaganda. Pero nagulat na lang ako bigla nang harangan niya ang daraanan ko kaya bigla akong napatingin sa kanya.
“Maraming salamat dahil binalikan mo ang anak ko,” bigla niyang sabi sa akin, Diary. Mukhang naiiyak na ang mama ni Josh na hanggang ngayong book two ay wala pa ring pangalan. “Alam ko ang lahat ng pinagdaanan n’yong dalawa ni Josh. Kung paano n’yo minahal ang isa’t isa. Naikuwento rin sa akin ni Monica ang pagkukunwari nilang dalawa ng anak ko para lang mapalayo ka kay Josh at hindi na masaktan pa.” Huminto siya at nagpipigil ng luha. “Gusto ko lang talagang magpasalamat dahil bumalik ka sa piling ng anak ko. Kahit na nasaktan ka niya ay hindi ka pa rin nagdalawang-isip para balikan siya. Sa ngayon, kailangan ka talaga ni Josh. Kailangan niya ng taong magpapasaya sa kanya para makisama ang katawan niya sa mga treatment.”
Ngumiti ako at hinawakan ang mga kamay niya. “Wala po `yon, Tita. Kahit naman saktan ako ng paulit-ulit ni Josh ay sa kanya pa rin ako babalik, eh. Siya pa rin ang lalaking mamahalin ko forever. Alam ko rin naman na hindi ginusto ni Josh na saktan ako, kapakanan ko lang talaga ang iniisip niya. Bumalik ako kay Josh hindi dahil may sakit siya, binalikan ko siya dahil mahal at kailangan ko siya.”
Tumango siya. “Bukas magsisimula na namang i-chemo si Josh. Mas gusto niyang kalbuhin siya kaysa malagas ang buhok niya. Sana makadalaw ka uli para araw-araw masigla si Josh. Sa pamamalagi niya kasi dito sa ospital ay lagi siyang tulala at walang sigla.”
“Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko para masamahan lagi si Josh. After po ng school ay dederetso agad ako dito,” paniniguro ko sa kanya. “Let’s just hope po na sana maging okay si Josh.”
Umiling siya. “Ayokong bigyan ka ng false hope, Pipay. We’re very much aware, even Josh, na hindi na mawawala ang sakit niya. Masyado na itong malala at kumalat na sa buong katawan niya. Nakailang punta na kami sa iba’t ibang doktor at nagbabaka-sakaling may mali lang sa findings nila pero lahat sila ay pare-pareho ang sinasabi.
“Nasa malalang stage na si Josh. Isang araw ay titigil na lang siya sa paghinga at hindi na muling gigising pa.” Tumulo na ang luha ng mama ni Josh.
Biglang nangilid ang mga luha ko dahil sa sinabi niya. “Sigurado po kayo, Tita? Wala na ba talagang ibang choice? Wala na bang ibang gamot?” Kahit nahihirapan ako sa pagsasalita ay pinilit ko pa rin.
Muli siyang umiling. “Wala na. Kahit itong chemo na gagawin sa kanya ay hindi na rin makakatulong. Pumayag lang kami sa gusto ni Josh na magpa-chemo siya dahil sabi niya no’ng nakaraan ay, ‘Hindi ako nawawalan ng pag-asa, `Ma. Alam kong gagaling ako. Marami pa ako gustong gawin. Pangarap ko pang makatapos kami ni Pipay nang sabay sa college. Nangako ako sa kanya na ako ang escort sa debut niya. Magpapakasal pa kami at bubuo ng isang pamilya. `Ma, gagaling ako. Pangako.’ Saulo ko pa ang sinabi niya, `di ba? Tumatak kasi `yon sa isip ko, eh. Pinapalakas ni Josh ang loob namin kahit alam niya naman ang kalagayan niya. Ayaw niyang umiyak at mag-alala pa kami ng papa niya.”
Napalunok ako. Parang walang salita ang gustong lumabas sa bibig ko dahil sa mga nalaman ko. Patuloy lang sa pagtulo ang mga luha ko at lalo pang lumakas ang pag-iyak ko nang bigla kong maisip ang ngiti ni Josh. Mga ngiting hindi ako sigurado kung makikita ko pa habang-buhay.
“Sige na, Pipay. Umuwi ka na at kumakagat na ang dilim. Sana makapunta ka uli bukas.” Pinisil niya pa ang kamay ko bago iyon bitiwan saka siya ngumiti.
Tumango ako. “Sige po, Tita.” Ngumiti ako. “Friends na ba tayo?”
“Hindi lang friends. Anak na rin kita,” sagot niya sabay yakap sa akin nang mahigpit. “Mahal na mahal ka ng anak ko kaya dapat mahalin na rin kita.”
Nagpaalam na ako sa mama ni Josh at umalis na ng ospital. Pag-uwi ko ng bahay ay agad akong naglinis ng katawan.
Oo! Futa ka! Marunong na akong maglinis ng katawan, `no. Nakakahiya naman kasi sa kalinisan mo, `di ba?
No’ng nakahiga na ako ay biglang nag-ring ang cell phone ko. Pagtingin ko ay unknown number ang naka-register doon. Akala ko ay nanti-trip na naman sa isang pretty na tulad ko pero si Josh pala ang tumatawag. Alas-dose na ng gabi, ah? Bakit gising pa ang lalaking `to. Dapat ay nagpapahinga na siya, eh.
“Bakit ka pa tumawag? Anong oras na, o? Dapat nagpapahinga ka na,” nag-aalalang sabi ko.
“Nami-miss lang kita,” sagot niya mula sa kabilang linya. “Pipay ko, miss na miss na kita. Bawat segundo, minuto at oras na lumilipas ay nami-miss kita.”
Nangilid na naman ang mga luha ko dahil sa sinabi ni Josh. Shutang inerns , bakit ba ganito? Ang OA ng mga mata ko, ah.
“Ako rin. Nami-miss na kita. Bukas, dadalaw uli ako diyan, okay?” Tumulo na ang mga luha ko. “Araw-araw akong dadalaw diyan para lalakas ka. Dapat tulungan mo `kong palakasin ang katawan mo, ah? Hindi ko kaya kapag mag-isa lang ako, eh.”
Natahimik si Josh pero nagsalita rin siya paglipas ng ilang segundo. “Pipay, mahal na mahal kita. Lagi mong tatandaan `yan, ah? Kahit mawala ako, hindi mawawala ang pagmamahal ko sa `yo. Lagi kitang babantayan.” Humina ang boses ni Josh. Sa tingin ko ay umiiyak na rin siya.
“Mahal na mahal din kita, Josh ko. Sana tumigil ang pag-ikot ng mundo. Sana forever na lang tayong ganito. Para... para hindi ka na mawala sa amin.” Napapikit ako dahil sa mga luha ko.
“Nothing lasts forever, Pipay. Lahat ng tao ay mawawala sa mundong `to. Walang nagtatagal. Mauuna lang naman ako, eh. Hihintayin na lang kita do’n.” Tumawa nang mahina si Josh.
“If nothing lasts forever, will you be my nothing, Josh ko?”
Tumawa na naman siya. “Dami mong quotes na alam. Itu-tweet ko na.”
“`Wag!” pigil ko. “Pulos na lang sa Twitter, eh. Status mo naman `tapos tag mo ako para maraming likes. Hihi.”
“Ang sarap pakinggan ng tawa mo.”
“Gusto mo uli pakinggan?”
“Sige.”
Kaya tumawa uli ako. “Hihihihihihi. O, tama na. Abuso na, eh.”
Tawa lang nang tawa si Josh. Para siyang walang sakit kapag tumatawa. Tama nga ang mama niya. Ako lang ang happiness ni Josh.
“Masarap din ako, Josh ko. Gusto mo rin ba akong tikman? Hihi.”
Nagbabaka-sakali lang ako, mga pemsters. Matatapos na ang kuwento ko pero hindi pa ako nara- rak, e. Aba matinde.
“No, thanks. Haha.” Humikab na si Josh. “`Tulog na ako, Pipay. Nakakaantok talaga `yong gamot na iniinom ko, eh.”
“Sige. Goodnight na, Josh ko. Bukas paggising mo, mahal na mahal pa rin kita.”
“Ako rin,” sagot niya. “Bukas at sa mga susunod na bukas na gigising ka, mahal na mahal kita at ikaw lang ang mamahalin ko.”
That night, I cried a bucket of tears, Diary. Nahihirapan talaga ako sa ideyang mawawala na si Josh sa kuwento ko. Bakit siya pa kasi ang nagkaroon ng malalang karamdaman? Bakit ang taong mabait pa na walang ibang ginawa kundi ang mahalin ako? Puwede namang si Mirasol na lang ang magkaroon ng brain cancer. Ay, wait, imposibleng magkaroon ng brain cancer ang gagang `yon. Wala palang utak `yon! Basta, bakit hindi na lang ang ilusyunadang negrang balyenang pusit na `yon? I’m sure maraming iiyak kapag nawala siya.
Iiyak sa tuwa.
Kinabukasan ay ang aga kong nagising, Diary. Nakakahiya naman sa alarm clock ko dahil mas nauna pa akong bumangon kaysa sa pagtunog niya. Ako na tuloy ang gumising sa kanya. Mukhang puyat si Alarm Clock. Saan na naman kaya lumandi ang pesteng `to? Mukhang nakipag-eyeball pa siya sa bagong wall clock na binili ni Inay, ah?
Dumating ako sa school, thirty minutes before mag-time. Naabutan ko agad si Mirasol na pinagtitripan ang ChaKa twins. Hinahabol niya ang dalawa sa loob ng classroom habang hawak niya ang malaking blackboard at mukhang ihahampas na naman sa kambal. `Yong kambal tuloy ay todo-takbo at mukhang takot na takot.
Dumeretso na ako sa upuan ko at tahimik na lang na nagmasid.
“Hay, king inames . Nakakapagod mag-workout.”
Bigla kong narinig magsalita si Mimay. Umupo pala siya sa tabi ko.
“O, ano’ng tinitingin-tingin mo? Inggit ka na naman sa kagandahan ko?” mataray na tanong sa akin ng negrang ilusyunada.
Natawa ako nang sarcastic. “Matatapos na ang kuwento ko, ilusyunada ka pa rin. Magbigti ka na lang kaya?”
“Whatever.” Nag-ikot siya ng mga mata. “Tigilan mo `ko, Pipay. Bad trip ako, ah. Kung ayaw mong sa `yo ko mailabas ang hinanakit ko kay Author ay itikom mo `yang bibig mo.”
“Bakit, anong ba’ng ginawa sa `yo ni Author at lagi kang bad trip sa kanya?”
Napasimangot siya. “`Lagi niya kasing pinuputol ang point of view ko. Hindi man lang ako makatapos ng isang sentence. King inang `yan.”
“`Sus, `yon lang pala, eh,” sabi ko saka ngumiti. “Sige. Kung ayaw ka bigyan ni Author ng point of view, ako na ang magbibigay sa `yo.”
Nanlaki ang mga mata ni Mimay. “Talaga?”
Tumango ako at ngumiti.
Sige, Diary, hanggang dito na muna. Bibigyan ko muna ng exposure `tong si Mirasol. Baka kasi mawala sa katinuan at patayin na lang ang sarili niya.
Mabait ngayong araw,
Pipay
MIMAY’S POV
EHEM... Hi, guys. Kilala n’yo ba ako? Ako pala si Mi—
Dear Diary,
“O! King ina naman talaga, eh. Laging pinuputol ang point of view ko, eh!” singhal agad ni Mimay sa akin, Diary, nang putulin na naman ni Author ang point of view niya. “Ano ba’ng kasalanan ko kay Author at inaapi niya ako nang ganito? Nakakasakit na siya ng feelings, ah! Mula book one pa `yan!”
Galit na galit si Mimay, Diary. Parang gusto na niyang tapusin ang buhay ni Author dahil sa pang-aapi nito sa prinsesa ng mga pusit.
“Aba, malay ko,” sagot ko. “`Wag mo `kong idamay, ah. Binigyan na kita ng chance pero si Author lang talaga ang pumipigil at humahadlang sa pagsikat mo.”
“Nakakainis talaga `yang si Author! `Wag ko lang talaga `yang makikita sa premiere night ng She’s Dating The Gangster, kung hindi, hindi na siya makakalabas ng sinehan nang buhay,” pagbabanta niya saka tumayo. “Hoy, chaka twins! `Asaan na kayo? Bored na naman ako. Tara dito at bubugbugin ko kayo!” sigaw niya sa ChaKa Twins saka muling binuhat ang malaking blackboard.
Napailing na lang ako sa pagiging gangster ni Mimay.
Habang nagkaklase kami ay katext ko si Josh, Diary. Ikinukuwento ko sa kanya ang mga ginagawa ko. Tinatanong ko rin siya every thirty minutes kung kumusta siya o kung kumain na ba siya. Nang sabihin niyang hindi siya nagugutom ay sinabi kong kumain siya kundi ay si Pempem ang ipapakain ko sa kanya. Mukhang natakot naman si Josh kaya kakain na raw siya.
Nagtaka tuloy ako kung bakit siya natakot kay Pempem. Hala ka, ang cutie-potato kaya ni Pempem ko. Ang hairy niya lang but she’s so malambot. Kahit pisil-pisilin niya pa nang ilang ulit ay hindi made-deform. Hihihi.
Natapos ang morning class namin nang sabihin sa akin ng professor ko na may sparring match daw ang mga contestant para sa boxing. Akala ko nga ay wala na `yon pero tuloy pa rin pala. Nakakainis. Mukhang mapapalaban na naman ang kamao ko ngayon, ah?
Dumeretso agad ako sa banyo para magpalit ng maikling shorts saka sando para sa match na mangyayari. Paglabas ko ng banyo ay nagulat ako sa lalaking nakasalubong ko na kakalabas lang din ng CR.
“Mong...”
Busy siya sa pag-aayos ng damit niya kaya nakayuko siya. Napatingin naman agad siya sa akin nang tawagin ko ang pangalan niya.
Ngumiti si Mong pero hindi iyon umabot sa mga mata niya. “O, Pipay,” sabi niya. “Kumusta?”
Lumapit ako sa kanya. “Ayos lang naman. Nagkausap na kami ni Josh.”
Napalunok siya. “So... nagkabalikan na kayo?”
Dahan-dahan akong tumango.
Napaiwas ng tingin si Mong sa akin. “Congrats.”
Gusto ko siyang yakapin nang mga oras na `yon dahil alam kong nasasaktan siya sa nalaman niya. Kung kaya ko lang hatiin ang katawan ko para ang isa ay nasa kanya, at ang isa ay na kay Josh ay ginawa ko na. Pero hindi, eh. Tanging isang tao lang talaga ang puwedeng mahalin ng isang indibiduwal.
Nilakasan ko na ang loob ko at lumapit sa kanya para yakapin siya. Nagulat si Mong pero hindi niya ako pinigilan.
“Sorry, Mong. Sorry kung nasasaktan kita. Kahit hindi mo sabihin ay alam kong nasasaktan ka na nagkabalikan kaming dalawa ni Josh. Kung kaya ko lang hatiin ang katawan ko ay ginawa ko na,” sabi ko habang nakabaon ang mukha ko sa dibdib niya. Ang bango ni Mong.
Hinaplos niya ang buhok ko. “Sa totoo lang, Pipay, masakit talaga. Nasasaktan ako na wala ka na sa akin. Pero mas masakit kung lolokohin ko lang ang sarili ko na mahal mo rin ako kahit na alam naman nating pareho kung sino ang laman ng puso mo.”
“Mahal din naman kita, eh.”
Natawa siya. “Pero bilang kaibigan lang. Mahal mo ako pero mas mahal mo pa rin siya . I never thought I’d love you this much, Pipay.”
Tumingin ako sa mga mata ni Mong.
“People tend to say that love is all about fighting for the one they love. But they’re all wrong. Sometimes, love is all about letting go. `Wag na nating ipilit ang isang bagay dahil masakit. Baka dumugo,” may halong birong sabi ni Mong.
“Oo nga, nine inches pa naman `yan.”
Tumawa siya. “Tama.”
Humiwalay ako sa pagkakayakap sa kanya.
“Basta, Pipay. `Wag mo nang iiwan si Josh, ah? Lagi ka na lang sa tabi niya. Make sure you tell him you love him `cause it may be the last chance you get to say it to him.”
Tumango na lang ako sa sinabi ni Mong kahit hindi ko naintindihan. English, `te.
“Thank you, Mong. Sayang, hindi ko man lang nasilayan ang nine inches mo. Hihi.”
Binatukan niya ako. “Sira,” natatawa niyang sabi. “Welcome back, best friend.”
“Best friend.” Nag-shake hands kaming dalawa ni Mong.
Hays! Ang pretty ko talaga. Ang isang Monjie Tiramoko-Tirakita na may number 69 sa jersey shirt at may six-pack abs ay na-best friend-zoned ko lang? #GandaProblems.
Sabay na kaming naglakad ni Mong at inihatid niya ako sa school gym. Habang naglalakad ay sinabihan ko siya na mag-date na ng ibang babae.
“Ayoko, wala akong nagugustuhan,” sabi niya at umiling-iling pa. “`Yong mga babaeng may gusto sa akin ay isa lang ang habol, eh—ang matikman ang hotdog with cheese at pandesal ko. Tsk.”
Hinampas ko nga siya sa tiyan. Wow sa tigas naman talaga! “Ang arte mo! May babaeng disente diyan. Imulat mo kasi `yang mga mata mo at `wag ka laging nakapikit.”
“Really? Singkit kaya ako!” naiinis niyang sagot kaya tinawanan ko na lang.
“`Eto naman, hindi na mabiro. Seryoso, Mong. Mag-date ka ng ibang babae. Wala ka bang crush? Bukod sa akin na pretty? Hihi.”
Ngumisi si Mong. “Actually, meron akong crush. Sa Tourism department siya.”
“Talaga? Anong name?”
“Divina Dayong.”
“Yak! `Wag `yon. Ang baho ng pangalan. Wala na bang iba?”
Ngumiti si Mong at parang nag-sparks ang mga mata niya. “Meron pa. Si Anne Pamintuan.”
Napangisi rin ako dahil sa binanggit niyang pangalan. Matunog kasi ang pangalan ng Anne Pamintuan na `yon. Mukha yatang pinto ang mukha. Char! Nanalo kasing Miss Tourism.
“Eh, di `yon ang i-date mo! Kailangan ligawan mo `yon, ah? Bagay kayo! Hihihi.”
“Tsk. Bahala na.” Kumamot pa ng ulo `tong si Hapon. Ang arte! Akala mo guwapo... Well, guwapo naman talaga.
Nagpaalam na ako kay Mong at pumasok na sa loob ng school gym. Pagpasok ko ay may nakita agad akong boxing ring na nakalagay sa gitna ng gym.
`Taray, ah. Talagang seryoso ang school na `to para sa boxing ng magaganda.
Pumunta agad ako sa upuan kung saan nakaupo ang mga kasali. Umupo ako sa tabi ni Monica. Nag-aayos ang bruha. Nakakulot pa ang buhok at todo-makeup.
Ano ba’ng sasalihan ng gagang `to? Boxing o Flores de Mayo? Nagkulot pa talaga siya, o. JS mo, `te?
“Bakit ganyan ka makatingin? Insecure ka na naman?” mataray na tanong ni Monica.
Bigwasan ko kaya ang mukha nito, Diary? Ang taray-taray! Akala mo naman friends na kami.
“Nagtataka lang ako dahil boxing naman `tong gagawin natin at nag-make up ka pa. Ano, kapag na-knockout ka, ready ka na agad sa paghimlay mo?” Tumawa ako pagkatapos.
“Ha-ha-ha-ha, funny.” May pause talaga ang pagtawa ni Monica. “As if mana-knockout mo ako. I heard tayong dalawa ang magka-match ngayong araw. Tingnan natin kung sino ang makakatulog.”
“Okay! Malakas ang loob mo, ah. Hindi mo yata alam na boksingera ang nanay ko.”
“As if I care. Duh? Kumuha ang daddy ko ng three trainors for me. Galing pa silang ibang bansa kaya magagaling sila and they’re specialists sa boxing. Ang dami kong natutunan na technique kaya tingnan na lang natin.” Inilagay niya ang mga makeup niya sa bag.
“Sure! Tingnan na lang natin.”
Natahimik kaming dalawa nang magsimula na ang boxing. Ang la-lousy ng mga naunang naglaban, Diary, at pulos sabunutan ang nangyari. May isa pang contestant na napikon dahil sinabutan daw ang extension na kalalagay niya lang. Bumaba tuloy siya ng ring at kinuha ang bakal na upuan saka inihampas sa kalaban niya. `Ayun, tulog at duguan ang hinampas niya.
Tinawag na kaming dalawa ni Monica. Bago pa kami umakyat ng ring ay nagsalita pa siya.
“Ibigay mo ang lahat ng lakas mo.” Ngumisi siya pagkatapos. “Isang kamao na lang ang gagamitin ko para naman may laban ka.”
“How nice. Thanks, but no thanks.” Inirapan ko siya.
Umakyat na kaming dalawa sa boxing ring at pumunta sa gitna. Nag-announce na ang referee na game na raw kaya pumorma na ako. Pumorma din ng ready to fight ang gaga at masasabi kong ang ganda ng tindig niya. Mukhang seryoso nga siya sa trainings na ginawa niya with her trainors.
Palapit na ako sa kanya nang bigla akong may maisip na ideya. “Monica, look may pogi, o!”
“Where?” Agad naman siyang lumingon para tingnan ang itinuro ko kahit wala naman. Paglingon niya ay agad ko siyang sinuntok sa mukha at binigyan ng isang uppercut. Ang ending, tulog ang gaga. Tsk. Weak.
Natapos ang match namin within ten seconds. Hindi man lang ako pinagpawisan. Nakakainis. Akala ko pa naman ay mabubugbog ko siya at magagantihan sa lahat ng nakaw na halik na ginawa niya kay Josh.
Bumaba na ako ng boxing ring at dumeretso sa upuan ko. Napansin kong umiilaw ang cell phone ko kaya tiningnan ko `yon agad. Ang daming missed calls na tumambad sa akin at dalawang text galing kay Josh.
Napangiti agad ako nang mabasa ko ang mga text niya.
From: My one and only forever
I love you, Pipay ko. Ikaw lang ang mahal na mahal ko.
From: My one and only forever
To the pempem and back. Always remember that.
Magta-type pa lang ako ng reply kaso biglang nag-ring na naman ang cell phone ko. Tumatawag na naman si Josh. Mas lumapad ang ngiti ko. Hindi na talaga siya makapaghintay na pumunta uli ako sa ospital.
“Hello, Josh ko. Pasensiya ka—”
Natigil ako sa pagsasalita matapos marinig ang ibang boses mula sa kabilang linya—boses ng mama ni Josh.
“Pipay... Pipay, `wag kang mabibigla.”
Bigla akong kinabahan sa sinabi niya. Parang biglang tumigil ang mundo sa pag-ikot nang mga sandaling iyon.
“A-ano po `yon?” nauutal kong tanong.
“Wala na si Josh.” `Tapos pulos hagulhol na lang ang naririnig ko sa kabilang linya.
Nabitawan ko ang cell phone ko at nalaglag ito sa sahig. Parang gusto kong mahimatay dahil sa panginginig ng mga tuhod ko.
Josh... Josh, bakit hindi mo man lang ako hinintay?
My forever ends here,
Pipay