noveltoon logo noveltoon
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 2

Huling Pahina

Ch. 43 / 43 Apr 09, 2022
Prev Next

Dear Diary,

Sabi nila, hindi raw tumitigil ang pag-ikot ng mundo kapag nawala ang taong pinakamamahal at pinakapinahahalagahan mo sa lahat. Patuloy pa rin daw ang pag-inog ng ating mundo kapag nawala sila. Tama nga naman sila, Diary. Hindi natatapos ang lahat kapag may nawala. Hindi nga natatapos ang paggalaw ng mundo pero para sa aming mga nawalan, tumitigil naman ang pagtibok ng puso namin at tumitigil ang paggalaw ng mga bagay sa paligid namin.

`Yong isang mundong binuo ninyong dalawa ng taong mahal mo ay biglang nagunaw nang mawala siya.

Until now, hindi pa rin pumapasok sa utak ko na tuluyan nang wala si Josh sa buhay ko, sa buhay namin, at sa mundong ito. Diary, ilang araw na ang lumipas mula nang sabihin ng doktor na tuluyan nang namaalam si Josh sa aming lahat. Tumakbo lang ako palabas ng ospital hanggang sa makauwi ako sa bahay saka nagkulong. Hindi kasi ako naniniwalang wala na siya.

Hindi na rin ako pumasok at sumipot sa boxing competition. Wala akong pakialam kung tawagin akong takot o ano. Kahit naman manalo ako ay hindi ko rin mararamdaman na nanalo ako, eh.

Alam kong panaginip lang `to, isang malungkot na panaginip na kapag gumising ako ay makikita ko pa rin si Josh na may malapad na ngiti sa kanyang mga labi habang nakatingin sa akin. Umaasa akong isang araw ay bigla ko uli siyang makikita at yayakapin niya ako nang mahigpit. `Yong ipaparamdam uli at sasabihin sa akin na mahal na mahal niya ako.

Shutang inerns na panaginip `to. Kailan ka ba `to matatapos? Ilang araw ka na, eh. Pakiusap naman matapos ka na. Ang sakit-sakit na kasi ng dibdib ko. Ang bigat-bigat na ng nararamdaman ko.

Narinig kong bumukas ang pinto ng kuwarto ko kaya napalingon ako para tingnan kung sino ang pumasok. Si Inay lang pala. Nakasuot siya ng itim na blouse.

Ibinalik ko uli ang tingin ko sa kisame ng kuwarto at muling natulala.

“Anak...” Umupo si Inay sa gilid ng kama ko at hinawakan ang braso ko. “Nakatulala ka na naman. Hindi ka na naman kumain. Tingin mo matutuwa si Josh kapag nalaman niyang nagkakaganito ka? Baka magkasakit ka niyan, eh...” malumanay niyang sabi. Hindi siya basag-trip sa pag-e-emote ko ngayon.

“Hindi ako nagugutom, Inay,” hindi tumitinging sagot ko. “Mas maganda nga sigurong magkasakit na lang ako, eh. Para mamatay na lang din ako at matapos na `tong sakit na nararamdaman ko.”

“`Wag kang magsalita ng ganyan, Pilar. Hindi matutuwa si Josh kapag narinig ka niya,” saway ni Inay sa akin. “Kung ayaw mong kumain ay mag-ayos ka. May pupuntahan tayo. Ngayon na natin siya ihahatid sa huling hantungan niya.”

Tumayo si Inay kaya sinundan ko siya ng tingin. Pagtingin ko ay nasa pintuan na ng kuwarto ko sina Prince at Monjie. Parehas silang nakasuot ng itim na T-shirt. Couple shirt lang?

May pinag-uusapan silang tatlo habang malulungkot ang mukha ng bawat isa sa kanila. Tinapik ni Monjie ang balikat ni Inay `tapos umalis na si Inay.

Naglakad papasok ng kuwarto sina Prince at Monjie. Umupo sa gilid ng kama ko si Monjie habang si Prince ay nakatayo lang sa harap namin.

“Pipay, para kang namatayan sa hitsura mo ngayon,” malungkot na sabi ni Mong.

“Mong!” sigaw ni Prince sa kanya. “Umayos ka nga! Hindi nakakatuwa `yang mga sinasabi mo.”

“Amp! Nagdyo-joke lang, eh.” Napasimangot si Mong saka muling tumingin sa akin. “Pipay, ano ba’ng ginagawa mo sa sarili mo? Hindi ka na nga nagpapakita sa burol niya ` tapos hindi ka pa kumakain. Ano ba’ng balak mong mangyari sa `yo?” nag-aalalang tanong sa akin ni Mong.

Hindi ako sumagot. Nakatitig lang ako sa kawalan.

“Pipay naman... ayusin mo naman ang sarili mo. Hindi matutuwa si Josh niyan, eh.” Hinawakan ni Mong ang magkabilang pisngi ko. “Mahirap para sa atin ang nangyari at lalo na sa `yo. Pero kailangan natin tanggapin. Wala na siya, Pipay. Patay na si Josh. Patay na siya.”

Agad kong tinapik ang kamay ni Mong at tinitigan siya nang masama. “Hindi siya patay!” sigaw ko. “Hindi niya ako iniwan. Alam kong nasa kanila lang siya at nagpapahinga. Knowing Josh, madami siyang sorpresa sa akin. Tingnan mo, isang araw susulpot `yon dito sa bahay at yayakapin uli ako. Isang araw... makikita ko uli ang ngiti niya. Isang araw...” Napatigil ako sa pagsasalita dahil muling bumigat ang dibdib ko. “Isang araw... umaasa pa rin akong makikita ko si Josh na buhay na buhay.”

Hinawakan ako ni Mong sa magkabila kong balikat saka ako niyugyog. “Hindi matutuwa si Josh sa ginagawa mo sa buhay mo! Tingin mo ay mapapanatag siya kapag nakita ka niyang ganyan?! Sa `yo inilaan ni Josh ang huling hininga niya kaysa sa mga magulang niya dahil gusto niyang masaya ka bago siya umalis! Pero ano’ng ginagawa mo? Pinahihirapan mo siya! `Wag kang unfair, Pipay! Lahat tayo dito ay nawalan! Hindi lang ikaw. `Wag kang selfish!”

Tumulo na ang mga luha ko habang sinasabi `yon ni Mong. Nagmistulang mga bala ng baril ang mga salita niya na tumama sa puso ko. Bigla akong napaisip at tinanong ang aking sarili kung naging unfair na nga ba ako? Nagluluksa lang naman ako, ah. Hindi lang ako makapaniwala na nawala na si Josh sa akin nang tuluyan.

“Jie, tama na `yan.” Tinapik ni Prince ang balikat ni Mong para bitawan ako. “Intindihin na lang natin si Pipay. Mahirap talaga para sa kanya na tanggapin ang nangyari. Lalo na at siya ang kasama ni Josh no’ng mga huling sandali niya. Masakit. Sobrang sakit.”

Humiga ako at niyakap ko na lang ang sarili ko habang patuloy pa rin ako sa pag-iyak.

“Josh ko...” Ipinikit ko ang aking mga mata at nakita ko si Josh na nakangiti sa akin kaya lalo akong naluha.

“Bahala ka kung gusto mong magmukmok habang-buhay diyan.” Tumayo si Monjie mula sa pagkakaupo sa kama ko. “Pero sana, `wag mong pagkaitan si Josh na makasama ka kahit sa huling pagkakataon man lang. Sana makapunta ka bago ilibing si Josh.”

Lumapit sa akin si Prince. “Pipay, sana makapunta ka. Sana nando’n ka bago ilibing si Josh. Mas masaya siya kapag tinanggap mo na wala na siya. Oo, mahirap. Pero kailangan natin tanggapin na wala na talaga siya. Na kailangan na niyang umuwi sa heaven.” Hinaplos ni Prince ang buhok ko. “Aasahan namin ang pagdating mo. Masayang lilisanin ni Josh ang mundo kapag `ando’n ka.” Matipid siyang ngumiti saka sinundan si Monjie palabas.

Iyak lang ako nang iyak kahit lumipas na ang ilang minuto mula nang umalis sina Prince at Mong. Pakiramdam ko ay medyo gumaan ang pakiramdam ko dahil nailabas ko ang sakit at bigat ng dibdib ko dahil sa ilang araw na hindi ako makaiyak.

Sumilip si Inay sa kuwarto ko saka nagpaalam na pupunta na siya sa Sic Memorial Park. Kinapa ko ang cell phone ko at tiningnan ang oras. Alas-nuwebe na ng umaga. Ano bang oras ang libing ni... *sigh* Hindi ko kayang sabihin na ngayon na ang libing niya.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, parang may nag-udyok sa akin na kalikutin ang gallery ng cell phone ko. Unang tumambad sa akin ang video file na may laman. Sa pagkakatanda ko ay wala akong inilagay na video dito dahil binura ko na lahat. Pero bakit may naiwan?

Pag-play ko ng video, unang tumambad sa akin si Josh. Para siyang nagsasalamin sa video. Tinitingnan niya ang kanan at kaliwang pisngi niya `tapos ngumiti. Napansin ko rin ang damit at ang bonnet na suot niya. Ito ang eksaktong damit niya no’ng nasa pizza house kami. Paano niya kinunan ang video na `to? Hindi ko `to maalala. Ay, tama. No’ng nagbanyo ako saka niya siguro kinunan ang video na `to.

“Hi, Pipay ko...” Lumundag ang puso ko dahil sa pagtawag ni Josh sa akin mula sa video. Parang buhay na buhay pa siya sa mga oras na `to. “Nabusog ka ba sa kinain natin? Hehe. Sorry kung ako lahat ang nakaubos, ha? Gutom na gutom talaga ako, eh.” Biglang napalitan ng lungkot ang ngiti niya sa mga labi.

“Pipay, pasensiya ka na kung nagsinungaling ako sa `yo, ah? Actually, ramdam na ramdam ko na na malapit na Niya akong kunin. Ayoko lang masaktan ka kaya nagsinungaling ako. Hays! Ito na naman ako.”

Nakita kong nangilid ang mga luha ni Josh.

“Ito na ang huling pagsasama nating dalawa panigurado. If ever na mawala talaga ako nang tuluyan, please, alam kong iiyak ka pero sana `wag araw-araw, okay? Isahang iyak na lang.” `Tapos kumaway siya. “Sige, Pipay. Paalam na. I love you to the pempem and back.” Nag-flying kiss pa siya.

Akala ko tapos na ang video pero muli siyang nagsalita.

“And please, tell everyone na even when I’m gone, please, be happy.” At doon na natapos ang video ni Josh sa cell phone ko.

Napapikit na lang ako at niyakap nang mahigpit ang cell phone ko. Patuloy lang ang pagtulo ng mga luha ko dahil sa napanood ko.

Sorry, Josh. Sorry kung hindi ako naging matatag. Promise, huling araw na `to na iiyak ako dahil sa pagkawala mo.

Tumayo na ako mula sa pagkakahiga sa kama ko at pumasok sa banyo para maligo nang mabilisan. Paglabas ko ay pakiramdam ko naging presko ang buong katawan ko. Nagbihis naman agad ako ng itim na dress at naglagay lang ng light makeup. Umalis na rin ako ng bahay nang may suot na shades para matakpan ang mga mata kong namamaga. Pumara na ako ng tricycle at dumeretso sa Sic Memorial Park.

Malapit pa lang ako sa memorial ay kitang-kita ko na ang dami ng tao na nasa labas ng gate. Halo-halong mga tao ang nakikita ko sa harap ko. May bata at matatanda pero mostly ay pulos kasing-age lang namin ni Josh. Nakita ko si Helena na kasama ang mga high school friend nila ni Josh habang naglalakad papasok sa memorial park. Nakasuot naman sila ng puting T-shirt gaya ng karamihan.

Pumara na agad ako saka bumaba ng tricycle. May ilang taong napatingin sa akin at namukhaan na ako si Pipay na girlfriend ni Josh dahil high school batchmate ko sila. Hindi ko sila tiningnan at dali-dali na lang akong naglakad papasok sa loob.

Pagpasok ko sa loob ng memorial ay agad na bumigat ang puso ko. Nakita ko agad ang malaking tent at sobrang daming puting lobo. Nasa gitna ng tent ang puting kabaong ni Josh. Nanginig ang buong katawan ko dahil sa nakita ko. Nanlalambot ang mga tuhod ko sa bawat hakbang na ginagawa ko.

Totoo na talaga `to... wala na talaga si Josh. Namaalam na talaga siya sa akin.

Nasa gitna ang mama ni Josh na walang pangalan habang nakikipag-usap sa pari na nasa harap din. Ang daming upuan na nakapalibot. Nakita ko rin ang mga estudyanteng nag-aaral sa SOGO University. Nando’n din ang teammates ni Josh sa basketball at ilang professor sa school.

Napalingon silang lahat sa akin nang ituro ako ng mama ni Josh. Ngumiti siya nang tipid at sumenyas na lumapit ako. Nanginginig pa rin ang mga tuhod ko sa mga oras na `to. Nilalabanan ko lang ang katawan ko na `wag mawalan ng malay.

“Mabuti dumating ka. Matutuwa si Josh dahil nakarating ka,” sabi ng mama ni Josh at sinamahan ako sa upuan. “Magsisimula na ang eulogy niya. Ako lang ang magsasalita since ayaw ng papa niya dahil kanina pa umiiyak. Gusto mo rin bang magsalita?”

Hindi ako nakasagot dahil nakatuon lang ang pansin ko sa kabaong ni Josh.

“Mukhang hindi mo rin kayang magsalita. Sige, ayos lang.” Ngumiti siya nang tipid. Pansin ko rin ang pamamaga ng mga mata niya. “Maiwan muna kita, ah? Papasimulan ko na ang libing ni Josh.”

Tumango ako at iniwan na ng mama ni Josh na walang pangalan.

Tumayo ako at lumapit sa kabaong ni Josh na nasa harap. Dahan-dahan akong sumilip sa kabaong. Napatakip ako ng bibig nang makita ko ang bangkay ni Josh. Kahit pigilan ko ang mga luha ko ay wala pa ring saysay. Pansin kong nakangiti si Josh at parang natutulog lang. Parang nawalan na rin ako ng buhay habang tinitingnan siya.

“Nakangiti na si Josh!”

Biglang may nagsalita sa gilid ko. Nakita ko si Prince na kasama sina Monjie, Mimay at Monica.

“Oo nga, `no?” gulat na sabi ni Monjie saka tumingin sa akin. “Kanina malungkot ang mukha ni Josh no’ng wala ka pa. Pero ngayon ay ngumiti na,” nakangiting sabi ni Mong. “Masaya na si Josh dahil dumating ka.”

“Hay, naku! Gaya-gaya ng color ng damit,” naiinis na sabi ni Monica. “Dapat pala nag-red ako instead of black. Tss! So, insecure sa kagandahan ko!” Nag-roll eyes pa siya.

Bigla siyang binatukan ni Mimay. “Bobo! Ikaw, nawala ka lang sa ilang chapters ng kuwento naging bobo ka na! Umalis ka nga sa harap namin at baka mabugbog kita ngayon.” Nagpatunog pa ng mga daliri si Mimay.

“Tse! Baboy!” pang-iinsulto ni Monica. “Wala ako sa ilang chapters dahil busy akong ubusin ang mga guwapong nurse sa ospital. And besides, naiinis ako kay Author. Ang liit lang ng exposure ko dito sa kuwento.” Napasimangot pa siya.

“ Kingina ka!” Binatukan uli siya ni Mimay. “Ako nga walang matinong point of view. `Yong mga POV ko biglang pinuputol ni Author pero nag-inarte ba ako?! Nanggigil talaga ako sa `yong babae ka!”

Inawat na ni Prince ang dalawa bago pa magsabunutan sa harap ng kabaong ni Josh. No’ng wala na sila ay saka ko uli tiningnan si Josh saka ngumiti.

“Ang guwapo mo matulog, Josh. `Ayan, makakapagpahinga ka na talaga. Hintayin mo na lang ako sa heaven, ha? `Wag kang haharot do’n kundi putol patola,” natatawang sabi ko kahit tumutulo ang mga luha ko.

Bumalik na ako sa upuan ko nang magsimula nang magsalita ang mama ni Josh na hanggang ngayong epilogue ay wala pa ring naiisip na pangalan si Author.

“Ehem... test microphone,” paninimulang sabi ni Tita habang nagpe-play ang isang video kung saan ipinapakita ang pictures ni Josh mula pagkabata hanggang mag-college siya.

“Si Josh ang pinakamagandang regalo na natanggap namin ng asawa ko mula sa Panginoon. Before, akala namin ay hindi na kami magkakaanak dahil may problema ako sa obaryo. Nakailang dasal ako sa Kanya na bigyan kami ng anak at gagawin ko ang lahat kahit may matinding kapalit, ayos lang.” Ngumiti si Tita at sunod-sunod nang tumulo ang mga luha niya. “I guess, ito ang kapalit na hinihingi Niya. Ipinahiram lang niya si Josh sa aming mag-asawa para maranasan namin pareho kung paano maging magulang. Kaya kahit binawi na niya si Josh mula sa amin at sa ating lahat, hindi ko siya kayang sumbatan. I’m still thankful na ipinahiram Niya si Josh sa atin.”

Narinig kong nag-iyakan na ang mga tao sa paligid dahil sa sinabi ni Tita.

“Sobrang bait na anak ni Josh kaya naging super protective ako sa kanya. Dumating pa nga ang point na hinadlangan ko ang pagmamahalan nilang dalawa ni Pipay.” Tumingin sa akin si Tita saka ngumiti. “And that was the biggest mistake I’ve done in my whole life. Iniyakan ako ni Josh no’ng nagkahiwalay silang dalawa. Kaya sinabi ko sa sarili ko na, ‘ no, dapat maging masaya na lang ako for my son.’ ”

Nagpunas ng mga luha si Tita. “Naalala ko pa ang huling sinabi ni Josh sa amin ng papa niya habang nasa ospital pa siya. ‘ `Ma, I’m so sorry kung hindi ko natupad ang pangarap ko para sa inyo ni Papa. I’m so sorry for having a weak body. Sorry kung umiiyak kayo because of me. And If ever when I’m gone, sana alagaan n’yo si Pipay. Siya ang babaeng pinakamamahal ko sa lahat.’”

T umingin si Tita sa kabaong ni Josh na nasa likuran niya. “Josh, anak. Don’t be sorry kung hindi mo natupad ang pangarap mo para sa amin ng papa mo. We’re still thankful dahil kahit sa huling hininga mo ay nilabanan mo ang sakit mo kahit sinabi na ng doktor na wala nang pag-asa. We love you so much. And for Pipay.” Tumingin sa akin si Tita. “Of course, aalagaan namin siya kahit na wala ka na. Mahal mo siya kaya mamahalin din namin siya.”

Pagkatapos n’on ay napailing-iling na lang ang mama ni Josh dahil hindi na niya kayang magsalita. May lumapit na isang babae sa kanya saka kinuha ang microphone.

“Hindi na po kayang magsalita ni Mrs. Manalo. May iba pa po bang gustong magbigay ng farewell message nila kay Josh?” tanong ng babae sa aming lahat.

Inayos ko ang sarili ko saka tumayo. Napatingin ang lahat sa akin habang naglalakad ako papunta sa harap, Diary. Ngumiti ang babaeng may hawak ng microphone saka `yon iniabot sa akin.

Tinanggal ko muna ang suot kong shades saka lumunok. Ang daming taong nasa harap ko. Hindi ko ine-expect na ganito karami ang nagmamahal kay Josh ko. Masyado talagang mabait si Josh kaya ang daming dumating sa huling hantungan niya.

“Magandang araw po sa lahat,” panimulang bati ko.

Nag-thumbs-up sa akin si Mong habang si Prince naman ay ngumiti lang. Si Mirasol naman ay pinagtitripan pa rin si Monica. Sinusuntok niya ito sa tagiliran kaya banas na banas na si Gaga.

“Paano ko ba sisimulan `tong message ko? Kailangan ba English?”

Biglang nagtawanan ang mga tao kahit ang ilan sa kanila ay umiiyak na.

“Ilang beses kong sinabi sa sarili ko na hindi na ako iiyak. Pero tingnan n’yo ako ngayon, mugtong-mugto na ang mga mata ko. Masakit pala talaga kapag nakita mong wala nang buhay ang taong mahal mo. Sakit na tumatagos sa buong katawan mo.” Natawa ako. “Ano ba `tong pinagsasabi ko? Pasensiya na dahil wala akong masabi.

“Si Josh ang pinakamagandang pitong buwan na nangyari sa akin. Ipinakita at ipinaramdam niya kasi na ang tulad ko na hindi marunong maglinis ng katawan, hindi kagandahan, at hindi mukhang babae ay deserving pa rin mahalin.”

Napapikit ako dahil naalala ko kung paano kami nagkakilala ni Josh at kung paano niya ako iniligtas sa pambu-bully sa akin ni Prince dati...

“Okay ka lang ba?” Inalalayan niya akong tumayo, Diary. Ang bango niya, Diary. Ang bango rin ng hininga niya. Joshua pala ang pangalan niya.

Tumango na lang ako bilang sagot.

“Wow! `Wag mo sabihing magkaibigan kayo ng unggoy na `yan, Joshua?” natatawang insulto ni Prince sa akin.

Para tuloy biglang sumakit ang puso ko, Diary. Hindi naman ako unggoy, `di ba?

“Hindi kami magkaibigan, p’re.”

Ngumisi si Prince Leroy.

“Kasi girlfriend ko siya.”

Kung puwede lang na sumayad sa lupa ang bibig ni Prince Leroy sa sinabi ni Joshua ay ginawa na niya.

“Ang dami niya ring quotes na sinabi sa akin.”

“A girl like you needs to be treasured.”

“I can’t promise that things will be perfect, but I swear I’ll never leave.”

“You’re not just a star to me. You are my whole damn sky.”

“Akala ko, forever na ang pagmamahalan naming dalawa ni Josh pero hindi pala. Wala talagang forever sa mundong `to. Pero imbes na magmukmok sa pagkawala niya ay dapat magpasalamat na lang din ako dahil kahit sa maikling panahon, dumating siya sa buhay ko at naranasan ko kung paano mahalin ng isang Joshua Renz Manalo.”

Ngumiti ako. “Kahit wala na siya ay hindi pa rin mawawala ang parte ng puso ko na nagmahal sa kanya. Magmahal man ako uli ng iba pero siya pa rin ang greatest love ko. Hinding-hindi mapapalitan ng kahit anong memories ang pinagsaluhan naming dalawa...”

“Kaya dapat akin lang ang mga labi na `yan, ah?” Hinawakan ko sa kuwelyo si Josh. “Subukan mo lang na humalik sa ibang babae, pag-uuntugin ko ang mga ulo n’yo at puputulin ko `yang Flappy Bird mo. Get that?” pananakot ko sa kanya.

“Yes, Ma’am.” Nag-salute pa siya. “I, Joshua Renz Manalo, promise that I won’t kiss any other girl except for my girlfriend, Pilar Payoson.” Itinaas niya pa ang kanang kamay niya bilang tanda ng pangangako.

“Pinky promise?” Itinaas ko ang hinliliit ko.

“Pinky promise.” Saka kami nangako sa isa’t isa. “I love you.”

“I love you, too. Ikaw lang ang dahilan ng pagtibok ng pempem ko...”

“Nagpapasalamat ako dahil kahit hindi natupad ni Josh ang mga pangako niya sa akin, at least sinubukan niyang lumaban. Ngayon ay makakapagpahinga na siya nang tuluyan at hindi na lalaban sa karamdaman niya. Kailangan na kasi ni God ang isang tulad ni Josh sa heaven. Kaya, Josh, kahit hindi na kita nakikita at nakakasama, alam kong hindi mo ako papabayaan. Sigurado akong nandiyan ka sa langit at binabantayan ako. Ikaw pa? Eh, patay na patay ka sa ganda ko, eh...”

“P ipay , binilhan kita ng helmet,” sabi ni Josh saka ipinakita ang pink na helmet na hawak niya. “Terno tayo ng design. Letter LO ang nasa likod ng helmet ko.” Ipinakita niya ang design n’ong isa. “Samantalang sa `yo VE naman.”

“Bakit LO sa `yo at VE ang sa akin?”

“Kasi hindi mabubuo ang LOVE kapag walang LO ang VE. Parang tayong dalawa, paano na ako kapag walang ikaw?” seryoso niyang sagot.

“Nakakainis ka. Ang cheesy mo!” Pinalo ko siya sa braso nang mahina.

“Hindi ko nga alam, eh. Sa bawat araw na nagdadaan, lalo kitang minamahal. Puwede pala `yon, `no?” Ngumiti siya pagkatapos. ..

“Thank you for everything, Josh. Kahit wala ka na, ikaw pa rin ang lalaking minahal ko nang lubos. Hindi madaling tanggapin `tong nangyari at hindi madaling kalimutan pero para sa `yo, gagawin ko. Ayokong malungkot ka diyan dahil sa nakikita mong kalagayan ko.” Nagpunas ako ng luha. “You’ll always be my Joshua Renz Manalo no matter what happens. I love you to the pempem and back and forth, Josh. IcK4w Lh4rN zH4P4T nH4.”

Pagkalagay ko ng microphone sa stand niya ay biglang bumuhos ang malakas na ulan kahit hindi naman dumilim ang kalangitan. Napangiti na lang ako dahil alam kong si Josh `yon. Gusto niyang ipahiwatig na kahit malungkot ang nangyayari ngayon, mamaya, o bukas o sa mga susunod na araw ay may rainbow naman na darating sa buhay namin.

Dahan-dahan nang ibinababa ang kabaong ni Josh. Lahat kami ay binigyan ng red rose at hinayaang masulyapan ng huling beses ang mukha ni Josh. This time ay hindi ako umiiyak. Nakangiti na akong nagpaalam sa kanya.

Sunod namang pinalipad ang mga puting lobo, tanda na kailangan na naming lahat mag-let go. Nagkaroon muna ng prayers bago umalis sa memorial park at magtungo sa bahay ng mga Manalo para kumain.

Pero nagpaiwan muna ako sa puntod ni Josh para makasama siya sa huling pagkakataon.

Humiga ako sa tabi ng lapida niya at ipinikit ang mga mata ko.

Ang buhay pala ng tao ay hindi lang pulos kasiyahan. Hindi mo masasabing buhay ka kung pulos kaligayahan lang ang nararamdaman mo. Minsan kailangan mo ring umiyak para lumakas, isaisip ang lahat ng iyong napagdaanan para sa mga susunod na pagsubok ay mas kaya mo na itong lampasan.

Bakit ko nga ba nasasabi ang mga `to?

Simple lang. Naiinis kasi ako kay Josh.

“`Kakainis ka. Hindi man lang tayo nakapag-bed scene. Sana naman ni- rak mo `ko bago ka tuluyang nagpaalam. Amp!” sabi ko saka muling pumikit. “Ayos lang pala. Selfie-selfie na lang ako `tapos iisipin kita. Hihihi.”

Paano ba `yan, Diary, huling pahina na ng notebook ang pinagsusulatan ko. Alam kong mami-miss mo uli ako. Sa susunod na lang ako bibili ng bagong notebook, okay?

Maraming salamat sa mga pinagsamahan nating dalawa dahil hinayaan mo akong paglabasan ka ng mga hinanakit ko sa buhay. Matapos man ang kuwento ko ngayon, pero hindi ang totoo kong buhay. Hayaan mo, ikukuwento ko uli sa `yo ang buhay ng pinaka-pretty na character sa balat ng lupa.

Ako ay mamamaalam na, Diary. I love you to the pempem and back and forth.

My name is Pilar Pipay Payoson. Hindi malandi... slight lang!

Always pretty pero virgin pa rin,

Pipay