noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 12

Ch. 12 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 12

N AGULANTANG si Liliw sa sunod-sunod na pagkatok sa kanyang silid. Nang buksan niya ang pinto ay tumambad ang isang diwata. Ang diwata ay mga dilag ng Sibol Encantada na nagsasagawa sa ano mang iutos ng mga Apo sa kanila sa Amalao.

“Mahal na Diyosa, may nangyayaring masama sa Amalao,” bungad ng diwata.

Hangos na nagtungo si Liliw sa Himpabulan.

“Liliw!” sabi ni Marino. “Tingnan mong mabuti ang nangyayari sa bintana ng Amalao! Tingnan mo ang ginagawa ng mga buntawi!”

Matamang pinapanood ng mga Apo sa malaking bintana ang nagaganap sa Amalao. Gulat na gulat si Liliw sa nakikita. Sa Amalao ay pinagpupuputol ng mga tao ang mga punongkahoy.

“Wala silang awa,” malayang lumabas sa bibig ni Liliw ang mga katagang iyon.

“Liliw, ikaw ang Diyosa ng Kagubatan. Ikaw ang tagabantay nito, wala ka bang magagawa?” tanong ni Amihan.

“Walang tigil na pinuputol ng mga buntawi ang aking mga punongkahoy para magkamal ng kayamanan,” sagot ni Liliw.

“Hindi nila alam ang kanilang ginagawa,” sagot ni Ilawi. “Hindi nila alam na magkakaugnay ang lahat ng bagay—na ang balanse ng buong kalikasan ay nasisira dahil sa kanilang masamang gawain. Sa bawat punong pinapatay nila, may puno ring nadadamay dito sa atin.”

“At kung sisirain nila ang isang bahagi ng kalikasan ay masisira rin ang iba pa, gaya ng tubig na aking pinangangasiwaan,” sabi ni Marino.

“Ang hangin na ako naman ang nangangasiwa ay narurumihan din sa kanilang maling gawain,” sabi ni Amihan.

“Ang araw na nagbibigay ng liwanag sa kanilang mundo ay unti-unting nasisira dahil sa kung ano-anong mga imbensiyon nila,” sabi ni Ilawi. “Nakakalimutan nila ang kalikasan. Makasarili ang mga buntawi.”

“Iyan ay dahil sa kagagawan ni Buhawan, alam nating lahat iyan.” Matigas ang mga salita ni Liliw. “Mula nang dalhin niya ang mga Ginto ng Buhay noong unang panahon pa lamang ay nagkaganyan na ang mga buntawi. Ipinamulat niya na ang ginto ay ang pamalit sa lahat ng naisin nila sa buhay. Hanggang sa ito’y naging salapi. Ito ang naging tawag nila na pambayad. Hindi nila nakakamtan ang lahat sa buhay kung hindi nila gagamitin ang salapi. Kung walang dinalang mga Ginto ng Buhay noon si Buhawan at ipinamulat ang kahalagahan nito, hindi hahantong sa ganito ang mga buntawi. Ang mga buntawing dati ay nabubuhay sa pagbabahagi ng mga pangangailangan gaya ng pagkain, damit, tahanan, at kung ano-ano pa ay nagpapakagahaman sa pagkamal ng salapi. Ang pagnanasa sa salapi ang ugat ng kasamaan. Iyan ay dahil sa kagagawan ni Buhawan.”

“Kayong mga diwata.” Ibinaling ni Liliw ang tingin sa tatlong diwatang nakatayo sa gitna ng bulwagan ng Himpabulan. Umupo si Liliw sa kanyang trono at nag-utos. “Pumunta kayo sa Amalao, at lahat ng mga buntawi na nagpuputol ng mga puno ay patawan n’yo ng parusa. Dapuan n’yo sila ng karamdaman.”

“Masusunod po, Diyosang Liliw,” sabay-sabay na sabi ng tatlong diwata.

Dagling lumabas ng Himpabulan ang tatlong diwata.

Napalunok si Liliw, nanuyo ang kanyang lalamunan dahil dama niya ang matinding galit habang pinapanood ang mga punongkahoy na pinagpupuputol ng mga buntawi sa Amalao.

Huminga nang malalim si Marino at umupo sa kanyang trono. “Nang tangkaing na pasuking muli ni Buhawan ang pinto ng Panalturan ay wala na siyang nakuhang kahit isang piraso mula sa mga Ginto ng Buhay. Ang ikinakatakot ko ay baka makapasok siyang muli.”

“Hindi na siya makakapasok pa sa pinto ng Panalturan,” sabi ni Liliw.

Binuksan ni Liliw ang kanyang mga palad, pinagmasdan ito ng mga Apo. Kasabay ng pagbukas ng kanyang mga palad ay nagningning ang kanyang mga mata. Ang liwanag sa kanyang mga mata ay nagtungo sa mga palad na marahang kumalat sa buong bulwagan. Nakita ng mga Apo ang lumulutang-lutang na guhit ng mapa na nakapalibot sa kanila.

“Iyan ang mapa ng pinto ng Panalturan. Hindi ito matatagpuan ng kahit na sino mang tibaro. Pinakiusapan ako ni Ronado na itago ito bago siya bawian ng buhay sa mga kamay ni Buhawan.”

Matamang pinagmasdan ng mga Apo ang mapa na lumulutang-lutang sa kanilang paligid, sa buong bulwagan ng Himpabulan.

“Nakasalalay ang kapalaran nating mga Apo sa kahihinatnan ng Panalturan. Natitiyak mo bang walang makakaalam sa kinaroroonan ng Panalturan?” sabi ni Marino.

“Nasa akin lamang ang lihim ng kinaroroonan nito. Walang ibang nakakaalam.” Kasabay niyon ay bumalik na muli ang liwanag sa mga palad ni Liliw at tuluyan nang naglaho ang mapa.

“Sa Amalao, tinitingala si Buhawan dahil siya ang nagpamulat sa paggamit ng salapi na nagsimula sa mga Ginto ng Buhay. Natutong magkamkam ng kayamanan ang mga buntawi sa pamamagitan ng salapi,” dugtong ni Marino.

Muling itinuon ng mga Apo ang tingin sa bintana ng Amalao. Patuloy pa ring pinagpupuputol ng mga buntawi ang mga punongkahoy sa kagubatan, at bawat mabuwal ay waring tumatangis at napapasaklolo.