noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 41

Ch. 41 / 41 Feb 09, 2022
Prev Next

Kabanata 41

M ULING nagningning ang dibdib ni Moymoy sa kanyang pagkakagising. Humikab siya saglit at iminulat ang kanyang mga mata. Unang umaga niya iyon sa Amalao mula nang manggaling sa Gabun. Malalim ang kanyang pagkakatulog at kagabing lumabas sila ni Tracy sa puno ng balete mula sa Gabun ay saka lamang siya nakaramdam ng matinding pagod.

Dagli niyang pinakawalan ang kanyang diwa at inalala ang naging karanasan sa tunay niyang mundo sa Gabun. Inisip niyang kahit sa panaginip ay hindi niya iyon inakalang mangyayari. Sina Montar, Wayan, Ibalong Saryo, Ibalong Pura, Hasmin, at si Alangkaw— Hinding-hindi ko kayo makakalimutan…

Hindi niya makalimutan ang paalaman nila ni Montar nang umalis siya ng Gabun. Nagyakapan silang dalawa at nagpasalamat si Moymoy.

Napakunot-noo si Moymoy. “Montar, ikaw ang mensahero ng Sibol, hindi ba?”

Tumango si Montar.

“Ano ba ang tawag sa iyo? Anong klase kang tibaro? Ikaw ba ay nuno o duwende?”

Napangiti si Montar. “Huwag mo nang alamin. Maraming nilalang dito sa mundo ang iba-iba ang anyo. Wala akong kaibahan sa iba pang nilalang. Iniba-iba lamang ang tawag sa bawat nilikha ng Amang Bathala.”

Niyakap siyang muli ni Montar.

SAGLIT na tumigil sa malalim na pag-iisip si Moymoy nang maamoy ang tinolang niluluto ni Tracy.

“Moymoy, gising ka na ba?” Saglit pa itong sumilip sa kurtina ng silid. “Gising ka na pala!”

Masuyong nilapitan ni Tracy si Moymoy at hinalik-halikan ang buong mukha nito.

“Um-um… ang bango-bango ng aking bunso!”

Biglang may sumagi sa kanyang alaala.

“Ay! Binatilyo na ang anak ko! Kailan ka nga pala magpapatuli?”

Pinamulahan ng mukha at hindi agad nakasagot si Moymoy. Maligaya siya kapag nakikita niyang maligaya si Tracy. Bago sila umalis ng Gabun ay ginamit ni Montar ang kanyang diwani—binura nito ang alaala ni Tracy sa kanyang naging karanasan at nasaksihan sa Gabun. Pero si Moymoy, hinding-hindi niya makalimutan ang nangyari.

Napatingin si Moymoy sa kanyang palad at naroon pa rin ang balat. Ang balat sa kanyang dibdib ay naroon din.

“Tayo ka na riyan. It’s time for school!” sabi ni Tracy.

“Mama?”

“Yes, anak?”

“Aalis ka pa ba?”

“Ha? Ngayon pa? Ngayong binata ka na? Hindi, Moymoy. Hindi kita iiwan!”

Nagulat si Tracy nang biglang lumundag ang isang pusa. “Ay, t*t*! Ano ba namang pusa ito!” sabay taboy dito palabas ng kuwarto.

Natigilan si Moymoy nang makitang kamukhang-kamukha ng pusa ang namatay na si Spaghetti. Tinitigan niya ito nang mabuti. Nilapitan ang mukha. Pinagmasdan ang mga mata at marahan, ito ay ngumiti. Napakunot-noo si Moymoy na parang kakilala niya ang pusa.

“Hasmin?”

SA LOOB ng Panalturan, magaan ang loob na namamasyal ang mga Apo. Pinagmamasdan nila ang mga Ginto ng Buhay na lumulutang-lutang sa hangin. Hindi matanaw ang sulok ng Panalturan, sapagkat wala itong hangganan. Walang tunog na maririnig; payapa ang paligid.

Si Amihan ang bumasag sa katahimikan.

“Pagyamanin natin ang ating kapangyarihan at imortalidad na nagmula kay Amang Bathala.”

“Sinimulan ni Buhawan ang kamalian sa ating daigdig. Lahat ng nilalang na nakakatikim ng kapangyarihan ay maaaring malulong sa pagkagahaman, at natutuksong gumawa ng masama,” wika ni Marino.

“Kailangang hindi ito matagpuan ng kahit na sino,” sabi ni Ilawi.

“Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo ring mga Apo ng kalikasan ng Gabun at Amalao? Huwag natin pababayaan ang Panalturan. Dadami ang maghahangad ng kapangyarihan at gagawa ng kasamaan,” ani Liliw.

Pagkaraan ng ilang saglit, dahan-dahan silang humakbang palabas. Unti-unting sumara ang malapad at dambuhalang pinto ng Panalturan. Habang minamasdan ito ng mga Apo, binalot sila ng gintong liwanag at lahat sila’y naglaho upang bumalik sa kalangitan.

SA PAMAMAGITAN ng kanyang diwani, lumipad sa kalawakan si Liliw patungo sa Dakula. Pumikit siya at sa isipan ay hinanap ang kinaroroonan ng kuweba ng mag-asawang nuno. Nang makita niya iyon sa kanyang diwa, siya ay naglaho at sa kuweba na tinitirhan ng mag-asawang nuno siya lumitaw. Saglit na natigilan ang dalawang nuno sa pagdating ni Liliw.

“Sino ka? Ano’ng ginagawa mo sa Dakula?” tanong ng babaeng nuno.

“Ano ka ba, manananggal, aswang, ekek, nuno ka rin?” tanong ng lalaking nuno.

Napangiti si Liliw, ikinumpas ang kanyang mga kamay sa harap ng dalawang nuno, at kasabay niyon ay nagliwanag ang kanyang katawan at siya’y naglaho.

Saglit na nagkislapan ang mga mata ng dalawang nuno… at nagulat sila nang biglang magliwanag ang kanilang paningin, at natambad sa kanila ang kulay at karilagan ng buong kapaligiran. Hindi na sila bulag!

Nagtinginan ang mag-asawang nuno, magkahawak-kamay na tumawang nagbubunyi, pagkatapos ay nagyakapan at kapwa napaiyak sa labis na kaligayahan.

Sa kalawakan, nakangiting lumilipad si Liliw, pinagmamasdan ang buong Gabun sa ibaba. At sa kanyang isipan ay muling umalingawngaw ang mahinahon at malagom na tinig ng Amang Bathala.

“SA DAKONG HULI, KABUTIHAN ANG MAMAMAYANI…”

Mga Salitang Dapat Malaman

• Amalao — mundo ng tao

• AmangBathala — ang kinikilalang Diyos o Panginoon ng lahat

at lumikha ng buong sansinukob

• anapaya — ang pagpapalit ng anyo ng aswang

• Apo/diyos — ang nangangasiwa sa iba't-ibang bahagi ng kalikasan gaya ng gubat, tubig, hangin, at liwanag

• buntaw i — tao

• diwani — mahika

• dungkay — isang uri ng aklat ng mga tibaro

• Gabun — mundo ng mga lamang-lupa o tibaro, binubuo ng mga

islang Sibol Encantada, Malasimbo, Dalumdum

• Himpabulan — pinakamahalagang bahagi ng palasyo ng Sibol Encantada

• Liya ng mga Apo — ang batas o panuntunan ng mga Apo (mga

diyos at diyosa na mga unang nilikha ni Amang Bathala)

• tibalok — ibabang parte ng manananggal

• tibaro — lamang-lupa