noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 16

Ch. 16 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 16

N AISTORBO si Moymoy sa ingay na narinig. Matutulog na lamang siya nang makitang may nagkakalkal ng mga plato sa mesa. Nagulat siya sa nakita.

“Sino kayo? Ano’ng ginagawa n’yo rito sa tahanan ko?” naiinis niyang tanong sa tatlong duwendeng sina Bundaki, Ewi, at Uye. “Ano kayo, mga duwende?”

“Eksakto!” sagot si Bundaki.

“Ano’ng ginagawa n’yo riyan? Nagugutom ba kayo?” tanong muli ni Moymoy.

Nagtinginan ang tatlong duwende.

Tumayo si Moymoy at kinuha ang basket na nakasabit sa kisame.

“May ulam pa akong natitira dito, pagsaluhan ninyo.”

Natutuwang nagtinginan ang mga duwende.

“May matatamis kang pagkain?” tanong ni Uye.

“Ikaw talaga,” sabi ng naiinis na si Ewi, “humihingi ka na lang… hindi ka na nahiya. Pero kung merong matamis mas okay.”

Tumawa ang tatlong duwende.

Sa loob ng basket ay kinuha ni Moymoy ang dalawang hita ng pritong manok.

Nagtinginan ang dalawang duwende—bantulot na kainin ang dalang hitang manok.

“Akala ko ba nagugutom kayo?”

Biglang sinunggaban ng tatlong duwende ang manok. Sarap na sarap ang mga ito sa pagkain.

Ang kaninang alinlangan ni Moymoy sa tatlong duwende ay napalitan ng pagkaaliw habang pinapanood niya ang mga ito sa pagkain ng manok.

“Bakit ganyan ang tingin mo sa amin Moymoy?” sabi ni Bundaki na lumolobo ang pisngi habang patuloy na ngumunguya. “Ngayon ka lang ba nakakita ng duwende?”

Nakangiting tumango si Moymoy.

“Pinapunta kami dito ni Diyosang Liliw para may makasama ka raw at makalaro,” sabi ni Uye na patuloy din ang pagnguya.

“Para hindi ka raw mainip sabi ni Diyosang Liliw,” dagdag ni Ewi.

“Diyosang Liliw?”

“Oo,” sabay-sabay na sagot ng tatlong duwende.

Biglang napangiti si Moymoy. “Diyosang Liliw? Siya ba ang nanay ko?”

Nagtinginan ang tatlong duwende pagkatapos ay bumaling muli kay Moymoy, sabay-sabay na nagkibit-balikat na sinasabing— Ewan.

Si Bundaki ang bumasag ng saglit na katahimikang iyon. “Wala kaming nalalaman. Napag-utusan lang kami ng isa sa mga Apo.”

Napawi ang ngiti ni Moymoy. “Wala kayong alam, gano’n ba?”

Nagtinginan muli ang mga duwende at sabay na bumaling muli kay Moymoy at umiling.

“Pinapunta nga kami rito para hindi ka raw mainip,” sagot na muli ni Bundaki.

“Paano ba makarating doon sa Sibol?”

“Hindi ka puwede roon,” sagot ni Bundaki. “Isinumpa ang mga aswang. Paaalisin ka roon. Bawal kayong magtungo sa Sibol.”

Napaisip saglit si Moymoy, piniling huwag nang magtanong sa tatlong kaharap.

Muling binasag ni Bundaki ang katahimikan. “Sa totoo lang, naghahanap talaga kami ng kalaro.”

“Teka, ano ba’ng mga pangalan n’yo?”

“Ako si Uye.”

“Ako si Ewi.”

“At ako naman si Bundaki.”

“Kung ganoon, di sige, maglaro na lang tayo.”

Nakipaglaro si Moymoy sa mga duwendeng sina Bundaki, Ewi, at Uye. Tinuruan niya ang mga ito ng larong taguan, na karaniwang laro sa Amalao. Si Bundaki ang unang taya. Humarap ito sa dingding at nagtakip ng mga mata.

“Bibilang si Bundaki hanggang tatlo, at pagbilang niya ng tatlo, kailangang nakatago na tayo!” tagubilin ni Moymoy. At bumilang na ang taya…

“Isa… dalawa… dalawa’t kalahati…” Ibinitin ni Bundaki ang pagbilang.

Tarantang nagtago si Ewi sa isang malaking garapon. Si Uye naman ay gumapang patungo sa kisame at doon nagtago. Hindi malaman ni Moymoy ang gagawin kaya nagpalit na lamang siya ng anyo. Naging isa siyang butiki. Pero naisip niyang madaya siya kung ganoon ang kanyang gagawin kaya ibinalik niya ang tunay na anyo at isiniksik na lamang ang katawan sa ilalim ng kanyang kama.

“…TATLO! Uuuy… alam ko kung nasaan kayo…” sabi ni Bundaki habang naghahanap. “Ang unang aking makikita, siya naman ang taya.”

Sa loob ng malaking garapon, gumagapang ang isang uod na kulay-berde. Gumagawa iyon ng ingay kaya sinenyasan iyon ni Ewi na tumahimik, kaya tumigil ito sa paggapang. Sa kisame naman na kinaroroonan ni Uye ay hindi niya mapigilan ang paghatsing kaya bigla niyang pinisil ang kanyang ilong.

Ang hindi alam ni Moymoy ay nakita ni Bundaki ang kanyang daliri sa paa kaya— “Moymoy! Ikaw ang taya!”

Natatawang lumabas si Moymoy mula sa ilalim ng kama.

Lumabas sa kanya-kanyang tinaguan sina Ewi at Uye.

“Ibang laro naman!” sabi ni Moymoy.

“Ang daya mo, Moymoy!” sabi ni Bundaki.

“Ang saya pala ng laro ninyo sa Amalao. Ituro mo sa amin ang iba pa!” bulalas ni Uye.

“O, sige, ituturo ko naman sa inyo ang tumbang preso!” sabi ni Moymoy.

Pero natigilan sila sa biglang pagkatok sa pinto.

“S-sino `yan?” tanong ni Moymoy.

“Moymoy, si Ibalong Saryo ito. Maaari mo bang buksan ang pinto?”

Nagtinginan sina Moymoy, Bundaki, Ewi, at Uye. May halong pagtataka ang naramdaman ni Moymoy—hindi inisip na pupuntahan siya ng matandang ibalong.

“Magsitago tayo,” bulong ni Bundaki kina Ewi at Uye.

Nagtago ang tatlo sa ilalim ng kama, saka binuksan ni Moymoy ang pinto.

“Moymoy,” sambit ni Ibalong Saryo pagkakita kay Moymoy. “Gusto kitang makausap.”

“Tungkol saan, Ibalong?”

Tuluyan nang pumasok si Ibalong Saryo sa tahanan ni Moymoy, pagkatapos ay muling bumaling at humarap sa kanya—tiningnan siya nito nang diretso. “Moymoy… mahalaga ang sasabihin ko sa `yo—hindi ka pangkaraniwang tibaro. Hindi ka pangkaraniwang aswang. Isa kang mahusay na aswang.”

Napatigil si Moymoy. “Pero hindi `yan ang sabi n’yo kanina. Sabi ninyo, hindi ako magaling at mailap ako—na bago lamang ako dito sa Gabun kaya hindi ako sanay.” Hindi maiwasan ni Moymoy ang magsabi ng hinanakit sa matanda.

“Hindi ko sinabing hindi ka magaling na aswang. Ang sinabi ko lamang ay kailangan mong magsanay sa anapaya dahil baguhan ka rito at sa Amalao ka nagkamuwang. Aaminin ko, nagsinungaling ako nang sabihin kong hindi ibig sabihin na nakapagpapalit ka na ng anyo nang ganoon kabilis ay isa ka nang magaling na aswang. Kailangan kong magsinungaling sa harap ng mga estudyante, dahil naiiba ka sa kanila. At kapag nalaman nilang naiiba ka, malaking usapin iyon hindi lamang sa Malasimbo kundi sa buong Gabun, naiintindihan mo?”

“Naiiba?” tanong ni Moymoy na nanatiling nakatingala kay Ibalong Saryo.

“Nalalaman ko dahil hindi lamang ako isang ibalong kundi ilang panahon na akong nabubuhay bilang isang tibaro at alam ko ang kaibahan mo sa iba pang kasamahan mong tinuturuan ko. Hindi ka nababagay sa kanila.”

Sa ilalim ng katre ay matamang nakikinig sina Bundaki, Ewi, at Uye—nagtitinginan sa kanilang naririnig.

Tumingin sa malayo si Ibalong Saryo. May malalim itong iniisip. “Kaninang nakita kita, hindi ka pangkaraniwang tibaro. Alam ko ang mahusay na aswang.”

Matamang nakinig si Moymoy kay Ibalong Saryo.

“Mayroon kang diwani,” halos pabulong na sabi ni Ibalong Saryo.

“Diwani?”

Tumango ang matandang tibaro.

“Diwani? Iyon ba `yong magic?” inosenteng tanong ni Moymoy.

“Oo, Moymoy. Mahika. Iyon ang tawag ninyo sa Amalao.”

“Pero paano nangyari `yon?”

“Nakita ko noong ginagawa mo ang iyong anapaya, hindi ka isang ordinaryong aswang.” May diin ang huling mga salita ng ibalong.

“Paano n’yo nalaman? Hindi ko alam na ako ay may diwani!”

Matamang tiningnan ni Ibalong Saryo si Moymoy. “Kailangan mong pag-aralan at sanaying mabuti ang iyong diwani. Ikaw lamang ang aswang na nakita kong mayroon niyan.”

“Paano nangyari `yon—na ako lang ang mayroong diwani?” nagtatakang tanong ni Moymoy.

“Namana mo sa iyong ina na isang diyosa. Kay Diyosang Liliw.”

Natigilan si Moymoy sa kanyang narinig.

“Ngayon ay lubusan na nga akong naniniwala na isa ka ngang anak ng iyong ina. Moymoy, maaari ko bang makita ang iyong kamay? Ang iyong palad?”

Hinawakan ni Ibalong Saryo ang kanang kamay ni Moymoy at tiningnan ang palad nito—nakita niya ang balat na nakadikit doon. “Ito ay galing sa iyong ina para ipagtanggol ang iyong sarili.”

“Inisip ko lamang na magkaroon ng sandata habang nakikipaglaban ako sa mababangis na mga paniki. Inisip ko na patayin sila sa pamamagitan ng espada at patayin sila dahil sinasalakay tayo. Dito sa balat ng kamay ko lumabas ang espada.”

“Hindi lahat ng tibaro ay may ganyan. Hindi lahat ng mga tibaro ay may kakayahang lumikha ng sandata.”

Huminga nang malalim ang matandang ibalong, lalong naging seryoso ang mukha at tinig, tiningnan nang diretso si Moymoy—gustong tiyaking ang susunod na sasabihin ay lubusang maiintindihan nito. “Dahil naiiba ka sa amin, maaaring ikaw ang pag-asang aming hinihintay para mawala ang sumpa.”

Hindi nakapagsalita si Moymoy sa kanyang narinig.

“Sa iyong kakayahan, darating ang araw na ikaw ang magsisilbing bayani ng mga tibaro dito sa buong Gabun,” pagpapatuloy ni Ibalong Saryo. “Kailangan mo lamang magsanay nang mabuti, Moymoy, upang matalo ang puwersa ng pangkat ni Buhawan na pinamumunuan ni Anino—ang halimaw na kinatatakutan ng Dalumdum.”

“Anino? Halimaw? Dalumdum?”

Huminga nang malalim si Ibalong Saryo. “Ang Anino ng Dalumdum. Siya ang Halimaw ng Dalumdum. Ayon sa sabi-sabi, ito ay sinanay ni Buhawan para mamuno sa mga rebelde ng Dalumdum. ‘Anino’ ang naging bansag sa kanya dahil tuwing siya ay mag-aanapaya, kulay-itim ang kanyang kabuuan—hindi halos makita sa gabi. Bahagi siya ng dilim. Sinasamantala niya ang pagdating ng gabi ng dugon. Binubuksan niya ang mga tahanan namin para kami’y makalabas at kainin namin ang isa’t isa. Gusto niyang maubos ang mga tibaro at sila ang matira sa Gabun. Ang layunin ng mga rebelde ng Dalumdum ay ubusin ang mga Ginto ng Buhay upang sila ang mamayani hindi lamang dito sa Gabun kundi pati sa Amalao. Ang isa pang ipinagtataka nami’y hindi kasama sa sumpa si Anino—hindi siya nakakaramdam ng gutom tuwing sasapit ang gabi ng dugon.

“Hindi makakayanan ng kahit na sinong tibaro dito sa Malasimbo ang puwersa ni Anino. Nakita ko na kung paano siya mag-anapaya sa gabi ng dugon. Mahusay ang pagsasanay niya kay Buhawan. Pero sa kakayahang nakita ko sa `yo, Moymoy, kakayanin mong sagupain si Anino sa pamamagitan ng iyong diwani, lalo na kung ikaw ay magsasanay.”

Muling tiningnan ni Ibalong Saryo nang diretso si Moymoy. “May diwani ka, ang Anino na tinaguriang ‘Halimaw ng Dalumdum’ ay wala.”

At sa pagkakataong ito, may kakaibang takot na bumalot sa katauhan ni Moymoy, at muli siyang napatingin sa balat sa kanyang palad.

“Kailangan mong magsanay para magamit mo nang mabuti ang iyong diwani. Ilang panahon na akong nabubuhay pero ngayon lamang ako nakakita ng kagaya mong aswang, lalong-lalo na sa anapaya.”

“Ilang taon na po ba kayo, Ibalong?”

Napangiti si Ibalong Saryo. “Taon? Panahon ang binibilang ng isang tibaro. Hindi dinadapuan ng sakit ang mga tibaro. Namamatay lamang ang isang tibaro kung uubusin ang laman ng kanyang katawan o kaya’y tutusukin ng kamagong ang kanyang leeg.”

“Kamagong? Kahoy na kamagong?”

“Oo, Moymoy. Nauubos ang dugo ng isang tibaro kung itutusok ito sa aming leeg. `Yon ang ikinamatay ng iyong amang si Ronado nang makipaglaban kay Buhawan sa Panalturan.”

Napalunok si Moymoy sa kanyang narinig. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang makita ang mama ko. Hindi ako nababagay rito. Tatakas ako!