noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 24

Ch. 24 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 24

N ASA kanyang tore si Wayan, nakatingin sa kalangitan. Natigilan siya nang makita ang dumarating na uwak. Lumapit siya sa bintana upang salubungin ang paparating na uwak.

Galing sa Dalumdum ang uwak na ito.

Dumapo ang uwak sa rehas ng bintana, pagkatapos ay tuluyan nang pumasok sa loob ng tore.

“Ano ang sadya mo, uwak?” tanong ni Wayan.

Kinausap ng uwak si Wayan sa sarili nitong salita. Naiintindihan ni Wayan ang sinasabi ng uwak—na kagaya ng sinabi ni Anino ay nagbigay ito ng babala na lulusob ang mga tibaro ng Dalumdum at lilipulin silang lahat kasama ang batang may diwani, na ang tinutukoy ay si Moymoy.

Hindi ipinahalata ni Wayan ang kanyang pagkasindak sa balitang iyon ng itim na ibon.

“May kayabangan ang amo mo, uwak. Bakit niya kailangang sabihin sa akin ang kanyang balak? Iniisip ba niyang kayang-kaya niyang lipulin ang lahat ng taga-Malasimbo?” galit na isinagot ni Wayan sa uwak.

Tumango ang uwak. Nagsalita siyang muli. Papatayin daw niya ang batang may diwani. Malakas ang loob ni Anino dahil alam niyang siya ang mananalo sa laban. Nagsanay siya kay Buhawan. Uubusin niya kayo para `di kayo sagabal na mapasakanila ang mga Ginto ng Buhay ng mga Apo.

Mag-ingat kayo. Mukhang hindi niya matanggap na mayroon kayong kasamahang may diwani at sa palagay ko’y ikaw ang uunahin niya, Wayan. Tatadtarin ka niya nang buhay.

“May diwani si Moymoy at siya ay wala!” nagmamayabang na sagot ni Wayan pero ang nasa isip niya ay— Hindi nga lang sanay si Moymoy na makidigma kagaya ni Anino ng Dalumdum.

Huminga nang malalim si Wayan. “At kailan niya balak lusubin ang Malasimbo?”

Sa ikatlong gabi.

Napaisip si Wayan sa narinig na iyon mula sa uwak.

SA KALANGITAN, nauunang lumilipad si Ibalong Saryo at Ibalong Pura kay Moymoy. May mga pakpak ang mga ito. Mayamaya ay nag-iba ng anyo si Ibalong Saryo—biglang naging isang malaking tutubi. At sa isang saglit, ang ulo ng tutubi ay ang tunay na anyo ng ulo ni Ibalong Saryo. Nagpapalit-palit ng hitsura ang kanyang mukha, nanatiling tutubi ang kanyang katawan. Si Ibalong Pura naman ay patuloy sa paglipad sa kalangitan, ipinapakita ang iba’t ibang estilo ng paglipad. Naroong tiklupin nito ang mga pakpak sa kalangitan, binabalot ang katawan at biglang babagsak, pagkatapos ay ibubuka ang mga ito at muling lilipad paitaas nang matulin. Lilipad-lipad siya at biglang tataas at bababa. Si Ibalong Saryo naman ay may mga pagkakataong hinahati ang katawan sa kalangitan bitbit ang kanyang tibalok at lilipad-lipad bilang manananggal.

“Lipad, Moymoy! Lipad!” sigaw ni Ibalong Saryo.

Biglang lumapad ang mga pakpak ni Moymoy. Nag-iba-iba siya ng anyo. Sarisaring anyo. Para siyang kidlat sa bilis. Naroong ilabas niya ang sandata sa kanang kamay. Sarisaring sandata—espada, baril, malaking maso at kung ano-ano pa. Sa kanyang palad ay nakakalikha rin siya ng kidlat at apoy. Sinubukan niyang pagalawin ang tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang diwani. Kahit siya ay nagulat nang makalikha siya ng malaking alon doon. Kung ano man ang kanyang maisip — sa pamamagitan ng kanyang balat sa palad ay nagagawa niya. Kahit sina Ibalong Saryo at Ibalong Pura ay nagugulat sa ipinamalas ng diwani ni Moymoy. Mayamaya ay dumapo silang tatlo sa ituktok ng isang bundok.

“Ang aking diwani…” Nakatingin si Moymoy sa kanyang palad.

“Kasama sa ating pagsasanay ay ang paggamit mo nang tama sa iyong diwani. Kailangang malinis ang iyong isipan. Isang direksiyon ang patutunguhan niyan. Gaya rin ng diwani ang anapaya—ang pagpapalit-palit ng anyo ay dapat na eksakto sa iyong iniisip. Kailangan ng malinis at alertong isipan, Moymoy.”

“Pumikit ka,” utos ni Ibalong Saryo.

Pumikit si Moymoy.

“Wala kang ibang iisipin kundi ang laban. Kailangang patayin si Anino. Iyon lamang ang kailangang nasa utak mo. Walang dapat umistorbo diyan sa isip mo. Wala. Wala. Papatayin mo ang Anino ng Dalumdum. Ngayon, mag-isip ka ng iba’t ibang sandata para malikha ang iyong diwani.”

Bigla na lamang lumabas ang napakahaba at matalas na espada sa kamay ni Moymoy. Parang kidlat na umangat din ang kanyang katawan. Bigla siyang nagkaroon ng malapad na pakpak. Naging isang malaking lalaki si Moymoy, matipuno ang katawan. Lumipad nang lumipad sa hangin at nagpakitang-gilas sa paggamit sa espada. Parang kidlat ding nagpapalit-palit ang kanyang sandata at kasabay niyon ay nagpapalit-palit din ang kanyang anyo. Iba’t ibang hayop. May leon na ang katawan ay isang malaking ahas, malaking ibon ang ulo pero ang katawan ay kagaya ng isang tao, isang malaking alakdan, at kung ano-ano pa.

Kitang-kita nina Ibalong Saryo at Ibalong Pura ang husay ni Moymoy. Mayamaya ay tumingin si Ibalong Saryo kay Ibalong Pura at sinenyasan. Dagling lumabas ang pakpak ni Ibalong Pura at nagtungo sa kinaroroonan ni Moymoy.

“Moymoy! Sugurin mo ako!” sigaw ni Ibalong Pura. “Magsanay tayo!”

Ang hawak ni Moymoy na maso ay biglang nag-iba—ginawa niya itong malaking pana. Sinimulan niyang panain si Ibalong Pura pero nagagawa nitong umilag. Hindi niya ito natatamaan.

“Ang iyong isipan, Moymoy! Ayusin mo!” sigaw ni Ibalong Saryo mula sa ituktok ng bundok.

Dahan-dahan ay nag-iba ng anyo si Moymoy—bumalik sa kanyang tunay na anyo pero nanatili ang mga pakpak. Bigla siyang lumipad paitaas at parang kidlat na bumaling kay Ibalong Pura at sinimulan itong panain. Umilag-ilag si Ibalong Pura sa walang tigil na pagpana ni Moymoy—walang tigil hanggang sa sumuko na si Ibalong Pura. “Tama na! Tama na!”

Dumaplis ang pana sa balikat ni Ibalong Pura.

Tumigil sa pagpana si Moymoy.

Marahang bumaba si Ibalong Pura, nagtungo sa tuktok ng bundok. “Ibalong…” Bumaling siya kay Ibalong Saryo, humihingal habang nagsasalita. “Mas mahusay ako sa asawa ko. Pero si Moymoy, higit na mahusay sa akin at kahit na sa `yo pa. Maaari na siyang lumaban sa kahit na anong laban sa mga tibaro ng Dalumdum.”

Napangiti si Ibalong Saryo at marahang tinapunan ng tingin si Moymoy na nasa kalangitan.

SAMANTALA, sa Sibol Encantada, sa asotea ay naroon si Liliw, nakamasid sa kalangitan sa kinaroroonan ng isla ng Malasimbo.

Nakasisiguro akong tulad ni Ronado ay magiging mahusay na mandirigma ang aking anak. Kaunting pagsasanay lamang ang kailangan, sa tulong ng diwani na ipinagkaloob ko sa kanya ay hindi niya bibiguin ang mga tibaro ng Malasimbo.