noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 28

Ch. 28 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 28

L UPAYPAY, nagpupumilit NA tumayo si Alangkaw mula sa pagkakabuhat ni Moymoy. Marahan, ibinalik ni Moymoy ang espada sa kanyang palad—naglaho at muling naging balat.

“Malalim ang sugat mo,” bantulot na lumapit si Montar kay Alangkaw. “Kailangang lapatan `yan ng lunas.”

“Paano ko siya naging kapatid?” Ayaw magsayang ng panahon ni Moymoy at gusto niyang malaman ang sagot—ang katotohanan.

Hindi nakasagot si Montar sa tanong na iyon ni Moymoy. Hindi rin nakatakas sa kanya na kahit burado ang mukha ni Wayan ay alam niyang ito rin ay nagtatanong gaya ni Moymoy.

“Kakambal mo siya. Hindi alam ng iyong ina… ang ibig kong sabihin…” Hindi makaapuhap ng sasabihin si Montar upang masagot nang may-kalinawan ang tanong na iyon ni Moymoy.

Nagulat sila nang sa malaking bintana ng tore ay dumating na lumilipad papasok ang isang hayop. Nang magpakita ng tunay na anyo ang hayop, nalaman nilang ito ay si Buhawan!

“Hindi ka dapat naniniwala sa mga sinasabi ng mga `yan, Alangkaw!” Dumagundong ang boses ni Buhawan.

“Buhawan, huwag kang gumawa ng gulo!” babala ni Wayan.

“Ha? Kayong mga tibaro ng Malasimbo, ngayon n’yo pa ba ako bibigyan ng babala? Bakit hindi pa kayo kumampi sa akin nang sa gayon ay maging magaan sa atin ang lahat?” Binalingan ni Buhawan si Wayan. “Lalo na ikaw, Wayan.”

“Hindi maaari, Buhawan. Hindi maaari dahil ito ang pasya ko. Ayokong sumama sa `yo!” may lungkot na tugon ni Wayan.

“Kaya ayaw mong sumama sa akin ay dahil binura ng mga Apo ang iyong mukha dahil sa sumpa, hindi ba? Na hindi na kita mamahalin kung nawala ang mukhang `yan?”

“Hindi, Buhawan. Mananatili ako sa Gabun. Ayokong sumama sa `yo!” Ngayon ay matigas ang mga salita ni Wayan.

“Wala kang kuwentang asawa.” Matigas pero malumanay ang sinabing iyon ni Buhawan. “Noon pa mang binalak kong umalis dito sa Gabun upang doon sa Amalao mamuhay ay sinabi ko na sa `yo, pero higit kang naging tapat sa mga Apo.”

“Dahil hindi ako sumasang-ayon sa kagustuhan mo, Buhawan! Kahit kailan ay hindi ako susunod sa kabuktutan mo! Nagkamali ako sa `yo, hindi kita dapat naging asawa!” Puno ng galit ang tinig ni Wayan.

Dumagundong ang halakhak ni Buhawan.

“Nakikiusap ako sa iyo, Buhawan, isauli mo ang mga Ginto ng Buhay at huwag mo nang gambalain pa ang mga Apo. Ang mga buntawi sa Amalao, kaya sila nakakaisip ng kasamaan ay dahil sa kagagawan mo! Kung hindi mo dinala ang ginto sa Amalao ay hindi sana ito ang naging ugat ng lahat ng kasamaan sa Amalao! Nakikiusap ako sa `yo. Kung kailangan kong lumuhod ay gagawin ko…” Patuloy na umiyak si Wayan.

“Hindi mo `ko maiintindihan—hangga’t hindi ka sumasama sa akin. Dahil sa mga Ginto ng Buhay ay nagkaroon ako ng kapangyarihan sa Amalao. Lahat ng buntawi ay hangang-hanga sa akin—lahat ng ibigin ko ay nakakamtan ko. Lahat, Wayan! Lahat! ”

“Iniwan mo `ko kapalit ang mga Ginto ng Buhay, hindi ba? Higit mong pinili ang sinasabi mong kapangyarihan sa Amalao!”

Inilapit ni Buhawan ang kanyang mukha na halos isang dangkal na lamang ang layo kay Wayan. “Hindi mo `ko maiintindihan hangga’t hindi mo nararanasan ang sarap ng buhay ko sa Amalao. Ako ang pinakamayaman doon. Ako ang nagpamulat sa kanila na mahalaga ang ginto na ngayon ay tinatawag nilang salapi. Ngayon ay nananatiling salapi ang kanilang panginoon!”

“Ikaw ang nagtanim ng kasamaan sa mundo ng Amalao at Gabun!”

Biglang sinampal ni Buhawan si Wayan. Sinuklian siya ng higit na malakas na sampal ni Wayan.

“Nagkakagulo ngayon ang mga buntawi dahil sa ginawa mo, Buhawan! Ang kalikasan ay nasisira na rin dahil sa kagagawan mo! Ang malinis na tubig at hangin, ang mga mina sa lupa, ang mga punongkahoy, nasisira dahil sa salapi!”

“Hindi ko kasalanan kung ginawang panginoon ng mga buntawi ang ginto at salapi!”

“Lahat ng ito’y dahil sa `yo! Noong unang panahon, nagbibigayan ang mga tao at ipinamamahagi nila ang kanilang yaman sa isa’t isa. Mula nang magtungo ka at ipinamulat ang kapangyarihan ng mga Ginto ng Buhay, nagkamal sila ng kayamanan at naging mga sakim! `Yan ay dahil sa kagagawan mo! At ngayon, pati kanilang mundo ay nasisira, gayon na rin dito sa Gabun!”

Idiniin ni Wayan ang mga sumunod na sinabi. “Hindi mo ba nauunawaan—kung masisira ang kalikasan sa Amalao, masisira din ang Gabun? Magkakabit ang kalikasan ng Amalao at ng Gabun…”

“Hindi tayo matatapos sa usaping ito.” Binalingan ni Buhawan ng tingin sa nanlilisik niyang mga mata ang lahat sa loob ng bulwagang iyon, hindi pinansin ang sinabi ni Wayan.

“Ama…” lupaypay na nagsalita si Alangkaw.

Dagling nilapitan ni Buhawan si Alangkaw at inalalayan. “Huwag kang maniniwala sa kanila, Alangkaw. Ako ang iyong ama—inalagaan kita para magtagumpay tayong dalawa.”

Nagulat ang lahat sa pagdating ni Ibalong Saryo mula sa bintana—hati ang katawan niyang lumilipad-lipad. “Buhawan, hindi ka na makatatakas!”

Kasabay niyon ay nagtungo si Ibalong Saryo sa mga bintana at isinara ang mga iyon. Dagling hinablot ni Buhawan si Wayan at isinaklit ang braso sa leeg nito. Kasabay niyon ay dagli niyang kinuha sa baywang ang nakasabit na matulis na kahoy ng kamagong. Iniumang niya iyon sa leeg ni Wayan.

“Walang lalapit!” sigaw ni Buhawan habang nakadiin sa leeg ni Wayan ang matalim na kahoy na kamagong.

Natigilan sina Ibalong Saryo, Montar at Moymoy na akmang lulusubin na sana si Buhawan.

“Papatayin ko si Wayan. Kamagong ang hawak ko! Uubusin nito ang dugo mo!” babala ni Buhawan kay Wayan. “Walang gagamit ng diwani! Mamamatay si Wayan!”

“Talagang napakasama mo, Buhawan!” sigaw ni Wayan. “Hayaan n’yo akong mamatay!” sigaw ni Wayan sa lahat ng nasa bulwagan. “Hayaan n’yo akong mamatay! Kailangang mabawi ninyo ang mga Ginto ng Buhay kay Buhawan…”

Biglang bumukas ang isang bintanang isinara ni Ibalong Saryo at pumasok ang isang aswang na anyong mabangis na hayop na may itim na pakpak. Dinaluhong niya si Buhawan, ngunit tinusok siya nito sa lalamunan ng hawak nitong kamagong. Bumagsak sa sahig ang aswang, at lumitaw ang tunay na anyo nito—si Ibalong Pura! Humalinghing ito sa sakit. Lahat ng mga naroroon ay parang noon lang nakakita ng tibaro na naghihingalo at namamatay sa pamamagitan ng matalim na kamagong. Isang kakaibang sakit ang animo’y nararamdaman ni Ibalong Pura.

Napanganga si Moymoy—gulat na gulat. “Ibalong Pura!”

Pinigilan ni Montar ang paglapit ni Moymoy.

Isang napakahabang daing mula kay Ibalong Pura ang kanilang narinig. Sa kanyang noo ay lumabas ang kanyang kaluluwa na mistulang usok—sumama sa hangin paitaas hanggang sa ito ay maglaho. Pagkatapos ay nanlisik at lumobo ang kanyang dilat na mga mata. Ang kanyang balat ay unti-unting nasusunog—nalapnos at unti-unting lumabas ang mga buto sa kanyang katawan. Gumagalaw-galaw ang mga buto nito na animo nakakaramdam pa ng sakit. Hanggang sa ito’y tuluyan nang nawalan ng buhay.

Nanatiling nakatutok ang kamagong kay Wayan. “Ngayon… gusto mo ring mamatay? Ha?”