Kabanata 21
N ANGHIHINANG naglalakad si Moymoy sa nakahilerang tahanan ng mga tibaro. Natanaw niya ang buwang bilog na bilog. Maliwanag na ito, tapos na ang gabi ng dugon. Sa dinaraanan ay nakita niya ang mga nakakalat na katawan, ang mga tira-tirang laman at buto ng mga kinaing tibaro. Kitang-kita niya ang nagdurugong mga hati-hati at nagkaluray-luray na mga katawan ng mga tibarong naglapaan. May naririnig din siyang mga iyak kung saan-saan. Kumurap-kurap ang kanyang mga mata, gusto na niyang ipikit dahil sa nadaramang pagod. Hindi niya alintana ang dugong tumutulo sa kanyang noo at sa ibang bahagi ng kanyang katawang dulot ng mga sugat mula kay Anino. Natigilan lamang si Moymoy nang salubungin siya ng isang pamilyar na mukha—si Ibalong Saryo.
“Ibalong…” Unti-unti ay hinayaan ni Moymoy na pumikit ang kanyang mga mata, sabay yakap niya kay Ibalong Saryo. Tuluyan siyang nawalan ng malay.
Marahang binuhat ng matandang ibalong si Moymoy.
SA LOOB ng kastilyo ni Wayan, sa isang silid ay naroon si Moymoy, nakahiga. Nilalapatan ng lunas ni Ibalong Saryo ang mga tinamo niyang sugat. May mga iba’t ibang dahon at yerba na itinatapal ang ibalong sa kanyang mga sugat.
“Kailangan niya ng diwani, para maghilom at maglaho ang sugat sa kanyang katawan, Ibalong Saryo. Baka kung ano’ng mangyari sa kanya,” nag-aalalang sabi ni Wayan.
“Gusto ko’y makaramdam siya ng sakit, Wayan. Gusto kong maramdaman niya kung papaano ang sakit ng mga sugat na natamo niya sa kanyang katawan,” may paninindigang sabi ni Ibalong Saryo.
“Kung narito lamang si Liliw, hindi niya hahayaang makaranas ng ganyang sakit si Moymoy, Ibalong. Hayaan mo kami ni Wayan na pawiin ang lahat ng sugat ni Moymoy sa pamamagitan ng aming diwani,” sabi ni Montar.
“Hindi n’yo ba naiintindihan? Kailangang makaranas, makaramdam ng sakit ang sinumang nilikha para lalong tumapang!”
Tumapang ang mukha ni Ibalong Saryo. “Kailangan niyang makadama ng sakit mula sa kalaban upang mapapayag ko siyang magsanay. Kagaya ng kanyang ama, magiging matapang at mahusay na mandirigma si Moymoy. At sa kanyang ina na pinagmanahan ng kanyang diwani—magiging mapagmahal siya at magiging tama ang paghuhusga sa ano mang laban—may kakayahang malaman ang tama at mali.”
Naghari ang katahimikan. Iniwas ni Wayan ang kanyang namumutlang mukha sa kinaroroonan ni Moymoy. Si Montar ay nanatiling nakatingin sa nakahigang si Moymoy habang ito’y umuungol, dumadaing sa sakit na nararamdaman mula sa mga sugat sa katawan.