U MAGA na nang magising si Moymoy sa lilim ng punong saging na iyon. Hindi siya nagising sa sumisilip na araw sa silangan kundi sa kanyang nagniningning na dibdib at kanang palad. Tuwing umaga, bago siya magising ay saglit na umiilaw ang mga ito. Ang kulay-pulang balat na nasa kanyang dibdib at sa kanyang palad ay nag-iiba ang kulay—nagiging kulay-ginto at lumiliwanag. Sanay na sa ganito si Moymoy. Madalas ay tinatanong niya si Tracy tungkol dito noon pa man pero laging sinasabi ng nakilalang ina na isa siyang natatanging bata at wala siyang sakit.
Luminga-linga si Moymoy sa paligid. Sinapo ang kanyang ulo, pumikit, at nag-isip sa nangyari—kung papaano siya nakarating sa likod-bahay sa lilim ng punong saging.
Madalas na ganito si Moymoy—naglalakad na natutulog kaya laging nakatabi si Tracy sa kanya.
MISTULANG komiks ang buhay ni Moymoy Lulumboy. Inilihim ni Tracy ang tunay na pagkatao nito. Hindi niya ipinagtapat sa kanyang anak na ibinigay at ibinilin ito ng isang lamang-lupang nagngangalang Montar. Hindi niya ipinagtapat ang katotohanan, hindi lang dahil ayaw niyang maguluhan ang batang si Moymoy kundi alam niyang mahirap paniwalaan ang kuwentong pinagmulan ng lahat kung bakit napasakanya ito noong sanggol pa lamang ito.
Tulad ng ibang bata, si Moymoy ay lumaking normal sa piling ni Tracy. Ipinakilala ni Tracy na tatay nito si Edcel, ang boyfriend niya nang labintatlong taon. Sinabi ni Tracy kay Moymoy na siya’y ipinanganak noong hindi pa sila kasal, at kapag nakaipon na silang dalawa ni Edcel ay magpapakasal sila at si Moymoy ang gagawing ring bearer.
Kay Edcel naman, ang kuwento ni Tracy ay napulot niya si Moymoy. Naniwala naman sa kanya si Edcel at ang kanyang Lolo Turing. Paano kasi’y wala naman talaga siyang ipinagbuntis, at noong dala-dala nga niya pauwi ang sanggol na si Moymoy ay gulat na gulat ang kanyang lolo.
“Talagang halang ang kaluluwa ng nag-iwan nitong sanggol na ito,” kuwento ni Tracy sa kanyang lolo nang makauwi siya sa bahay pagkagaling sa bookstore. “Tingnan ninyo, iniwan na lang sa basurahan, kaya dali-dali akong umuwi at gutom na gutom na ito.”
“Cute naman siya, Lolo. Kapag ganito raw na may sanggol na darating sa buhay mo, dapat `wag mong ipamigay kasi suwerte,” pagpapatuloy ni Tracy. Ngayon ay hindi na siya kinakabahan sa kanyang kuwento dahil inihanda niya nang paulit-ulit ang sarili kung papaano ikukuwento sa lahat ang pinagmulan ng dala-dalang sanggol habang sakay siya ng MRT pauwi.
“O-oo,” sagot naman ni Lolo Turing na hindi mawala-wala ang alinlangan sa kanyang isipan.
“`Lo, mula ngayon, may anak na`ko. May instant apo ka na,” natutuwa pang sabi ni Tracy.
Idinagdag pa ni Tracy na hindi na siya papasok sa bookstore, na lilipat na lang siya ng ibang trabaho. At dahil matangkad at maputi si Tracy, madali naman siyang natanggap na front desk clerk sa isang condominium sa Ortigas.
“Brad” ang gustong ipangalan ni Tracy kay Moymoy noon dahil malaki ang crush niya kay Brad Pitt, pero nagawa pang magselos ni Edcel at hindi pumayag ang lalaki. Hinayaan nitong magmaktol si Tracy. Katuwiran ni Edcel, parang pangalang kanto boy raw ang “Brad” at baka lumaking adik si Moymoy. Dapat daw na pangalan ay iyong respetadong pakinggan. Kung saan-saang libro at sa Internet sila naghanap ng pangalan ng sanggol. Ang unang napili ni Edcel ay Tiger dahil tagahanga siya ni Tiger Woods. Tumutol si Tracy at hindi raw niya ito gusto dahil hindi naman daw tigre ang ampon, at isa pa’y balitang mahiligin sa babae ang sikat na golfer. Isang linggo rin silang nagpapalitan ng text sa kung ano ang ipapangalan sa sanggol. Minsan, habang nanonood sila ng TV, nagkaisa sila na kung sino mang lalaki ang una nilang makikita sa TV ay doon na lamang nila ipapangalan ang bata. Pagbukas ng TV ay si PNoy ang tumambad sa kanila. Tuwang-tuwa si Tracy dahil gaya raw ni PNoy, magiging presidente si Moymoy paglaki. Kaya nagkaisa sila na “Benigno” ang ipangalan sa kanya. Pero para moderno raw sabi ni Edcel, idudugtong nila ang “Bruce,” kasi’y paboritong foreign actor ni Edcel si Bruce Willis. Kaya Benigno Bruce Lulumboy ang napagkayariang ipangalan kay Moymoy. At sa halip na “Noynoy,” ang ginawang palayaw ay “Moymoy” para katunog ng palayaw ng presidente.
MASAYA ANG NAGING buhay ni Moymoy sa piling ng nakilala niyang nanay at tatay na sina Tracy at Edcel. Sa Balara, Quezon City nakatira si Tracy kasama ang kanyang Lolo Turing. Dating empleyado ng gobyerno si Lolo Turing kaya nabigyan siya ng libreng pabahay sa Balara noong bata pa ito. Disente ang bahay kaya lamang ay may-kalumaan na; yari sa kahoy at dahil sa kalumaan, kung hindi sila maingat sa apoy ay malamang magliyab ito. Tahimik ang lugar nila sa Balara. Hindi aakalain na sa Maynila ay may natitirang lugar pang ganoon—maraming punongkahoy.
Si Edcel naman ay nangungupahan sa isang maliit na kuwarto sa Katipunan. Dito siya nagpadestino sa gym na pinagtatrabahuhan para malapit daw kay Tracy. Isa siyang magaling na gym instructor kaya marami siyang kliyente. Guwapo, matikas, at maganda ang pangangatawan ni Edcel kaya kahit noong teenager pa lamang ay marami nang kumukumbinsi sa kanya na mag-artista. Pero kahit na anong pilit ay hindi niya iyon nakahiligan. Kahit noon pang itulak siya ng isang talent scout na bading na pumila sa audition ng Pinoy Big Brother , last minute ay iniwan niya ang pila. Naisip niya mula noon na hinding-hindi siya mag-aartista. Ang hindi alam ni Edcel, umiyak si Tracy noon nang sabihin niyang nasa pila siya ng PBB dahil nag-aalala ang dalaga na kapag nakuha siya ay mapapaligiran siya ng magagandang babae. Kaya tuwang-tuwa si Tracy nang umurong siya sa audition.
Inilihim ni Tracy sa lahat ang perang natanggap niya mula kay Montar. Ginagamit lamang niya ito kapag kinukulang pero kung tutuusin ay marami pa siyang perang nakalaan kay Moymoy. Pinag-aral ni Tracy si Moymoy sa eskuwelahang malapit sa kanilang bahay sa Balara dahil mag-aalala siya kung sa malayo pa ito mag-aaral.
Hindi lang gym instructor si Edcel kundi isa ring part-time magician. Ito ang naging una niyang trabaho noong bata pa lang siya. Namana niya ito sa kanyang tatay. Nagbibiyahe sila sa mga probinsiya na nagtatayo ng karnabal at perya at ang tatay nga niya ang magician. Kaya tuwing galing sa eskuwelahan si Moymoy ay inaaliw siya ni Edcel sa pagma-madyik. Naroong nawawala ang piso at lilitaw na lang bigla sa likod ng tainga ni Moymoy. Bigla ring napalilitaw ni Edcel pati ang mga manok at kalapati sa kanyang sombrero at malapad na panyo. Pero ang pinakamasayang panahon na magkakasama silang “mag-anak” ay kapag guest performer si Edcel sa mga company party. Doon ay ipinapakita niya ang galing sa pagma-madyik. Dahil sa husay ni Edcel, maraming humahanga sa kanya. Hindi lang siya iniidolo ni Moymoy kundi naging role model pa siya.
Tuwing nasa bahay si Moymoy ay lagi siyang kinukuwentuhan ni Lolo Turing, kasama ang kanyang alagang pusa na pinangalanan niyang Spaghetti. Napulot niya kasi ito sa basurahan habang papauwi siya mula sa eskuwelahan. Nababalutan ang buo nitong katawan ng panis na spaghetti. Mahal na mahal ni Moymoy si Spaghetti. Kuting pa lamang ito’y katabi na niyang matulog. At ang ipinagtataka ng lahat, sumusunod ang pusa sa lahat ng ipinapagawa ni Moymoy. Ngayon lamang daw sila nakakita ng ganitong klaseng pusa—sumusunod sa amo at naiintindihan ang lahat ng sinasabi ni Moymoy.
Pero nagbago ang takbo ng buhay ni Moymoy nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Edcel nang minsang bisitahin nito kasama ng mga katrabaho ang isang branch ng kanilang gym sa Davao. Halos maluka-luka si Tracy sa pagdadalamhati. Hindi ito makausap at hindi lumalabas ng kuwarto. Lumipas na ang isang taon ay hindi pa nakaka-recover si Tracy sa pagkawala ng pinakamamahal niyang si Edcel. Hanggang sa magpasya siyang magtungo sa Singapore. Nag-apply siyang saleslady doon at nang matanggap ay madali siyang napapayag na mangibang-bansa.
Umiiyak si Tracy nang nagpapaalam kay Moymoy. “Sandali lamang ako. Pagkatapos ng anim na buwan, babalik ako. Tatapusin ko lang ang kontrata. Tatapusin ko lang.” Halos hindi na niya maaninag ang mukha ni Moymoy habang patuloy siyang umiiyak habang nagpapaalam sa anak.
Sa edad na pitumpo ay napakalakas pa ni Lolo Turing kaya malakas ang loob ni Tracy na iwan ang anak nang anim na buwan.
Hindi gaanong ininda ni Moymoy ang trahedyang dumating sa kanyang buhay. Magaan ang takbo ng buhay sa kanya—magigising sa umaga, magbibihis, at pagkatapos ay mag-aaral. Walang ibang naging kapiling si Moymoy kundi si Lolo Turing at si Spaghetti.
Pero nagulat si Moymoy nang isang araw ay nawala sa sarili ang kanyang Lolo Turing. Ilang beses nang tinatanong ng matanda kung saan siya naroroon. Kahit pa sinasagot ni Moymoy ang mga tanong nito, mayamaya lamang ay makakalimutan na naman nito ang isinagot niya, at tanong na naman ito nang tanong sa kanya. Hanggang sa isang umaga, nagising si Moymoy na itinataboy siya ni Lolo Turing at sinabing hindi siya kilala nito.
Naging ulyanin na si Lolo Turing.
At lalong nabahala si Moymoy nang wala man lang sulat na dumarating mula kay Tracy sa Singapore. Lumipas ang anim na buwan, at walang pasabi si Tracy kung siya ay babalik na, tulad ng kanyang ipinangako. Hanggang isang araw ay napadalaw si Bella sa kanila. Si Bella ang nakatatandang kapatid ni Tracy. Nabigla siya sa sinabi ni Moymoy na ni minsan ay hindi sumulat ang kanyang nanay, at lampas na ang anim na buwan ay hindi pa rin ito umuuwi.
At lalong naguluhan ang isip ni Bella nang makita ang kalagayan ng kanilang Lolo Turing, tila wala sa sarili dahil sa lumalalang pagkaulyanin. Nagpasya si Bella na doon muna tumira kina Moymoy, upang bantayan ang matanda at maghintay ng anumang balita mula kay Tracy. Nagtaka naman si Moymoy sa pakikitungo ng kanyang Tita Bella sa kanya. Kung ano ang init ng pagmamahal na kanyang naramdaman mula sa kanyang nanay, ganoon kalamig naman ang pagtrato sa kanya ng tiyahin.
Maraming sinulatan at tinawagan si Bella sa mga kakilala niyang nagtatrabaho din sa Singapore kung may balita sila tungkol sa kalagayan o kinaroroonan ng kanyang kapatid.
Hanggang sa, gamit ang kaunting naipon, nagtungo si Bella sa Singapore upang hanapin si Tracy, ngunit walang makapagsabi sa kanya, maging ang dating employer nito, kung nasaan o kung ano na nga ba ang nangyari sa kanyang kapatid. Bigong bumalik si Bella sa Pilipinas, at nagsimulang tumira sa bahay na may isang ulyaning matanda at isang batang hindi niya alam kung saan nga ba nagmula.
Biglang nag-iba ang paningin ni Moymoy sa mundo. Kung noon ay magaan lamang sa kanya ang lahat kahit nawala sina Tracy, Edcel, at maging si Lolo Turing, ngayon niya naranasan kung papaano ang mahirapan sa piling ng isang katulad ni Bella. Lagi itong nakasigaw sa kanya. At madalas siyang sinasaktan kapag hindi siya sumusunod sa mga iniuutos nito.
Minsan, ipinapatapon ni Bella kay Moymoy ang isang arenola ng dumi ni Lolo Turing sa inidoro. Pero dahil pagod na pagod siMoymoy sa mga iniuutos nito sa kanya ay nakatulog siya. Nang hindi magising sa walang patid na pagtawag ni Bella, sinigawan siya nito at sinipa pa sa tagiliran. Hindi pa nakontento si Bella, hinila nito ang kanyang patilya. Kahit nagsisisigaw na si Moymoy sa sakit ay ipinagpatuloy pa ito ni Bella. Halos umangat na ang paa ni Moymoy habang hila-hila ni Bella ang patilya niya.
Hindi na nakapagtimpi si Moymoy. Hindi lamang pag-aray ang kanyang naisigaw. “Taaamaaa naaa!!!”
Lumundag ang alagang pusa ni Moymoy na si Spagahetti at kinalmot ang leeg ni Bella. Hindi matiis ni Spaghetti ang ginagawa kay Moymoy ng tiyahin. Bigla ay hinablot ni Bella ang pusa at sinakal ito.
“Walanghiya ka! Walanghiya kang pusa ka!” Nanggigigil at nanggagalaiti sa galit si Bella.
Kayang tiisin ni Moymoy ang ginagawa sa kanya ng kanyang Tita Bella pero ang masaktan si Spaghetti ay hindi niya kaya. Dumating sa pinakasukdulan ang galit ni Moymoy. May kakaiba siyang naramdaman sa kanyang sarili—parang lumalaki ang kanyang ulo. Nag-iiba ang kanyang anyo—mistulang nagiging hayop! Nabitiwan ni Bella si Spaghetti sa pagkagulat.
Naging tigre ang hitsura ni Moymoy na handang umatake kay Bella. Hindi makapaniwala si Bella sa kanyang nakikita hanggang sa siya ay himatayin.
Ang ulyaning si Lolo Turing, humalakhak pa nang makitang lumalaki at nagiging tigre si Moymoy.
Pero si Spaghetti, hindi siya nagulat sa pag-iibang-anyo ni Moymoy.