noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 11

Ch. 11 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 11

N ANG bumalik sa S ibol si Liliw, matagal bago siya nakatulog sa kanyang silid; iniisip niya ang anak na si Moymoy. Sa kanyang pagninilay-nilay ay hindi niya namalayang nakatulog siya. Pero pagkaraan ng ilang sandali, mula sa bintana ay dumampi ang malamig na hangin kaya biglang nagmulat ang kanyang mga mata. Napaisip siyang muli sa mga nangyayari... ang pagdating ng anak na si Moymoy sa Gabun. Napangiti siya saglit at hindi naiwasang manariwa ang nakaraan.

“Ronado…” hindi namalayang bulong ni Liliw.

Muling ipinikit ni Liliw ang mga mata at nanariwa ang nakalipas…

HUMAHANGOS na lumabas ng palasyo si Liliw, naririnig niya sa kanyang isipan ang pagbulong na iyon ni Ronado—mga daing. Sa hardin ay hinanap niya kung nasaan ang pinakamamahal na si Ronado kahit na sinasabi ng kanyang dibdib at isipan na wala naman ito roon.

“Ronado?” naibulong ni Liliw. Marahan niyang ipinikit ang mga mata at narinig sa kanyang isipan ang tinig ni Ronado.

“Liliw! Liliw...”

“Ronado, mahal ko. Ano’ng nangyayari sa `yo?”

“Tulungan mo ako, mahal ko…”

Nag-aalalang iminulat ni Liliw ang mga mata. Pumikit siyang muli at bigla ay nagbago ang kanyang kulay—nabalutan ang kanyang katawan ng puting-puting usok. Sa kanyang isipan ay nakita niya na nag-aagaw-buhay si Ronado sa pinto ng Panalturan. Bigla niyang iminulat ang mga mata at kasabay niyon ay naglaho ang usok na bumabalot sa kanyang katawan.

Biglang lumitaw ang puting pakpak ni Liliw sa kanyang likuran at lumipad siya patungo sa Panalturan.

Pagdating ni Liliw sa Panalturan ay natagpuan niya si Ronado na nag-aagaw-buhay habang pinalilibutan ng mga pangkat niyang tibaro na hindi malaman ang gagawin sa nangyayari sa kanilang pinunong mandirigma. Hangos na dumalo si Liliw sa kasintahan.

“Ronado!”

Hindi makapagsalita si Ronado dahil nagdurugo ang kanyang leeg. Sa isipan ni Liliw ay nalalaman niya ang gustong sabihin ni Ronado.

“Liliw, mamamatay na `ko…”

“Hindi, Ronado, hindi maaari. Isa kang mahusay at malakas na mandirigma.”

“Mahal ko, totoong mamamatay na `ko… Kamagong…”

Nanlaki ang mga mata ni Liliw. “Kamagong?!”

“Oo, si Buhawan, muling nilusob ang Panalturan. Tinarakan niya ng kamagong ang aking leeg. Natitiyak kong mamamatay na `ko…” Pilit pinalalabas ni Ronado ang mga salita sa kanyang bibig pero walang lumalabas doon.

“Uubusin niya ang mga Ginto ng Buhay. Mahal ko… kailangan mong ilayo ang Panalturan sa kanila. Kailangan…”

Tumingin si Ronado sa napakalaking pinto ng Panalturan na nananatiling nakapinid. “Hindi siya nakapasok, mahal ko. Hindi nagawang pasukin ni Buhawan ang pinto. Umalis siyang sugatan.” Ipinakita ni Ronado ang kanyang espada. Marahan ay inilabas ni Ronado ang susi ng pinto ng Panalturan mula sa kasuotan. “Tunawin mo ito. Tunawin mo…”

“Ibinuwis mo ang iyong buhay upang hindi makapasok si Buhawan sa Panalturan…”

Sa mga matang puno ng mga luha ay tiningnan ni Liliw ang susi at unti-unti itong natunaw.

“Hindi titigil si Buhawan,” pagpapatuloy ng daloy ng isipan ni Ronado.

“Ronado, nagbunga ang pagmamahalan natin. Gusto ko sanang ibalita sa `yo ito…” Hindi na nakaapuhap si Liliw ng kanyang susunod na sasabihin—tiningnan ang kabuuan ng mukha ni Ronado. “Mahal kita, Ronado… Mahal na mahal…”

Marahang hinawakan ni Ronado ang tiyan ni Liliw at mapait na ngumiti. “Kahit papaano’y may iiwan akong alaala sa `yo. Huwag mo siyang pababayaan. Liliw, ilayo mo ang Panalturan sa lugar na ito. Ilayo mo kundi’y tuluyang mapapahamak ang buong Gabun. Gamitin mo ang iyong diwani. Nakikiusap ako sa `yo… nakikiusap ako sa `yo…”

Bigla’y nakadama ng matinding sakit si Ronado. Sa kanyang leeg ay bumulwak ang maraming dugo—pulang-pulang dugo. At pagkaraan lamang ng ilang saglit, namutla ang walang buhay na katawan ni Ronado.

Walang tigil sa pag-iyak si Liliw habang pinagmamasdan ang bangkay ni Ronado. At pagkaraan ng ilang saglit ay nakita ni Liliw at ng lahat ng tibaro ang kaluluwa ni Ronado na waring usok na lumabas sa kanyang noo.

“Ronado…” Walang tigil sa pag-iyak si Liliw na pinagmamasdan ang kaluluwa ni Ronado na naglalaho at sumasanib sa hangin.

SA HARAP ng bangkay ni Ronado, napaurong si Liliw at tiningnan ang pangkat ng mandirigma. Puno ng lungkot ang mga mata ni Liliw habang tinitingnan ang mga ito.

“Umalis na kayo rito,” utos ni Liliw sa mga tibaro.

Nag-alisan ang mga tibaro; ang mga aswang ay nag-iba ng anyo. Sila ay nag-anyong iba’t ibang ibon at nagliparan palayo. Ang mga manananggal naman ay humiwalay sa kani-kanilang tibalok, binitbit ang mga ito at sila ay nagliparan palayo sa Panalturan. Nang makaalis na ang pangkat ni Ronado ay pinalitaw ni Liliw ang kanyang mga pakpak at lumipad siya sa himpapawid. Itinaas niya ang mga kamay at mula sa kanyang mga palad ay may lumitaw na liwanag—itinapat sa kinaroroonan ng Panalturan. Nang makarating ang liwanag sa Panalturan ay dahan-dahang nagbitak-bitak ang lupa nito na naging mga isla. Sa isang maliit na isla ay nanatili ang Panalturan. Humiwalay ito sa iba pang mga isla hanggang sa hindi na ito matanaw mula sa kalawakan.

Pagkaraan ng ilang saglit, ang liwanag na nagmumula sa mga isla ay bumalik sa mga palad ni Liliw—at dito ay dumikit ang animo’y larawan ng mga isla, kasama ang isla na kinaroroonan ng Panalturan. Dumikit sa kanyang mga palad ang mapa ng Panalturan!

SA HIMPABULAN ay nasa gitna ng bulwagan si Liliw habang nililitis siya ng mga kapwa Apo. Ang Himpabulan ay ang pinakamahalagang bahagi ng palasyo ng Sibol Encantada dahil dito nagtitipon ang lahat ng mga Apo at dito nila nakakausap ang kanilang ama—ang dakilang may likha ng lahat—ang Amang Bathala.

“Hindi n’yo ito maaaring gawin sa akin. Isa akong Apo na kagaya ninyo.” May galit at hinanakit ang tinig ni Liliw.

“Nilabag mo ang Liya nating mga Apo. Mahigpit na ipinagbabawal ang makipag-ugnayan sa isang tibaro,” sagot ni Marino.

“At ngayon ay buntis ka pa—nagbunga ang paglabag mo sa batas.” Si Ilawi ang sumunod na nagsalita.

“Kapatid kong Liliw, bakit mo ito ginawa?” tanong ni Amihan.

Napalunok si Liliw, hindi sinagot ang tanong ni Amihan. “Anong kaparusahan ang ipapataw ninyo sa akin, mga kapatid kong Apo?”

Mula sa mataas na kisame ng bulwagan ng Himpabulan ay natigilan ang mga Apo sa paglitaw ng kulay-puting mukha ni Amang Bathala na umaalon-alon. Patuloy na umaalon-alon ang puting mukha nito hanggang sa ito ay higit na luminaw—naging buo ang mukha ni Amang Bathala.

“Mga anak ko—ikinalulungkot ko ang nangyari…”

Malaki ang boses ni Amang Bathala pero malamig iyon at may kapangyarihang madarama sa bawat bitiw ng kanyang mga salita.

“Ama!” Hindi maiwasan ni Liliw na banggitin at tawagin ang kanyang ama. Ang kanyang tinig ay humihingi ng saklolo.

“Anak ko, malaki ang kasalanan na iyong ginawa. Nalalaman mo na ako at kayong mga Apo ang sinasamba at tayo ang makapangyarihan sa buong Gabun. Paano ito nangyari?”

Dinugtungan ni Marino ang sinabing iyon ni Amang Bathala kay Liliw. “Paanong nangyaring umibig ka? Wala sa kamalayan natin ang umibig at makipagniig. Ang puso nati’y walang kakayahang umibig. `Yan ang ibig tukuyin ni Amang Bathala.”

“Hindi ko alam, naramdaman ko na lamang kay Ronado ang sinasabi nilang pag-ibig.” Mabilis na sumagot si Liliw na parang hinayaan ang ano mang lalabas sa kanyang bibig.

“Kailangan kang maparusahan. Hindi ka dapat gayahin ng iba pang mga kapatid mong mga Apo…”

Katahimikan ang sumunod na naghari habang hinihintay ng mga Apo ang sasabihin pa ni Amang Bathala.

“Kailangan mong umalis ng palasyo. Sa iyo ko iiwan ang kapasyahan kung ano ang iyong balak sa iyong anak na nasa iyong sinapupunan. Bilang parusa, tinatanggalan kita ng karapatan na gamitin ang iyong diwani.”

Habang pinakikinggan ang mga salitang iyon na nagmumula sa Amang Bathala ay malayang dumaloy ang luha sa mga mata ni Liliw.

“Liliw, hindi kaila sa iyo, nalalaman mo ang kahihinatnan ng iyong anak oras na iluwal mo ito mula sa iyong sinapupunan…”

Mistulang alingawngaw na narinig pang muli ni Liliw ang mga huling salitang iyon ni Amang Bathala.

Nang malaman niya ang pasya ni Amang Bathala ay tahimik na lumabas ng palasyo si Liliw—tinanggap niya nang buong-buo sa kanyang dibdib ang parusa. Lumabas siya sa palasyo na walang ibang dala kundi ang bunga ng pag-ibig niya kay Ronado.

NANATILING bukas ang mga mata ni Liliw habang naaalala niya ang nakaraan—ang kinahinatnan ng pag-ibig niya kay Ronado.

Liliw, hindi kaila sa iyo, nalalaman mo ang kahihinatnan ng iyong anak oras na iluwal mo ito mula sa iyong sinapupunan…

Sa kanyang silid, nanatiling bukas ang diwa ni Liliw. Binabalikan, inaalala ang nangyari sa kanya nang lisanin ang palasyo ng Sibol Encantada bilang ordinaryong nilalang—walang kapangyarihan at walang diwani.

SA ISANG isla ng Gabun na tinatawag na Dakula ay tumigil ang bangkang sinasakyan ni Liliw. Doon ay sinalubong siya ng kumpol-kumpol na mga duwende. Sa dalampasigan na kanyang binabaan ay nakita niya ang komunidad ng mga duwende. Naglakad siya sa kahabaan ng isang palengke na may iba’t ibang paninda—mga pagkain, damit, at mga kasangkapan sa bahay. Sarisaring mga tibaro ang kanyang nakita. Halos lahat ng iba’t bang tibaro ay naririto na maliban sa mga aswang at manananggal. May iilang mga kapre, tikbalang, ekek (mistulang mga ibon ang kanilang mga mukha at may mga pakpak pero ang katawan ay kagaya ng isang tao) at mga mangkukulam na karaniwan ay nagbebenta ng mga pagkain mula sa kanilang mga kawa. Ang iba sa tibarong naroroon ay namamasyal at namimili. Karamihan sa mga tibaro ay napapatabi sa dinaraanan ni Liliw, kasabay niyon ay pinagbubulungan siya dahil siya lamang ang naiiba sa kanila.

ILANG araw na naglakbay sa gubat si Liliw upang makakita ng matitirhan. Nabuhay lamang siya sa mga prutas ng mga punongkahoy at sa mga isdang nahuhuli niya sa mga ilog. Sa hirap na dinaranas ay may pagkakataong natutukso siyang gamitin ang kanyang diwani pero dahil sa parusang iginawad sa kanya ng Amang Bathala ay hindi niya iyon magamit. Hindi naglaon ay nakakita siya ng masisilungan nang makita niya ang isang kuweba na tinitirhan ng mag-asawang nuno. Sa loob nito, nakita niyang nakaupo ang dalawa sa kanilang punso. Mahaba ang balbas ng lalaki. Ang babaeng nuno naman ay mahaba ang buhok. Pareho silang may matutulis na tainga, may malalaking ilong, at makakapal na labi. Mahigit sa dalawang talampakan lamang ang kanilang laki.

“Ano’ng ginagawa mo rito sa isla Dakula?”

“Isa ka bang diwata? Aswang ka ba? Manananggal?”

“Tagasaan ka? Sa Malasimbo? Sa Dalumdum? Kagaya mo rin ba kaming mga nuno?”

“Kung hindi ka diwata, at hindi ka rin manananggal o aswang, eh, ano ka? Ekek, wakwak?”

Sunod-sunod ang tanong ng mag-asawang nuno sa kanya. Hindi malaman ni Liliw ang isasagot sa mga ito. “Huwag kayong matakot sa akin. Isa akong kaibigan,” malumanay na sagot ni Liliw sa mag-asawang nuno.

Napatigil ang mga nuno. Sa mukha ng mga ito ay nararamdaman ni Liliw na naniniwala ang mga ito sa kanya. Pero lalo siyang natigilan nang may mapansin siyang kakaiba sa mag-asawa. Idinaan niya ang palad sa mga mata ng mga ito na nakatitig lamang sa iisang direksiyon. Sila’y mga bulag. Lalo siyang napanganga, nakadama ng awa sa mag-asawang nuno. Kaya hindi na siya nagtaka sa mga sunod-sunod na tanong ng mga ito. Natukso siyang gamitin ang kanyang diwani upang makakita ang mag-asawa pero pinigilan niya ang kamay sa pagkumpas, bagkus ay sinabi na lamang niyang—“Tutulungan ko kayo sa paghahanap ng pagkain dito sa gubat. Hayaan n’yo lamang akong dito tumira sa inyong kuweba. Nakikiusap ako.”

At mula noon, sa kuwebang iyon tumira si Liliw kasama ang mag-asawang nuno at doon ay nabuhay siya nang napakasimple. Mga pagkain na nagmumula sa gubat at mga isda sa ilog ang kinakain niya. Kung minsan ay natutukso siyang gamitin ang kanyang diwani para madali niyang magawa ang mga bagay na napakahirap pero hindi niya iyon ginawa dahil nanatili siyang tapat sa parusang iginawad sa kanya ng mga Apo ng Sibol at ng Amang Bathala.

Lumipas ang mga araw at nasanay si Liliw na mamuhay nang hindi ginagamit ang kanyang diwani. Samantala, unti-unti ring lumalaki ang kanyang tiyan. Tinulungan siya ng mag-asawang nuno sa kanyang mga pangangailangan sa kanyang ipinagbubuntis gaya ng pagtatahi ng mga damit para sa magiging anak at paghahanap ng prutas sa gubat na kanyang kinakain.

Isang umaga habang nagluluto si Liliw sa loob ng kusina ng kuweba ay nagulat siya sa pagdating ng isang pamliyar na mukha—si Montar.

“Ano’ng ginagawa mo dito, Montar?” May talim ang tanong ni Liliw na parang sa kanya ibinunton ang hinanakit sa mga Apo.

“Napag-utusan lamang ako, mahal kong Diyosa.”

“Napag-utusan? Ano, para siguruhing mabuti na nahihirapan ako?”

“Gusto ka lamang kumustahin ng iyong mga kapatid, mahal kong Diyosa.”

“Kumustahin? Hindi ba nila nararamdaman ang kalagayan ko—isang Apo na may kapangyarihan pero hindi nagagamit?”

“Mahal kong Diyosa, hindi ka nila nakikita kung saan ka man naroroon. Baka nakakalimutan mo na walang kapangyarihan ang Apo sa kapwa Apo, hindi ba?”

Natigilan si Liliw dahil ngayon lamang niya naalala—na hindi siya nakikita ng mga kapwa Apo—kung ano’ng paghihirap ang dinaranas niya.

“Kaya pinapunta nila ako rito upang kumustahin ka. Mahal na Diyosa, nang lisanin mo ang palasyo ng Sibol, lahat ng iyong mga kapatid ay nahihirapan din sa sinasapit mo ngayon.”

Malugod na niyakap ni Liliw si Montar. “Montar, nahihirapan ako rito pero `di na bale, malalampasan ko rin ito. Alang-alang sa pagmamahalan namin ni Ronado…”

“Mahal kong Diyosa…” Marahang bumitiw si Montar sa pagkakayakap sa kanya ni Liliw. “Higit akong nag-alala sa iyong magiging anak. Hindi mo maaaring makasama ang iyong magiging anak, hindi ba? May dugong tibaro ang sanggol na nasa sinapupunan mo. Nalalaman mo ang nakasaad sa Liya ng mga Apo na kapag ang isang Apo ay nagkaanak sa isang tibaro—”

“Maaaring mamatay ang aking anak sa aking piling?”

Tumango si Montar. “Oo, mahal na Diyosa. Kapag siya’y hinawakan mo at tinitigan, maglalaho siya—mamamatay…”

“Pagdating ng araw ng aking panganganak, kailangang naririto ka, samahan mo ako Montar…” May pagmamakaawa ang tinig ni Liliw.

Marahang tumango si Montar.

AT DUMATING ang araw ng panganganak ni Liliw. Sapo ang kanyang tiyan na lumabas sa kuweba, tumingala siya sa kalangitan at nakita niyang sumisilip ang buwan sa makakapal na mga sanga at dahon ng mga punongkahoy.

“Ahhh.” Dumaing si Liliw sa sakit na naramdaman.

Patuloy siyang naglakad palayo sa kuweba, sapo ang kanyang tiyan, minabuting gawin ito upang hindi malaman ng mag-asawang nuno ang kanyang panganganak. Patuloy siyang naglakad hanggang sa namalayan niyang unti-unting nagdidilim nang tuluyan ang kagubatan.

“Montar… Nasaan ka… Kailangan kita… Montar…” Ang tahimik na pagsambit at pagtawag ni Liliw kay Montar na sa mga sandaling iyon ay para na ring sigaw ng paghingi ng saklolo.

“Tulungan mo `ko, Montar…”

Sa ilalim ng isang malaking puno ay napaupo si Liliw sapo ang kanyang malaking tiyan. Sa ilang saglit lamang ay napanganga siya at tumingala muli sa kalangitan. Gusto niyang sumigaw sa sakit. Pagkatapos ay kinagat ang kanyang mga labi hanggang sa tumulo ang dugo roon. At pagkaraan ng ilang saglit ay naramdaman niya sa bandang ibaba ng kanyang katawan ang isang bagay na lumalabas—hanggang may narinig siyang iyak ng isang sanggol.

“Mahal kong Diyosa!”

Nang buksan ni Liliw ang kanyang mga mata, nakita niyang nakatayo sa kanyang harap si Montar.

“Ang aking anak. Ang aking anak. Ilayo mo siya!”

Kasabay niyon ay pumikit si Liliw upang hindi masilayan ang kanyang anak. Hindi rin niya hinawakan iyon. Marahang binuhat ni Montar ang sanggol na umiiyak sa gitna ng nakasalampak na mga hita ni Liliw. Kasabay niyon ay kinagat nito ang pusod ng sanggol upang mahiwalay kay Liliw.

“Saan mo siya dadalhin?” tanong ni Liliw kay Montar na habol pa rin ang paghinga at nanatiling nakapikit.

“Sa Amalao, `yon lamang ang tanging lugar na alam kong ligtas siya. Walang nakakakilala sa kanya doon…”

Akmang hahakbang na sana si Montar upang umalis nang makita ang guhit sa dibdib ng sanggol. “Mahal kong Diyosa, ano itong nasa dibdib ng iyong sanggol? Mapa!”

“Ang mapa ng Panalturan… Walang dudang anak ko siya. Nasa kanya rin ang mapa. Inutusan ako ni Ronado na itago ang kinaroroonan ng Panalturan. Nasa akin ang mapa nito at mayroon din ang aking anak… Palatandaan `yan na siya ay anak ko at anak din ni Ronado. Ipangako mo sa akin, lagi mo siyang babantayan sa Amalao. Ilayo mo siya sa kapahamakan, lalong-lalo na kay Buhawan…”

At napansin ni Montar na unti-unting naglaho ang mapa at naging mistulang marka na lamang ito na kulay-abo.

Pagkaraan ng ilang saglit ay humakbang palayo si Montar kalong ang sanggol pero—

“Montar!”

“Bakit, mahal na Diyosa?”

“Ang palad ng aking anak…”

Nanatiling nakapikit ang mga mata ni Liliw; itinaas niyang bahagya ang kamay at ginamit ang diwani—may liwanag na nagmula sa kanyang palad na nagtungo sa kanang palad ng sanggol. May inilagay siyang kulay-abuhing marka sa palad ng sanggol.

“Ano ito, mahal na Diyosa?”

“Diwani. Anak siya ng isang Apo. Kailangan `yan ng aking anak para ipagtanggol ang kanyang sarili.”

Hindi nagsayang ng panahon si Montar. Pumasok siya sa malaking puno ng akasya upang magtungo sa Amalao. Pero kasabay niyon, bago pa man nakahinga nang malalim si Liliw sa kanyang panganganak ay may naramdaman siyang kakaibang sakit sa kanyang sinapupunan; naramdaman niyang may lumalabas na isa pang bagay na nagmumula roon. Nagulat siya nang isa pang sanggol ang lumabas mula sa kanya! Dagli niyang ipinikit ang mga mata.

“Ahh…”

Pinunit ni Liliw ang laylayan ng kanyang damit at tinakpan ang sanggol. Nanatili siyang nakapikit pero hindi nakatakas sa kanyang miminsang pagsulyap ang nakaguhit na mapa sa dibdib ng kanyang supling. Patuloy sa pag-iyak ang sanggol. Ang iyak nito’y mistulang musikang ayaw niyang patigilin na kasabay niyon ay ang paghingi niya ng saklolo. Iniwasan niya itong hawakan. Nanatili pa rin siyang nakapikit.

Natigilan siya nang maramdaman ang biglang paghablot sa sanggol. Nagimbal siya nang makitang kinakaladkad at tangay-tangay na ng isang dambuhalang baboy-ramo ang kanyang anak!

Halos hindi namamalayan ni Liliw, nakatakbo na pala siya upang habulin ang hayop na tumangay sa kanyang anak. Tumakbo siya nang tumakbo, tugis ang baboy-ramo na mabilis nang nakaakyat sa isang burol. Nanlaki ang mga mata ni Liliw nang makitang wala na sa bibig ng dambuhalang hayop ang anak!

Napaupo si Liliw sa lupa, parang may batong dumagan sa kanyang dibdib, lalo pang nanlaki ang mga mata nang makita ang duguang kapirasong tela na ginawang pantakip sa kanyang anak. Nanginginig siya nang hawakan ang kapirasong telang pinunit sa laylayan. Pinagmasdan ni Liliw ang dugo sa tela. Lalo pang nanlaki ang kanyang mga mata, kasabay ang paghingal. Hindi na niya nagawa pang umiyak dahil nawalan na siya ng malay.

BIGLANG bumukas ang mga mata ni Liliw sa kanyang pagkakatulog. Ang totoo’y gising ang kanyang diwa. Lagi siyang ganito; nagsusumiksik sa kanyang isipan at puso ang mga pangyayaring hinding-hindi niya nakakalimutan…

Napatingin si Liliw sa mga palad. Pagkaraan ng ilang saglit, nagningning ang mga mata ni Liliw at nagkaroon ng liwanag. Ang liwanag ay nagtungo sa mga palad. Sa kanyang mga palad ay marahang lumitaw ang mapa ng Panalturan. Napangiti si Liliw. Ito ang namana ninyo sa amin ni Ronado, aking mga anak. Oo, kalahati lamang ang na kay Moymoy. Ang isa ay nasa namatay kong anak. Kaya kahit kailan ay hindi makakatuntong kahit na sino pa sa Panalturan dahil nasa akin ang buong mapa…

Unti-unting naglaho ang ilaw sa mga mata ni Liliw, kasabay niyon ay unti-unti ring naglaho ang mapa sa kanyang palad…