Kabanata 31
N ASA loob ng kuwarto si Liliw, nakahiga hanggang sa unti-unti siyang nakatulog. Lumipas ang ilang sandali, mistulang sumasagi sa kanyang isipan ang isang pangyayari—napapanaginipan ang labanan ng mga anak na sina Moymoy at Alangkaw.
Mula sa tuktok ng mataas na bundok, nakatayo si Liliw at nakikita ang naglalabang mga anak sa himpapawid. Iba-ibang klaseng anapaya ang kanilang ginagawa—kung ano-anong mga hayop na malahalimaw na nilalang ang kanilang mga anyo na pinagpapalit-palit sa himpapawid. Naroong lumipad-lipad sila at magtungo sa lupa at maglalaban. Ang mga tibaro sa Malasimbo at Dalumdum ay nanonood lamang sa kanila—hinihintay kung sino kina Moymoy at Alangkaw ang magwawagi.
Hindi malaman ni Liliw ang gagawin habang pinagmamasdan ang mga anak. Nakita niyang duguan na ang magkapatid at pawang lupaypay na sa kalawakan pero patuloy pa rin ang kanilang labanan. At nang dumating ang puntong hindi na niya nakayanan ang nakikita ay bigla niyang pinalitaw ang kanyang mga pakpak at lumipad sa kinaroroonan nina Moymoy at Alangkaw.
“Mga anak, tama na!”
Parang walang narinig sina Moymoy at Alangkaw—ipinagpatuloy ang labanan.
Nadudurog ang puso ni Liliw habang pinapanood ang mga anak na nag-aaway at naglalaban! Kitang-kita niya ang mga dugo sa katawan ng mga ito. Napapikit siya nang kagatin ng matatalim na pangil ni Alangkaw si Moymoy. Gumanti si Moymoy at halos mawarak ang katawan ni Alangkaw.
“Tama na! Ako ang inyong ina, hindi ba kayo titigil?”
Napabaling ang tingin nina Moymoy at Alangkaw kay Liliw. Biglang lumapit ang mga ito sa kanya, kasabay niyon ay nagpalit sila ng anyo—sa tunay nilang anyo.
“Mga anak, hindi ko kayo isinilang para magkaganito! Tama na ang pag-aaway. Dapat ay magmahalan kayo!” Hindi napigilan ni Liliw ang kanyang pagluha.
“Hah, wala akong ina! Wala akong nakamulatang ina! Si Buhawan lang ang magulang ko!” sagot ni Alangkaw.
“Sino ka? Bakit n’yo ako dinala rito sa Gabun? Isang buntawi ang nanay ko at hindi ikaw dahil hindi ikaw ang nag-alaga at nagpalaki sa akin!” sagot naman ni Moymoy.
Pinagmasdang mabuti ni Liliw ang mga anak, hindi malaman ang sasabihin habang patuloy ang pagluha.
Sa isipan niya ay humihingi siya ng tawad pero hindi ito lumalabas sa kanyang bibig. Hanggang sa isang saglit ay nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang unti-unting nag-iiba ang kulay nina Moymoy at Alangkaw. Nagiging kulay-puti ang kanilang kabuuan at hindi sila gumagalaw—mistulang naging estatwa at pagkatapos, sila ay naging hangin na kulay-pula na nahalinhan ng kulay-puti. Unti-unti ay umakyat ang malausok na katauhan nina Moymoy at Alangkaw sa kalawakan.
“Moymoy! Alangkaw! Mga anak ko!”
Lumipad si Liliw—hinabol niya ang mga anak na paakyat sa himpapawid. Sa unang pagkakataon ay may naramdamang pagod si Liliw; nanikip ang kanyang dibdib. Hanggang sa pag-akyat ay hindi na niya makita pa ang mga anak. Luminga-linga siya sa mataas na bahagi ng kalawakan pero wala siyang nakikita—walang hangganan ang kanyang nakikita. Hanggang sa nararamdaman niyang unti-unti siyang nahuhulog—ang kanyang pakpak ay unti-unting nalalagas.
Biglang napabalikwas si Liliw. Humingal saglit, napahawak sa kanyang dibdib. Sa kanyang harap ay may nakita siyang isang pamilyar na anyo. “Ama—Amang Bathala!”
Marahan, ang kabuuan ni Amang Bathala ay unti-unting nawawala sa paningin ni Liliw.
“LILIW, HUWAG MABAHALA. SA DAKONG HULI, KABUTIHAN ANG MAMAMAYANI…”
Ito ang natanim sa kanyang diwa na waring sinasabi ni Amang Bathala sa malamig Niyang tinig.