Kabanata 27
N ANGGIGIGIL si Alangkaw dahil habang nagtatagal ay lalong humuhusay si Moymoy sa labanan at bihira nitong tamaan. Lalo pa nitong ikinagulat ang paglubog ni Moymoy sa dagat at kasabay niyon ay naging isa siyang higanteng ahas. Nag-ibang anyo si Alangkaw, yaong palaging anyo nito—matikas na lalaki na may kulay-itim na balat kaya lamang ay may malalaking pakpak upang manatili sa kalawakan.
Pagkaraan ng ilang saglit ay lumabas si Moymoy mula sa dagat bilang isa pa ring malaking ahas na dagling nagkaroon ng pakpak. Nagliparan sila ni Alangkaw sa kalawakan at buong bangis na lumabas ang kanilang mga pangil sa kanya-kanyang bibig. Tiningnang mabuti ni Moymoy si Alangkaw habang lilipad-lipad sa kalangitan. At nang maramdaman niyang lulusubin na siya ni Alangkaw ay bumalik siya sa tunay na anyo pero nanatili siya sa kalangitan sa pamamagitan ng mga pakpak.
Kailangan na niyang tapusin ang labanang ito, naisip niya. Pinagmasdan niya ang palad at muli sa kanyang balat ay dagling lumabas ang mahaba at matalas na espada. Iwinasiwas niya ito kay Alangkaw. Kumislap nang kumislap ang espada na kumukuha ng liwanag mula sa buwan.
Tulad ng inaasahan, mahusay umiwas si Alangkaw sa espada ni Moymoy. Pero pagkatapos ng ilang pagwasiwas ay tinamaan ang mukha ni Alangkaw. Biglang lumitaw ang tunay nitong anyo. Ikinagulat muli iyon ni Moymoy. Buong bangis niyang muling iwinasiwas ang kanyang espada, gustong makasiguro kung tama nga ang kanyang nakita—na kamukha nga niya ang kalaban—ang tinaguriang Anino ng Dalumdum. Tinamaan niya ng kanyang espada ang braso ni Alangkaw, at ito ay nanghina. Bumalik ang tunay na anyo nito. At sa panghihina nito, hindi na nagawang mag-anapaya pa, hanggang tuluyang bumulusok mula sa kalangitan. Hinabol siya ni Moymoy upang saluhin, pero sinikap ni Alangkaw na umiwas, ngunit wala na rin siyang magawa dala ng kanyang panghihina.
At si Moymoy, upang lubusang makumbinsi sa kanyang nakita ay inilapit sa tubig ng dagat si Alangkaw habang buhat-buhat niya ang katawan nito. Sa tubig ay naaninag nila ang tunay na anyo ni Alangkaw. Nagulat si Alangkaw nang makitang magkamukha sila ni Moymoy.
Ipinikit saglit ni Alangkaw ang mga mata, hindi makapaniwala. Muli itong dumilat pero ganoon pa rin ang nakikita nito sa tubig—magkamukha sila ni Moymoy! Napanganga ito at walang lumabas na salita sa kanyang bibig dala ng pagkagulat.
“Sino ka?! Sino ka?! Ikaw ba ang Anino ng Dalumdum?! Iyan ba ang iyong tunay na anyo?! Magkamukha tayo!” hindi makapaniwalang tanong ni Moymoy habang hawak-hawak ang lupaypay na katawan ni Alangkaw.
“Hindi..! Hindi..!” hiyaw ni Alangkaw sa nanghihinang boses.
“Puwes, ano ang tunay mong anyo?!” tanong ni Moymoy. “Kapag nanghihina tayong mga aswang at wala nang lakas lumaban, lumilitaw ang tunay nating anyo!”
Pinilit na kumawala ni Alangkaw kay Moymoy. Pinilit rin nitong mag-anapaya pero hindi nito magawa dala ng panghihina.
Hindi nagsayang ng panahon si Moymoy—bigla niyang nilakihan ang mga pakpak. Habang buhat-buhat si Alangkaw ay inilipad niya ito sa kalangitan. Inilipad niya ito nang inilipad hanggang halos mawalan na ito ng malay. Bumaling si Moymoy patungo sa tore ni Wayan. Doon, dagling binuksan ni Wayan ang bintanang rehas upang tuluyang makapasok si Moymoy. Buhat-buhat pa rin ang lupaypay na katawan ni Alangkaw. Dumapo si Moymoy sa loob ng kastilyo.
“Wayan, kamukha ko si Anino. Bakit?” Pinagmasdan ni Moymoy si Alangkaw at pagkatapos ay muling tiningnan si Wayan—naghahanap ng kasagutan.
“Moymoy, ang Anino ng Dalumdum ay iyong kapatid!” pahayag ni Montar na nang sandaling iyon ay kapapasok pa lamang sa loob ng tore.