noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 13

Ch. 13 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 13

North Forbes Park, Amalao

K ASALUKUYANG nasa loob ng kanyang mansiyon si Buhawan. Habang naglalakad-lakad sa pasilyo ay iniiba-iba niya ang anyo. Naroong nagiging isa siyang matandang babae, halimaw, aso, at bumabalik sa tunay na anyo. Pumasok siya sa isang pribadong kuwarto. Binuksan niya ang malaking kaha de yero. Naroon ang nakuha niyang mga Ginto ng Buhay. Marahan niyang kinuha ang isa. Sa isang kawa na puno ng tubig ay inilagay niya ang piraso ng Ginto ng Buhay. Ang tubig ay unti-unting tumigas at naging ginto. Natuwa si Buhawan.

Nagtungo si Buhawan sa study at tumawag sa telepono. “Bibilhin ko ang lahat ng shares ni Don Jaime. It is one of the biggest companies now, hindi ba?”

“May I know who’s on the line, please?”

“I’m Mister…” nag-isip ng bagong ipapangalan si Buhawan sa sarili. Nakita niya ang isang lumang diyaryo na nakapatong sa lamesita. Nakalagay doon ang ‘Ferdinand Marcos Declares Martial Law’. “Ferdinand. This is Ferdinand…”

“Ferdinand?” pagpapatuloy ng nasa linya.

Natuon naman ang pansin ni Buhawan sa isang travel book ng Brazil na nakasuksok sa isang shelf.

“Brazil! I’m Mr. Ferdinand Brazil, and I am buying the majority shares of Don Jaime. Please schedule a meeting with him anytime he wants. His own convenient time. Do you hear me?”

Pagkatapos niyon, ang matandang mukha ni Buhawan ay nag-iba. Naging isang guwapong lalaking nasa forties.

Ngumisi si Buhawan. Ferdinand Brazil… Nice name. Magandang pangalan para sa isang napakayamang nilalang.