noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 23

Ch. 23 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 23

“T ALASAN ang pag-iisip . Huwag mag-isip ng kahit na ano. Pag-aralang mabuti ang mga anyong iyong gagawin. Alin sa mga ito ang dapat gawin?”

Sumulyap si Ibalong Saryo sa iba’t ibang hugis na kanyang likha sa pagsasanay nito kay Moymoy. Iba’t ibang klaseng nilalang na hindi pangkaraniwan.

Biglang binuksan ni Moymoy ang kanyang mga mata. Napahingal siya. Pinagmasdan niya ang mga sugat sa katawan. Hinaplos niya ang malaking sugat sa noo na natatapalan ng dahon. Tumingin siya kay Montar na may tanong sa mukha.

“Bakit, Moymoy?” tanong ni Montar.

Huminga nang malalim si Moymoy. Dinama niya ang malamig na hanging nagmumula sa paligid. Pinagmasdan ang karagatan at ang pamayanan ng mga tibaro na nasa ibaba. Kaninang umaakyat sila sa burol na iyon ay hindi siya nagdalawang-isip nang sabihin ni Ibalong Saryo na kailangan niyang magsanay para malabanan ang mga rebelde, lalong-lalo na ang sinasabing halimaw ng Dalumdum na si Anino.

“Montar, iba ang nakikita ko tuwing ako ay pumipikit at nag-iisip. Nakikita ko ang mama ko, ang papa ko, ang lolo ko, ang bahay namin. Pati mga kaibigan ko. Pati ang Tita Bella ko.”

“Pero hindi sila ang tunay mong kamag-anak. Hindi sila ang tunay mong ina at ama. Hindi ka isang buntawi.”

“Naiintindihan ko ang nararamdaman mong iyan, Moymoy.”

Ang boses na iyon ay nagmula kay Ibalong Pura.

“Nagtungo ako rito upang ibahagi ang aking nalalaman sa anapaya. Tutulong ako kung hindi mo mamasamain, Ibalong Saryo. Tutulong ako, sa pagsasanay kay Moymoy…

“Wala na akong pamilya,” malungkot na pagpapatuloy ni Pura. Huminga ito nang malalim—pinakawalan ang hangin sa naninikip na dibdib. “Sa kagagawan ng Halimaw ng Dalumdum, nawalan ako ng pamilya. Kinain ko ang dalawa kong anak kagabi. Wala akong itinira. Pinagsaluhan namin silang dalawa ng aking asawa. At nang maubos namin sila, kaming mag-asawa… hindi namin napigilan ang gutom. Naglaban kami hanggang sa himpapawid. Dahil mas mahusay ako sa kanya sa anapaya ay ako ang kumain sa kanya. Kinagat ko muna ang kanyang leeg hanggang sa bumulwak ang dugo. Siniguro kong mamamatay siya kaagad at hindi na gaanong masasaktan bago ko siya kinain. Ngayon ay nag-iisa na lamang ako. Nakita ko nang buksan ng Anino ng Dalumdum isa-isa ang pinto ng aming mga bahay.”

Hindi nakapagsalita sina Ibalong Saryo at Montar sa narinig na iyon kay Ibalong Pura. Pagkaraan ng ilang saglit ay nagsalita si Montar. “Nalulungkot kami sa nangyari sa iyo, Ibalong Pura…”

“ Ibalong Pura,” wika ni Ibalong Saryo. “Kahit na sa anong panahon ay kailangan ang tulong mo, maipagtanggol lang ang kapakanan ng Malasimbo. Baka maubos tayong lahat.”

Pagkuwa’y ibinaling ni Ibalong Saryo ang tingin kay Moymoy. Bumulong siya habang tinititigan si Moymoy na nakaupo at nakayuko sa malaking tipak ng bato. Gustong malaman ng matandang ibalong kung ano ang nararamdaman ni Moymoy.

“Moymoy?”

Huminga nang malalim si Ibalong Saryo at tumingin sa kalangitan, dinama ang malamig na hanging habagat. “Gaya ni Pura, mahalaga sa ano mang nilalang ang pamilya. Nalalaman ko ang iyong gusto—gusto mong mabuo ang iyong pamilya, pero imposible sa iyong kalagayan.”

“Darating ang mama ko, hindi niya ako iiwan. Kaya babalik ako sa Amalao,” sagot ni Moymoy.

“Nalalaman kong napakahalaga ng mga buntawi na nagpalaki sa iyo at nag-aruga. Pero makakamit mo ba iyan kung pati ang mundong Amalao ay nanganganib din sa kamay ni Buhawan?”

Napaisip si Moymoy sa sinabi ng matandang ibalong.

“Kung gusto mo ng tahimik na buhay na kasama ang iyong ina sa Amalao, kailangan mong labanan ang kasamaan. At ikaw lamang ang may kakayahan, Moymoy—wala nang iba pa.”

“Ano’ng ibig mong sabihin, Ibalong?”

“Ikaw lang ang pag-asa naming mga tibaro. Ikaw ang makapagbibigay sa amin ng katahimikan—hindi lamang sa amin kundi pati na rin sa mga mahal mo sa buhay.”

Dinugtungan ni Montar ang sinabing iyon ni Ibalong Saryo. “Dahil kay Buhawan at sa mga rebelde ng Dalumdum ay nanganganib ang lahat—ang mga tibaro at ang mga buntawi. Ikaw lamang ang nakikita naming pag-asa, Moymoy—ang iyong diwani—ang iyong lakas at kapangyarihan. Totoo. Marami sa mga buntawi ang hindi naniniwalang may mga tibaro o lamang-lupa. Wala silang kamalay-malay na sa araw-araw nilang pamumuhay, may nakakasalamuha silang mga tibaro—na hindi buntawing kagaya nila.”

“Natatakot ako,” wika ni Moymoy.

Tinitigan nang diretso ni Montar si Moymoy, gustong ipaunawa ang bawat sasabihin niya rito.

“Ikaw lamang ang may kakayahang mag-anapaya nang walang humpay. Ikaw ang may higit na kakayahang supilin ang kasamaan ng Halimaw ng Dalumdum. May dugo kang Apo at ang iyong diwani ay may kapangyarihan na higit pa sa iyong inaakala. Kapag ganap kang natuto ng anapaya at ng paggamit mo nang tama sa iyong diwani, ang kakayahan namin ay walang sinabi.”

“Ang aking ina—sinasabi ninyong narito siya sa Gabun. Pero kahit kailan ay hindi ko siya nakikita. Nasaan ba siya? Kung totoong narito ang tunay kong nanay, bakit hindi siya nagpapakita?”

“Moymoy, dapat mo nang malaman ang katotohanan. Kapag nagkita kayo ng iyong ina—kapag nagtama ang inyong mga mata at ikaw ay kanyang hinawakan, ikaw ay mamamatay.” Malungkot ang tinig na iyon ni Montar.

Nang mapansin ni Montar na hindi lubusang naintindihan ni Moymoy ang kanyang sinabi ay lumapit siya at tiningnan ito nang diretso, sinigurong maiintindihan ang kanyang sasabihin. “Moymoy, iyon ang nasa Liya ng mga Apo. Naroon ang mga tama at mali—mga tungkulin, patakaran at alituntunin ng mga Apo. Ang Liya ng mga Apo ay likas na batas. Para mo na ring tinanong kung bakit madilim ang gabi at may liwanag sa araw. Sa mga Apo, kapag nakipag-ugnayan ang sino man sa kanila sa isang tibaro, ang magiging supling nila ay mamamatay—gaya mo na isinilang dahil lumabag ang iyong ina sa kanilang Liya.”

Napaisip si Moymoy sa kanyang narinig mula kay Montar.

“Mahal na mahal ka ng iyong ina—si Diyosang Liliw,” diin ni Montar.

Huminga nang malalim si Moymoy. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. May katahimikang naghari nang mga sandaling iyon; tanging ang malamig na hanging-habagat na dumadampi sa kanilang mga mukha ang maririnig.

Si Montar ang bumasag sa katahimikan. “Hindi lamang ang mga tibaro ang mapapahamak kung hindi ka papayag na tumulong na supilin ang kasamaan ng Dalumdum, kundi pati na ang mga Apo at kasama ang iyong ina.”

Napahinga si Moymoy at ibinaling ang tingin sa mga kausap. “Sige, papayag ako na magsanay.”

Natuwa sina Montar, Ibalong Pura, at Ibalong Saryo sa naging sagot ni Moymoy.

Sa kabilang banda, batid ni Montar na gustong-gusto ni Moymoy na makita ang kanyang tunay na ina, pero sinikil na lamang niya sa kanyang isipan ang nais sabihin— Magiging mahusay kang mandirigma, Moymoy. Pero ang kagustuhang makita mo ang iyong ina ay hindi kailanman matutupad.