noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 29

Ch. 29 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 29

“N ALALAMAN mo ang sadya ko rito, Wayan.” Nanatiling nakaumang ang matulis na kamagong sa leeg ni Wayan.

Kinaladkad ni Buhawan si Wayan patungo sa Kawa na umuusok. Ang lahat ay nakatitig at waring napako sa kanilang pagkakatayo.

“Ang mapa… ang mapa ng pinto ng Panalturan, kailangan ko!” mabalasik ang tinig ni Buhawan.

Pinagmasdan ni Wayan si Moymoy na nasa harap niya sa di-kalayuan, katabi si Alangkaw.

“Gawin mo ang ipinagagawa ko,” sabing muli ni Buhawan.

Umiling si Wayan. Sa kanyang mga mata ay lumabas ang mapapait na luha. Sina Ibalong Saryo at Montar ay napaluha na rin. Kailangan nilang mamili. Ang ibigay ang mapa o ang walang-kasinsakit at walang kasinghapding kamatayan ni Wayan?

Napailing si Wayan, lalo pang tumulo ang kanyang mga luha. Napalunok siya nang lalo pang idiniin ni Buhawan ang kamagong sa kanyang leeg.

Nang sandaling iyon, biglang umangat ang mga katawan nina Moymoy at Alangkaw. Sa hangin ay wari silang nagkakakawag habang papalapit ang kanilang mga katawan sa kumukulong likido ng Kawa. Kasabay na lumiwanag ang likido patungo sa mga balat ng dibdib nina Moymoy at Alangkaw. Mula sa likido ay marahang gumuhit ang buong mapa ng Panalturan. Nanlaki ang mga mata ng lahat. Pati sina Moymoy at Alangkaw ay manghang-mangha sa kanilang nakita. Hindi mawala sa mukha ni Buhawan ang ngisi habang nakikita niyang nabubuo ang mapa. Kasabay niyon ay umangat ang likido na kinaguguhitan ng mapa ng Panalturan. Isang nagniningning na animo’y malaking dahon ng punongkahoy ang hitsura ng mapa. Nang tumigas ang mapa habang ito’y lumulutang-lutang sa hangin ay dagling kinuha iyon ni Buhawan. Binitawan nito si Wayan.

Marahang bumaba ang mga katawan nina Moymoy at Alangkaw hanggang makalapag sa sahig.

Akmang aalis na si Buhawan nang—

“Ama!”

Ang tawag na iyon ay nagmula kay Alangkaw na nakapagpatigil kay Buhawan.

“Ama, sasama ako!”

Saglit na nag-isip si Buhawan. “Halika.”

“Huwag kang sumama sa kanya!” ani Wayan. “Hindi kabutihan ang itinuro niya sa `yo!”

“Kapatid mo si Moymoy,” pagpapaalala ni Montar.

Hindi nagsalita si Buhawan.

“Ama? Hindi ba sabi mo, magkasama tayong tutungo sa Amalao?” Gumaralgal ang boses ni Alangkaw. Ang boses at anyo nito ay yaong batang nagmamakaawa.

Ngumisi si Buhawan, sabay iling. “Tapos na `ko sa `yo. Hindi ikaw ang kailangan ko. Ito! Ito ang kailangan ko!” Itinaas niya ang mapa at humalakhak.

Pero nagpumilit na lumapit si Alangkaw kay Buhawan. Niyakap niya ang mga hita nito. “Ama, huwag mo `kong iwan dito!”

Nagpumiglas si Buhawan. Humandusay si Alangkaw sa sahig.

“Umalis ka riyan! `Di mo ba narinig ang sinabi ko?” sigaw ni Buhawan kay Alangkaw.

Tumayo si Alangkaw, hindi siya makapaniwala.

“Sige, lumapit ka! Iniumang ni Buhawan ang hawak na matulis na kamagong kay Alangkaw. “Baka gusto mong ikaw naman ang patayin ko!”

“Huwag!” Humarang si Moymoy sa harap ni Anino. “Huwag mo siyang sasaktan! Tama ang sabi nila, masama ka!”

Itinapon ni Buhawan ang kamagong sa sahig at pagkatapos ay hindi nagsayang ng panahon at biglang nag-anapaya. Ang anyo niya ay isang malaking lawin. Dagli niyang tinuka ang mapa at mabilis siyang lumipad sa kalangitan.

“Hindi dapat mapunta sa kanya ang mapa!” Halos magkasabay na bulalas nina Ibalong Saryo at Montar.

Pagkarinig niyon ay mabilis na nagpalit ng anyo si Moymoy—naging isa ring dambuhalang ibon na higit pang malaki kay Buhawan.

LUMIPAD SA HIMPAPAWID si Moymoy upang habulin si Buhawan. Lumipad siya nang parang kidlat ang kanyang bilis hanggang sa maharang niya si Buhawan. Sa harap ni Buhawan ay nagpapalit-palit ng anyo si Moymoy. Nagpakita siya ng gilas—ipinakita ang husay niya sa anapaya. Mabilis pa sa kidlat na nagpalit-palit siya ng anyo. Naroong naging isa siyang malaking paniki, naging malaking paruparo, malaking pusa na may pakpak, at kung ano-ano pang mga hayop na kanyang maisipan.

Nagulat si Buhawan sa nakita kay Moymoy. Namangha siya sa husay at bilis nito sa pagpapalit-palit ng anyo.

Sa huli ay nag-anyong isang matipuno at malaking lalaki si Moymoy na may malalapad na pakpak. Isa siyang higante.

“Ibigay mo sa akin ang mapa, Buhawan!” sabi ni Moymoy sa napakalaking boses.

“Nabubuwang ka ba?! Hindi mo ito makuku—”

Nahulog ang mapa! Nawala sa isip ni Buhawan na nasa kanyang tuka ang mapa. Bigla itong sinalo ni Moymoy. Nanlaki ang mga mata ni Buhawan—hindi makapaniwalang nabitawan niya ang mapa! Hinabol niya si Moymoy na patuloy namang lumipad nang lumipad tangay ang mapa.

Patuloy na lumipad nang lumipad si Moymoy. Sa bilis niya ay hindi siya mahabol ni Buhawan.

Sa tore, matamang nanonood sina Wayan, Ibalong Saryo, at Montar. Si Alangkaw, bagaman nanghihina pa ay hindi maiwasang panoorin ang paglalaban nina Moymoy at Buhawan.

Lumabas sa palad ni Moymoy ang mahabang espada at akmang itatarak sa leeg ni Buhawan. Nagulat ito at lumabas ang tunay na anyo—nanlalaki ang mga mata habang pinagmamasdan ang nakaumang na espada sa kanyang lalamunan.

“Gusto mo na bang mamatay?” tanong ng malaking boses ni Moymoy.

Marahan, ang espada ay naging yaring kahoy ng kamagong. Lalo pang nanlaki ang mga mata ni Buhawan.

Biglang may dumating na isang malaking paniki na biglang humablot kay Buhawan.

“Pontoho!” sigaw ni Buhawan.

Nag-iba ang anyo ng ulo ng malaking paniki—si Pontoho nga ito. “May diwani si Moymoy! Hindi mo siya makakaya!”

“Ang mapa! Kailangan kong makuha!” sigaw ni Buhawan. “Pagtulungan natin ito!” Biglang naging isa ring malaking paniki si Buhawan. Umikot siya kay Moymoy. Sumunod si Pontoho sa kanya. Umikot sila sa mukha ni Moymoy—ginugulo at nililito nila ito.

Pero hindi nagawang lituhin nina Buhawan at Pontoho si Moymoy. Lumipad si Moymoy paitaas at iniumang ang kanyang mahaba at nangingintab na espada kina Buhawan at Pontoho.

“Talagang mapilit kayong kunin ang mapa?!” sigaw ni Moymoy.

Iwinasiwas ni Moymoy ang kanyang mahabang espada at waring nilalaro sina Buhawan at Pontoho. Hindi malaman ng dalawa ang kanilang gagawin dahil sa bilis ng mga kilos ni Moymoy sa kanyang espada. Naroong iwasiwas ni Moymoy ang espada pakanan, pakaliwa, paitaas, paibaba, at paikot-ikot na patuloy na ikinataranta nina Buhawan at Pontoho.

Sa tore ay matamang nanood pa rin sina Wayan, Ibalong Saryo, Montar at Alangkaw.

Ikaw nga ang pinakahihintay ng buong Malasimbo, Moymoy, sabi ni Wayan sa kanyang sarili.

Napapangiti sina Ibalong Saryo at Montar sa husay ni Moymoy. Si Alangkaw ay nanatiling pinapanood lamang si Moymoy at napapaisip. Mas mahusay ako sa kanya kaya lamang mayroon siyang diwani.

Sa ibaba, ang mga tibaro ay nakatingalang nanonood sa pakikipagsagupa ni Moymoy. Isa itong uri ng labanang ngayon lamang nakita ng kahit na sinong tibaro ng Gabun dahil sa angking bilis at sa pagkakaroon ni Moymoy ng diwani.

Hanggang sa biglang lumiit si Buhawan pero nanatiling paniki. Dumapo siya sa malaking kamay ni Moymoy at kinagat ang daliri nito. Nakaramdaman ng hapdi si Moymoy kaya bigla niyang pinagpag ang kanyang kamay.

“Talagang matigas ang ulo mo, Buhawan!”

Lumipad paitaas si Moymoy at pagkatapos ay nagtungo sa bunganga ng bulkan at akmang ihuhulog doon ang dalang mapa. Kasunod niya sina Buhawan at Pontoho.

“Huwag!” sigaw ni Buhawan. Nagulat ito kaya biglang lumitaw ang tunay na anyo.

Maging si Pontoho ay nagulat din at lumitaw ang tunay na anyo.

Biglang binitawan ni Moymoy ang mapa sa bunganga ng umuusok na bulkan.

Namalayan nina Buhawan at Pontoho na nasa tunay silang anyo nang maramdaman nilang nahuhulog sila sa lupa; nagkakawag sila sa hangin. Pero bago sila tuluyang bumagsak sa lupa ay bigla silang nagpalit ng anyo bilang mga kulisap.

Nagbunyi ang mga tibaro ng Malasimbo na nakasaksi sa pakikisagupa ni Moymoy kina Buhawan at Pontoho. Marahan, mula sa tore, si Ibalong Saryo ay lumipad paibaba patungo sa mga tibaro ng Malasimbo; sinamahan niyang magbunyi ang mga ito.

Si Moymoy ay nanatiling nasa kalangitan, bilang isang malahiganteng lalaki na may mga pakpak. Itinaas niya ang espada—pagpapatunay na natalo niya si Buhawan. Iniiba-iba niya ang espada sa kanyang kamay. Ito ay nagiging palakol, kampilan, maso, latigo, at kung ano-ano pa. Naghiyawan ang mga tibaro ng Malasimbo. Mayamaya lamang ay marahan siyang bumaba sa lupa at bumalik sa tunay niyang anyo.

Sinalubong ni Ibalong Saryo si Moymoy at kanyang niyakap. “Isa kang bayani!” Itinaas ni Ibalong Saryo ang isang kamay ni Moymoy.

Tumakbo ang mga tibaro ng Malasimbo patungo kay Moymoy, nagpapalakpakan, naghihiyawan. Binuhat nila si Moymoy sa tuwa.

Napasulyap si Moymoy kay Alangkaw na nasa tore habang siya ay buhat-buhat ng mga tibaro. Nginitian niya ang kapatid.

Nakatingin lamang si Alangkaw sa mga naghihiyawang tibaro sa ibaba ng tore. Blangko ang kanyang mukha—hindi niya sinuklian ng ngiti si Moymoy.