noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 37

Ch. 37 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 37

“L ILIW, ang iyong dalawang anak ay may dugong Apo. Hindi natin magamit ang ating kapangyarihan sa kanilang dalawa. Hindi natin magagamit ang bintana ng Himpabulan upang makita ang kanilang labanan,” wika ni Marino habang kasama pa ang mga Apo na nag-uusap sa Himpabulan.

“Ano kaya ang nangyayari sa aking mga anak?” tanong ni Liliw sa sarili.

“Sana’y nakikita ng ating Ama. Sana’y marinig tayo ni Amang Bathala,” tumingin si Ilawi sa itaas ng Himpabulan.

“Kailangan natin ang tulong ni Ama,” dugtong ni Amihan. “Hindi dapat manalo ang Dalumdum!”

Napaupo si Liliw sa kanyang trono.

SA GITNA ng labanan, tatlo ang naging nagtutunggaling puwersa—si Moymoy, kasama ang mga tibaro ng Malasimbo, si Alangkaw, kasama ang pangkat niya sa Dalumdum, at si Buhawan kasama ang pangkat niya mula sa Amalao.

“Moymoy! Magkamatayan na tayo kung magkamatayan! Sa akin dapat mapunta ang mapa!” sigaw ni Buhawan.

Biglang naging buwaya si Buhawan. Si Moymoy, mula sa malaking tutubi, ay naging isang malahiganteng lalaki na nangingintab na kulay-puti. Ginaya ni Alangkaw ang anyo ni Moymoy kaya lamang ito ay kulay-itim.

Sa kalangitan, ang tatlo—sina Moymoy, Alangkaw, at Buhawan ay naghihintayan sa kani-kanilang mga ikikilos.

Nagsalita si Moymoy sa malaking boses. “Itigil na natin ang gulong ito. Buhawan, isauli mo ang mga Ginto ng Buhay na nasa `yo! Parang awa mo na!”

“Hindi maaari! Patuloy akong kinakalaban ng mga Apo, lalo kong kailangan ang mga Ginto ng Buhay! Wala akong panahong makipagdakdakan sa mga paslit na gaya n’yo!”

Si Alangkaw ang sumunod na nagsalita. “Kung papatayin mo kami, paano na ang mapa?”

“Sino’ng nagsabing papatayin ko kayo? Wala nang satsat!” Biglang sumenyas si Buhawan sa mga pangkat niyang nagliliparan sa likuran. Mabilis ang lipad ng mga ito sa kani-kanilang mga anyo. Biglang pinaikutan sina Moymoy at Alangkaw.

Lumusob na rin ang pangkat ni Alangkaw. Bumulwak ang dugo sa himpapawid nang salubungin ng mga ito ang nakapaligid kay Alangkaw.

Biglang naglabasan sa tore ni Wayan ang mga tibaro ng Malasimbo. Pero bago pa man nakalapit ang mga ito sa labanan ay biglang itinaas ni Moymoy ang kanyang kamay at doon ay lumabas ang mahabang espada. Humarap sa mga ito at sinabing, “Mga tibaro ng Malasimbo, hayaan n’yo ako sa labanang ito!”

Iwinasiwas ni Moymoy ang kanyang espada sa pangkat ni Buhawan. Lahat sila ay napahinto. Sa harap ng mga ito ay nagpakitang-gilas si Moymoy. Mabilis pa sa kidlat, nagpalit-palit siya ng anyo. Kasabay niyon ay pinapalit-palitan din niya ang kanyang sandata. Nagtinginan ang lahat ng mga tibaro ng Amalao na pangkat ni Buhawan. Lahat sila ay namangha; lahat sila ay lulutang-lutang sa kalawakan.

“Buhawan! Mamamatay tayo! May diwani ang aswang na `yan!” sigaw ng isa sa mga pangkat ni Buhawan.

“Iwan n’yo kami!” sigaw ni Moymoy. “Kapatid ko si Alangkaw—ang tibarong pinalaki ni Buhawan. Pinalaki siya dahil sa inyong kasakiman at ngayon ay gusto siyang patayin! Isang galaw ninyo sa kanya—patay kayong lahat!”

Muli, iwinasiwas ni Moymoy sa hangin ang kanyang sandata. Sa kalawakan ay buong gilas niyang patuloy itong iwinasiwas—ipinapakitang kayang-kaya niyang talunin ang lahat ng kakalaban sa kanya.

Nagtinginan ang lahat. Ang pangkat ni Buhawan ay marahang umurong, pero biglang sumenyas si Buhawan. At nang akmang lulusob ang mga ito ay biglang iniumang ni Moymoy ang mahabang espada—na naging maso, kampilan, at kung ano-ano pang sandata.

“Sige, ituloy n’yo ang binabalak ninyo!”

Walang kaginsa-ginsa ang mga aswang ay dagling naging kulisap at ang mga aswang ay nagsiliparang paatras. Walang nagawa si Buhawan kundi ang sumunod sa kanyang pangkat.

Nang makaalis na ang pangkat ni Buhawan ay hinarap ni Moymoy si Alangkaw. Nanatili ang anyo nilang dalawa—si Moymoy ay ang malahiganteng lalaking kulay-puti at si Alangkaw ay malahiganteng lalaking kulay-itim.

“Alangkaw, sana’y `wag na tayong mag-away!” Ibinaba ni Moymoy ang hawak niyang sandata at siya ay bumalik sa tunay niyang anyo. Nagsumamo siyang muli kay Alangkaw.

“Bakit pa tayo mag-aaway? Wala naman akong balak sakupin ang Gabun! Uuwi ako sa amin—sa Amalao.”

Marahan ay nagbalik na rin sa tunay na anyo si Alangkaw at humarap kay Moymoy.

“Alangkaw,” patuloy ni Moymoy. “Kailangan mong tanggapin na kapatid mo `ko. At si Buhawan ay hindi mo ama dahil gusto ka niyang patayin!”

Napayuko si Alangkaw. Marahan ay hinawakan ni Moymoy ang balikat nito at tumingin sa tore ni Wayan. “Sila ay mga kaibigan. Hindi ka nila sasaktan, Alangkaw. Hindi naman ako mananatili rito. Sa kanila ka na kumampi. Mababait sila. Magiging mabait din sila sa `yo.”

Marahang tumingin si Alangkaw kay Moymoy at tumango. Inilahad ni Moymoy ang kanyang palad at iniabot naman ni Alangkaw ang kanya. Naghawak-kamay ang dalawa. Sa sandaling iyon ay lumapit si Ibalong Saryo sa kanila at itinaas ang magkahawak na mga kamay nina Moymoy at Alangkaw. Sa tore ni Wayan, ang lahat ay nagsipagbunyi, tuwang-tuwa sa kanilang nasaksihan. Narinig ang hiyawan ng kasiyahan. Lahat ng mga tibaro ng Malasimbo at Dalumdum ay nagsalubungan sa kalangitan, nagliliparan sa kaligayahan. Tuwang-tuwa sila sa bagong kabanata ng kanilang buhay; hindi na sila magkakaaway!

HINDI nagsayang ng sandali si Montar, nagtungo siya sa Sibol upang ibalita sa mga Apo ang nangyari. Tuwang-tuwa ang mga Apo. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi itinago ni Liliw ang kanyang mga luha—ang mga luha ng kagalakan!

“Salamat, Amang Bathala! Salamat!”