noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 26

Ch. 26 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 26

S A TORE ng kastilyo ni Wayan, nakatingin sa bintana si Moymoy, pinagmamasdan ang isla ng Dalumdum sa kalayuan.

“Isipin mo na lang, Moymoy,” sabi ni Wayan na nasa tabi niya, “ang gagawin mo ay para sa kapakanan ng lahat ng tibaro. Ang mga tibaro ng Dalumdum ay naligaw ng landas. Kapag nabawi natin ang mga Ginto ng Buhay at naibalik sa mga Apo ay babalik sa dating anyo ang mga tibaro. Babalik kami sa Sibol Encantada kasama ng mga Apo,” natutuwang sabi ni Wayan habang nagsasalita.

“Kung matatalo ba natin ang mga tibaro sa Dalumdum, makikita ko ang tunay kong ina?”

May katahimikang naghari at si Montar ang bumasag niyon. “Magiging bayani ka, Moymoy. Kahit na hindi mangyayari ang pagkikita ninyo ng iyong tunay na ina. Magagalak siya kung ikaw ang makakatanggal sa sumpa.”

“Gagawin ko ang aking makakaya. Pero sana makita ko ang sinasabi ninyong tunay kong ina!” malungkot na sbai ni Moymoy.

BAGO pa magtakipsilim , lahat ng mga tibaro sa Malasimbo ay nagtungo sa bulwagan na tanggapan ng kastilyo ni Wayan.

“Pinunong Wayan, sila ang nag-abisong lulusubin tayo rito sa Malasimbo. Tayo ngayon ay naghihintay rito ng hudyat sa kanilang paglusob? Unahan na natin sila!” Ito ang isinigaw ng isang matabang lalaking tibaro na halos hindi na makita ang mukha—lubog sa katabaan ang mga mata at bibig nito.

Pagkasabing iyon ng matabang tibaro ay naghiyawan ang lahat. Lalo na nang magpakita ito ng gilas nang biglang nagmanabay. Lumabas ang itim na mga pakpak nito at nahati ang matabang katawan. Lumipad-lipad iyon sa bulwagan.

Hindi nakakibo si Wayan, tumingin siya kina Montar at Ibalong Saryo na kasama niya sa entablado. Si Moymoy ay nasa harap, sa ibaba ng entablado kasama ng iba pang mga tibaro.

Patuloy sa paghihiyawan ang mga tibaro sa loob ng bulwagan. Hindi malaman ang sasabihin ni Wayan nang mga sandaling iyon. Iniisip niyang tama nga ang tinuran ng matabang tibaro. Pero bago siya makapagsalita ay natigilan ang lahat sa tinig ng isang uwak. Nakita nila ang pagpasok ng uwak na nakausap na ni Wayan. Ito ang nag-abisong lulusubin ng Dalamdum ang Malasimbo.

Nakita nilang nag-iba ang kulay ng mga mata ng uwak—naging kulay-pula nang magsimulang magsalita. Nariyan na sila.

At nang ibaling nila ang tingin sa mga bintana ng bulwagan ay nakita nila sa di-kalayuan ang mga tibaro ng Dalumdum, nagliliparan patungo sa kanila—nanlilisik ang mga mata habang lumilipad sa likod ng bilog na buwan—patungo sa Malasimbo.

Kaagad na nagsalita si Wayan. “Mga kapwa ko tibaro ng Malasimbo! Ipinapaalala ko sa inyong lahat—huwag isama ang mga bata! Kailangang maiwan sila rito at lahat ng nakatatanda lamang ang makikipaglaban!”

Ang mga tibaro na nasa hustong gulang lamang ang naghanda sa darating na labanan. Ang mga aswang ay nag-anapaya at ang mga manananggal ay nagmanabay. Niyakap ng mga magulang ang kanilang mga anak at sila’y nagpaalamanan. May iilang batang umiyak sa pag-alis ng kanilang mga magulang na sasabak sa labanan.

Pagkaraan ng ilang saglit, lahat ng mga tibarong sasabak sa labanan ay nagpuntahan sa bawat bintana ng kastilyo at pagkatapos ay sabay-sabay na naglabasan, nagliparan patungo sa himpapawid—sa labanan. Sa kalangitan, mistula silang mga ibon na biglang lumabas sa kuweba na nakawala pagkatapos ng maraming panahon ng pagkakakulong.

NANG MAGPANG-ABOT SA himpapawid ang mga tibaro ng Malasimbo at ng Dalumdum ay parang may malaking kulay-pulang apoy na kumalat at bumulusok, dahil nang magsalpukan sila’y bigla nilang ginamit ang kanilang matatalim na kuko upang kalmutin ang isa’t isa. Sa lalim ng kalmot nila sa isa’t isa ay nagbulwakan ang dugo sa kanilang mga katawan na kitang-kita sa himpapawid. Tanging hangad ng magkalabang mga panig ay patayin ang isa’t isa.

Sa mga sandaling iyon, si Moymoy ay nasa ituktok ng tore ng kastilyo, kasama sina Wayan, Montar, at Ibalong Saryo. Pinagmamasdan nila ang labanan.

Biglang nag-anyong-dragon si Ibalong Saryo.

“Mag-ingat ka, Ibalong Saryo. Hindi ka na bata! Mag-ingat ka!” pagpapaalala ni Wayan sa matandang ibalong.

Tumango lamang si Ibalong Saryo at pagkatapos ay inilabas ang mga pakpak na may matutulis pang kuko at lumipad palabas mula sa bintana ng tore.

SA ISLA ng Dalumdum, sa may malaking puno ng akasya ay biglang lumabas si Buhawan. Sinalubong siya ni Pontoho.

“Ngayon na ang digmaan?”

“Oo, Buhawan.”

“Si Alangkaw?”

“Nasa tore ng kastilyo. Nagsanay siya at ang buong pangkat ng Dalumdum para sa gabing ito.”

Nanlisik ang mga mata ni Buhawan, naging kulay-pula. “Hindi na `ko makapaghintay na malipol ang buong Malasimbo at ang mga Apo.”

Pagkatapos ng ilang saglit ay humakbang si Buhawan patungo sa kastilyo.

SA MALAWAK na terasa ng kastilyo ay naroon si Alangkaw, pinagmamasdan ang kalawakan. Bagaman hindi niya nakikita ang labanan ay hindi nawawala ang kanyang pagmamatyag sa direksiyon ng kinaroroonan ng Malasimbo na nilulusob ng kanyang pangkat.

“Alangkaw… anak…”

Napangiti si Alangkaw nang makitang dumating si Buhawan, ang kinagisnang ama.

Mula sa isang itim at matikas na lalaki na siyang laging ginagamit na anyo ni Alangkaw ay biglang nag-iba ito—biglang nag-anyong-bata na siyang tunay niyang anyo. Kasinlaki at kamukhang-kamukha siya ni Moymoy. Ganito ang mga aswang—kapag nakakaramdam ng biglang kaligayahan o `di kaya’y sakit ay hindi nila maiwasang lumabas ang kanilang tunay na anyo.

Sa dibdib ni Alangkaw ay makikita ang nakadikit na balat nito—ang kalahating mapa ng Panalturan.

Tiningnan ni Buhawan si Alangkaw. “Hindi `yan ang tunay mong anyo, Alangkaw. Ang iyong tunay na anyo ay ang itim, matangkad na lalaking tibaro, maganda ang pangangatawan, matipuno at malakas—laging handang lumaban. Walang makakatalo.”

Bigla’y iniba ni Alangkaw ang kanyang anyo—yaong matangkad, matipuno, at matikas na lalaki, mahaba ang buhok, kulay itim, at laging handang lumaban.

“Hindi ka na dapat nagtungo rito, aking ama. Kakayanin ko ito,” nagmamayabang na tinig ni Alangkaw. “Gusto kong makita kung papaano matalo at maubos ang mga tibaro ng Malasimbo, anak. Ubusin mo sila, at hanapin ang batang laking-buntawi. Nasa kanya ang mapa.” May pag-uutos sa tinig ni Buhawan. “Oras na magawa mo iyon, tayo na ang magiging pinakamakapangyarihang nilalang!

“Kung nalalaman mo lamang kung ano ang kapalit nito, anak. Ang kapangyarihan, ang kayamanang mapapasaatin. Lahat ng buntawi sa Amalao ay sa atin luluhod. Magiging maligaya tayo roon at pati na rin dito.”

“Ang mga Ginto ng Buhay, Ama?”

“Oo, anak, ang mga natitira pang mga Ginto ng Buhay, dapat mapasaatin lahat . Kaya dapat na mapasaatin ang Panalturan. Kapag nagkaganoon, lahat ng mga Apo ay luluhod sa atin. Ang lahat ng kanilang kapangyarihan ay mapapasaatin!” mariing pahayag ni Buhawan.

Natigilan sina Alangkaw at Buhawan nang hangos na dumating ni Pontoho, at ipakita sa kanila ang bitbit nitong kalahating katawan ng isang manananggal ng Dalumdum na duguan at luray-luray ang pakpak.

“Malakas ang puwersa ng mga ang taga-Malasimbo. Pinaghandaan nila ang labanang ito!”

Dagling kinuha ni Alangkaw ang manananggal na parang isang bagay lamang. Binitbit ito ni Alangkaw at iniangat upang maglapit ang kanilang mga mukha. “Manananggal, ano ang nakita mo? Nandoon ba ang batang may diwani?”

Hirap na tumango ang manananggal. “Mahigpit….mahigpit ang labanan. Baka maubos tayo, Alangkaw.”

Hindi maaari! hiyaw ni Alangkaw sa kanyang isip. Hindi maaari!

Hindi pinatapos ni Alangkaw ang sasabihin pa ng manananggal. Bigla niyang inihagis ito sa sahig.

Dagling tinapunan ng tingin ni Alangkaw ang kinaroroonan ng labanan, larawan ng pagkapoot ang kanyang mukha. Mahigpit niyang hawak ang barandilya ng terasa, hindi matanggap ang kanyang narinig sa manananggal. Kanyang sinulyapan at pinagmasdan ang manananggal na nasa sahig habang ito’y naghihingalo hanggang sa mamatay.

Biglang hinarap ni Alangkaw si Buhawan.

“Kailangan na ako ng buong pangkat! Hindi maaaring talunin ng Malasimbo ang Dalumdum!”

Biglang nagpalit ng anyo si Alangkaw—isang halimaw na dambuhala—buwaya ang kanyang mukha, may makakapal na kaliskis ang katawan at may malalaking pakpak, nanatiling itim ang buong katawan.

“Aahhhh!!!” Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Alangkaw habang nakatingin sa kinagaganapan ng labanan. Isang malakas na paghiyaw ang dumagundong sa buong Dalumdum na wari’y nagbabantang— Humanda ang Malasimbo! Humanda kayong lahat dahil lilipulin ko kayo!

Iginalaw-galaw ni Alangkaw ang mga pakpak—inihanda ang sarili sa paglipad sa kalangitan, nagyayabang na ipinapakita kay Buhawan na kayang-kaya niyang talunin ang Malasimbo. Pagkaraan ng ilang sandali ay nasa kalangitan na si Alangkaw, lumilipad patungo sa kinagaganapan ng labanan.

Pinagmasdan nina Buhawan at Pontoho ang lumilipad na si Alangkaw at pagkatapos ay makabuluhan silang nagtinginan. Isa lamang ang kahulugan ng tinginang iyon—kailangang mapasakanila ang lahat ng mga Ginto ng Buhay sa ano mang paraan, kahit na mamatay pa o mawala sa kanila si Alangkaw!

PAGDATING ni Alangkaw sa labanan ay pinagmasdang mabuti ng kanyang matatalas na mata ang nangyayari. Nakita niya ang iba’t ibang uri ng labanan. Mayroong nag-iba ng anyo bilang mabangis na aso na may mga pakpak. May malalaking ibon ang mga anyo pero may matatalim na pangil. Mayroon ding mga buwaya ang mga hitsura at malalaki ang mga pangil. May mga nilikhang ngayon lamang niya nakita. May nangangalmot gamit ang matatalim nilang kuko, o kaya’y ipinanghahampas ang kani-kanilang mga pakpak at buntot. At kapag nanghihina at nangamamatay ay bumabalik sa mga tunay na anyo at bumabagsak sa lupa. Kitang-kita niya nang mga sandaling iyon na marami sa mga tauhan niya ang nangamamatay. At iyon ang ikinagalit ng kanyang kalooban. Ibinuka niya ang bibig at lumabas doon ang naglalagablab na apoy. Nagulat ang lahat dahil sa laki at bagsik ni Alangkaw. Lumaki pa nang lumaki ang kanyang katawang-buwaya kaya ang mga naglalabanang tibaro ay natigilan dahil halos langgam na lamang ang kanilang laki kung ihahambing sa anyo ni Alangkaw.

Samantala, sa bintana ni Wayan sa tore ng kastilyo ay naroon si Moymoy, nakamasid at biglang natigilan pagkakita sa anyo ni Alangkaw.

“Ang Anino ng Dalumdum…” bulong ni Wayan.

Hindi nagdalawang-isip si Moymoy. Bigla siyang nagpalit ng anyo at ginaya ang katauhan ni Alangkaw. Pati ang kanyang laki ay ginaya niya rin—isang dambuhalang halimaw na ang katawan ay sa buwaya, makapal ang balat, may buntot, at may pakpak na napakalaki kaya lang ang kulay niya ay puti. Mabilis siyang lumipad at hinarap si Alangkaw sa kalangitan.

Ang sumunod ay kagimbal-gimbal na tagisan ng lakas at bangis ng mga aswang na sina Moymoy at Alangkaw. Nag-iiba-iba sila ng anyo. Dambuhalang kabayo, ibon, leon, at kung ano-ano pang naiisip nilang anyo, kasabay niyon ay ang paghampas at tangkang pagkalmot nila sa isa’t isa pero dahil sa kanilang husay ay nagagawa nilang mag-iwasan.

Tumigil ang lahat ng mga tibaro habang pinapanood ang labanan nina Moymoy at Alangkaw. Ang walang tigil na labanan ng dalawa ay ngayon lamang nila nasaksihan sa buong buhay nila—ngayon lamang nila nakita ang dalawang higanteng aswang na nag-aanapaya sa ganoong paraan—malalaki at mabilis pa sa kidlat kung magpalit ng iba’t ibang anyo.

Parehong mahusay sa labanan sina Moymoy at Alangkaw. Pero kahit na marunong silang umiwas sa mga hampas at kalmot ng isa’t isa, may pagkakataong nagkakatamaan din sila. Natigilan si Moymoy nang nakaramdam ng sakit sa kalmot ng mga kuko ni Alangkaw na may anyong malahalimaw na hayop. Parang kidlat na biglang bumalik ang totoong anyo ni Moymoy at bigla rin itong bumalik sa anapaya. Lalong sumiklab ang galit ni Alangkaw kay Moymoy. Sa anyo namang mabalasik na halimaw, may ibinugang apoy si Moymoy mula sa kanyang bibig na tumama kay Alangkaw. Saglit ay lumabas din ang tunay na katauhan ni Alangkaw. Nagulat si Moymoy sa kanyang nakita—parang nakita niya ang sarili sa harap!

Dahil sa nakita ni Moymoy kay Alangkaw, bigla siyang napaisip—gusto niyang makatiyak kung totoo ang kanyang nakita kaya sunod-sunod niyang ibinuga mula sa kanyang bibig ang mainit na apoy. Laking gulat niya dahil nakita na naman niya ang anyo ni Alangkaw kapag tinatamaan ito ng apoy.

Kamukha ko siya!

SA KANYANG silid , biglang bumalikwas ng gising si Liliw. Bagama’t hindi niya nakikita ang labanan ay nararamdaman niyang nasa panganib si Moymoy. May kakaiba siyang kirot na nararamdaman sa kasalukuyan. Nagmumula ito sa kanyang dibdib at gumagapang sa buong katawan, kaya’t nakadarama siya ng panghihina.

Napaupo si Liliw sa higaan, hinawakan ang dibdib at napapikit—parang nakikita niya ang labanang nagaganap kina Moymoy at Alangkaw.

Tumayo si Liliw, hangos na naglakad sa loob ng palasyo. Sa pasilyo ay tumatakbo siya patungo sa mga kuwarto ng mga Apo. Kumatok siya nang kumatok sa mga kuwarto ng mga ito. Luminga-linga siya at napagtanto niyang tahimik ang paligid.

Hangos na nagtungo si Liliw sa mahabang pasilyo ng palasyo. Balisa siyang naglakad nang naglakad, hindi niya maintindihan ang kanyang patutunguhan. Hanggang sa makarating siya sa dulo ng pasilyo—sa Himpabulan. Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya roon sina Ilawi, Amihan, at Marino. Lahat sila ay nakaupo sa kanya-kanyang trono habang nakikinig sa salaysay ni Montar na nasa kanilang harap.

“Liliw!” salubong ni Amihan pagkakita kay Liliw sa malaking pintuan ng Himpabulan.

“Mabuti’t dumating ka,” sabi ni Marino.

“Liliw,” dugtong ni Ilawi. “Narito si Montar, ang mensahero. Makinig ka sa kanyang salaysay.”

Isinalaysay ni Montar ang kanyang nakita sa labanan. Ang nakita ng lahat na tunay na anyo ni Alangkaw—ang tinaguriang Anino ng Dalumdum. Hindi malaman ni Liliw ang kanyang mararamdaman sa narinig mula kay Montar.

Tiningnan ni Marino si Liliw. “Ang dalawang naglalabanan—si Moymoy, ang batang laking-Amalao at si Anino, ang sinasabing namumuno ng Dalumdum—ay magkamukha!”

Napanganga si Liliw.

“Liliw, narinig mo ba ang salaysay ni Montar?” Si Ilawi ang nagtanong.

“Liliw…” Hinarap ni Amihan si Liliw. “Liliw, mayroon ka bang lihim? Lihim na kailangan mong sabihin sa amin?”

Napapanganga si Liliw, nanlambot ang mga tuhod na napaupo sa kanyang trono.

“Mahal kong Diyosa?” Nilapitan ni Montar si Liliw.

“Hindi maaari… Hindi maaari… Kagagawan ito ni Buhawan. Nais niya tayong iligaw! Nais niya tayong lokohin!”

Hindi malaman ni Liliw ang kanyang sasabihin; hindi rin niya alam kung tama ang kanyang sinasabi.

“Hindi magagawa ng kahit na sinong tibaro o kahit ng mga Apo ang ganito. Ang tunay na anyo ng isang tibaro ay hindi marunong magsinungaling.” Sigurado ang tinig ni Marino.

“May kakambal si Moymoy. Lumabas siya sa akin noong dalhin ni Montar si Moymoy sa Amalao. Pero nakita ko, kinain siya ng isang hayop. Nakita ko…” halos pabulong na paliwanag ni Liliw.

“Pinalaki siya ni Buhawan upang lipulin tayong lahat. Kung gayon ay totoo nga ang usap-usapan ng mga tibaro—si Anino na pinalaki at sinanay ni Buhawan ay totoo!” sabi ni Ilawi.

“Anak mo ba siya, Liliw? Anak mo rin ba ang tinaguriang Anino ng Dalumdum?” sabi ni Amihan.

“Mahal na Diyosa, ang hayop na sinabi mong lumapa sa kakambal ni Moymoy ay maaaring si Buhawan,” sabi ni Montar. “May palagay akong pinalabas niyang nilapa niya ang iyong sanggol pero patagong iniluwa iyon.”

“Totoo nga ang sinasabing Anino ng Dalumdum at ito ay anak rin ni Liliw. Hindi natin magamit ang ating kapangyarihan sa kanya— at hindi natin nalaman ang buong katotohanan tungkol sa kanyang naging buhay kay Buhawan dahil may dugo siyang Apo.”

“Ang kakambal ni Moymoy… buhay?” Napanganga si Liliw at parang nakikita niya ang dalawang anak na naglalaban. Hindi siya makapaniwala. Napatiim-bagang si Liliw at napapikit. Magkapatid sila. At sila ngayon ay naglalabanan at nagpapatayan? Magkaaway ang aking mga anak!