Kabanata 9
“K AILANGANG matuto ang lahat ng aswang ng tamang anapaya! Ang anapaya ay ang pagpapalit ng anyo. Mula sa inyong tunay na anyo—kailangang matuto kayo ng tamang anapaya,” pagtuturo ni Ibalong Saryo sa lahat ng aswang.
Si Ibalong Saryo ang namumuno sa eskuwelahan ng Malasimbo. May-katangkaran siya. Kahit na may edad na, puti at mahaba ang kanyang buhok at hindi kulubot ang balat. Maamo ang kanyang mukha na nababagayan ng bagsak niyang buhok na nakatali sa likuran. Larawan siya ng isang gurong kagalang-galang, may mabait na mukha pero kung magsalita ay may tigas at may tinig ng isang makapangyarihang guro.
Sa gitna ng malaking bulwagang iyon ay may mga batang tibarong estudyante. Si Moymoy ay nasa bandang likuran. Pinagbubulungan siya ng mga bata dahil ngayon lamang siya nakita. Hindi namamalayan ni Moymoy na siya ang pinagbubulungan ng mga batang tibaro dahil manghang pinagmamasdan niya ang paligid ng bulwagan.
Ang eskuwelahan ng Malasimbo ay isang malaking gusali na kulay-itim sa labas ngunit sa loob ay maliwanag at naiilawan ng kakaibang klaseng ilawan na hindi pa nakita ni Moymoy sa kanyang pinanggalingang mundo ng Amalao. May mga inukit na disenyo sa mga ilawan at ang mga kagamitan sa loob ay may mga disenyong inukit din na halatang pinagpaguran ng kung sino man ang lumikha ng mga ito. Ang dingding ay may nakapintang magagandang larawan ng mga tibaro at ng iba’t ibang tanawin ng Gabun.
May malalaking larawan ng mga tibaro na nakasabit sa bawat dingding at sa tabi ng mga ito ay may mga larawan ng mukha ng mga hayop na sa tingin niya ay noon lamang niya nakita. Naaaliw si Moymoy sa nakikita sa paligid.
Nagulat siya nang biglang mag-iba ng anyo ang batang nasa tabi niya. Naging isa itong baboy-ramo. Natawa ang iba pang mga estudyante. Lumapit si Ibalong Saryo sa batang nag-iba ng anyo na nang makita ang kanyang paglapit ay ibinalik ang tunay na anyo. Tumatawa ang batang aswang.
“Dorong,” hinarap ni Ibalong Saryo ang batang aswang na nagpalit ng anyo, “sa aking klase, walang sino man sa inyo ang gagamit ng anapaya nang walang pahintulot sa akin! Maliwanag?!” Isinigaw ni Ibalong Saryo ang huling salita sa iba pang mga estudyante at pagkatapos ay muli siyang bumaling kay Dorong. “Habang nasa klase ko kayo, sa akin kayo susunod.”
Pagkatapos niyon ay ibinaling ni Ibalong Saryo ang kanyang tingin kay Moymoy. “Isa kang dayo. Ikaw ba ang batang tibarong nanggaling ng Amalao?”
Hindi sumagot si Moymoy.
“Bingi ka ba?” Humakbang palapit kay Moymoy si Ibalong Saryo at inilapit ang mukha sa kanya. “Ikaw ba ang batang dayo na galing ng Amalao?”
“Opo, ako nga po. Moymoy po ang pangalan ko.”
“Moymoy? Moymoy…” inulit ni Ibalong Saryo ang pangalan ni Moymoy, naniguro sa pangalan nito.
Pagkaraan ng ilang saglit ay narinig ang mga estudyanteng tibaro na binibigkas ang pangalan ni Moymoy. “Moymoy… Moymoy… Moymoy!”
Nagsimula sa mahina hanggang sa lumakas ito nang lumakas. “Moymoy! Moymoy! Moymoy!”
Itinaas ni Ibalong Saryo ang kanyang kamay—pagsenyas na tumigil ang mga estudyante. “Tigil!” galit na sigaw ni Ibalong Saryo.
Pumunta si Ibalong Saryo sa harap ng mga estudyante. “Mga batang tibaro! Tandaan ninyo ang sasabihin ko—lahat kayo rito sa eskuwelahan ng Malasimbo—lahat kayo ay pantay-pantay! Kayong mga aswang at manananggal na nagsasanay ay pantay-pantay! Kahit nanggaling pa kayo ng ibang lugar gaya ng Amalao! Naiintindihan ninyo?”
Tahimik na nagtinginan ang mga batang tibaro.
“Naiintindihan ninyo?!” Lalong inilakas ni Ibalong Saryo ang kanyang boses.
“Opo, Ibalong!” sabay-sabay na sagot ng mga batang estudyante.
“Moymoy, maaari ka bang lumapit dito?”
Bantulot na lumapit si Moymoy sa kinaroroonan ni Ibalong Saryo.
“Mag-usap tayo mamaya. Puntahan mo `ko sa aking tanggapan—sa aking silid, pagkatapos ng klaseng ito.”
“Opo.”
“Opo? Huwag mong gamitin ang ‘opo’ kapag nakatatanda ang kausap mo rito. Hindi `yan ang kaugalian dito sa Gabun. Isa akong ibalong at ang ibig sabihin niyon, ako ay nagtuturo sa eskuwelahan. Saryo ang pangalan ko, kaya Ibalong Saryo na lamang ay tama na. Doon sa Amalao ginagamit ang ‘opo.’ Dito sa lugar na ito, kapag ang isang nilalang ay tinawag sa kanyang pangalan, iyon ay palatandaan na rin ng paggalang. Kaming mga guro lamang ang tinatawag na ‘ibalong’ kasunod ng aming pangalan. Maliwanag ba?”
Napatango si Moymoy.
“At dahil dito ka na sa Malasimbo, kailangang sumunod ka sa lahat ng patakaran dito, hindi lamang sa eskuwelahang ito kundi sa labas din. Naiintindihan mo ba?” pagpapaliwanag ni Ibalong Saryo.
“O-oo, Ibalong Saryo,” malumanay na sagot ni Moymoy.
“Sige, magkita tayo mamaya sa aking tanggapan.” Sinenyasan ni Ibalong Saryo si Moymoy na bumalik sa pinanggalingang puwesto.
MATAPOS kumatoK NI Moymoy at sabihin ni Ibalong Saryo na pumasok na siya ay doon lamang siya lubusang tumuloy sa loob ng silid. Nakabukas kasi nang kaunti ang pinto kaya dahan-dahan itong pumasok sa tanggapan ng ibalong.
“Alam kong darating ka kaya hindi ko kinandado ang kuwarto. Halika, Moymoy, pasok.” Tinig iyon ni Ibalong Saryo.
Nagsusulat sa kanyang malaking mesa si Ibalong Saryo. Hindi na nagulat si Moymoy na habang nakaupo ang matandang ibalong ay nagpapalit-palit ito ng anyo. Nang nasa harap na siya ni Ibalong Saryo ay tumigil ito at ibinalik ang tunay na anyo.
“Kahit na isa akong ibalong at nagtuturo ng anapaya ay panay pa rin ang aking pagsasanay. Ganyan ang tunay na tibaro, hindi natatapos ang pag-aaral kahit pa sa labas ng eskuwelahang ito.”
Itinaas ni Ibalong Saryo ang kanyang dalawang kilay at tiningnan nang diretso si Moymoy
“Isa kang dayo at ngayon lang ako nagkaroon ng estudyanteng kagaya mo. Kaya kita gustong makausap ay upang linawin sa iyo na hindi madaling matuto ng anapaya ang isang katulad mong walang nalalaman. Paano mo gagawin ang isang bagay na hindi itinuro sa iyo mula noong musmos ka pa lamang? Dito sa Gabun, ang mga batang tibaro sa edad na dalawang taon ay tinuturuan na ng kanilang mga magulang kung paano maging mahusay na aswang o manananggal. Ang isang manananggal ay kailangang matuto ng tamang hati ng katawan o tinatawag na manabay at ang maayos at tamang paggamit sa paglipad sa pamamagitan ng pakpak. Gaya nito.”
Tumayo si Ibalong Saryo at ipinakita kay Moymoy ang paghati ng katawan, kasabay niyon ay inilabas nito sa kanyang likuran ang dalawang maiitim nitong pakpak. Nagsimula itong lumipad. At habang lumilipad sa buong paligid ng kuwarto ay patuloy nitong kinakausap si Moymoy.
“Bakit ka nagugulat, Moymoy? Dapat ay masanay ka sa iyong nakikita. Marahil ay nagtataka ka kung bakit bukod sa isa akong aswang ay isa rin akong manananggal.”
Tumango si Moymoy habang patuloy niyang pinapanood na lumilipad si Ibalong Saryo. Napapanganga siya habang nakatingala—sinusundan ng tingin sa itaas ang matandang ibalong habang patuloy itong lumilipad at nililibot ang buong silid.
“Dito sa Gabun, bihira ang katulad ko—aswang at manananggal. Ang mga magulang ko ay aswang at manananggal. Pareho kong namana ito sa kanila. Kaya puwede akong gumawa ng anapaya at manabay.” May pagmamayabang ang mga salita ni Ibalong Saryo. “Ako ang nabansagang pinakamahusay na tibaro pagdating sa anapaya at manabay.”
Nagulat si Moymoy nang makitang gumagalaw ang kalahating katawan ni Ibalong Saryo na nakatayo sa kanyang tabi.
“Tibalok, bakit?” Nakatungong kinausap ni Ibalong Saryo ang kalahating katawan na nakatayo. “Tibalok ang tawag diyan sa naiwang katawan,” pagtuturo ni Ibalong Saryo.
“Kaya kong pagalawin ang aking tibalok,” buong pagmamalaking pagpapatuloy ni Ibalong Saryo. “Tingnan mo.”
Humakbang at naglakad sa silid ang tibalok ni Ibalong Saryo. Naglakad ito nang naglakad at nagsirko-sirko pa.
Natuwa si Moymoy sa kanyang nakikita. Natutuwa rin si Ibalong Saryo habang pinagmamasdan ang tibalok na nagsisirko-sirko at lumulundag-lundag.
Bumaba na si Ibalong Saryo upang idikit muli ang pang-itaas na katawan nito.
Kasabay niyon ay nagtiklop at itinago ang maiitim na pakpak sa balat ng likod nito.
Lumapit si Ibalong Saryo at hinarap ang nakatingalang si Moymoy. “Ang sabi sa akin ni Montar, anak ka raw ni Ronado. Alam mo ba na naging estudyante ko ang ama mo? Siya ang pinakamahusay na mandirigmang nakilala ko. Hindi lamang ang mga tibaro ang may malaking paggalang sa kanya kundi pati na rin ang mga Apo ng Sibol Encantada dahil sa kanyang husay. Isang Apo raw ang iyong ina? Si Diyosang Liliw? Paano mo ako mapapaniwala na anak ka nga ng isang mahusay na tibarong mandirigma at ng isang Apo?”
Napaisip si Moymoy. Paano nga ba?