Kabanata 10
“A LAM ng buong Gabun na nagkaanak ang Apo na si Diyosang Liliw sa isang tibaro na si Ronado. Paano namin masisigurong ikaw nga `yon?” Tumawa si Ibalong Saryo na parang nangungutya. “Ang nagpalaki sa `yo ay isang buntawi. Ano’ng nalalaman niya sa buhay namin dito sa buong Gabun?”
Saglit na natigilan si Moymoy.
“Ang nanay ko ay nagngangalang Tracy. Umalis siya dahil sa…” Hindi sapat ang mga salita upang ipaliwanag ni Moymoy ang lahat. Dahil kung magsisimula siyang ikuwento ang lahat ng nangyari sa kanyang buhay, naisip niya na napakahaba niyon at hindi niya alam kung papaano uumpisahan.
“Kung gayon, hindi ka ganap na tibaro,” pagpapatuloy ni Ibalong Saryo. “Hindi lamang doble ang pag-aaral na kailangan mong gawin upang maging kapaki-pakinabang. Huwag na huwag kang liliban sa klase ko. Kailangan mo ng mahabang panahon na pagsasanay. Gaya na lamang niyan…” Ipinakita niya ang mga letrang nasa dingding.
“Pagmasdan mo ang alpabetong `yan. Naiiba ang alpabeto ng tibaro kung ihahambing sa alpabeto ng mga buntawi. Kailangan mong pag-aralan ang mga `yan, naiintindihan mo? Kundi’y hindi mo mababasa ang mga libro namin dito sa Gabun. Kaya kailangan mong magsimula sa umpisa.”
“Paano, Ibalong?”
“May iba pang ibalong na magtuturo sa iyo.”
Nang mapatingin si Ibalong Saryo sa may pintuan ay nakita niyang nakatayo roon ang isang babaeng ibalong—si Ibalong Pura. Nanatili itong nakatayo na nakangiti.
“Magandang araw sa iyo, Ibalong Saryo,” bati ni Ibalong Pura.
Nakasalamin si Ibalong Pura. Kakaiba ang salamin nito dahil ito ay yari sa kahoy at may nakaukit na mga bulaklak. Kapansin-pansin ang maliit at napakaganda nitong mukha. Pati katawan nito ay napakaganda rin ng hubog. Napaisip pa si Moymoy na mukha itong artista. Pero hindi ang pisikal na katangian ang higit na kapansin-pansin sa babaeng ibalong—lagi itong nakangiti nang matamis.
“Siya ba si Moymoy, ang taga-Amalao?” Itinaas nang mabuti ni Ibalong Pura ang salamin, sinisipat si Moymoy.
“Oo. At bilang pangulo ng eskuwelahan ng Malasimbo, ikaw, Pura, ang inaatasan kong maging ibalong niya upang matuto ng pagsulat at pagbasa ng ating alpabeto.”
“Kung matututo `yan sa akin, ako na ang pinakamagaling na ibalong sa paaralang ito.” Iginalaw ni Ibalong Pura ang kanyang ulo sa magkabilang direksiyon at lumagutok iyon nang napakalakas. Nagulat si Moymoy.
“Magugulatin ang mga buntawi kaya nahawa ka na. Walang nagugulat na tibaro, Moymoy.” Yumuko si Ibalong Pura upang ilapit ang mukha kay Moymoy. Biglang iniba nito ang mukha. Naging kulayo ito na napakalaki ang mga mata. Pagkatapos ay bigla ring ibinalik ang kanyang normal na mukha at ulo sabay tumawa nang malakas.
“Naku! Masanay ka, Moymoy,” malugod na hinawakan ni Ibalong Pura ang ulo at ginulo ang buhok ni Moymoy na parang nagsasabing huminahon ka . “Sige, magkita tayo sa aking klase.”
Pagkatapos niyon ay naglakad palayo si Ibalong Pura na nanatiling nakaguhit ang matamis na ngiti sa mapupulang labi. Kumekendeng-kendeng itong naglakad sa pasilyo. May mga estudyante na nasa pintuan ng silid-aralan na tingin nang tingin at pumipito. Patuloy sa paglakad si Ibalong Pura. Nagulat si Moymoy nang may biglang lumabas na buntot sa likuran nito. Pinaghahampas ng kanyang buntot ang mga estudyante sa pasilyo na pumipito at tingin nang tingin sa kanya.
NAKATAYO sa harap ng klase si Moymoy, ipinakikilala siya ni Ibalong Pura sa kanyang mga kaklase.
Si Moymoy ang pinakamatanda at pinakamalaki sa klase ni Ibalong Pura. Pinagmasdan niya ang nakasulat sa malapad na batong nakadikit sa dingding ang alpabeto ng tibaro.
“Mula ngayon, si Moymoy ay nandito sa ating klase upang matutong magbasa at sumulat. Maliwanag ba?” Higit na malakas ang tanong ni Ibalong Pura.
Nagtaas ng kamay ang isang babaeng estudyante.
“Ano `yon, Layan?” tanong ni Ibalong Pura.
Tumayo si Layan. “Ibalong Pura, malaki na siya. Bakit pa siya tuturuan ng alpabetong tibaro? Hindi ba siya marunong magbasa at sumulat?”
“Sa Amalao siya lumaki. `Yon lang.”
Nagtinginan ang mga estudyante.
“Hindi ba bawal magpunta ang mga bata sa Amalao? Bakit siya napunta roon?” tanong ng isang estudyante.
“Ang nalalaman ko lamang, iniligaw siya sa Amalao at doon lumaki. Wala nang tanong-tanong, basta ang trabaho ko ay magturo. Maliwanag?” sagot ni Ibalong Pura na nakataas ang kilay pero nanatiling nakangiti.
“O, sige, Moymoy, dito ka sa harapan upang sa gayon ay makita mo ang nakasulat sa bato,” utos ni Ibalong Pura.
Tahimik na umupo si Moymoy sa upuang itinuro ni Ibalong Pura.
Nagsimula sa pagtuturo si Ibalong Pura. “Ngayong araw na ito, matututuhan natin ang tamang pagbasa at pagbigkas. Kunin ninyo ang mga dungkay. ”
Sa mga lalagyan na nakasabit sa kanilang upuan ay inilabas ng mga estudyante ang librong yari sa inukit na balat ng mga puno. Sabay-sabay nilang binuksan iyon—naroon ang nakadikit na mga dahon at makikita ang mga letrang nakasulat. Ito ang tinatawag nilang dungkay .
“Basahin natin isa-isa ang nasa inyong dungkay. Sa panlimang dahon ng inyong dungkay ay nakasulat ang mga alpabeto.” Napatigil si Ibalong Pura nang mapansing walang dungkay si Moymoy na babasahin. Kinuha niya sa kahon ng kanyang mesa ang isang dungkay at ibinigay sa kanya. “Heto, Moymoy, sa iyo na ang dungkay na ito para makasunod ka sa ating aralin.”
“ A … Sa … Ang A … ay lalagyan ng S … Kaya Sa …” Ibinubuka ni Ibalong Pura ang kanyang bibig at ipinapakita sa kanyang mga estudyante ang tamang hugis nito habang binibigkas ang ‘Sa’… “Iyan ang tamang bigkas nito.”
Inilabas ni Ibalong Pura ang kanyang buntot at itinuro sa nakasulat na malapad na bato sa dingding ang letra. “Sabihin n’yo A …”
Ginaya ng mga bata ang pagbigkas ni Ibalong Pura. Pero napansin niya sa isang upuan na may isang estudyanteng wala ang kalahating katawan; tibalok lamang ang naroroon. Napaisip si Ibalong Pura. Iginalaw ang kanyang mga mata, pagkatapos ay dahan-dahang tumingala. Nakita niya sa itaas, sa may kisame ang estudyanteng si Bugong na lilipad-lipad—nakatawa itong binibigkas ang itinuturong leksiyon.
“Bugong, hindi ba’t mahigpit na ipinagbabawal ang mag-manabay at mag-anapaya kung hindi ito ang leksiyon ninyo? Maliwanag ba?!” muling ibinaling ni Ibalong Pura ang tingin sa mga estudyante at bumalik ang matamis niyang ngiti.
“Oo, Ibalong!” sabay-sabay na sabi ng mga batang tibaro.
“Puwes, bumaba ka riyan, Bugong! Baba! Bumalik ka sa iyong tibalok!” utos ni Ibalong Pura na nakatingala kay Bugong.
Sumunod si Bugong kay Ibalong Pura—bumaba ito at inihugpong ang katawan sa kanyang tibalok.
“Ang tigas ng ulo mo, Bugong. Ilang beses ko nang sinasabi sa `yo na bawal gumamit ng manabay at anapaya. Hindi ba’t regulasyon `yan sa paaralang ito na kung hindi anapaya o manabay ang inyong pagsasanay ay hindi pinahihintulutan `yan? Ha?” galit na sabi ni Ibalong Pura pero pagkaraan ng ilang saglit ay muli na namang nakangiti.
“Isa pa, Bugong, kapag hindi ka nakinig sa akin at ipinagpatuloy mo ang kalikutan mo sa klase ko, dadalhin kita kay Ibalong Saryo. Siya ang magpaparusa sa `yo.”
Pero nang umupo na si Bugong ay tumatawang ginaya pa si Ibalong Pura. “Isa pa, Bugong, kapag hindi ka nakinig sa akin at ipinagpatuloy mo ang kalikutan mo sa klase ko, dadalhin kita kay Ibalong Saryo. Siya ang magpaparusa sa `yo.”
Bigla’y nag-manabay muli si Bugoy at lumipad-lipad ang kalahating katawan sa silid-aralan na nagyayabang pa sa kanyang mga kaklase.
Tuluyang nainis si Ibalong Pura kay Bugong. “Ibang klase ka talaga, Bugong. Kahit kailan, sutil ka. Gusto mong maparusahan, ha?”
Dagling lumapit si Ibalong Pura sa tibalok ni Bugong. “Gano’n, ha. Ito ang nababagay sa `yo!” Binuhat nito ang tibalok, dagling inilagay iyon sa aparador na nasa likuran ng mga estudyante at kanyang ikinandado. “Mapagod ka sa kalilipad mo riyan,” nakatingalang sabi ni Ibalong Pura kay Bugong.
“Ibalong!” gulat na sambit ni Bugong. Dagling lumapit ito sa aparador at nagmamakaawang bumaling kay Ibalong Pura. “Ibalong! Ibalong, ilabas n’yo na ang tibalok ko!”
“Ngayon ka magmamakaawa?! Sa susunod, kapag sinuway mong muli ang mga patakaran ko, hindi lang `yan ang mapapala mo! Manigas ka riyan!” galit na sabi ni Ibalong Pura at muli itong ngumiti nang ubod ng tamis. Ang iba pang mga estudyante ay natatawa habang naririnig na sumisipang nagmamakaawa ang mga paa ng tibalok ni Bugong sa loob ng aparador. Ang pagkamangha ni Moymoy sa kanyang nakikita ay unti-unting nahalinhan ng pagkatuwa.
“Ibalong Pura! Ibalong, parang awa n’yo na!” pagsusumamo ni Bugong.
“Tumigil ka riyan!”
Nagsimulang umiyak si Bugong.
“Tumigil ka riyan sabi!”
Lumipad si Bugong palapit kay Ibalong Pura. “Parang awa n’yo na, Ibalong…”
“Tumigil ka riyan!” Biglang iginalaw ni Ibalong Pura ang kanyang buntot at sa pamamagitan nito, nilamukos ang ilang pahinang dahon ng kanyang dungkay at ipinasak iyon sa bibig ni Bugong kaya hindi na ito nakapagsalita.
Lalo pang tumawa ang mga batang estudyante.
Huminga nang malalim si Ibalong Pura, inayos ang kanyang sarili at hindi pinansin ang nagmamakaawang si Bugong.
“Bumalik na tayo sa ating aralin, mga bata… Sa…” pagpapatuloy ni Ibalong Pura, ibinalik na muli ang ngiti.
“Sa…” bigkas ng mga estudyante.
SA HARDIN ng Sibol E ncantada ay kausap ni Liliw ang mga duwendeng sina Bundaki, Ewi, at Uye. Si Bundaki ay lalaki at sina Ewi at Uye ay mga babae. Lahat sila ay sinlaki lamang ng isang dangkal. May magigiliw na mukha. May makukulay na damit at sombrero.
“Ano? Mahal naming Diyosa, ipinatawag mo kami para may makalaro ang batang buntawi mula sa Amalao?” tanong ni Bundaki.
“Hindi siya isang buntawi. Isa rin siyang tibaro. Masyadong malapit at mabait sa akin ang batang si Moymoy kaya pinakikiusapan ko kayo.”
“Kaano-ano mo ba iyon, mahal na Diyosa?” tanong ni Ewi.
“Hindi biro ang pinagagawa mo sa amin, mahal na Diyosa. Nalalaman mong bawal sa amin ang magtungo sa Malasimbo dahil sa sumpa,” paalala ni Uye. “Iilan lamang kaming mga tibaro na pinahintulutang tumira rito sa Sibol, baka pati kami ay paalisin dito.”
“Ewi, Uye, Bundaki, nakikiusap ako sa inyo. Kailangan ni Moymoy ng makakalaro. Nag-iisa lamang siya sa kanyang tahanan…”
Nagtinginan ang tatlo, nagtataka pa rin sa pakiusap na iyon ni Liliw.
Sa pamamagitan ng diwani ni Liliw, may biglang lumitaw na tatlong pirasong hugis bilog na bagay sa kanyang palad. “Matamis na pagkain para sa inyo,” alok niya sa tatlo.
Dagling kinuha ng tatlong duwende ang mga pagkain. Tinikman nila ang mga ito at kinain.
“Hindi lang `yan.” Muling ikinumpas ni Liliw ang kanyang kamay at nahalinhan ng makikinang na bagong damit ang kasuotan ng tatlong duwende. Natuwa ang mga ito.
“Kapag masaya ako sa aking iniuutos sa inyo, bibigyan ko pa kayo ng pagkaing matatamis at mga bagong damit,” nakangiting sabi ni Liliw. “At mananatiling lihim natin ito, maliwanag?”
Hindi alam ni Liliw na sa isang tabi, sa malaking puno ay nakamasid si Montar—nakita at narinig niya ang ipinag-utos ni Liliw sa tatlong duwende na sina Bundaki, Ewi, at Uye.
“Tayo na!” yaya ni Liliw sa tatlong duwende. Dagling lumitaw sa kanyang likod ang mga pakpak. “Ihahatid ko kayo sa tahanan ni Moymoy! Pagkatapos ay babalik kaagad ako rito dahil hindi niya ako maaaring makita. Maliwanag ba ang pakiusap ko sa inyo?”
Tumango ang mga duwende.
Sumakay sina Bundaki, Ewi, at Uye sa balikat ni Liliw. Masaya silang lumipad patungo sa Malasimbo.
Pinagmasdan ni Montar ang paglipad palayo ni Liliw kasama ang tatlong duwende.
Mahal kong Diyosa, sana’y hindi ka mapahamak at gayundin si Moymoy. Kahit pala ang isang Apo ay mayroon ding damdaming-ina…