Kabanata 38
I NILILIGPIT NI MOYMOY ang kanyang mga gamit. Inilagay niya sa malaking sako ang mga gamit niya sa pag-aaral. Marahang bumukas ang pinto, at doon ay nakita niyang nakatayo si Hasmin.
“Totoo ba ang sabi ni Wayan, Moymoy?” marahang tanong ni Hasmin. “Aalis ka na raw dito sa Gabun at magtutungo ka na sa Amalao?”
Tumango si Moymoy at ngumiti. “Mami-miss kita.”
Napakunot-noo si Hasmin.
“Ang ibig sabihin n’on, ano, lagi kitang maaalala,” pagpapaliwanag ni Moymoy kay Hasmin.
“Bakit kailangan mong umalis?”
“Naroon ang nakilala kong magulang. Ang mama ko. Nami-miss ko na rin siya.”
Natigilan sila nang humahangos na dumating si Montar.
“Moymoy, si Tracy, ang mama mo!”
“Bakit, Montar? Ano’ng nangyari kay Mama?”
“Nasa liwasan siya. Bihag siya ni Buhawan!”
Napanganga si Moymoy sa kanyang narinig.
DUMALAW SI TRACY upang ibuhos sa namayapang si Edcel ang lahat ng sama ng loob niya sa buhay. Ilang araw na siyang nakabalik sa Pilipinas at ilang araw na rin niyang hinahanap si Moymoy.
“Edcel, kung bakit ka kasi namatay, `ayan tuloy, nagkagulo-gulo na ang buhay ko. Sabi mo, hindi mo `ko iiwan.”
Hindi siya tumitigil sa kapupunas sa puntod ni Edcel habang salita siya nang salita.
Biglang lumakas ang kanyang pag-iyak kapag naaalala niya si Moymoy. “Moymoy! Diyos ko, nasaan ka na?”
Bigla siyang nagulat, natigilan nang maramdaman niyang waring may pumagaspas na pakpak sa itaas ng puntod.
“Ay, ano `yon?”
Nagulat siya nang makita si Bella na nakatayo sa tabi ng puntod, walang kaimik-imik.
“Ate Bella! Tinakot mo `ko! Ano’ng ginagawa mo rito?”
Nanatiling nakatitig lamang sa kanya si Bella.
Namaywang si Tracy na humarap kay Bella. Wala pa ring imik si Bella, pero unti-unting may sumilay na ngisi sa mga labi nito…
“Ngingisi-ngisi ka pa riyan. I’m sorry, Ate, pero saka na lang tayo mag-usap, okay? Alam mo, tama ang kutob ko, eh. Naiinggit ka sa akin noon pa. Siguro noon, kung buhay pa si Edcel, tuluyan mo na rin siyang inagaw sa `kin. Ewan ko ba kung bakit ko pa ibinilin sa `yo si Moymoy!”
Nang hindi pa rin humuhuma ang nakangising si Bella ay binalingan muli ni Tracy ang puntod ni Edcel.
“Punyemas na Singapore `yan, kung alam ko lang, hindi na `ko nagtuloy. Kung alam ko lang na rapist `yong naging boss ko, tumakas sana ako nang mas maaga! Kung saan-saan tuloy ako nakarating at nagtago…”
Nanatiling nakangisi ang walang kakurap-kurap na si Bella sa harap niya.
“Ate, okay ka lang? Para kang nasaniban! Hindi ka naman marunong ngumiti, pero ilang minuto ka nang nakangisi riyan. Para kang t***a!”
Bumalik si Tracy sa pagpupunas ng puntod ni Edcel nang bigla siyang pinigilan ng isang kamay. Nagulat siya nang magpalit ng anyo ang ‘Bella’ na nasa harap niya. Lumabas ang tunay na anyo nito. Si Manarang. Sa likuran nito ay naroon si Abakay, nakangisi rin pero nanlilisik ang mga mata.
“Sino kayo? Ang papangit n’yo! Alis kayo diyan! Bitiwan n’yo `ko!”
“Huwag ka nang lumaban. Alam namin kung nasaan si Moymoy,” sabi ni Abakay.
Bigla ay natigilan si Tracy.
“Nasaan si Moymoy?”
“Sumama ka sa amin,” sabi ni Manarang.
Nagpumiglas si Tracy. “Teka lang! Teka lang! Sagutin n’yo muna ang tanong ko! Nasaan nga si Moymoy?”
“Nandiyan, o.” Itinuro ni Abakay ang puno ng balete.
“Punongkahoy `yan. Ano’ng akala n’yo kay Moymoy ko, kapre?”
Hindi na pinatuloy nina Abakay at Manarang ang pagsasalita ni Tracy. Bigla siyang hinila ng dalawa patungo sa puno ng balete. Kahit anong piglas ay hindi siya makawala sa pagkakapigil ng dalawa sa kanyang mga braso.
“Bitiwan n’yo `ko! Ipapapulis ko kayo! Ipapa-blotter ko kayo! Ang papangit at ang babaho n’yo! Bitiwan n’yo `ko!”
Ang huling namalayan ni Tracy ay ang paghigop sa kanila ng puno ng balete.
NANG makarating sa Gabun si Tracy na bihag nina Abakay at Manarang, sinalubong sila nina Buhawan at Pontoho.
“Hindi kaila sa `yo na si Moymoy ay hindi pangkaraniwang bata, hindi ba?” sabi ni Buhawan.
Hindi sumagot si Tracy, pinagmasdan ang paligid.
“Tagarito siya. Ito ang tunay na mundo ni Moymoy,” pagpapatuloy ni Buhawan. “Kagaya namin si Moymoy na tagarito sa Gabun. Isa rin siyang lamang-lupa. `Yon ang tawag n’yo sa amin, hindi ba?”
“Hindi ako naniniwala sa sinasabi mo, kung sino ka mang impakto!” pahiyaw na tugon ni Tracy, na bagaman ginagapangan ng kilabot ang buong katawan ay walang ibang nasasaisip kundi makitang muli ang kanyang anak.
Tumawa si Buhawan. Bigla itong nagpalit ng anyo, at naging si Ferdinand Brazil na guwapo at makisig na si Buhawan.
“Ito ba ang pangit na sinasabi mo?” pagyayabang nito.
“Naniniwala ka na?” sabi ni Buhawan.
Nakangangang nakatingin si Tracy sa nakabalatkayong makisig na Buhawan.
“Hindi tunay `yan. Aswang ka! Wala akong panahon na makipagbolahan sa `yo. Nasaan si Moymoy ko?”
Biglang kinaladkad nina Buhawan si Tracy sa liwasan ng Malasimbo. Iginapos siya sa isang poste sa gitna ng liwasan. Nagkukumawala siya roon at pilit niyang tinatanong kina Buhawan kung nasaan si Moymoy pero binabale-wala lang ang kanyang pag-uusisa.
“Siya ang nakilalang ina ni Moymoy!” Ito ang isinisigaw ni Buhawan sa mga tibarong naroroon.
“Wayan!” pagpapatuloy ni Buhawan na nakatingin sa tore. “Nasaan sina Moymoy at Alangkaw! Kailangan ko ang mapa!”
Sa mga sandaling iyon, humahangos na umalis si Montar upang magtungo kay Moymoy.
“ANG MAMA ko ! Nandito ang mama ko?” Napasigaw si Moymoy nang ibalita sa kanya ni Montar na naroon si Tracy sa Gabun.
“Oo, pero bihag siya ni Buhawan at ng kanyang pangkat. Isa lang naman ang gusto niya, hindi ba? Ang mapa sa inyong dibdib ni Alangkaw.”
Napatingin si Moymoy sa kanyang dibdib at pagkatapos ay kay Hasmin. Nagdesisyon si Moymoy na puntahan si Alangkaw.
“Alangkaw, NARITO PA rin si Buhawan!” wika ni Moymoy sa kapatid.
Saglit na natigilan si Alangkaw.
“Bihag niya ang mama ko, ang nanay ko sa Amalao. Papatayin niya ang mama ko kung hindi natin ibibigay sa kanya ang mapa. Nakikiusap ako sa `yo, ibigay na natin sa kanya ang mapa.”
“Ang sabi mo, tinutulungan mo ang mga tibaro na mabawi ang sumpa? Alam mo ba ang mangyayari kapag nasa kanya na ang lahat ng mga Ginto ng Buhay?”
Hindi naiwasan ni Moymoy ang umiyak. Napayakap siya kay Alangkaw.
“Ano’ng gagawin ko? Mamamatay ang mama ko…”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay noon lamang niya niyakap si Alangkaw. Sa kanilang dibdib ay naramdaman nila ang pintig at kabog ng kanilang mga puso. Magiliw na napayakap na rin si Alangkaw sa kapatid na si Moymoy.