noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 6

Ch. 6 / 41 Feb 09, 2022

N ANATILING nakadapa si Moymoy sa hangin sa itaas ng Kawa.

“Pero…” Napaisip ang Kawa.

“Pero ano, Kawa?” tanong ni Wayan.

“Kalahati lamang ang mapang nasa kanya,” sagot ng Kawa.

Pinagmasdang mabuti nina Wayan at Montar ang mapa sa likido.

“Hindi maaari. Paano nangyari `yon?” tanong ni Montar.

“Hindi ko `yan masasagot,” sagot ng Kawa. “Basta hindi `yan kompleto.”

“Kalahati?” Nanatiling nakatingin si Wayan sa likido ng Kawa.

Muling kumulo at umusok ang Kawa. Marahang ibinaba ng usok si Moymoy. Dinampot nito ang kamiseta at isinuot.

“Kung gayon, Montar, nasaan kaya ang kalahating bubuo sa mapa?” tanong ni Wayan.

Hindi nakasagot si Montar.

“Kung wala sa akin ang buong mapa na hinahanap ninyo, ano ang kailangan ninyo sa akin?” tanong ni Moymoy.

“Mahalaga ka sa amin,” may diin na sagot ni Wayan kay Moymoy. “Hindi ka hahanapin ni Buhawan kung hindi ka mahalaga.”

Buhawan?

“Ang ibig mong sabihin ay nalalaman ni Buhawan kung nasaan ang kalahati ng mapa kaya niya kailangang mahanap si Moymoy?” tanong ni Montar kay Wayan.

Napaisip nang malalim si Wayan. “Maaari.”

“Hindi ko po maintindihan ang mga sinasabi ninyo. Bakit n’yo kailangan ang mapa sa balat ko?”

Tiningnang mabuti ni Wayan ang nakatingalang si Moymoy. “Kung hindi namin itatago ang mapa sa iyong dibdib ay tuluyang mananatili sa aming mga tibaro ang sumpa.”

“Sumpa?”

Biglang natahimik si Wayan, napayuko at nagkaroon ng lungkot ang mukha. Bumukas ang mga mata at mula sa bintana ng tore, pinagmasdan ang kalawakan hanggang sa huminto ang paningin sa may kalayuan—sa nagniningning na palasyo ng mga Apo sa Sibol Encantada. “Ang sumpa… ang gabi ng dugon, masasaksihan mo ang naging kinahinatnan naming mga tibaro dahil sa sumpa ng mga Apo.” May pait ang tinig na iyon ni Wayan.

“Ano po `yong sinasabi ninyong sumpa? Gabi ng dugon?”

“Kapag nagiging kulay-pula ang buwan sa gabi, ito ay hudyat ng gabi ng dugon. Walang nakakaalam kung kailan ito sasapit. Maaaring bukas, sa makalawa, o di kaya’y mamayang gabi.” Malungkot ang tinig ni Montar.

“Ang gabi ng dugon ang pinakamalupit na bahagi ng sumpa ng mga Apo sa aming mga tibaro,” may lungkot ding sambit ni Wayan. “At ito ay dahil sa kagagawan ni Buhawan.”

Buhawan? “Sino po ba si Buhawan?”