noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 14

Ch. 14 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 14

“H INDI GANYAN! SA kaliwa!” pagtuturo ni Ibalong Saryo sa estudyanteng si Dorong na lumilipad.

“Dorong, gawin mo ang pangalawa!” Dinampot ni Ibalong Saryo ang isa sa mga modelong hayop na yari sa pilak na nakapatong sa isang mesa.

“Ang pangalawa!” Itinaas ni Ibalong Saryo ang hayop na pilak.

Biglang binago ng estudyanteng si Dorong ang kanyang anyo kagaya ng moldeng pilak na anyong hayop na itinaas ni Ibalong Saryo. Napangiti ito sa husay ni Dorong.

“Magaling!” sigaw ni Ibalong Saryo. “Ang pangatlo!”

Sumunod si Dorong kay Ibalong Saryo—sinunod ang pangatlong pilak. Patuloy sa paglipad si Dorong.

“Dorong, mahusay! Halika na rito!”

Bumaba si Dorong at pagkaapak sa lupa ay unti-unting bumalik ang tunay niyang anyo. Mayabang itong naglakad at lumapit kay Ibalong Saryo.

“Mahusay! Mahusay, Dorong! Mahusay!” puri ni Ibalong Saryo.

Bumaling sa mga batang estudyante si Ibalong Saryo. “Sino ang susunod?”

“Ako po!” humakbang si Hasmin at itinaas ang kamay.

Napatingin si Moymoy kay Hasmin. Ipinikit saglit ni Moymoy ang mga mata at nagmulat dahil gustong papaniwalain ang sarili na siya nga ang batang babaeng nakilala sa may balon na nagsasalok ng tubig.

“Ano naman ang bagong gagawin mo, Hasmin?” nakangiting tanong ni Ibalong Saryo.

Ipinakita ni Hasmin ang tatlong moldeng ginawa niya. Iba’t ibang hayop ang mga ito. Ang isa’y mukhang aso at ang dalawa ay kanyang sariling likha.

BAGO MAGSIMULA ang leksiyon ng mga estudyante sa anapaya ay inutusan ni Ibalong Saryo na gumawa ang mga ito ng iba’t ibang klaseng likha sa pamamagitan ng pangmolde na yari sa pilak. Bawat estudyante ay gumawa ng kanilang nais na gayahin sa pagpapalit ng anyo. Nang matapos ang mga ito, mistula itong mga estatwa. Ang mga ito ay aprubado muna ni Ibalong Saryo at siya rin ang namili sa tatlong kanilang gagawin sa anapaya. At ngayon nga’y dito nila ipinapakita, sa malaking bulwagang ginaganapan ng pagsasanay sa anapaya, ang pagpapalit nila ng anyo at paggaya sa kanilang mga likha.

Nang tumango si Hasmin—pahiwatig na handa na niyang gawin ang anapaya ayon sa kanyang mga likha—humawi ang lahat ng mga estudyante upang bigyan siya ng daan at saksihan ang kanyang gagawing anapaya. Pero biglang may naalala si Ibalong Saryo—

“Hasmin! Teka lang!” Lumapit si Ibalong Saryo kay Hasmin at bumulong. “Ikaw ay isang manananggal at hindi aswang.”

Napanganga si Hasmin, hindi makaapuhap ng kanyang sasabihin, ikinagulat ang tanong na iyon ng ibalong.

“Hasmin, isa kang manananggal, hindi ba? Bakit ka nasa klaseng ito? Bukas pa ang pagsasanay sa inyong mga manananggal. Bukas pa ang pag-aaral ng manabay,” malumanay na muling sabi ni Ibalong Saryo.

Napalunok si Hasmin. “Kaya ko pong gawin ito.”

“Isa ka ring aswang gaya ko?”

Marahang tumango si Hasmin.

“Gusto kong makita ang sinasabi mo.”

Ibinaling ni Hasmin ang tingin sa harap at dahan-dahan siyang tumingin nang diretso. Hindi niya iginalaw ang mga mata, nakatingin lamang sa isang direksiyon.

Sa kanyang tabi ay naroon si Moymoy, at pakiramdam nito’y siya ang kinakabahan sa gagawin ni Hasmin. Hindi niya magawang ipikit ang mga mata; ayaw palampasin ang pagkakataong makita kung ano ang mangyayari sa gagawin ni Hasmin.

Huminga nang malalim si Hasmin. Sa hindi malamang dahilan, parang nararamdaman ni Moymoy kung ano man ang nararamdaman nito, ang maaaring mangyari sa kanyang gagawin. Pakiwari ni Moymoy ay nababasa niya kung ano man ang tumatakbo sa isip ni Hasmin. Anaki’y kidlat na pumapasok sa kanyang utak ang nasasaisip ni Hasmin sa mga sandaling iyon. Namalayan tuloy ni Moymoy na natututo na rin siya ng anapaya.

Kapagkuwa’y biglang nag-iba ang anyo ni Hasmin—naging aso ito. Ang maliit na aso na nasa gitna ng bulwagan ay tumahol nang tumahol. Tuwang-tuwa si Ibalong Saryo sa kanyang nasasaksihan kay Hasmin. Pagkatapos tumahol ng aso na si Hasmin ay nagtatakbo ito. Sa kabilang banda, biglang napapikit si Moymoy—at sa kanyang isipan, nararamdaman niya kung ano man ang iniisip ni Hasmin—tuluyang natututo siya ng anapaya! At nang magbukas si Moymoy ng kanyang mga mata ay biglang nagbago ang anyo ni Hasmin. Ang pangalawang nilalang na kanyang likha ay ang sumunod na anapaya nito. Gaya ng nilikha nitong estatwa, ito ay isang ibon na may magagandang balahibo at ang mukha ay kagaya ng isang maamong kalapati. Lumipad ito nang lumipad sa bulwagan. Sa isipan ni Hasmin, naroroon ang nais niyang gawin sa kanyang anapaya. Doon ay malinaw at malayang hinayaan niya ang kanyang gustong gawin. Lumipad siya nang lumipad sa bulwagan at pinagmamasdan ng lahat ng kaklase ang kanyang ipinamamalas.

“Sige, Hasmin! Sige! Ilagay mo lamang sa iyong isipan ang iyong anapaya! Isa kang ibong lumilipad!” Tuwang-tuwa si Ibalong Saryo habang pinagmamasdan si Hasmin na lumilipad.

Pero biglang naguluhan ang isip ni Hasmin. Kung kanina’y nakatuon ang kanyang isip sa bawat anapayang ginagawa, ngayon ay may pumapasok na kakaiba sa kanyang isipan. May gumugulo. Ang hindi niya nalalaman—si Moymoy, sa mga sandaling iyon ay nakapikit, nag-iisip at pumapasok sa kanyang isipan. Bahagyang napangiti si Moymoy, inisip na lumalaki ang anyo ni Hasmin. At lumaki nga nang lumaki ang ibong si Hasmin na ikinagulat ni Ibalong Saryo.

“Hasmin?” Napanganga si Ibalong Saryo.

Tuluyan pang lumaki si Hasmin, hanggang sa kaya nang kontrolin ni Moymoy ang kanyang iniisip. Nagpalipad-lipad pa ito sa bulwagan at lumabas ng bintana. Nagsilabasan din ang mga estudyante at ganoon na rin si Ibalong Saryo maliban kay Moymoy na nanatiling nakatayo sa bulwagan.

“Hasmin! Hasmin!” sigaw ni Ibalong Saryo.

Lumipad-lipad si Hasmin hanggang sa kalawakan.

Si Moymoy ay nanatiling nakapikit at walang kaalam-alam na kinokontrol niya ang anapaya ni Hasmin!

“Hasmin! Hasmin!” Patuloy sa pagsigaw si Ibalong Saryo pero parang walang narinig si Hasmin dahil patuloy pa itong lumipad nang lumipad.

Sa bulwagan naman ay napapangiti si Moymoy, natutuwa sa kanyang ginagawang pagkontrol sa isipan ni Hasmin na animo ay siya ang lumilipad.

“Hasmin! Bumalik ka rito! O di kaya’y gawin mo ang susunod!” utos ni Ibalong Saryo.

“Hasmin! Bumalik ka rito! O di kaya’y gawin mo ang susunod!” utos ni Ibalong Saryo.

Pero walang magawa si Hasmin dahil kinokontrol pa rin ni Moymoy ang kanyang isipan. Nang mapansin ni Ibalong Saryo na hindi nakikinig si Hasmin sa kanya, nagpasya siyang mag-anapaya. Siya man ay naging ibon, sinlaki ni Hasmin. At nang makarating siya kay Hasmin ay bumalik ang anyo ni Ibalong Saryo pero nanatili ang kanyang pakpak na lilipad-lipad.

“Hasmin! Ano’ng nangyayari sa `yo?!” sigaw ni Ibalong Saryo nang makalapit kay Hasmin. “Hasmin?”

At tinitigan ni Ibalong Saryo ang mga mata ni Hasmin, “Tumingin ka sa akin! Tingin!”

Sa isipan ni Hasmin, alam niyang hindi niya kagagawan ang maging malaking ibon at lumipad nang lumipad. Alam niyang may ibang puwersang gumulo sa kanyang isipan. Ngunit hindi niya nalalaman na ito’y hindi sinasadyang nagagawa ni Moymoy.

Sa ibaba, sa loob ng bulwagan, biglang bumukas ang mga mata ni Moymoy. Nagulat siya nang makitang wala ni isang tao sa bulwagan at nakita niyang nasa labas ang mga ito.

Sa kalawakan, sa pagbitaw ni Moymoy sa pagkontrol sa isipan ni Hasmin ay bigla itong naguluhan kaya hindi nito namalayan na bigla itong bumalik sa tunay na anyo. Hindi malaman ni Hasmin ang gagawin dahil sa ilang sandali lamang ay tuluyan siyang malalaglag sa lupa. Bigla niyang inisip na mag-manabay. Biglang lumabas ang itim niyang pakpak mula sa likuran pero nanlaki ang mga mata niya nang hindi niya naisip na ang tibalok o ang kalahati naman niyang katawan sa ibabang parte ang malalaglag sa lupa.

Nagulat si Ibalong Saryo sa kanyang nakikita. Lumipad siya paibaba upang saluhin ang tibalok ni Hasmin pero mabilis ang paghulog nito. Makikitang gumagalaw-galaw ang mga binti at paa ni Hasmin, humihingi ng saklolo—alam ng kanyang tibalok na nasa panganib ito at nalalapit sa disgrasya.

Dagling nagkaroon ng pakpak si Moymoy, lumipad para saluhin ang nahuhulog na tibalok ni Hasmin. Pero nang malapit na siya para saluhin ang tibalok ay natigilan siya nang isang kamay ang sumalo roon. Si Dorong. Nakangisi itong nakatingin sa kanya, may pakpak din ito sa kanyang likuran.

Marahan ay inilapag, itinayo ni Dorong ang tibalok ni Hasmin sa lupa. Halos magkasabay sina Moymoy at Dorong na bumaba at itinago ang pakpak sa kanilang likuran. Nakita ni Hasmin ang lahat ng pangyayari at sa kanyang paglipad paibaba ay lumapit siya sa sinaklolohang tibalok at marahang idiniit ang kanyang kalahating katawan doon.

“Maraming salamat, Dorong,” bumaling at malumanay na sabi ni Hasmin.

“Walang anuman,” nakangiting sagot ni Dorong, sabay kindat kay Hasmin.

Ibinaling ni Hasmin ang tingin kay Moymoy. “Sa `yo rin, Moymoy. Maraming salamat.”

Hindi na nakuha pang ngitian ni Moymoy si Hasmin dahil nahiya siya. Napaisip si Moymoy—kung tutuusin ay siya ang may kagagawan ng nangyari kay Hasmin. Hindi ko sinasadya, Hasmin. Sorry… hindi ko talaga alam na mangyayari ang ganito.

Bumaba na rin si Ibalong Saryo at bumalik sa tunay na anyo.

“Hasmin,” hinarap ni Ibalong Saryo si Hasmin, “ano’ng nangyari sa `yo? Maganda na sana sa simula ang ipinakita mong anapaya pero hindi mo naituloy nang mabuti,” nag-aalalang tanong ni Ibalong Saryo.

“Ibalong, magulo. May gumugulo sa aking isipan habang ginagawa ko ang aking anapaya. May gumugulo. May gumugulo,” pag-uulit na sabi ni Hasmin. “Hindi ko maipaliwanag pero ngayon ko lang ito naramdaman.” At hindi niya maiwasang mapatingin kay Moymoy.

Napanganga si Moymoy pagkuwa’y iniba ang kanyang tingin—umiwas sa tingin ni Hasmin. Hindi niya masabi rito na siya ang may kagagawan sa nangyari. “Sa lahat! Kayong mga aswang, mahalaga na buháy ang inyong isipan at dapat na nakatuon ang inyong isipan sa nais na anapaya. Kapag lumihis `yan sa iba’t ibang bagay ay sigurado akong hindi epektibo ang anumang anapayang nais n’yong gawin!” pagpapaalala ni Ibalong Saryo.

Hinawakan ni Ibalong Saryo ang balikat ni Hasmin. “Mahusay ka, Hasmin. Kailangan na lamang ng pagsasanay pa. Hindi ko alam na isa ka rin palang aswang gaya ko. Sa buong Gabun ay tayong dalawa lamang ang nalalaman kong may ganitong kakayahan.”

“Inilihim po ng nanay ko na isa siyang aswang at manananggal. Sa kanya ko po marahil ito namana.”

“Ganoon ba? Kung gayon ay karapat-dapat kang maging isang ibalong paglaki mo.” Bumaling si Ibalong Saryo sa mga estudyante. “Palakpakan natin si Hasmin sa kanyang natatanging kakayahan!”

Nagpalakpakan ang lahat ganoon din si Moymoy. Ang sumunod na narinig ay mga hiyawan—hiyawan ng paghanga. Inilibot ni Hasmin ang tingin sa mga kapwa estudyante at ngumiti.

Nang humupa ang hiyawan ay natuon ang pansin ni Ibalong Saryo kay Moymoy. “Ikaw, dayo, halika nga.”

Napatigil ang lahat habang bantulot na humakbang si Moymoy palapit kay Ibalong Saryo.

“Ikaw, Moymoy, na laking Amalao sa mundo ng mga buntawi, ikaw ang susunod. Ipakita mo sa amin ang nalalaman mo sa anapaya,” mariing utos ni Ibalong Saryo.

Napanganga si Moymoy, nanuyo ang lalamunan, matagal na nakatingin sa matandang ibalong.

“Moymoy?” Tiningnan nang diretso ni Ibalong Saryo si Moymoy na parang nagsasabing— Ikaw na, at ipakita mo ang nalalaman mo sa anapaya.