Kabanata 20
B IGLANG nakadama si Liliw ng kakaibang kirot sa kanyang dibdib. Humahangos siyang lumabas ng kanyang silid at nagtungo sa malawak na asotea ng Sibol. Tinapunan niya ng tingin ang kinaroroonan ng Malasimbo. Wala siyang makita sa dilim. Tanging ang buwan na kulay-dugo lamang ang kanyang naaaninag. Patuloy ang pagkirot ng kanyang dibdib. Pagkaraan ng ilang saglit ay marahang iniluwa ng pinto ng asotea si Montar.
“Mahal kong Diyosa?”
“Si Moymoy, ang aking anak… nasa panganib siya…” bulong ni Liliw. “Hindi siya tagarito at sa kalagayan niya sa Malasimbo, nasa kapahamakan siya lagi, Montar. Naisip ko, kung sana’y hinayaan mo na lamang siya sa Amalao, sa mundo ng mga buntawi at ginamit niya ang kapangyarihan niya roon, hindi siya mapapahamak.”
“Lalo siyang mapapahamak sa Amalao—kay Buhawan.”
“Kahit makita niya ang aking anak, ito’y walang silbi. Kailangan niyang makita ang kabuuan ng mapa para malaman ang kinaroroonan ng Panalturan.
Kaming mga Apo lamang ang maaaring makaalam ng kinaroroonan ng Panalturan. Wala ni isang tibaro dito sa Gabun ang makakahanap niyon. Kahit matagpuan ni Buhawan si Moymoy ay wala siyang magagawa at `yan ang dapat niyang malaman. Huwag na huwag niyang sasaktan ang aking anak dahil ako ang makakalaban niya. Minsan na akong sumuway sa Liya ng Apo. Gagawin ko uli para sa aking anak.”
May diwani ka, Moymoy. Binigyan kita ng sandata. Sana’y gamitin mo `yan para ipagtanggol ang iyong sarili at palaganapin ang kabutihan.
SA TORE, halos tumigil sa pagtibok ang puso ni Wayan habang pinapanood mula sa bintana ang pagpupumiglas ni Moymoy sa mga kuko ng halimaw na kulay-itim. Naroong tangkang kainin nito si Moymoy, tinatakot—biglang bibitawan, pagkatapos ay sasaluhin. Pumikit si Moymoy, at kahit na natataranta ang isipan ay pinilit pa niyang mag-iba ng anyo. Inisip niyang maging maliit na nilalang upang makawala sa mga kuko ng halimaw. Pero bago nangyari iyon, isang dambuhalang dragon na kulay-itim din ang dumating. Pinakawalan nito ang apoy sa bunganga kaya dagling umiwas ang halimaw na sumusukol kay Moymoy. Nahulog si Moymoy. Sinalo siya ng itim na dragon. Pagsalo nito’y dinala si Moymoy sa malapit na burol at doon ay nagpalit ito ng tunay na anyo.
“Ibalong Saryo!” sigaw ni Moymoy. “Salamat! Salamat at sinagip n’yo ako!”
“Moymoy, makinig kang mabuti. Ang halimaw na `yan, palagay ko’y siya ang Anino, ang Halimaw ng Dalumdum!”
Huminga nang malalim ang matandang ibalong. “Moymoy, gaya ng sabi ko sa `yo, isa siyang mahusay na aswang pero wala siyang diwani na mayroon ka. Ang kanyang layunin ay ubusin ang lahat ng tibaro ng Malasimbo.” Patuloy na hinahabol ng matandang ibalong ang paghinga. “Pinilit kong magbago ng anyo nang makita kitang bihag ni Anino…”
Hinabol na muli ng matandang ibalong ang kanyang paghinga at lumunok-lunok. Pinilit nitong muling magsalita pero walang lumalabas sa kanyang bibig. Pagkatapos ay biglang nagbago ang anyo nito at naging halimaw. Humingal ito—gutom na gutom! Nagkaroon ito ng maiitim na pakpak at kasabay niyon ay binuhat si Moymoy. Tuluyan nang naging halimaw si Ibalong Saryo na nakakaramdam ng matinding pagkagutom.
Kitang-kita ni Moymoy nang ilabas ni Ibalong Saryo ang dila. Humaba iyon at nilasap ang mukha niya.
Kakainin ako ni Ibalong Saryo!
Ibinuka ni Ibalong Saryo ang bibig at akmang kakainin si Moymoy nang bigla siyang nagbago ng anyo. Naging isang paruparo si Moymoy. Lumipad siya nang lumipad, iniwan si Ibalong Saryo.
Nagulat si Moymoy nang nasa kalangitan na siya, nakita niya roon ang halimaw na tinatawag na si Anino na nag-iba ng anyo nang tumapak sa lupa. Isa itong lalaking napakatikas at malaki ang pangangatawan pero ang mukha ay kagaya ng isang kabayo. Nanatili itong maitim at naaaninag lamang sa malamlam na liwanag ng buwang kulay-pula. Bawat daanan ni Anino na mga bahay ay isa-isa nitong binubuksan ang mga pinto, pinagsisisipa kaya naglabasan ang mga gutom na gutom na mga tibaro at naglalaban-laban. Ang iba’y nagliliparan at tinatakasan ang gustong kumain sa kanila. Lahat sila ay nais kainin ang isa’t isa!
Napanganga si Moymoy sa nakikita, natigilan nang papalapit si Anino sa pinto ng bahay ni Hasmin at akmang bubuksan. Dagli ay nagtungo siya sa kinaroroonan ni Anino. Biglang nagpalit sa tunay na anyo si Moymoy.
“Sino ka? Bakit mo gustong ubusin ang mga tibaro ng Malasimbo?” pahiyaw niyang sumbat dito.
Biglang nag-iba ng anyo si Anino, naging mukhang tao—mahaba ang buhok pero may dalawang sungay. Ang kulay ng lahat ng parte ng katawan ay nanatiling itim, mistula pa ring bahagi ng dilim ng gabi.
Sa malaking boses ni Anino ay sumagot ito at humarap kay Moymoy. “Malaking sagabal ang mga tibaro ng Malasimbo. Kailangan kayong lipulin. Kung mauubos kayo, masasakop namin hindi lamang ang buong Gabun kundi pati ang Amalao.”
“Sino ka?! Sino ka?! Ikaw nga ba ang tinatawag nilang Anino? Ang Halimaw ng Dalumdum?”
Hindi sumagot si Anino. Biglang nag-iba ang anyo nito—naging itim na kabayo ang kabuuan, akmang sisipain nito ang pinto ng bahay ni Hasmin upang wasakin nang bigla ring nagpalit ng anyo si Moymoy—naging pusa at pagkatapos ay biglang naging malaking tigre.
“Grrr!” Tinakot ni Moymoy si Anino.
Bigla’y nag-iba rin ng anyo si Anino. Naging isa rin itong tigre. Pero isang tigreng napakaitim. Natigilan si Moymoy nang akmang lulusob ito sa kanya. Sinunggaban siya nito. Gumanti si Moymoy at naglabanan sila.
Mula sa bintana ni Wayan ay nakikita niya sa ibaba ang paglalaban nina Moymoy at Anino.
“Moymoy…” Napabulong si Wayan sa nag-aalalang tinig. Baka hindi pa kaya ni Moymoy ang ganitong labanan.
Nagtungo si Wayan sa kinaroroonan ng kanyang Kawa. Hinalo niya ang likido sa Kawa sa pamamagitan ng mahabang sandok.
“Montar! Montar!”
Pagkaraan ng ilang saglit ay lumitaw sa likido ang mukha ni Montar.
“Wayan?”
“Montar, si Moymoy, nakikipaglaban kay Anino—ang Halimaw ng Dalumdum! Wala sa kanyang kakayahan ang gawin ito. Nanganganib siya!”
Napaisip si Montar. “Gagawin ko ang makakaya ko, Wayan.”
Nagbalik sa bintana si Wayan. Nakita niya ang mga tibarong naghahampasan sa mga rehas ng kanyang bintana; kinakain nila ang isa’t isa. Pagkatapos ay tinapunan niya ng tingin ang dalawang tigreng naglalaban. Nakita niya kung papaano sinunggaban ni Anino si Moymoy. Kinalmot-kalmot at kinagat ni Anino si Moymoy. Biglang nag-iba ng anyo si Moymoy at siya ay naging maliit na ibon. Lumipad siya sa himpapawid pero hirap na hirap siya sa paglipad dahil sa natamong mga sugat. Dahil sa kanyang panghihina—minsan ay bumabalik-balik ito sa tunay na anyo—nanatiling may pakpak pero nanghihihinang lumilipad-lipad.
Si Anino ay biglang nagkaroon ng kulay-itim na malalapad na pakpak at habang nag-iiba ng anyo ay sinalakay ang nanghihinang si Moymoy. Ang katawan nito ay kagaya ng isang lalaking tao, pero ang ulo ay kagaya ng isang tigre. Mabilis ang kanyang mga kilos. Bigla itong nagkaroon ng matatalim na kuko at nilusob si Moymoy, kinalmot-kalmot tuwing bumabalik siya sa tunay na anyo. At kahit iniiwasan ni Moymoy ang mga kalmot ni Anino ay nahagip nito ang kanyang noo. Tumulo ang kanyang dugo.
“Aahh!” Nasaktan si Moymoy. Saglit na lumalabas ang kanyang tunay na anyo.
Nang maisip ni Moymoy na kailangan na niyang mag-iba pa ng anyo ay bigla siyang naging malaking lawin.
Pero bago pa makalipad sa kalawakan si Moymoy upang makaakyat nang tuluyan ay bigla niyang naramdaman ang mga kuko ni Anino. Nasaktan si Moymoy at tumulo ang dugo sa kanyang pakpak. Saglit na namang lumabas ang kanyang tunay na anyo. Nanatili ang kanyang tunay na anyo, habang pinapalitaw ang pakpak ng lawin sa kanyang likuran.
Ang aking diwani! Bigla ay binuksan ni Moymoy ang kanyang kanang palad at lumabas doon ang mahaba at matalim na espada. Saglit pa itong kuminang.
Lumusob si Moymoy sa Anino. Nagbanggaan ang kanilang lakas, kasabay niyon ay nag-iba si Moymoy ng anyo—isang malaking taong lalaking matikas at maskulado, nanatiling may pakpak, hawak ang espada. Ikinagulat ito ni Anino. Iwinasiwas ni Moymoy ang kanyang espada pero mahusay umilag si Anino. Naglaban sila sa himpapawid. Walang magawa si Anino sa diwani ni Moymoy kundi ang umilag lamang kaya nang mapagod ito, umurong sa pakikipaglaban. Lumipad siya patungo sa Dalumdum.
SA SIBOL, hindi makatulog si Liliw. Nasa pasilyo siya, palihim na nakasilip sa maliit na bintana, nakatingin sa direksiyon ng Malasimbo. Wala siyang nakikita roon kundi ang buwan na unti-unti nang naglalaho ang kulay-dugo nito.
“Ano kaya ang nangyayari sa aking anak?” kinakabahang naibulong ni Liliw. May naramdaman siyang dalawang butil ng luhang sumulpot sa kanyang mga mata. Natigilan siya nang marinig ang boses na nagmumula sa kanyang likuran.
“Walang Apong umiiyak, Liliw.” Ang boses ay nanggaling kay Amihan.
“Gusto ko siyang tulungan. Nanganganib ang buhay ng aking anak dito sa Gabun,” malumanay na sabi ni Liliw. “Ngayon ko lamang naramdaman ang ganito. Saan kaya nanggaling ang mga luhang ito? Kahit nang mawala si Ronado sa buhay ko at patawan n’yo ako ng parusa ay hindi ako lumuha. Nanatili akong matatag. Bakit ganito?”
“Nakuha mo na rin pati kaugalian at damdamin ng isang tibaro, Liliw.” Ang tinig ay nanggaling sa kararating na si Marino. Kasama nitong dumating si Ilawi.
Bumaling si Liliw sa mga kapatid na mga Apo. “Paano ko ipapaliwanag ang nararamdaman kong paghihirap sa inyo dahil kahit minsan ay hindi marahil kayo makakaranas ng ganito—ang maging isang magulang—ang maging isang ina.”
Nanatiling matatag si Liliw pero ang mga salita nito’y puno ng damdamin.
“Ang Liya ng mga Apo ay ganito—kung ano ang iyong nilabag ay may nakapataw na kaparusahan. Kasama `yan—iyang sinasabi mong ‘paghihirap,’ Liliw.” Nagkaroon ng galit ang mukha ni Marino. “Liliw, dahil sa iyong nagawang paglabag, lahat ng tibaro ay nag-iba ang tingin sa ating mga Apo.”
Napakunot-noo si Liliw.
“Nang dahil sa pakikipag-ugnayan mo sa tibarong si Ronado, napagtanto nilang may damdamin tayong marupok kahit tayo’y mga diyos. At bilang paggalang sa ating diwani, hindi mo dapat gamitin ito para sa iyong anak,” pagpapatuloy ni Marino.
Nagkaroon ng galit ang mukha ni Liliw.
“Kailangan ng tulong ng aking anak, Marino! Papatayin siya ng pangkat ni Buhawan!” Mariin ang mga salita ni Liliw. “Hindi ko siya magagawang pabayaan. Hindi siya laking-Gabun at hindi siya sanay na manirahan dito nang ligtas. Isa pa’y ano’ng dahilan at ayaw ninyong tulungan ko si Moymoy sa mga rebelde ng Dalumdum? Baka nakakalimutan ninyo na ang kalaban ay si Buhawan. At oras na matulungan ng aking anak ang mga taga-Malasimbo at mabigyan niya sila ng lakas, maisasauli ang mga Ginto ng Buhay na ninakaw ni Buhawan at hindi na manganganib ang ating pagiging imortal, gayundin ang ating kapangyarihan.”
May saglit na katahimikan ang naghari; nagtinginan ang mga kapatid na Apo ni Liliw.
“Marami ka na ngang nakalimutan, Liliw. Hindi mo ba nalalaman na sumusunod tayo sa ating Ama? Liliw, baka nakakalimutan mo—ang Kanyang salita ay huwag tayong makialam sa mga tibaro na mabawi ang sumpa nang walang pahintulot mula sa Kanya. Tayong mga Apo ang nagpataw ng sumpa. Tayo rin ba ang tutulong sa mga tibaro na bawiin ang sumpa? Kalokohan!”
Hindi nakaapuhap ng sasabihin si Liliw sa kanyang narinig, isa-isa lamang tiningnan ang mga kapatid na mga Apo. “Kahit na kailan ay hindi n’yo ako maiintindihan…” Pagkabitaw sa mga salitang iyon ay tinalikuran niya ang mga kapatid.