Kabanata 22
N AGLALAKAD SI ANINO, ang Halimaw ng Dalumdum, patungo sa kanyang palasyo. Nanatili ang kanyang anyo mula sa pakikipaglaban kay Moymoy—ang katawan ay kagaya ng isang taong lalaki, pero may malalaking pakpak at ang mukha niya ay kagaya ng sa isang tigre. Sa kanyang paglakad patungo sa palasyo ay dahan-dahan siyang nag-iba ng anyo—matikas ang pangangatawan pero ang mukha ay kagaya rin ng isang taong lalaki. Mahaba ang kanyang buhok, matigas ang ekspresyon sa mukha, at nanlilisik sa galit ang mga mata. Nanatiling napakaitim ng kanyang kulay.
Binuksan ni Anino ang pinto ng palasyo. Nagmasid saglit. Pinalagutok ang leeg at tuluyang pumasok sa loob.
“Alangkaw!” sigaw ng mga tibaro sa binansagang Anino ng Dalumdum, sinambit ang tunay niyang pangalan. Ikinukulong ni Alangkaw ang kanyang mga mandirigma tuwing sumasapit ang gabi ng dugon para hindi nila kainin ang isa’t isa.
Nanatiling diretso ang lakad ni Alangkaw, nakataas ang noo, dama ang pagiging makapangyarihan bilang pinuno ng Dalumdum. Pinagbubuksan niya ang mga kandado ng mga rehas upang tuluyang mabuksan ang pinto ng mga iyon. Tuwang-tuwang naglabasan ang mga tibaro ng Dalumdum.
Lumabas sa isang malaking selda ang isang lalaking malaki ang pangangatawan. May bigoteng napakakapal na halos natatakpan ang malaki nitong ilong. Lagi itong sumisinghot na kahit hindi gabi ng dugon ay parang gutom na gutom. Laging mabagsik ang mga mata nito. Siya ay si Pontoho, ang kanang-kamay ni Alangkaw.
“Alangkaw, ano ang nangyari? Marami ba sa kanila ang nangamatay?” tanong ni Pontoho.
“Marami sana kung hindi nakialam ang isang batang may diwani.” Nagtungo si Alangkaw sa kanyang trono at umupo.
“Moymoy ang itinawag sa kanya. Nakita ko ang tunay niyang anyo. Isa siyang bata.”
“Totoo ba ang sinasabi mo, Alangkaw. Bata? Moymoy `kamo ang pangalan?” tanong ni Pontoho na humihingi ng paglilinaw sa sinabi ni Alangkaw.
“Oo, at ngayon ko lamang siya nakita.”
Napanganga si Pontoho sa sinabing iyon ni Alangkaw.
“Bakit, Pontoho? May nalalaman ka ba tungkol sa kanya?”
“Wala, Alangkaw. Wala! Walang binabanggit sa akin ang ama mong si Buhawan tungkol sa Moymoy na sinasabi mo.”
“Sabihin mo sa aking ama, kung siya’y makakausap mo sa Amalao, kailangan naming mag-usap,” utos ni Alangkaw.
“Oo, Alangkaw, sasabihin ko sa kanya ang ipinag-uutos mo.”
NANG gabing iyon , lihim na nagtungo sa isang malaking puno ng akasya si Pontoho. Tumingin siya sa paligid bago tuluyang pumasok sa katawan nito. Ilang sandali lamang ay lumabas siya ng punong-akasya sa Amalao na kamukhang-kamukha ng nasa Dalumdum. Ang punong ito’y matatagpuan sa likod-bahay ni Buhawan sa Forbes Park. Tumingala siya saglit, tumingin sa bintana at pagkatapos ay nag-iba siya ng anyo—isa siyang itim na ibon. Lumipad siya at pinagkakatok ng kanyang tuka ang bintana ng silid ni Buhawan. Nagising bigla si Buhawan.
“Pontoho!”
Pumasok sa study ng bahay sina Buhawan at Pontoho. Ang anyo ni Buhawan ay yaong napakagandang lalaki at mahigit trenta anyos. Nakasunod sa kanila sina Abakay at Manarang. Ang anyo ni Abakay ay napakagandang dilag—maganda ang pangangatawan, mestisa. Ang kanyang kabuuan ay yaong mahigit kuwarenta anyos. Si Manarang ay nakasalamin at matigas ang mukha, istriktong tingnan. Ang kabuuan niya’y yaong mahigit singkuwenta anyos.
Nang sila’y nagsiupo sa mahabang mesang nasa gitna ng study, sabay-sabay nilang pinalitan ang kanilang mga anyo at naging mga tunay nilang katauhan. Si Abakay ay maitim at kulubot na kulubot ang mukha. Sarat ang ilong at puno ng maiitim na pekas ang mukha. Si Manarang naman ay payat at kulubot din ang mukha. Sina Buhawan, Abakay, at Manarang ang namumuno sa mga tibarong rebeldeng naninirahan sa mundo ng mga tao—sa Amalao.
Si Buhawan ang unang nagsalita. “Ipinatawag ko kayo, Abakay, Manarang, dahil may mahalaga akong sasabihin tungkol sa nangyayari sa Gabun. Naroon ang anak ni Liliw. Ang anak ni Liliw na pinalaki ng isang buntawi.”
“Naunahan tayo? Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Abakay. “Bakit ba habol kayo nang habol sa batang `yon?”
“Abakay,” sabi ni Manarang, “kahit kailan ay b**o ka! Plastik ka pa. `Di ba, kasalanan mo `to? Ikaw ang inutusang dukutin ang batang `yon pero palpak ka. At hindi mo ba naiintindihan? Nasa kanya ang kalahating mapa ng Panalturan kaya natin siya hinahanap.”
“O, eh, ano ngayon kung nasa Gabun na nga siya,” sagot na muli ni Abakay na nanlalaki pa ang mga mata.
“T***a! Hindi ka lang pangit, t***a ka pa. Kung alam ko lang, ako na ang dumukot sa kanya. G**a! Sasakit talaga ang ulo ko sa `yo.” Sinapo ni Manarang ang kanyang ulo na napapailing.
“Hoy, Manarang, `wag na `wag mo `kong tatawaging t***a. Dinidiyos ako ng mga pasyente kong pinapaganda ko,” pagmamayabang ni Abakay.
“Oo nga, kung hindi ka isang manananggal at hindi sumisipsip ng dugo at taba ng mga pasyente mo, hindi naman sila papayat. Eh, `yong napapatay mo dahil sa katangahan mo kapag sumosobra ang sipsip mo, pati mga lamang-loob kasi kinakain mo,” naiinis na sabi ni Manarang.
“`Wag na `wag kang magmayabang, ha. Hindi naman magiging number one sa ratings ang mga shows mo sa TV kung hindi mo dinadaya ang mga ratings. Para bang `di ko alam na kapag natatalo ka ng ibang istasyon, kung hindi mo pina-pirate `yong magagaling na empleyado, pinapatay mo,” tatawa-tawa pang sabi ni Abakay. “Kaya hindi ako ang t***a! Ikaw! Baka gusto mong ibulgar ko ang ginagawa mo sa mga artista mong lalaki? Bago mo sila isinasabak sa istasyon mo, nakikipag- chuk-chack ka muna sa kanila. Ang landi-landi mo!”
“Teka, hindi `yan ang pinag-uusapan natin, `t***na ka! Pangit na `to!”
“Ano, ulitin mo nga, Manarang? Sino’ng pangit? Okay lang na murahin mo `ko. Wala namang epek `yon eh! Pero ang tawagin mo `kong pangit…” Biglang hinablot ang buhok ni Manarang at pinagsasabunutan.
Gumanti si Manarang. Kasabay niyon ay lumaki at lumuwa ang kanilang mga mata.
“Tumigil kayo riyan!” singhal ni Buhawan.
Sa pagdagundong ng boses ni Buhawan sa kuwartong iyon ay natakot sina Abakay at Manarang at tumigil sa pag-aaway.
“May problema tayo. Nasa Gabun ang anak ni Ronado. At alam ninyong lahat na ang ina ay isang Apo. Hindi lamang siya aswang at marunong ng anapaya kundi may diwani na wala si Anino. Kapag naturuan siya at sinanay na maging mandirigma, hindi natin mauubos ang mga kalaban. Naniniwala akong nasa kanya ang kalahati ng mapa. “Ang kalahating mapa ay hawak ni Alangkaw!” pagpapatuloy ni Buhawan.
Nagtinginan ang lahat, napanganga sa sinabing iyon ni Buhawan.
“Tanging ako lamang at si Pontoho ang nakakaalam sa tunay na pagkatao ni Alangkaw, ang tinaguriang Anino ng Dalumdum. Anak siya ni Liliw. Kakambal ni Moymoy Lulumboy. Ang kalahati ng mapang nasa dibdib ni Moymoy ay siyang bubuo sa mapang nasa dibdib ni Alangkaw.”
Sumandal sa swivel chair si Buhawan at nagsimulang magkuwento.
“Hinanap ko si Liliw sa kanyang pinagtataguan nang malaman kong nasa kanya ang mapa ng Panalturan. Nakita ko nang itago ni Montar si Moymoy. Dinala niya rito sa Amalao ang bata at naiwan ang kakambal niya sa Gabun. Nakita ko ang mapa sa dibdib ni Alangkaw.”
Tumango si Pontoho at dinugtungan ang ikinukuwento ni Buhawan. “Marahil ang alam ni Liliw ay patay na ang isa niyang sanggol. Ang nalalaman niya ay nilapa siya ng isang mabangis na hayop.”
“Iyon ang pinalabas ko,” pagpapatuloy ni Buhawan. “Ako ang hayop na nakita ni Liliw. Ang buong akala niya ay nilapa ko ang kanyang anak. Pero sinagpang ko lamang siya at itinakbo. Nang makalayo ako kay Liliw ay iniluwa ko ang sanggol. Si Alangkaw.” Huminga nang malalim si Buhawan. “Ang buong akala ko’y na kay Alangkaw ang buong mapa.”
“So?” Nagsimulang magsalita si Abakay.
“So ano, so ano ka riyan,” naiinis na sabi ni Manarang kay Abakay.
“So what?”
“Ay g**a!” Napailing si Manarang.
“So, eh, di hanapin nga `yong Moymoy na `yon!”
“Tumpak ka riyan, Abakay,” sabi ni Manarang na pakutyang tumatawa. “Tumpak ka riyan. Kailangan natin si Moymoy dahil threat siya sa gusto nating mangyari na baka tayo ang ubusin niya. At `pag inubos niya ang mga tibaro sa Dalumdum, wala nang makakapunta sa Panalturan upang makuha ang lahat ng mga Ginto ng Buhay na naroroon. Ang kayamanan ang habol natin para maging atin na ang lahat-lahat sa mundo—sa Gabun at dito sa Amalao. Tayo ang maghahari at magiging makapangyarihan.” May diin ang mga salita ni Manarang.
“Eh, paano kapag nalaman ni Alangkaw na kapatid niya itong si Moymoy?” inosenteng tanong ni Abakay.
“Ay, t***a talaga!” Napailing si Manarang at sinapo ang noo ng kanyang palad, ipinatong ang siko nito sa mesa. “No’ng nagpasabog ng katangahan sa lahat ng tibaro, nakuha mo’ng lahat. Eh, di lalaki ang problema.”
Hindi pinansin ni Buhawan ang pag-aaway ng dalawa. Ipinagpatuloy niya ang kanyang kuwento, kung paano napasakanya si Alangkaw. Parang nakikita niya ang lahat ng mga nangyari noon.
Pinalaki ko si Alangkaw dahil alam kong mapapakinabangan ko siya. Kaya hindi ko sinabi ang kanyang tunay na pinanggalingan—na siya ay may dugong Apo. Na siya ay hindi ko kaano-ano. Kaya hindi niya dapat malaman ang kanyang tunay na katauhan! Ipinatapon ko ang lahat ng salamin at ano mang repleksiyon na nasa Gabun. Pati ang batis ay pinatuyo ko. Ang balon ay tinakpan ko ng malalaking bato. Habang lumalaki si Alangkaw ay isang matikas na lalaki ang katauhang binuhay at itinuro ko sa kanyang isipan. Sinabi kong iyon ang tunay niyang anyo. Itim ang kanyang kulay sa lahat ng kanyang anapaya upang hindi siya makita sa gabi ng dugon. Siya ang nagbubukas sa mga pinto ng mga tibaro ng Malasimbo upang makawala sila.
Tinuruan ko siyang maging malikhain sa kanyang anapaya.
Pinagtulungan namin ni Pontoho ang pagtuturo at pagsasanay sa kanya ng tamang anapaya. Pero ang kanyang husay ay sa kanya na nanggaling. Lagi kong ibinubulong sa kanya—sinasabi sa kanya na isa siyang mahusay na aswang at magiging magaling na mandirigma at pinuno ng Dalumdum. Hindi ako nagkamali na magiging mahusay siyang mandirigma dahil anak siya ni Ronado at ng isang Apo. Itinanim ko sa kanyang isipan na kailangang makuha ang mga Ginto ng Buhay dahil ang pinakamimithi nating lahat ay ang kapangyarihan at tuluyang maglalaho ang mga Apo dahil kapag tuluyang nakuha natin ang mga Ginto ng Buhay, magiging mortal at mawawalan ng kapangyarihan ang mga Apo. Pinalaki ko siya nang walang kaalam-alam ang mga Apo ng Sibol—hindi ito sakop ng kanilang kapangyarihan sapagkat si Alangkaw ay may dugo ring Apo.
“Hindi dapat makilala ni Alangkaw ang kanyang tunay na mga magulang. Kapag nagkagayon, mawawasak ang mga plano natin,” diin ni Buhawan.
Tiningnan ni Buhawan ang lahat ng kausap. “Kailangang kunin si Moymoy upang makuha ang mapa. At kapag napasaatin na si Moymoy at ang mapa, huwag na kayong magsayang ng panahon, patayin n’yo na siya!”
“Eh, si Alangkaw, Buhawan, paano kapag nalaman niya ang lahat? Ano ang gagawin natin?” tanong ni Pantoho.
“Patayin din ninyo! Higit na mahalaga ang mapa para mapasaatin ang Panalturan!” Hindi na nagdalawang-isip si Buhawan sa mabilis niyang sagot.
NANG makabalik si Pontoho sa palasyo ng Dalumdum ay nakipagkita ito kaagad kay Alangkaw. Nag-usap sila sa malawak na asotea ng silid ni Alangkaw na kinatatanawan sa di-kalayuan ng isla ng Malasimbo. At habang nag-uusap sila, si Alangkaw ay paiba-iba ng anyo, waring nagsasanay. Hindi naman nagugulat ang mga uwak na nakapaligid sa sopa sa asotea dahil sanay sila kay Alangkaw na nag-iiba-iba ng anyo anumang oras na gustuhin nito.
“Pakiramdam ko, mabagsik ang kalaban. May diwani ang isa sa kanila.” Si Moymoy ang tinutukoy ni Alangkaw habang balisa siyang naglalakad-lakad.
“At ito ang tamang panahon dahil ang alam ko’y nasa batang iyon ang susi para mahanap ang mapa ng Panalturan,” sulsol ni Pontoho, upang lalong tumindi ang galit ni Alangkaw kay Moymoy.
Biglang lumaki na mistulang halimaw si Alangkaw at mabalasik na pinandilatan si Pontoho, sabay sigaw.
“Totoo ba ang narinig ko, nasa batang `yon ang mapa?!”
“`Yon ang sabi ng ama mo.”
Muling nagbalik si Alangkaw sa anyong-tao—ang lalaking napakatikas, may mahabang buhok, at may matigas na mukha. Sa isang tingin niya sa uwak ay lumapit ito at dumapo sa kanyang kamay at kinausap.
“Puntahan mo si Wayan. Bigyan mo sila ng babala na kahit anong oras ay lulusob ang mga taga-Dalumdum sa aking pamumuno at lilipulin ko silang lahat, pati na ang batang may diwani,” pag-uutos ni Alangkaw sa uwak.
Pagkasabing iyon ni Alangkaw sa uwak ay lumipad na ito.
“Kapag nakuha na natin ang mapa at inubos ang mga Ginto ng Buhay, magsasama na kayo ng iyong ama at mabubuhay nang marangya sa Amalao,” may pananabik ang tono ni Pontoho. “Tayo ang magiging makapangyarihan hindi lamang dito sa Gabun kundi pati na sa Amalao.”
May kakaibang tuwang naramdaman si Alangkaw sa kanyang narinig mula kay Pontoho. Noon pa man, mula nang palakihin siya ni Buhawan sa tulong nito, sinabi ng nakilala niyang amang si Buhawan na kapag napasakanila ang mga Ginto ng Buhay ay magsasama na silang dalawa nang permanente sa Amalao.
Napatingin si Alangkaw sa kalayuan sa direksiyon ng isla ng Malasimbo. Pagkaraan ng ilang saglit ay marahang dumapo sa kanyang kamay ang isa pang uwak. Hinayaan niyang magtungo ang uwak sa kanyang palad at ito ang hinarap.
“Kailangang patayin ang batang `yon. Sa nakikita ko, malaking sagabal siya sa pangarap naming mag-ama. Papatayin ko siya! `Yon ang gusto ko, ako ang papatay sa kanya!”
Pagkasabi niyon ay napakuyom si Alangkaw nang mahigpit, umaapaw ang galit na namumuo sa dibdib. Hindi niya namalayang nasa kamay pa niya ang uwak—unti- unting nadurog at nagdugo ang katawan nito hanggang ito’y mamatay na hindi na nakuha pang umiyak.