I SANG HAPON, GALING sa eskuwelahan si Moymoy, at sa hindi malamang dahilan ay kinakabahan siya. Sumasagi sa kanyang isip ang mukha ni Spaghetti. Kanina, habang nasa loob siya ng classroom, napagalitan siya ng kanyang titser dahil nakatunganga raw siya at parang hindi nakikinig sa kanilang leksiyon. Kaya nang umuwi nang hapong iyon, malakas ang kabog ng kanyang dibdib nang makita sa tabing kalsada ang nakahandusay na si Spaghetti. Nasagasaan ito ng traysikel, sabi ng nakakita. Halos wala sa sarili, dinampot niya ang walang buhay na pinakamamahal niyang pusa.
At ito ang pinakamalaking dagok sa kanyang buhay, bukod sa paglalaho ng nagisnang nanay na si Tracy...
SANGGOL pa lamang si Moymoy, kapag gabi’t tulog na, magigising siya pagdating ng alas-dose dahil sa pagniningning ng kanyang balat sa dibdib at kamay. Pagkatapos ng ilang sandali ay mamamatay nang dahan-dahan ang liwanag na nagmumula sa kanyang mga balat at doon pa lamang siya babalik sa pagtulog. Pero sa pagkamatay ni Spaghetti ay hindi siya natulog. Nasa tabi niya ito sa kuwarto at nakalagay sa isang kahon. Ipinagtirik niya ito ng kandila.
Binuhat ni Moymoy ang kahon na lulan ang walang buhay na si Spaghetti. Dahan-dahan siyang bumaba. Hindi tumitigil ang kanyang paghikbi. Sigurado siya sa pupuntahan. Ililibing niya si Spaghetti katabi ang isa sa mga mahal niya sa buhay—si Edcel, ang kanyang nakilalang tatay.
Hindi alintana ni Moymoy ang patuloy na pagtahol ng mga aso at pagngiyaw ng mga pusa. Nakita niya ang mga aso at pusa na nakatingin sa kanya mula sa bakuran ng mga bahay. Ang iba’y nasa mga punongkahoy at pinagmamasdan siya habang dala ang kahon na kinalalagyan ni Spaghetti. Naisip niyang karamay niya ang mga ito sa pagdadalamhati para sa pinakamamahal niyang kaibigan. Ang mga pusa at mga aso ay sumunod sa kanya. Inihahatid nila sa huling hantungan si Spaghetti, habang si Moymoy naman ay mistulang diyos na nakasakay sa karwahe.
Lahat ng mga hayop sa prusisyong iyon ay malungkot na umiiyak, nagluluksa sa pagkamatay ni Spaghetti.
Hindi namamalayan ni Moymoy na sa isang puno ng malaking balete ay naroroon ang isang manananggal. Si Abakay. Nakangisi ito at parang natutuwang pinagmamasdan si Moymoy. Mahaba ang buhok ng manananggal. Madilim ang mukha nito at nanlilisik ang mga mata. Nakahawak ang isang kamay nito sa isang sanga ng balete—mistulang nakasabit ang kalahating katawan sa puno. Nakatiklop at hindi niya iginagalaw ang kanyang maiitim na pakpak—iniisip niyang baka makagawa ang mga ito ng ingay at makita siya ni Moymoy. Masaya nitong pinagmamasdan si Moymoy habang saranasarap na nilalapa ang atay ng isang kapapatay na tao.
Nang hindi na matagalan ni Abakay ang labis na kaligayahan dahil sa pagkakita kay Moymoy ay dahan-dahan niyang iginalaw ang mga pakpak. Sa tahimik na paraan na paglipad ay lumapit siya sa mga aso’t pusang nagpuprusisyon. Pero nakita siya ni Montar.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” paninita ni Montar.
“Ang lakas ng pang-amoy mo. Ikaw, ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Abakay.
“Kukunin ko na ang batang tibaro—si Moymoy,” mabilis na sagot ni Montar.
“Akin siya! Akin si Moymoy!” hiyaw ni Abakay.
Huminto si Montar sa paglalakad at tiningnan nang diretso si Abakay. “Kahit kailan ay hindi mapupunta sa inyo si Moymoy. Ako ang nagdala sa kanya rito kaya ako rin ang kukuha sa kanya!” Nanlaki ang mga mata ni Montar at pati mahahabang tainga ay namula sa galit.
“Kayong mga taga-Sibol Encantada, `yang inyong diwani lang ang ipinagmamalaki ninyo!”
“Umalis ka rito,” galit na sabi ni Montar, “kung hindi ay gagamitin ko ang aking diwani.”
“Bago mo makuha si Moymoy, heto ang nababagay sa `yo! Kakainin kita!” Akmang susunggaban ni Abakay si Montar nang bigla nitong itinaas ang kamay, humaba ang daliring nagliwanag at itinuro sa mukha ng manananggal. Nasunog ang pisngi ni Abakay, na napasigaw sa hapdi, at lumipad na pagewang-gewang paitaas patungo sa mga puno. Dagli itong sumabit sa puno ng kamatsile. Pero napatili ito nang matusok ang kamay sa sanga kaya biglang lumipat sa kabilang puno—sa ipil.
Itinuro ni Montar ang daliri sa isang makapal na halamang nakagapang sa punong ipil, ginamit na muli ang diwani. Mabilis na gumapang ang halaman, umakyat patungo kay Abakay, hanggang palibutan nito at igapos ang kalahating katawan ng manananggal.
Sisigaw sana si Abakay pero pinasakan ng halaman ang bibig nito. Hindi makagalaw si Abakay at halos hindi na ito makita, sapagkat tuluyan nang nabalutan ng halamang gumagapang. Ang tanging nakikita na lamang ay ang kulay-pulang mga mata nito na nanatiling nanlilisik, at naaaninag na lamang bilang patay-buhay na mga lenteng unti-unting naglalaho sa ilalim ng bumalot na makapal na halamang iyon.
NANG MAKARATING SI Moymoy sa sementeryo, nagtungo siya sa pinaglibingan kay Edcel. Iyak siya nang iyak. Humukay siya sa tabi ng puntod ng yumaong ‘tatay’. Pero bago niya tuluyang ibaon sa hukay si Spaghetti ay humarap siya sa puntod.
“Kaya mo pa bang mag-magic, Papa? O baka naman hindi ka patay? Tumayo ka na riyan at mag-magic ka uli para mabuhay si Spaghetti…” Patuloy sa pag-iyak si Moymoy.
“Hindi mabubuhay ang patay, Moymoy,” sabi ni Montar na nasa likuran ni Moymoy.
Natigilan si Moymoy, nanatiling nakatingin sa puntod, iniisip kung si Edcel nga ang sumagot. “`Tay Edcel? Ikaw ba `yan?”
“Moymoy.” Humakbang si Montar at humarap sa kanya. “Narito ako para sunduin ka. Kailangang sumama ka sa akin.”
“Sino ka?” tanong ni Moymoy pagkakita kay Montar.
“Isa rin akong tibaro. Gaya mo.”
“Tibaro?”
“Oo. Isang tibaro. Mahalaga ka sa aming mga tibaro.” Itinaas ni Montar ang kamiseta ni Moymoy upang ipakita ang balat. “Mahalaga sa amin ang nakalagay diyan sa dibdib mo dahil nanganganib ang buhay ng mga tibaro. Matagal na ang sigalot ng buong Gabun. Kailangang mawala ang sumpa.”
Hindi malaman ni Moymoy ang sasabihin. Kinusot-kusot niya ang mga mata. Para siyang pupungas-pungas na bagong gising, iniisip na baka namamalikmata lamang o di kaya’y nananaginip.
“Totoo ang nakikita mo. Huwag kang mag-alala, isa akong kaibigan,” nakangiting sagot ni Montar, sabay na hinawakan ang kamay ni Moymoy at pinahawak ang kanyang pisngi.
“Moymoy, isa ka sa amin. Hindi ka tagarito. Hindi ka isang buntawi.”
“Ano? Ano’ng buntawi?”
“Buntawi ang tawag namin sa mga tao.”
“Hindi ako tao?”
Tumango si Montar.
“Paano na ang mama ko? Ang papa ko?”
Ibinaling ni Moymoy ang tingin sa puntod ni Edcel. “Hindi ko sila tunay na mga magulang?”
Marahang umiling si Montar. “Ibinigay kita kay Tracy noong sanggol ka pa lamang.”
Biglang napaisip si Moymoy. `Yon ba ang dahilan kung bakit hindi mabait sa akin si Tita Bella? Kasi hindi ako tunay na anak ni Mama at ni Papa?
“Marami ka pang hindi nalalaman. Pero malalaman mo rin na hindi ka tao—dahil hindi mo kagaya ang ibang mga bata rito. Kaya mong magpalit ng anyo. Sumama ka sa akin para malaman mo ang iyong tunay na munHindi ka para dito sa Amalao.”
“Amalao?”
“Oo, ito ang Amalao. Ito ang tawag namin sa lugar ng mga buntawi.”
Napaisip si Moymoy. Sa mga panahon ngayon na wala siyang kasama at kakampi, kapag hindi siya pumayag na sumama kay Montar, pag-uwi niya sa kanilang bahay ay ang Tita Bella naman niya ang kanyang madaratnan at malamang ay pagagalitan pa siya. Parang may nagtutulak sa kanya na sumama sa kaharap.
“Saan tayo pupunta?” tanong ni Moymoy kay Montar.
“Doon.” Itinuro ni Montar ang isang malaking balete sa di-kalayuan.
“Sa punong `yan? Papaanong—?”
Hindi pinatapos ni Montar ang sasabihin pa sana ni Moymoy—hinawakan nito ang kamay niya at hinila patungo sa malaking puno.
“Diyan, sa punong `yan tayo dadaan. Magtutungo tayo sa Gabun. Kailangang pumunta ka roon.” May diin ang mga salita ni Montar.
“Huwag kang matakot,” pagpapatuloy ni Montar. “Ipikit mo lamang ang iyong mga mata at sa ilang saglit lamang ay naroon na tayo. Halika.”
Bantulot na humakbang si Moymoy kasama si Montar. Hindi siya sigurado sa kanyang pasya. Pero sa kanyang isipan ay gusto niyang makatakas sa kanyang Tita Bella. Kung saan man siya dadalhin ni Montar ay bahala na.
“Teka lang!” Biglang napatigil si Moymoy at bumaling kay Spaghetti na nasa hukay. Pero nagulat siya nang makita ang mga pusa na itinutulak ang lupa upang tuluyang mabaon si Spaghetti habang nakatingin at nakabantay ang mga aso. Nagkaisa ang mga pusa na tabunan ng lupa at ilibing na nang tuluyan ang kauri nilang si Spaghetti.
“Paalam, Spaghetti…”
Napaiyak si Moymoy at napapikit, napahawak sa naninikip na dibdib.