Kabanata 8
N ASA HARDIN ng Sibol Encantada si Montar.
“Montar!”
Ang boses ay nanggaling kay Liliw.
Bumaling si Montar sa pinanggagalingan ng boses. Naroon sa malaking pintuan si Liliw, palabas ng palasyo.
“Mahal kong diyosa!” Maaliwalas ang ngiti ni Montar.
“Kumusta na siya? Ang aking anak?” May tuwa ang mukha ni Liliw.
“Mabuti naman, Diyosang Liliw. Sa pamamagitan ng aking diwani ay gumawa ako ng tahanan na kamukha ng mga tahanan ng mga tibaro, sa isla ng Malasimbo.”
Napatigil si Liliw. Ang kaninang masayang mukha ay nahalinhan ng lungkot.
“Mahal kong Diyosa, sana’y naiintindihan mo na hindi tanggap ng iba pang mga Apo ang inyong anak. At natitiyak kong malalaman nilang narito siya sa Gabun,” pangangatwiran ni Montar.
“Gusto ko siyang puntahan.” May pananabik na sambit ni Liliw.
Pagkatapos sabihin iyon ay lumabas ang magagandang pakpak ni Liliw mula sa kanyang likuran.
“Alam mong mapanganib, mahal kong Diyosa, kung iyong pupuntahan ang inyong anak. Pero bakit hindi n’yo gamitin ang inyong diwani? May kapangyarihan ang inyong diwani na makita ngayon si Moymoy sa kanyang tahanan, hindi ba?” paalala ni Montar.
Ikinumpas ni Liliw ang kanyang kamay. Sa kanyang harap ay lumitaw ang animo’y tubig na umaalon-alon.
Napakunot-noo si Montar. “Mahal kong Diyosa, bakit hindi natin nakikita si Moymoy sa tahanan na ibinigay ko sa kanya sa Malasimbo? Dapat ay makikita natin siya ngayon sa inyong harapan.”
Napayuko si Liliw. “Nakalimutan ko nga palang may dugong Apo ang aking anak.”
Napanganga si Montar, hinintay ang susunod na sasabihin ni Liliw.
“Walang kakayahan ang aking kapangyarihan sa kanya dahil may dugo siyang Apo.”
Nag-isip saglit si Liliw pagkatapos ay— “Montar, puntahan natin ang aking anak.”
Pagkatapos sabihin iyon kay Montar ay iginalaw niya ang mga pakpak. “Puntahan natin ang aking anak sa kanyang tahanan.”
Hinawakan ni Liliw ang kamay ni Montar at lumipad sila.
“Saan mo siya dinala, Montar?” Nakangiti si Liliw na nananabik habang patungo sila paibaba sa Malasimbo.
“Doon, doon sa pangatlong burol na iyon.” Itinuro ni Montar ang direksiyon ng tinitirhan ni Moymoy.
Mabilis na iginalaw ni Liliw ang kanyang mga pakpak para makarating sa kinaroroonan ng kanyang anak. Nararamdaman niya ang pananabik sa bawat kampay ng kanyang mga pakpak.
SA DINGDING ng tahanan ni Moymoy pumasok sina Liliw at Montar. Napalunok si Liliw—nakadama ng panunuyo ng lalamunan nang makita si Moymoy habang ito’y masarap na natutulog. Hindi nawawala kay Liliw ang ngiting kanina pa nakaguhit sa kanyang mga labi.
“Anak ko…” Pinagmasdang mabuti ni Liliw si Moymoy. Lahat ng anggulo nito’y kanyang tinitigan. Napangiti si Liliw. May namuong mga luha sa kanyang mga mata. “Montar, Montar… hawig niya ang mahal kong si Ronado. Pero ang kanyang mga labi, sa akin… Bigla kong naalala si Ronado, Montar… Gusto kong yakapin ang anak ko at halik-halikan…” Patuloy na umiyak si Liliw; hindi niya maintindihan kung ligaya o lungkot ang dahilan ng kanyang pag-iyak, pero ang natitiyak niya ay gusto niyang mahawakan si Moymoy. Lalo pa siyang napangiti nang gumalaw saglit at maghikab si Moymoy sa kanyang mahimbing na pagtulog. Bahagya itong umungol.
Nanatiling nakaguhit ang ngiti sa mga labi ni Liliw. “Nananaginip siya, Montar.”
“Sa tingin ko nga.”
“Papasok ako.”
“Papasok? Saan?”
“Sa kanyang panaginip.”
“Bahala kayo, mahal kong Diyosa.”
Umangat sa lupa si Liliw at naging animo usok na nagtungo sa noo ni Moymoy. Pumasok siya sa isip ni Moymoy—sa panaginip nito.
Sa panaginip ni Moymoy ay naroon si Bella. Si Liliw ay biglang pumasok sa salamin ng aparador, kasabay niyon ay binura niya ang kanyang anyo upang hindi siya makita.
“Kanina pa kita hinihintay, bata ka! Saan ka na naman nagpunta?!” Sumisigaw si Bella habang hila ang patilya ni Moymoy.
Dinuro ni Bella si Moymoy. “Saan ka nagpupunta? Alam mo bang gabing-gabi na at nang-iistorbo ka sa ginagawa mo?! Huh?!”
“Hindi naman po kayo natutulog, Tita Bella. Nanonood lang po kayo ng teleserye.” Nabasag ang boses ni Moymoy dahil malapit na siyang umiyak.
“Aba! Nangatwiran pa ito! O ano ngayon kung nanonood ako! Dapat ikaw, bata ka pa lang hindi ka lumalabas nang ganitong oras! Gabi na!”
Nagulat sila nang iniluwa ng pinto ng bahay ang katauhang pamilyar na kay Moymoy—si Tracy, na may dalang maleta.
“Mama! Mama!” Hangos na tumakbo si Moymoy pagkakita kay Tracy, umiiyak.
“Moymoy, anak, bakit ka umiiyak?”
“Iyang si Tita Bella, lagi na lang akong pinagagalitan. Sinasaktan pa ako.”
“Totoo ba `yon, Ate?”
Hindi makaapuhap ng sasabihin si Bella.
“Eh, saan ka ba nanggaling?”
“Tinatanong kita. Sinasaktan mo ba si Moymoy ko?! Sumagot ka,” galit na tanong ni Tracy.
Patuloy sa pag-iyak si Moymoy habang yakap-yakap si Tracy.
Biglang lumitaw ang napakalaking bibig sa salamin ng aparador at nagsalita. “Oo, sinasaktan siya ni Bella. Hindi mo dapat ipinagkatiwala sa kanya si Moymoy dahil pinagmamalupitan siya.”
Napanganga si Moymoy pagkakita sa salamin na may malaking bibig na nagsasalita.
“Malupit `yang si Bella!” Ininguso pa ng malaking bibig sa salamin si Bella.
“Sino po kayo?” tanong ni Moymoy sa malaking bibig habang papalapit sa salamin.
“Isa akong kaibigan.”
“Hindi ko kayo kilala.”
“Moymoy, ako ang iyong tunay na ina…”
Biglang dinampot ni Tracy ang isang plorera at ibinato sa salamin. Nabasag ito at nagkapira-piraso, tumama ang isang bubog ng salamin sa mukha ni Moymoy at ito ay nasugatan at nagdugo.
“Moymoy!” sigaw ni Liliw. Gumalaw ang bibig ni Liliw na nasa basag-basag na salamin.
BIGLANG lumabas si Liliw mula sa noo ni Moymoy na nagmula sa usok hanggang sa lumitaw ang tunay na anyo.Kasabay niyon ay ikinumpas ang kanyang kamay at gumawa ng harang na mistulang tubig na umaalon-alon upang hindi siya makita at marinig ni Moymoy kung sakaling magising ito.
“Ang anak ko. Paano kaya niya ako makikilala?”
“Mahal kong Diyosa, makakasama kay Moymoy ang magtama ang inyong mga mata hindi ba?” may babalang sagot ni Montar.
Tumango si Liliw. “Nakasaad sa Liya na kung nakipag-ugnayan kami sa isang tibaro at ito’y nagbunga kagaya ni Moymoy, siya ay mamamatay. Manganganib ang buhay ni Moymoy kapag nahawakan ko’t tumingin siya sa aking mga mata. Maglalaho siya at magiging hangin.”
Napaisip bigla si Liliw at iniba ang usapan. “Maiinip si Moymoy sa napakaliit na bahay na ito. Kailangan niya ng kalaro.”
May pananabik na hinarap ni Liliw si Montar. “Kakausapin ko ang tatlong duwendeng kilala ko para samahan dito si Moymoy at nang hindi siya mainip sa bahay na ito.”
“Ikaw ang bahala, mahal kong Diyosa, pero bukas na bukas ay papasok na siya sa kanyang pag-aaral.”
Nagtatakang napatingin si Liliw kay Montar.
“Mahal na Diyosa, si Moymoy, ang iyong anak ay laking Amalao. Wala siyang nalalaman sa kanyang pinagmulan. Lumaki siyang hindi nalalaman na siya ay isang aswang at anak ng isang diyosa. Isa siyang tibarong aswang na hindi maamo at kailangang paamuhin. Wala siyang nalalaman sa mundo natin, mahal na Diyosa. At hindi niya nalalaman na siya ay may kakaibang kapangyarihan.”
Napaisip si Liliw. Paano kaya makakayanan ni Moymoy ang mabuhay dito sa Gabun?
“Mahal kong Diyosa, isang dahilan kung bakit ko dinala rito sa Gabun si Moymoy ay dahil nanganganib ang buhay niya sa kamay ni Buhawan at ng kanyang pangkat. Nasa kanya ang kalahating mapa.”
Natigilan si Liliw sa sinabing iyon ni Montar.
“Mahal kong Diyosa, maaari bang magtanong?”
“Ano `yon?”
“Kalahati lamang ang mapa na nasa dibdib ni Moymoy. Nasaan ang isa pang kalahati?”
“Ako lamang ang nakakaalam sa kinaroroonan ng kabuuan ng mapa, wala nang iba pa. Isa akong Apo. Walang kakayahan ang isang tibaro na kagaya ni Buhawan na makuha sa akin ang kabuuan ng mapa.” May tigas ang mga salita ni Liliw.
Napakunot-noo si Montar. Kung ganoon, nagkakamali nga si Buhawan dahil kahit makita pa niya si Moymoy ay wala ring silbi. Si Diyosang Liliw ang nagtago ng kalahati ng mapa.
Tiningnan nang diretso ni Liliw si Montar. “Huwag kayong mag-alala, sabihin mo sa mga tibaro ng Malasimbo at kahit pa sa Dalumdum, hindi nila matatagpuan ang kalahati ng mapa. Hindi.”
“Naniniwala ako sa inyo, mahal kong Diyosa.”