Kabanata 35
S A TORE ng kastilyo ni Wayan ay naroon si Moymoy, pinagmamasdan ang kalawakan sa direksiyon ng Dalumdum.
“Bilang isang ina, hindi niya makaya na tanggapin na magkaaway kayong magkapatid.”
“Ano ang gagawin ko? Gusto n’yo ay ipagtanggol ko ang mga tibaro ng Malasimbo at talunin si Alangkaw,” tugon ni Moymoy.
“Nasa iyo ang pagpapasiya, Moymoy.” Sa loob-loob ni Wayan ay nais niyang lumaban si Moymoy sa Halimaw ng Dalumdum, ang Anino.
“Ano kaya ang gagawin ni Alangkaw? Itutuloy kaya niya ang kanyang hamon, Wayan?”
“Mamayang gabi natin malalaman, Moymoy. Mamayang gabi.”
“Kapag lumusob siya at gusto niya akong patayin, ano ang gagawin ko?”
Napailing si Wayan. “Ano ba ang nararamdaman mo?”
“Kakausapin ko siya. Sasabihin ko na dapat nang magkasundo ang lahat ng tibaro sa Malasimbo at Dalumdum.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Pupuntahan ko siya sa Dalumdum para kausapin na hindi na dapat matuloy ang laban namin dahil magkapatid kami.”
Mapanganib ang nasa isip mo, Moymoy.
Sa mga sandaling iyon, biglang nag-anapaya si Moymoy. Siya ay naging isang puting kalapati.
Sa anag-ag ng papalubog na araw, pinagmasdan ni Wayan ang lumilipad na si Moymoy patungo sa Dalumdum.
SA PAGLAPIT ni Moymoy sa Dalumdum ay nanibago siya sa nasaksihan. Ibang-iba ito sa Malasimbo. Ang kapaligiran nito ay may kadiliman kung ihahambing sa Malasimbo. Ang mga punongkahoy ng Dalumdum ay hindi masisigla. Ang damo sa paligid ay tuyo at ang lupa ay bitak-bitak. Karamihan sa mga hayop na kanyang nakita ay mapapayat at hindi malulusog. Maraming mga gumagapang na animo ay maliliit na bayawak sa bitak-bitak na lupa na naghahanap ng makakain, at sa hitsura ng mga ito ay pagod na sila sa kahahanap.
Dumapo si Moymoy sa terasa ng kastilyo, luminga-linga, pero hindi nakita roon si Alangkaw. Nakita niya ang malamlam na ilawan sa isang bukas na malaking bintana at doon siya lumipad at nagtungo. At mula sa bintana ay pumasok si Moymoy sa loob ng kastilyo.
Sa loob ng kastilyo, nakita niya na kagaya rin ito ng nasa labas, hindi lamang malungkot ang paligid. Nangingibabaw ang nakakatakot na kaanyuan nito. Sa malaking bulwagan na kinaroroonan ng tanggapan ng kastilyo ay nakita niya ang isang trono. Natigilan siya, nagpasiyang magpalit ng anyo—ang kanyang tunay na anyo. Marahang lumapit siya sa trono, pinagmasdan ito. At lalo pa siyang nagulat nang marinig ang malaking boses sa kanyang likuran.
“Bakit ka narito? Sino ang nagbigay ng pahintulot na magtungo ka rito?”
Ang boses ay nanggaling kay Alangkaw. Ang anyo nito ay yaong kulay-itim na lalaking matikas at malaki ang pangangatawan.
“Nagtungo ako rito para kausapin ka.” Malumanay ang sagot na iyon ni Moymoy. “Magkapatid tayo, Alangkaw, hindi tayo dapat magkaaway.”
“Sumusuko ka na ba?”
“Nagpunta ang ating ina sa akin, nakikiusap siya na magkasundo na tayo.”
“Paano ka nakakasiguro na siya nga ay ina natin?” Ako ang uubos ng mga taga-Malasimbo. Ako ang dapat na makapangyarihan. Hindi ako dapat makinig sa mga sinasabi nito, usal ni Alangkaw sa kanyang sarili. “Kalokohan!”
Natigilan sila sa pagdating ni Pontoho. “Umalis ka rito! Si Buhawan lang ang may karapatan kay Alangkaw! Ako at si Buhawan ang nagpalaki sa kanya!”
“Magkapatid kami. Hindi pa ba kayo dapat na maniwala? Magkamukhang-magkamukha nga kami. Ang tunay na anyo ni Alangkaw ay kagaya ko rin na sampung taong gulang, hindi ganyan.” Ang tinutukoy ni Moymoy ay ang itim na lalaking may malaking pangangatawan.
“Kung maniniwala ako sa `yo, magiging sunod-sunuran lang ako sa `yo? Gano’n ba? Bakit mayroon kang diwani, ako ay wala? Kung kapatid kita, dapat mayroon din ako. Sagutin mo ako, bakit ako, walang diwani?!” Malakas ang huling salita ni Alangkaw. Salita ng isang nagngangalit na nilalang.
“Sagot! Sumagot ka Moymoy!” Biglang humaba ang leeg ni Alangkaw at halos idikit niya ang mukha kay Moymoy, tiningnan niya ito sa nanlilisik na mga mata. “Sumagot ka! Ikaw lang ang anak niya at hindi ako! Ikaw lang!”
Biglang nag-iba ang anyo ni Alangkaw. Nanatili ang kanyang katawan pero ang mukha ay nag-iba-iba na mistulang halimaw. Lumipad-lipad siya sa bulwagan at pagkatapos ay parang gagambang didikit-dikit sa mga pader at kisame, naghuhuramentado.
“Sumagot ka! Bakit may diwani ka, ako wala? Ako wala! Wala! Wala! Niloloko n’yo lang ako! Kung anak niya ako, dapat mayroon din akong diwani! Naiintindihan mo ba, Moymoy?!” Biglang humaba ang leeg ni Alangkaw at halos gahibla na lamang ang layo ng mukha sa mukha ni Moymoy. “Makinig kang mabuti sa sasabihin ko. Wala akong pakialam kahit kapatid kita! Wala akong pakialam sa inyong lahaaat!” Tiningnan ni Alangkaw si Pontoho. “Pati ikaw, matanda ka!”
“Alangkaw, wala kang utang-na-loob!” sigaw ni Pontoho. “Si Buhawan ang nagpalaki sa `yo!”
“Mas importante sa kanya ang mapa sa dibdib ko! Sa katunayan, muntik na niya akong mapatay!”
Bigla ay lumabas ang mahabang buntot ni Alangkaw at ipinulupot niya iyon sa katawan ni Pontoho at inilapit sa kanyang mukha. “Sa akin sumusunod ang pangkat ng Dalumdum at hindi sa inyo ni Buhawan. Ako ang kanilang pinuno, kaya ako ang masusunod.”
Biglang itinapon ni Alangkaw sa sahig si Pontoho at bumaling ng tingin kay Moymoy. “Baka gusto mong simulan na ang laban?”
Biglang inilapit ni Alangkaw ang kanyang malahalimaw na mukha kay Moymoy. Umurong si Moymoy pero lalo pang idinikit ni Alangkaw ang kanyang mukha hanggang sa napaupo ito sa trono.
“Kahit na kailan ay hindi mo masasakop ang buong Gabun!”
“Hindi ako tagarito. Uuwi ako kay Mama Tracy sa Amalao!”
Napakunot-noo si Alangkaw, at biglang nagpalit ng tunay niyang anyo—ang batang sampung taong gulang.
“Tingnan mo, o, magkapatid nga tayo,” sabi ni Moymoy. “Magkamukhang-magkamukha tayo!”
Biglang nanlisik ang mga mata ni Alangkaw. “Ako si Alangkaw, ang pinuno ng Dalumdum. Kahit ano pa ang sabihin mo, walang makakaangkin sa trono ko!”
Biglang naging halimaw ang mukha ni Alangkaw, nanatili ang anyo ng kanyang katawan.
“Umalis ka sa trono ko, laking-Amalao! Ako si Alangkaw ng Dalumdum, sa akin susunod ang lahat ng tibaro ng Gabun! Huwag na huwag mong ipagmalaki ang iyong diwani. Bago n’yo ako mapatay, uunahan ko kayo! Uunahin kita! Mamayang hatinggabi, sa kabilugan ng buwan!”