noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 7

Ch. 7 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 7

“S I BUHAWAN ay isang aswang. Siya at ang kanyang pangkat ang dahilan kung bakit isinumpa ng mga Apo ang mga tibaro. Sa simula pa lamang ng panahon ay mahigpit na ipinagbawal ng mga Apo ang pasukin ang Panalturan, pero sinuway ni Buhawan ang batas na ito.”

Napatingin muli si Wayan sa palasyo ng Sibol, may lamlam ang kanyang tinig.

“Noong bago pasukin ni Buhawan ang pinto ng Panalturan ay namumuhay kami nang matiwasay kasama ang mga Apo, diyan sa Sibol Encantada. Wala kaming mga suliranin sa buhay. Hindi kami nakakaramdam ng gutom at kalungkutan. Nakakasalamuha namin ang mga Apo. Ang Sibol Encantada ay isang paraiso sa aming mga tibaro. Hanggang sa itinaboy kaming lahat na tibaro sa Sibol. Ang lahat ng `yon ay dahil sa kagagawan ni Buhawan.”

“Ano po ba ang ginawa ni Buhawan?” tanong ni Moymoy.

Si Montar ang sumagot sa tanong ni Moymoy. “Si Buhawan ay dating tagabantay ng Panalturan. Isa siyang mandirigma. Pero natukso siyang buksan ang pinto ng Panalturan. Nasa Panalturan ang hindi mabilang na mga Ginto ng Buhay. Sa mga Ginto Ng Buhay nagmumula ang kapangyarihan at pagiging imortal ng mga Apo. Nilikha ng Amang Bathala ang mga Apo na kakabit ang mga Ginto ng Buhay. Nang makapasok si Buhawan, nagnakaw siya ng ilang pirasong Ginto ng Buhay. Kung hindi siya nahuli ni Ronado na kasama niyang tagabantay ng Panalturan ay baka inubos niya ang mga ito.”

Dinugtungan ni Wayan ang salaysay ni Montar. “Makailang ulit nang tinangkang pasukin ni Buhawan ang Panalturan. Makailang ulit na rin siyang nahuli at pinarusahan ng mga Apo, pero nang magtagumpay siya at hakutin ang nakuha niyang mga Ginto ng Buhay ay labis na nagalit ang mga Apo sa amin kaya itinaboy kami sa Sibol at ipinataw ang sumpa. Ako, bilang itinuturing na ina ng mga tibaro ay isinumpa rin. Ang aking mukha…”

Ibinaling ni Wayan ang kanyang tingin sa mukhang nakadikit sa Kawa. “Ang aking magandang mukha ay idinikit ng mga Apo sa Kawa.”

Lumuha ang mga mata ng mukha sa Kawa.

“Pati ang diwani na ibinigay nila sa akin ay kanilang binawi at inilagay sa Kawa,” patuloy ni Wayan.

“Ano ang ginawa ni Buhawan sa mga Ginto ng Buhay? Saan niya dinala ang mga iyon?”

“Sa Amalao,” sagot ni Wayan.

Bumukas ang mga mata ni Wayan sa kanyang mukha, lumaki ang mga iyon na waring may pagbabanta. “Dahil sa mga Ginto ng Buhay na kanyang ninakaw ay naging makapangyarihan si Buhawan sa Amalao. At magpahanggang ngayon ay hindi siya nakokontento sa kapangyarihang tinatamasa. Nais niyang pasuking muli ang Panalturan upang ubusin ang mga Ginto ng Buhay. ”

Dinugtungan ni Montar ang salaysay ni Wayan. “Minsan ay nagtungo si Buhawan dito sa Gabun na may tangkang pasukin muli ang Panalturan. Pero hindi siya nagtagumpay dahil napigilan siya ng isang mahusay na mandirigma. Si Ronado.”

“Ronado?” bulong ni Moymoy.

“Si Ronado ay ang iyong ama,” halos walang damdaming sambit ni Montar. “Dahil kay Ronado ay hindi nagtagumpay si Buhawan na muling pasukin ang Panalturan. Naglaban sila. Napigilan niya ang pagpasok ni Buhawan sa Panalturan. Pero sa kasamaang palad ay nagbuwis ng buhay si Ronado. Ang iyong ama ay ang pinagkakatiwalaan ng mga Apo na tagabantay sa pinto ng Panalturan.”

“Ano po ba ang nangyari sa sinasabi ninyong aking ama?”

Kahit na may giit ang tanong ni Moymoy ay hindi iyon nagawang sagutin nina Wayan at Montar.

Pero natigilan si Montar nang bigla siyang saklutin ng matinding pangamba.

“Wayan! Wayan! Gabi ng dugon!” may pag-aalalang sabi ni Montar habang pinagmamasdan sa bintana ng tore ang nagdidilim na kalangitan sa kalawakan.

Humahangos na nagtungo sa bintana si Wayan. Sumunod sa kanya si Montar. Si Moymoy ay napako sa pagkakatayo, nakatitig sa labas ng bintana. Sa bintana ay nakita nila ang bilog na buwan na unti-unting nagiging kulay pula.

“Gabi ng dugon,” malungkot na sabi ni Wayan.

Sa bintana ng tore, dumungaw si Wayan. Tiningnan niya ang mga kapwa tibaro sa kanilang komunidad sa ibaba. Naririnig niya ang pagsigaw ng mga tibaro—lahat ay nagtatakbuhan papasok sa kani-kanilang mga bahay.

“Ano’ng nangyayari?” tanong ni Moymoy.

“Ito ang gabi ng dugon. Pagmasdan mo.” Malungkot ang tinig na iyon ni Wayan.

“Iyan ang sumpa ng mga Apo ng Sibol. Bukod sa itinaboy ang mga tibaro mula sa Sibol ay nagugutom ang mga ito tuwing sumasapit ang gabi ng dugon. At ang kapwa tibaro nila ang kanilang kinakain,” malungkot na sabi ni Montar.

“Ano? Puwede ba `yon?”

Natigilan sila nang may tibarong humampas sa rehas ng bintana. Isa itong manananggal—may itim na pakpak at may mabalahibong mukha.

Napasigaw si Moymoy. “Montar, ang babaeng nagtanong kung may diwani ako!”

“Siya nga…” malungkot na sagot ni Montar.

Umiiyak ang manananggal na humihingi ng saklolo habang nakahawak sa rehas ng bintana ng tore. Hanggang sa hablutin ito ng isang lumilipad na aswang na nagkatawang malahalimaw na hayop. Nilapa nito nang nilapa ang manananggal.

Si Wayan ay napako sa kinatatayuan habang pinagmamasdan ang nangyayari sa labas ng bintana. Wala siyang tigil sa pag-iyak. Napaisip siya —Ang lahat ng ito’y kagagawan ni Buhawan…

SAMANTALA, sa ibaba na kinaroroonan ng mga tibaro, makikitang bawat isa sa kanila ay nakakulong sa kani-kanilang mga bahay. Ang iba’y kasalukuyang nag-iiba ang mga anyo. Nag-iiba ang mga mukha at pangangatawan ng mga manananggal, nagkakaroon ng balahibo at lumalabas ang kanilang maiitim na pakpak sa likuran. Nanlilisik ang kanilang mga mata at may mga pangil na lumalabas sa bibig. Ang kanilang mga kuko ay tumutulis. Nagsisigaw sila at biglang nakakaramdam ng matinding gutom. Pinipilit nilang kumawala sa mga bintanang maliliit ng kanilang bahay. Ang kanilang mga pinto ay nakasara at may harang na kahoy upang hindi magbukas at hindi sila makalabas. Ang mga aswang naman ay napipilitang magpalit ng mga anyo. Sila ay nagiging mababangis at malahalimaw na mga hayop—iba’t ibang mga hayop. Lahat sila’y hayok at gustong kumain. Umiiyak sila at nagkukumawag sa kani-kanilang mga bahay—gutom na gutom at gustong kumawala para kumain ng laman.

Ngunit may ibang mga aswang at manananggal na nakakawala dahil nasisira nila ang tarangkahan ng kanilang pinto sa walang tigil na pagkabog at pagtulak dito. Ang mga nakakalabas ng bahay ay hayok na hayok—kinakain ang bawat makitang laman.

SA TORE ay dinig na dinig nina Wayan, Montar, at Moymoy ang taghoy ng mga tibarong nilalapa ng kapwa tibaro. Nakita nila kung papaano tinalo ng isang manananggal na lumilipad ang isang aswang na nagpalit ng isang anyong malahalimaw na hayop. Nakita nila kung papaano dagitin ng manananggal, at warakin ng matatalim na kuko, ang aswang, at dukutin ang kanyang tumitibok-tibok pang puso. Hindi binitawan ng manananggal ang aswang dahil pagkatapos nitong kainin ang puso ay tuluyan nang winarak ang tiyan ng aswang at lumabas ang natitirang lamang-loob. Dagling sinalo ng manananggal ang mga ito upang hindi tuluyang mahulog sa lupa. Pagkatapos ay dumating pa ang isang manananggal at pinag-agawan ang aswang na naghihingalo. Ilang saglit lamang ay bumalik sa tunay na anyo ang aswang. Wala na itong buhay, luray-luray na ang laman at lasog-lasog na ang mga buto. Patuloy na lumipad palayo ang dalawang manananggal habang pinagpipiyestahan ang mga buto at laman ng aswang.

Napayuko si Wayan habang walang tigil sa pag-iyak. Hindi niya matagalan ang kanyang nakikita. “Kailangang makita natin si Buhawan para isauli niya ang kanyang mga ninakaw sa Panalturan at matapos na ang paghihirap nating mga tibaro.” May lungkot ang tinig ni Wayan nang muling napasulyap sa mga kapwa tibarong naglalapaan. “Sa ganoong paraan lamang mababawi ang sumpa ng mga Apo.”

“Bakit hindi n’yo po hanapin si Buhawan?” tanong ni Moymoy.

“Matagal na panahon na siyang nasa Amalao. Pero dahil nag-iiba siya ng anyo ay mahirap siyang hanapin. Ilang beses na namin siyang hinanap, pero tuwing may uutusan kaming tibaro upang hanapin siya sa Amalao ay hindi na sila bumabalik dito sa Gabun.”

Huminga nang malalim si Wayan at itinuloy ang pagkukuwento. “Itinago ng iyong ama ang kinaroroonan ng Panalturan para hindi na ito matagpuan ni Buhawan.”

“Paano?”

“Sa tulong ng iyong ina,” sagot ni Montar.

Natigilan si Moymoy na napatingin kay Montar. “Ang aking ina?” Napuno ng tanong ang mukha ni Moymoy, may kirot na nadama sa kanyang puso. Ang aking tunay na ina?!

“Oo, Moymoy,” sagot ni Wayan. “Isang diyosa ang iyong ina. Isa siya sa mga Apo ng Sibol kaya may diwani siya at labis na kapangyarihan. Habang nag-aagaw-buhay si Ronado ay ibinulong niya ang kahilingan sa iyong ina na itago ang mapa na kinaroroonan ng Panalturan.”

“Kung gayon, alam ng sinasabi ninyong tunay kong ina ang tungkol sa mapa. Nasa kanya ang kabuuan ng mapa?” tanong ni Moymoy.

“Oo, Moymoy,” sagot ni Montar. “Iyang mapa sa iyong dibdib ay namana mo sa iyong ina.”

“Bakit kalahati lang ang namana kong mapa?”

Nagtinginan sina Montar at Wayan, hindi nila masagot ang tanong ni Moymoy.

Napatingin silang muli sa bintana nang marinig ang malakas na paghiyaw ng mga tibaro sa labas ng kastilyo. Pagkatapos ng ilang sandali ay hinawakan ni Wayan sa magkabilang braso si Moymoy, umupo siya upang magpantay ang kanilang mga mukha. Inilapit niya ang mukha kay Moymoy na parang gustong bigyang-diin ang mga sasabihin. “Hindi dapat matunton ni Buhawan ang mapang namana mo kay Diyosang Liliw, dahil uubusin niya ang lahat ng Ginto ng Buhay.”

“Ang sinasabi n’yo pong tunay kong ina, nasaan siya?” tanong ni Moymoy. “Bakit `di n’yo kunin sa kanya ang buong mapa?”

“Hindi mahalaga sa amin ang kinaroroonan ng Panalturan. Ang mahalaga ay hindi magtagpo ang landas ninyo ni Buhawan dahil kailangan niya ang mapa. Ang isa pa’y wala siyang kakayahan na makuha ang buong mapa sa iyong ina. Higit na makapangyarihan ang iyong ina kaysa sa kanya,” sagot ni Wayan.

“Kung hinahanap ako ni Buhawan, siguro po’y alam nga niya kung nasaan ang isa pang kalahati ng mapa,” mabilis na sagot ni Moymoy.

Saglit na hindi nakasagot sina Montar at Wayan sa sinabi ni Moymoy.

Isa ka ngang matalinong bata, Moymoy. Naiiba ka sa iba pang mga batang tibaro, napaisip si Montar.

“Eh, ang nanay ko po? Saan ko po ba siya matatagpuan dito sa Gabun? Bakit hindi siya ang nag-alaga sa akin? Bakit niya ako ipinamigay?”

May nagharing saglit na katahimikan bago sinagot ni Montar ang tanong ni Moymoy. “Mahigpit na ipinagbabawal ng mga Apo ang pakikipag-ugnayan sa isang tibaro. Sinuway ng iyong ina ang Liya ng mga Apo nang umibig siya at nakipag-ugnayan sa isang tibaro na kagaya ni Ronado—ang iyong ama.

Ang Liya ay ang mga batas at panuntunan na sinusunod ng mga Apo. Kaya ipinadala ka ng iyong ina sa Amalao noong sanggol ka pa lamang ay dahil hindi matanggap ng kapatid niyang mga Apo ang kanyang naging pagkakasala.”

“Kahit na sino sa amin dito sa Gabun ay walang magtatangkang mag-alaga sa `yo dahil ikaw ay bunga ng malaking pagkakasala ni Diyosang Liliw,” dugtong naman ni Wayan.

Huminga nang malalim si Montar. “Balang-araw. Balang-araw ay mauunawaan mo rin ang lahat, Moymoy.”

“Gusto kong makita ang sinasabi ninyong tunay kong ina.” Hindi maitago ang pananabik sa tinig na iyon ni Moymoy.

Hindi maaari. Kailanman ay hindi mo makikita ang iyong tunay na ina. Ito ang nais sabihin ni Montar kay Moymoy.